ELLYZA
“Hindi ba pwedeng obserbahan ko muna kung ano ang magiging epekto ng panlalaban ni Ellyza simula sa mga susunod na araw na papasok siya sa kanyang klase? Nasabi naman kasi niyang lalaban na siya, baka sakaling ano…” pinutol ni papa ang kanyang sinasabi tsaka siya umiwas ng tingin sa amin, inalis pa niya ang kamay niya sa baba niya tsaka siya napayuko. Pinaglalaruan niya ang kanyang sariling mga daliri bago siya nagpatuloy na magsalita. “Baka sakaling magbago ang isip ko base sa magiging pagbabago ni Ellyza,” pabulong na sabi niya. Hindi na namin iyon pinaulit pa sa kanya kasi baka bigla na niya iyon bawiin at asikasuhin ang mga papeles ko sa school. Yinakap ko si papa, pinalibot ko ang mga braso ko sa kanyang tagiliran tsaka ko kiniskis ang pisngi ko sa kanyang dibdib. “A-A-Ano ba ‘yan, E-Ellyza? Lumayo ka nga, para ka namang ewan eh,” uutal-utal na bigkas niya, marahil ay nahihiya siya sa ginagawa ko ngayon. Hindi kasi kami nagyayakap at kung magkayakap man kami ay tuwing mayroon lang mahalagang mga events, hindi ‘yung mga ganitong klaseng nasa bahay lang naman kami at walang ibang ginagawa kundi ang mag-usap. “B-Bitawan mo na a-ako, Ellyza!” napasigaw na siya at nang tumingala naman ako sa kanya para makita ang mukha niya ay halos kasingkulay na ni papa ang isang kamatis na sobra na sa pagka-hinog. Subalit, sa halip na umalis na ako sa pagkakakapit ko sa kanya ay mas lalo ko lang iyon hinigpitan at siniksik ko pa lalo ang pisngi ko sa dibdib niya, rinig na rinig ko ang mabilis na pagtibok ng kanyang puso na akala mo ay nakakayapak niya ngayon ang kauna-unahan niyang crush. Hindi naman nagtagal ay sumuko na siya sa pagsusubok na ihiwalay ako sa kanya, sa halip na itulak niya ako palayo sa kanya ay bigla ko na lang din naramdaman ang kanyang mga braso na bumalot naman sa aking magkabilang balikat. Naaabot niya si mama kaya pati si mama ay sinali niya sa aming pagyayakapan, dumikit at dibdib sa akin ni mama sa likuran ko pero hindi ko na iyon pinansin pa dahil parehas naman kaming babae, “Maraming salamat sa pag-iintindi sa lahat ng ginagawa ko, Mom, Ellyza. Katulad ng sinabi ko kanina ay oobserbahan ko na muna si Ellyza sa kanyang klase, susunduin din kita sa tuwing oras na ng uwian mo kaya lumabas ka agad sa classroom niyo kung wala ka namang gagawin ah?” bilin sa akin ni papa.
Bigla ko siyang tinulak palayo sa akin matapos kong marinig ang kanyang sinabi. “Huh? Para mo naman akong ginawang estudyante sa kindergarten niyan, Pa! Nakakhiya,” komento ko bilang pagtutol sa gusto na naman niyang mangyari.
“Eh anong gusto mong gawin ko, Ellyza? Hindi naman ako pwedeng pumasok sa classroom niyo para bantayan ka hanggang sa makauwi ka. Wala naman din akong maaasahan sa mga kaklase mo na gawin iyon para sa akin. Paano ko malalaman kung makakapalag ka na sa mga bully na iyon kundi naman kita mababantayan din?” sunod-sunod na tanong ni papa sa akin na nagpaawang sa aking bibig kasi lahat ng sinabi niyang iyon ay mayroong punto. “Ikaw ang mamili, Ellyza. Gusto mo bang sunduin kita tuwing uwian mo na nasa gate lang naman ako maghihintay, o gusto mo bang ayusin na natin ang lahat ng dokumento mo ngayon na mismo para maasikaso na rin ang pag-transfer mo sa ibang school?” seryosong tanong niya sa akin.
“Dad!” singit ni mama, ang tanging tagapagtanggol at tagapagligtas ko, ang nagsisilbing kakampi ko. “Pinapairal mo na naman ‘yang pagka-selfish mo eh. Hindi naman na bata ‘yang si Yzza. Tsaka alam naman na natin ang nangyayari sa kanya sa school, hindi naman na siguro siya maglilihim pa sa atin ng kahit na ano lalo na kung konektado sa mga bully na iyon. ‘Di ba, Yzza?” Nagkatinginan kami ni mama at agad akong tumango sa kanya bilang pagsang-ayon at para makumbinsi niya muli si papa na pakinggan siya. “Oh, ‘kita mo na? Magtiwala ka na lang kasi sa anak natin, Dad. Malalaman naman din natin kung nagsisinungaling siya o hindi eh, tsaka base sa pagpapalaki natin sa kanya, hindi natin siya tinuruan kahit kailanman na magsinungaling. Siguro ang maglihim ng mga ganitong klase ng bagay ay napansin lang niya sa mga pinapanood niya,” sambit ni mama tsaka siya dumistansya sa akin. “Ang tagal na natin nag-uusap tungkol dito, hindi pa ba kayo nagsasawa? Baka nakakalimutan mong malapit na rin ang exam week ni Yzza. Kailangan niya ng matinding focus sa pag-aaral niya. Paano kung ikaw pa ang maging dahilan kung bakit babagsak ang matataas niyang grado, Dad? Anong gagawin mo? ‘Di ba hindi mo matatanggap lalo ang sarili mo kung pumalya si Yzza bilang maging honor student sa school nila?” pangongonsensya ni mama kay papa, halatang-halata sa mukha ni papa na kinakabahan na siya sa mga susunod pa niyang sasabihin. Iniisip na siguro niya na lahat naman ng gusto niyang mangyari ay hindi kailanman matutupad hangga’t tumututol sa kanya si mama, pero kahit na ganun ay ramdam ko pa rin ang pagmamahal niya para kay mama.
“Sabi ko nga hindi ko na siya susunduin sa oras ng uwian nila eh,” matamlay na sabi ni papa kasabay ng pagtaas niya ng magkabila niyang kamay, isang hudyat na siya ay sumusuko na at umaamin na sa kanyang pagkatalo sa diskusyon nila ni mama. “Ellyza Clementine,” tawag niya sa akin gamit ang buong pangalan ko, hinarap ko agad si papa kasi ayaw kong magalit pa rin siya kahit papaano pagkatapos niya akong pagbigyan sa mga gusto kong mangyari at sa lahat ng pagtanggi ko sa sinabi niya. “Maipapangako mo ba sa akin, pati na kay Mom, na hinding-hindi ka na papayag na ma-bully ka pa ng kahit na sino sa school mo? Kahit pa ‘yung mga dati pang nang-aapi sa ‘yo o baka magkaroon ng panibagong estudyante na sasali sa grupo ng mga bully. Maipapangako mo rin bang magiging tapat ka sa amin sa tuwing kukumustahin ka namin kung ano ang nangyari sa buong araw mo sa iyong klase, pati na sa paglalahad sa amin ng nararamdaman mo sa mga araw na iyon?” direktahang tanong niya sa akin.
Agad ko namang itinaas ang kanan kong kamay at pinantay ko ang braso ko sa aking balikat. Ini-straight ko ang mga daliri ko sa aking kamay at pininta ko sa mukha ko ang napakaseryoso kong mga tingin. “Pangako ko po sa inyo iyan, hinding-hindi ko kayo bibiguin,” sambit ko.