ELLYZA
Makalipas ang ilang araw ay balik na sa normal ang aking buhay. Bumangon na naman ako sa malambot kong kama at tsaka ko ginawa ang aking mga kailangan asikasuhin sa bago ako pumasok sa school namin. Naligo na ako agad at nag-ayos ng gamit ko pagkatapos kong isuot ang nakalabas na uniporme sa closet ko, naka-hanger na lang iyon sa isang mahabang metal kaya hindi na naging mahirap pa sa akin ang maghanap ng isusuot ko. Mamaya na lang ako magsisipilyo kapag tapos na kaming kumain nina mama at papa. Umaga kasi ang klase namin kaya kailangan nilang bumangon ng mas maaga kaysa sa akin, umaga rin naman silang pumapasok sa trabaho nila pero mas maaga ako ng halos dalawang oras. “Good morning, Ma, Pa,” bati ko sa kanila sakto pagkalabas ko mula sa aking kwarto. Nakasabit na rin ang I.D ko sa leeg ko kasi delikadong hindi ko iyon madala, baka hindi pa ako makapasok. Isang beses lang ako nakalusot sa bantay sa gate na ‘yun, at alam kong hindi na iyon mauulit pa dahil mahahalata na niya akong nagdadahilan na lang. Binati naman ako nila pabalik kaya dumiretso na ako sa aming hapagkainan, ibinaba ko na muna ang bag kong puno ng aking mga notebook at ibang libro na gagamitin sa klase mamaya, marami pang kung ano-anong nakalagay at nakasiksik sa bag ko kasi masyado akong maarteng estudyante. Hindi naman sa totally maarte, gusto ko lang na palagi ako kumpleto sa bawat klase na pinapasukan ko, hindi ako ‘yung tipo ng estudyante na umaasa sa kapwa niya estudyante para lang magkaroon ng gagamitin sa buong oras ng klase. “May baon na po ba ako?” tanong ko sa kanila, bahala na kung sino ang maunang sumagot dahil sabay naman sila laging gumigising kaya alam nila parehas ang sasabihin nila.
“Kanina pa meron, Yzza. Hinanda ko na at nilagay ko na rin sa baunan mo. Ipasok mo na lang d’yan sa bag mo baka makalimutan mo pa. Fried rice ‘yun na may bacon at nilagang itlog, tsaka sinamahan ko na rin ng corned beef at ilang pirasong kamatis,” sagot ni mama habang dala-dala niya ang kaserola papunta sa aming direksyon. Nasa tapat ko na si papa at parehas kaming naghihintay na lang sa ihahain ni mama, hindi naman inaasahan si papa sa mga ganitong bagay kasi kaya naman daw ni mama iyon mag-isa. Sinasabi niya rin palagi kay papa na magiging abala lang siya sa kanyang ginagawa kung tutulong pa siya, kaya ‘eto kami, parehas lang na nakatunganga kay mama. “Hindi pa ako nakakabili ng grocery natin kaya magtiis na muna kayo sa pritong manok at itlog. Almusal lang naman natin ‘to, bago makauwi si Yzza eh didiretso na ako sa mall para makapamili,” sabi niya sa amin, napansin kong medyo nalulungkot si mama dahil nga ito lang ang aming pagkain ngayon. Pero, sanay naman ako sa ganito lang at hindi naman ako naghahangad ng kahit na ano pa, sapat naman na ito sa amin at tatlo lang din naman kasi kaming kumakain dito.
“Ma,” tinawag ko siya para mabaling ang atensyon niya sa akin at mawala ang kalungkutan sa kanyang mga mata. “Hindi naman mahalaga sa amin ni Papa kung ano ang pagkain nakahanda sa hapagkainan. Basta luto mo, masaya na kami kasi alam namin kung gaano ka kasarap magluto,” nakangiting sabi ko kay mama at agad naman napawi ang lungkot niya sa simpleng pahayag na iyon. “Tsaka nga pala, kung hindi pa naman kayo nagugutom mamaya pagkauwi ko, pwede bang hintayin niyo na lang ako dumating?” tanong ko sa kanila.
