ELLYZA
Hindi ko maipaliwanag ang sayang nararamdaman ko ngayon, para bang ang priceless malaman na tanggap ng mga magulang ko ang lalaking nasa tabi ko ngayon, na naniniwalang magiging future niya na ako. Kahit pa mayroon pa rin akong pagdududa sa loob-loob ko na mangyayari iyon ay hindi ko na lang iyon pinansin pa. Ang mahalaga ay kung ano ang nangyayari sa kasalukuyan at tsaka na lang pagplanuhan kung ano ba ang dapat na intindihin sa future na ‘yan. “Gusto mo bang sumama sa bahay namin, Jere...miah?” pag-aaya ni mama na medyo hindi pa rin sanay sa pagtawag sa kaibigan ko ng ganoon.
Bigla akong nakaisip ng ideya kaya hinatak ko muna ang braso ni mama kasi papasok na sana siya sa loob ng kotse. “Ma, gusto mo bang tawagin na lang din si Jeremiah na Gem kagaya ko? Pati na rin ikaw Pa, kung gusto niyo lang naman. Mukhang nahihirapan kasi kayo sa pagtawag sa kanya sa pangalan niya eh,” sabi ko tsaka ko siya binitawan para makaharap siya sa amin ng matino.
Hinawakan ni mama ang kanyang baba tsaka siya tumango at pinamalas niya sa amin ang kanyang napakagandang ngiti dahil sa kompleto niyang ngipin na halos kuminang pa sa sobrang linis at puti nito. “Gem… Pwede naman, mas maikli, maganda at mas madaling bigkasin kumpara sa Jeremiah,” tugon ni mama kasabay ng paglingon niya sa gawi ng lalaki. “So ano Gem, gusto mo bang sumama sa amin pauwi sa bahay namin?” pag-aaya pa ni mama uli sa lalaki at doon ko lang napansin ang pananahimik ni papa.
“Kung hindi po ako makakagulo sa inyo at kung wala po kayong mahalagang gagawin sa bahay ay hindi na ako tatanggi pa. Gusto ko rin po kasing malaman kung saan nakatira si Yzza para sa susunod ay hindi ako mahirapan maghanap sa kanya, lalo na ngayong hindi pa kami nagkakapalitan ng contact number o maski social media,” masiglang pagtanggap ni Jeremiah sa alok ni mama. Hindi ko inaasahang ganun-ganun na lang kadali siya mapapayag ni mama, o baka naman hindi lang siya makatanggi kasi mga magulang ko ang kanyang kaharap? Baka hinahanap na siya sa kanila, ako pa ang mapagbuntungan niya ng galit pag nagkataon.
Pumasok na si mama sa loob ng kotse at katulad kanina ay siya pa rin ang nanatili sa driver’s seat, si papa naman ay naiwan lang habang ang dalawa ko namang kaibigan ay sumunod na sa loob ng kotse at pumasok sila sa daan ng backseat. Iniwan naman nila ako ng lugar sa gitna para roon ako maupo, mukhang rinerespeto talaga ako ni Reona at ayaw niyang isipin kong inaagawan niya ako kay Jeremiah kahit pa hindi ko naman iyon iisipin kahit kailan. Ewan ko ba, kahit pa magkaroon na ako ng karelasyon, si Jeremiah man o ibang lalaki, kahit kailan ay hindi sasagi sa utak ko ang kaisipan na baka kung ano ang gawin ng mga kaibigan kong babae sa karelasyon ko, na baka kapag wala ako ay agawin nila ang atensyon ng jowa ko o kung ano pa. Malaki lang siguro ako magbigay ng tiwala, kahit pa alam kong hindi naman iyon makabubuti masyado para sa akin kasi may posibilidad na maloko ako ng ilang ulit. Nagtataka akong tumingin kay papa dahil mula pa kanina ay wala siyang kibo sa akin simula pa nung ipakilala ko si Jeremiah, hindi ko alam kung ano ang nilalaman ng isipan niya at kung ano ba talaga ang naging reaksyon niya. Siguro dahil isa rin siyang lalaki ay hindi niya matanggap na mayroon agad nagbigay sa akin ng ganitong klaseng bulaklak sa unang araw ng paglabas ko kasama ang isa kong kaibigan. “Pa?” tawag ko sa kanya at dali-dali naman siyang lumingon sa akin para tingnan ako sa aking mga mata. “May gusto ka po ba sabihin sa akin na hindi mo masabi dahil kasama natin sila?” seryosong tanong ko sa kanya at nang makita ko siyang tumango ay tinanguan ko rin siya pabalik.
Kumatok ako saglit sa salamin ng pinto sa tabi ni mama at maya-maya lang ay bumaba na iyon. “Bakit Yzza? May nakalimutan ka ba sa loob ng mall?” nagtatakang tanong niya sa akin.
“Wala Ma, may gusto lang sana kaming pag-usapan ni papa saglit. Hindi naman magtatagal, mga ilang minuto lang ay tapos na kami,” mabilis na sabi ko at akma na akong aalis kasama si papa pero mas nauna siyang pumigil sa akin.
“Yzza, teka,” ani mama kaya napalingon ako sa kotse kung saan siya nakasakay. “Hindi ba pwedeng sa loob na lang kayo mag-usap ni Dad?” usisa pa niya, marahil ay gusto rin niyang malaman kung ano ang sasabihin ni papa sa akin at kung ano rin ang sasabihin ko kay papa.
Umiling ako kay mama. “Hindi Ma eh,” diretsong sagot ko. “Huwag po kayong mag-alala, pag-uwi rin naman natin eh sasabihin din sa ‘yo ni Papa kung ano ang napag-usapan namin. Pero sa ngayon, sa tingin ko eh gusto ni Papa na kami lang muna ang magkausap para maging maayos ang daloy ng conversation namin.” Hinayaan na kami ni mama kaya nagpunta na kami ni papa sa kung saang malayo at hindi kami maririnig. “Pa, anong meron? May problema po ba?” mahinahong tanong ko sa kanya.
Subalit, ang inaasahan kong mapayapa at kalmadong pag-uusap ay tila ba’y naglaho ng parang bula. Dumabog si papa sa lapag ng sobrang lakas na sinabayan pa niya ng napakataas na tono ng kanyang boses. “Anong sa tingin mo ang ginagawa mo, Ellyza Clementine!” bulyaw niya sa akin sa halip na tanungin lang niya ako ng mahinahon kagaya ng pag-approach ko sa kanya. Hindi agad ako nakasagot kasi hindi ko naman inaasahan iyon, kahit pa alam ko namang magiging patungkol din kay Jeremiah ang aming pag-uusapan. “Bakit ka nagsama ng lalaki rito at hindi ka muna nagtanong sa amin bago ka bumalik sa parking lot? Tsaka kasama mo naman si Reona ah? Pwede naman kayong dalawa na lang ang magtulungan para makapunta kayo sa arcade o sa garden, o kahit pa saan niyo gustong pumunta. Pero bakit sa isang lalaki na hindi niyo pa kilala kayo naghanap ng tulong? Edi sana ‘di ba, tinawagan mo na lang kami ng Mom mo para kami na lang ang tumulong sa inyo!” sunod-sunod na sabi ni papa at hindi pa rin bumabalik sa normal ang kanyang pananalita, para bang galit na galit siya at mauubusan na siya ng hininga sa labis na bilis ng kanyang pagsasalita. Lumalabas na rin ang kanyang mga ugat sa kanyang noo at halos namula na rin ang buong mukha niya dulot ng matinding galit.