ELLYZA
Kalalabas ko lang ng bahay namin. Nagpupumilit pa kanina si papa na ihahatid na niya ako papunta sa school, kahit pa hanggang sa gate lang pero mas matigas ang ulo ko, hindi ako pumayag hanggang sa siya na lang ang nagsawa at bumalik na siya sa loob ng bahay kasi kailangan na rin nilang mag-asikaso ni mama para sa trabaho nila ngayong araw. Nagmadali na ako sa aking paglalakad kasi malapit na tumunog ang bell na siyang magbibigay ng sign sa amin na oras na para sa unang klase namin. Sa gitna ng aking paglalakbay papunta sa school ay biglang nahagip ng paningin ko ang isang tindero ng balut, hindi ko maintindihan kung bakit pero biglang tumalon ang puso ko at bumilis ang t***k nito. Hindi sa taong nagtitinda, bumilis ang t***k ng puso ko dahil sa katotohanang may stall ng balut malapit sa aming school at kakaiba ang pakiramdam na dulot niyon sa akin. Para bang mayroon akong nakakalimutan, ngunit kahit gaano ko katagal titigan ang tindahan ng balut na iyon ay wala namang sumasagi sa aking isipan. Agad kong kinilos ang mga paa ko dahil umaandar na ang mga sasakyan sa aking gilid, huminto ba naman ako sa gitna ng kalsada eh. Binalewala ko na lang ang tindahan na iyon tsaka ako nagpatuloy sa aking pagpunta sa aming school. Hindi naman nagtagal ay narating ko na nga ang gate namin at nandito na naman ang masungit na bantay ng aming paaralan, na akala mo ay siya ang may-ari ng buong eskuwelahang ito. Napabuntong hininga ako tsaka ko inayos ang I.D ko, hinarap ko ang side kung saan nakikita ang picture ko, section ko at pati na ang pangalan ko. “Good morning po,” magalang na pagbati ko sa kanya. Hindi ako binati ni manong guard, tinarayan lang ako ng kanyang mga mata habang chine-check niya ang nilalaman ng bag ko. Sinilip na rin niya ang I.D ko kung sa akin ba talaga iyon, tiningnan niya iyon sa magkabilang side nito bago niya iyon binitawan. Isinauli na rin niya sa akin ang bag ko na para bang papel lang iyon sa sobrang gaan, pero nung ako na ‘yung humawak eh parang ilang mabibigat na bato ang nasa loob niyon. Dire-diretso na ako maglakad hanggang sa narating ko na ang classroom namin, wala namang pagbabago roon at pare-parehas pa rin silang maiingay dahil wala pa naman ang aming guro. Tinitingnan nila ako at para bang inoobserbahan nila ang bawat kilos na gagawin ko. Nakaramdam ako ng kaba pero bigla ko na lang din naalala ang sinabi ko kina mama at papa, na ipinapangako ko na sa kanilang hinding-hindi na ako magpapa-api pa sa kahit na sino sa kanila. Kaya, kampante ako sa aking paghakbang at siniguro ko na munang walang kung anong nakalagay sa upuan at lamesa ko para hindi na ako mapahiya kagaya dati. Mabuti na nga lang eh mukhang tahimik lang sila sa panggugulo sa akin, hindi ko lang alam kung hanggang kailan sila tatagal na ganito, baka mamaya eh nagpapahinga lang pala sila tapos mayroon na silang binabalak na mas malala pa kaysa sa mga nauna nilang ginawa sa akin. Inayos ko na ang bag ko, inilagay ko iyon sa likod ko kaya medyo hindi ako makaupo ng maayos. Napatingala ako sa mga bintilador nang mapansin ko na bahagyang mainit pa sa classroom, doon ko lang napagtanto na hindi pa pala iyon umaandar at wala pa yata silang balak na buksan iyon na para bang hindi man lang sila nakadarama ng init sa katawan.
Ilang segundo lang ang nakalipas ay bigla akong kinalabit ng isa sa mga kaklase ko. “Anong tinitingin-tingin mo? Mainit ba?” tanong niya sa akin, isa iyong babae na hindi ko na maalala ang pangalan. Wala akong balak na tandaan ang mga pangalan ng mga ganitong klaseng tao, maaalala ko lang sila sa oras na mayroon silang ginawang mabuti sa akin. Mas maganda naman din iyon, kaysa maalala ko pa ang kung sino na puro masasama lang naman ang dulot sa buhay ko. Napansin siguro niya na kanina ko pa pinagmamasdan ang mga bintilador at pati na rin ang mga kaklase namin na nasa tabi lang naman ng switch niyon na hindi man lang nila magawang pindutin. “Talagang wala kaming balak na buksan ‘yan. Tutal, may aircon naman kayo sa bahay niyo ‘di ba? Bakit hindi mo na lang dalhin dito para naman may magawa kang ikatutuwa namin?” nakalolokong sabi niya na sinabayan pa niya ng tawa. Napakunot ang noo ko sa pagkairita sa kanyang pananalita na akala mo eh kung sino siya na marami nang nagawang mabuti. Sinabayan naman siya ng iba pa naming kaklase sa kanyang pagtawa at ginawa nilang katuwaan ang sinabi niyang iyon.
Tila ba’y isang anghel ang bumulong sa akin nang maalala ko na naman ang pangakong binitawan ko kina mama’t papa. Na hindi na ako magpapa-api sa kahit na sino, at hindi na ako maglilihim pa sa kanila. Kaya, sa araw na ito ay naganap ang isang pangyayari na kahit na sino sa amin ay hindi inaasahang mangyari. Tumayo ako mula sa aking upuan tsaka ko hinarap ang babaeng kumalabit at nang-aasar sa akin kanina. Ang unang ginawa ko pa lang ay ang sinamaan ko siya ng tingin, pero ang kaisa-isahang kilos ko na iyon ay naging sapat na para mapaatras ko siya sa kanyang kinatatayuan. Paano pa kaya kung magsimula na akong gumanti sa kanya? Pinasok ko ang kamay ko sa loob ng aking bulsa tsaka ko kinuyom ang kamay kong iyon, kahit na ganito ay hindi ko pa rin maiwasang maramdaman ang labis na kaba dahil sa unang pagkakataon ay maghihiganti na ako. At hindi ko iyon pwedeng ipakita sa kanila, na kinakabahan ako. Dahil alam kong mas magiging agresibo lang sila sa oras na malaman nilang nagkukunwari lang akong matapang sa kanilang harapan. “Anong sabi mo? Dalhin ko ang aircon sa bahay namin papunta rito sa classroom namin para matuwa kayo sa akin?” patanong na pag-uulit ko sa kanyang sinabi. Sinimulan kong kurutin ang sarili kong palad gamit ang apat na daliri kong nasa loob ng aking bulsa.