ELLYZA
Kasalukuyan na kaming pababa ng hagdan sa exit at natatanaw ko na mula rito ang aming kotse na ginamit ni mama. Ngayon pa lang ay kinakabahan na ako, paano pa kapag nakita ko na ang mukha ng mga magulang ko? Baka bigla na lang ako magtago sa likod ni Reona sa sobrang kaba at hindi ko na magawang sabihin pa ang gusto kong sabihin sa kanila. Ramdam ko ang pawis na namumuo sa aking mga palad kahit pa hawak ko lang naman ang mga bulaklak. Baka mamaya ay isipin nina mama at papa na para sa kanila ito parehas, kaya kailangan ko talagang ipaliwanag ang aming naging sitwasyon sa loob ng mall kahit pa maging mahirap o hindi maganda ang kahihinatnan. Ayaw ko na mag-isip pa muna ng kung anong consequence nito pagdating namin sa bahay, baka kasi magkunwari lang sila na okay lang sa kanila na narito ang presensya ni Jeremiah tapos pagkauwi namin sa bahay ay tsaka nila ako parusahan. Ayaw ko na maranasan pa ang paluhurin ako sa sandamakmak na asin habang mayroon akong binabalanseng mga libro sa ibabaw ng aking magkabilang kamay. Ang simpleng pag-alala nga lang ng pangyayaring iyon ay hindi ko na agad kaya pang balikan, paano pa kapag naulit?
“Malapit na tayo, nakikita ko na sina Tita at Tito,” anunsyo sa amin ni Reona, wala na akong ibang nagawa kundi ang lumunok at sa palagay ko ay iyon na lang din ang nagawa ni Jeremiah. “Handa na ba kayong dalawa?” Tumingin si Reona sa amin para kumustahin ang aming lagay at puno naman ng gulat ang kanyang ekspresyon nang masilayan niya kami. Napasulyap na lang din ako kay Jeremiah at halos mapahalakhak ako kasi parehas na parehas ang aming itsura sa mga oras na ito. “Ano ba kayong dalawa? Parang parehas naman kayong ipapakilala sa mga magulang ko eh. Hindi naman ganoon ang magaganap mamaya, kahit pa hindi ko pa masyadong kilala ang mga magulang ni Ellyza,” aniya na para bang desidido siya sa kanyang sinabi na parang hindi rin naman.
Pilit kong pinakalma ang aking sarili tsaka ako tumayo ng tuwid, ako na lang ang nanguna sa paglalakad hanggang sa marating ko na ang tapat ng kotse nila mama. “Hi Mama,” lumapit ako kay mama para yakapin siya at bigyan ng halik sa pisngi, inabot ko na rin ang bulaklak na binili ko para sa kanya. “Hi Papa,” ganoon naman din ang ginawa ko kay papa bago ako dumistansya sa kanilang dalawa. Bakas sa kanilang mukha na natutuwa sila sa aking ibinigay at parang they are out of words na agad. “Binili ko para sa inyo ‘yan, hindi na ako masyadong nakapili pa kasi malapit na ang oras na napag-usapan natin. Kaya nagmadali na rin ako baka kasi iwanan niyo talaga kami,” pagdadahilan ko, kahit pa ang totoo ay naubos lang kasi ang oras namin ni Reona sa paglalaro sa arcade, hindi na kasi namin napansin ang mabilis na paglipas ng oras kasi nga nage-enjoy naman kami pare-pareho.
Ngumuso si mama sa hawak-hawak kong bouquet. “Eh ‘yan, para kanino ‘yan?” usisa niya sa akin. Sa puntong din iyon ko lang din naramdaman ang pagdating nila Reona at Jeremiah sa aming kinaroroonan at nanatili lang silang nasa likuran ko para hindi kami magulo sa aming pag-uusap.
“A-Ah, eh…” Wala akong maisagot sa kanya, sa pag-iisip na pagagalitan niya ako sa harapan mismo ng aking mga kaibigan.
“Hello po Tita, Tito,” bati sa kanila ni Reona at tumabi naman siya sa akin.
Hindi ko inaasahang maski si Jeremiah ay ganoon ang gagawin, bigla na lang din siya tumabi sa akin at yumuko sa harap ng mga magulang ko. “Magandang tanghali po sa inyo,” bati naman ni Jeremiah bago siya tumingala sa kanila.
Katulad naman ng aking inaasahan ay puno na ng pagtataka sina mama at papa. “Sino ‘to? Kaklase niyo rin ba ‘to sa school niyo?” naguguluhang tanong naman ni papa habang nakaturo sa lalaki. “Hindi niyo naman ‘to kasama kanina ah. Anong ginawa niya sa inyong dalawa?” dugtong pa niya sa nauna niyang mga tanong.
Nakahinga naman ako ng maluwag nang mapansin kong hindi naman sila galit, at talagang gusto lang nila malaman kung bakit nga ba naman pag-alis namin eh kaming dalawa lang ni Reona tapos pagbalik eh may kasama na kaming iba. "Siya po si Jeremiah Callaghan, wala po siyang ginawang masama sa amin. Sa katotohanan pa nga po niyan eh tinulungan niya po kami makapunta sa arcade at pati na sa garden. Hindi kasi namin alam kung saan ang tamang direksyon kaya kung hindi niya kami pinansin ay malamang sa malamang, naligaw na kami ng landas ni Reona," pagpapakilala ko kay Jeremiah, sinulyapan nila mama at papa ang lalaki bago ibinalik ang tingin sa akin. "Nagkakilala at nagkausap naman na rin kaming tatlo at sa maiksing oras na iyon ay masasabi kong mabuti siyang tao. Binilhan pa nga niya ako ng paborito kong bulaklak Ma, oh," prinisenta ko sa tapat nilang dalawa ang hawak kong bulaklak. Sa mga oras na ito ay gusto ko na lang malibing ng buhay sa kailalim-laliman ng lupa kasi nahihiya talaga ako, hindi ko naman inaasahang magiging ganito ako kadaldal dahil lang sa pagpapakilala sa iisang lalaki. "Ma, Pa… Pwede ko ba mahingi ang permiso ninyo na maging kaibigan ko si Jeremiah? Siya nga pala, Gem ang palayaw ko sa kanya, baka po magtaka kayo kung sakaling mabanggit ko ang Gem at hindi niyo malaman kung sino ang tinutukoy ko," dugtong ko pa sa aking pahayag.
Ilang minuto ang nakalipas at pinalibutan na kaming lima ng matinding katahimikan pagkatapos kong itanong iyon. Kinakabahan tuloy ako lalo kasi baka hindi sila pumayag kahit pa magkaibigan lang naman ang sinabi ko.
"Sigurado ka ba talagang gusto mo maging kaibigan 'tong si ano… Uh, Jeremiah?" tanong ni mama sa akin, medyo nag-isip pa siya kung tama ba ang sinabi niyang pangalan kaya tumango ako sa kanya.
"Siguradong-sigurado, Ma," mariin na sagot ko upang madama nila ang aking determinasyon. "Hindi naman ako magpapabaya sa pag-aaral ko dahil lang nagkaroon ako ng isang kaibigan na lalaki. Ayaw ko lang po talagang maglihim pa sa inyo ng kahit na ano kaya heto ako ngayon, naglalakas loob na manghingi ng inyong pagsang-ayon," sambit ko.
"If it would make you happy, Yzza, edi go!" masayang saad ni mama sa akin tsaka siya humakbang palapit sa akin para yakapin ako.