“Bakit naman, Ellyza? May gusto ka bang ipabili kay Mom o sa akin? Sabihin mo na lang para hindi ka na mapagod pang dumiretso sa mall kasi manggagaling ka pa sa school, hindi lang ang katawan mo ang mapapagod, pati ang utak mo at ang enerhiya mo ay mauubos,” suhestiyon ni papa sa akin na may halong pag-aalala.
Kinuha ko ang platong may nakahandang kanin tsaka ako nagsandok para sa sarili ko bago ko iyon pinasa kay papa para siya naman ang kumuha ng porsyon niya. Kumuha na rin ako ng ulam kong pritong manok, iyong parte ng hita ang kinuha ko kasi iyon ang paborito ko, walong piraso naman iyon kaya dinoble ko na ang ulam ko tsaka ako dumampot ng itlog. Hindi pa naman iyon nakabalat kaya sinagot ko na muna si papa habang abala pa ako sa pagbabalat ng itlog. “Agad naman mapupuno ang enerhiya ko sa oras na makita at makasama ko na kayo ni Mama eh,” tugon ko kay papa.
“Anong meron? Bakit ganyan ka magsalita ngayon? Saan ka natuto ng mga ganyan at parang puno na ng pambobola ‘yang bibig mo, Yzza?” natutuwang komento ni mama sa gitna namin, siya kasi ang nasa gitna ng hapagkainan habang kami naman ni papa ay magkatapat sa magkabilang side ng lamesa.
Sabay kaming natawa ni papa sa sinabing iyon ni mama. “Hindi naman sa binobola ko kayo, seryoso ako sa mga sinasabi ko at alam niyo namang hindi ako marunong mangbola ‘di ba?” sabi ko sabay subo sa aking pagkain, nginuya ko muna iyon nang nginuya tsaka ako lumunok bago ako nagsalita. Mahirap kasing magsalita at magkaintindihan kung mag-uusap kami ng pare-parehas na may laman ang aming mga bunganga. “Gusto ko lang naman sumama sa mall para magkaroon din tayo ng bonding time, ewan ko lang kung makakasama si Papa sa atin, baka kasi nasa trabaho pa siya. Pero ‘di ba, sabay naman kayong umuuwi papunta sa bahay natin?” pagkaklaro ko sa kanilang dalawa, baka kasi mamaya ay mali ako tapos umasa akong magkakasama kami mamayang pupunta ng mall.
“Oo,” magkasabay nilang tugon.
“Edi mabuti!” masiglang sambit ko. “Sama na lang ako sa inyo papunta ng mall. Doon na lang din muna tayo kumain bago tayo mag grocery para hindi kayo magmadaling bumili kasi wala naman kayong hahabulin na oras dahil kasama niyo naman ako.” Inubos ko na muna ang lahat ng nasa plato at wala akong tinira kundi ang mga buto ng dalawang pirasong manok na kinuha ko kanina. Tapos naman na rin kumain sina mama at papa kaya kinuha ko na ang mga pinagkainan nila tsaka ko iyon niligpit sa gitna ng lamesa, pero pinigilan din ako ni papa.
“Ako na riyan Ellyza. Anong oras na oh, baka nakakalimutan mong may klase ka pa,” inagaw ni papa sa akin ang mga plato tsaka siya dumiretso sa lababo. “‘Wag mong kakalimutan ‘yung pinangako mo sa akin nung nakaraang araw ah,” pagpapaalala niya sa akin tungkol sa aming napag-usapan. Hindi ko naman iyon nakakalimutan at hindi naman ako lalabag sa aming napagdesisyunan, ayaw kong sirain ang tiwala nilang dalawa sa akin at sana ay hindi rin nila iyon sirain. Baka mamaya ay lumaban nga ako sa mga bully tapos malaman ko na lang kinabukasan ay sa ibang school na pala ako papasok.