ELLYZA
Napadapo ang paningin ko sa isang keychain na dragon. Hindi ko matandaan kung kailan ko iyon nakuha o nabili, pero siguro ay regalo lang iyon sa akin nina mama at papa. Lumapit ako sa lamesa sa tabi ng aking kama tsaka ko dinampot ang keychain na iyon. Nilapag ko na lang din muna roon sa lamesang iyon ang mga bulaklak at stuff toy na ibinigay sa akin ni Jeremiah. Nang humarap na ako kina Reona at Jeremiah ay kapwa silang nagtataka ang mga tingin sa akin kaya bumalik na ako sa pwesto ko kanina, pero sa pagkakataong ito ay sa lalaki lang nakatuon ang aking atensyon. “Gem,” tawag ko sa kanya at nginitian lang niya ako kaya ipinagpatuloy ko na ang binabalak kong sabihin at gawin. “Sa ‘yo na lang ‘to,” ani ko tsaka ko nilahad ang kamay ko sa kanya kung saan naroroon ang keychain. Yumuko siya para tingnan kung ano iyon tsaka niya dali-daling kinuha iyon mula sa aking palad. “H-Hindi ko alam kung kailan ‘yan niregalo sa akin ng mga magulang ko pero… para maalala mo rin ako, ibibigay ko na lang sa ‘yo iyan. N-Nagkataon lang na dragon din ang nasa keychain katulad ng kinuha mong stuff toy sa akin sa arcade kanina,” nahihiya kong sabi kahit pa iyon naman talaga ang totoo.
Ini-stretch ni Jeremiah ang magkabila niyang braso at akmang lalapit sa akin para yakapin ako pero agad akong umiwas sa kanya kaya muntikan siyang mawala sa kanyang balanse at matumba sa lapag, mabuti na lang ay nagawa niyang i-control ang kanyang mga paa. Tumikhim siya tsaka niya inayos ang kanyang pagkakatayo. Itinapat niya ang kamao niya kung saan nakakulong ang keychain na iyon sa harapan ng kanyang dibdib. “I’ll make sure to cherish this,” malambing niyang sambit at nang ngumiti siya sa pangalawang pagkakataon ay tumagos na iyon sa aking puso. Para bang napakagaan ng kanyang mga ngiti na kahit na sino ay madadamay na lang basta-basta. “Thank you sa keychain na ‘to, Yzza. Kahit pa may ibinigay ka man o wala sa akin, hinding-hindi naman kita makakalimutan, pero maraming salamat pa rin talaga,” sinserong saad pa ni Jeremiah tsaka niya ibinulsa ang keychain. Hindi naman siguro iyon mahuhulog kaya hindi ko kailangang mag-alala, tsaka isa pa, siya naman ang bahalang magbantay roon at choice niya na rin ‘yun kung pababayaan niyang mawala na lang ‘yun basta-basta.
“O’ siya, tara na sa bahay ni Reona,” pag-iiba ko ng usapan tsaka ko sila iniwan sa kwarto ko. Naramdaman ko naman ang mga pagyapak nila sa lapag na hudyat na sumusunod lang sila sa mga hakbang ko. Habang pabalik kami sa sala ay sinalubong naman kami ni mama. “Ma, aalis na kami,” anunsyo ko sa kanya.
“Bakit namumula ‘yang mukha mo? May allergy ka ba?” magkasunod na tanong ni mama sa akin tsaka niya hinawakan ang mukha ko. Sa hiya ko naman ay napaiwas na lang ako ng tingin sa kanya tsaka ko siya tinakbuhan, naiwan silang tatlo sa sala ng wala man lang naririnig na sagot mula sa akin. Mabuti na lang ay wala si papa roon dahil baka kung ano na naman ang isipin niya at mapalayas pa niya si Jeremiah pagkatapos ng lahat ng aming napag-usapan kanina. “Anong nangyari?” nagtatakang sabi ni mama. Kahit naman tumakbo ako ay naririnig ko pa rin sila dahil hindi pa naman ako lumalabas ng bahay namin.
“Aba eh kinikilig yata ‘yan si Ellyza kahit wala naman kaming ginagawa sa kanya,” sagot naman ni Reona kay mama kaya bigla akong napatingin sa kanila at pare-parehas naman silang humahalakhak. Mas napatuon ang mata ko kay Jeremiah at napansin kong maski siya ay bahagyang namumula ang magkabilang pisngi, binabalewala lang siguro nila dahil mas maganda akong asarin. “Tita, mauna na po kami. Ihahatid ko na lang po si Ellyza bukas kapag nakauwi na kami galing ng school, baka kasi anong oras na siya magising kaya roon na lang din kami kakain sa bahay namin, kung pwede lang naman po. Pero kung hindi, ihahatid ko na po siya bago pa sumikat ang araw,” paalam ni Reona kay mama. Wala sa usapan namin na didiretso na ako ng school kapag nagising ako, kaya maski ako ay hindi ko alam kung pahihintulutan kami ni mama.
“Ganun ba? Saglit lang ah, may kukuhanin lang ako,” sambit ni mama tsaka siya nagmamadaling umalis doon. Nagtaka ako kung ano ang kailangan niyang kuhanin eh sasagot lang naman siya. Hindi nagtagal ay bumalik si mama habang may dala-dalang uniporme at mukhang sa akin iyon kaya sa akin siya lumapit, sa halip na bumalik siya sa kanyang kinaroroonan kanina. “Oh, baka makalimutan mong mahiya sa kaibigan mo. Baka pati uniform niya eh makigamit ka pa,” pang-aasar sa akin ni mama tsaka niya pinatong sa braso ko ang uniporme ko para bukas at ang iba ko pang kasuotan. “Mag-ingat kayong tatlo sa labas, huwag kayong gumala sa gabi ah. Kapag kayo nakita ko sa kalsada ng hatinggabi, malilintikan talaga kayo sa akin kahit pa mga bata lang kayo. Iyon lang naman ang pakiusap ko sa inyo, magdoble ingat kayo. Kapag may nangyaring masama sa inyong tatlo ay hindi na ako papayag pa kahit kailan na lumabas ‘tong si Yzza,” mahabang wika ni mama sa amin tsaka niya ako yinakap at binigyan ng saglit na halik sa aking noo. Tinulak na niya ako palabas sa bahay at sumunod naman sina Jeremiah at Reona kaya kumaway na kaming tatlo sa kanya bago kami nakapagpasiyang umalis na roon ng tuluyan.
Sinulyapan ko na muna ang pagsara ng pinto ni mama bago ako humarap sa dalawa kong kaibigan. “Wala na ba kayong nakalimutan?” usisa ko sa kanila, ayaw ko kasing magpabalik-balik pa kami sa bahay namin para lang may makuhang kung ano dahil aksaya lang iyon sa aming oras.
“Wala, tara na,” hinatak ni Reona ang braso ko kaya muntikan pa niya akong makaladkad, mabuti na lang ay nagawa kong sumunod sa bilis ng paglalakad niya. Hindi naman nahirapang sumunod sa amin si Jeremiah dahil lalaki naman siya at mabilis siyang tumakbo, ilang beses pa nga niya kaming muntikan maunahan.