ELLYZA
Labis ang tuwang nadarama ko ngayon. Ngunit, hindi ko maintindihan sa sarili ko kung bakit ako umiiyak habang tumatawa na para bang nasisiraan na ako ng ulo. Hindi naman nagtataka sina mama at papa sa kinikilos ko kasi naiintindihan naman siguro nila ang pinanggagalingan niyon. Umupo na ako sa sofa at katulad kanina ay pumagitna ako sa kanilang dalawa. Ipinatong ko ang braso ko sa likod ng mga batok nila tsaka ko sila inakbayan at nilapit sa akin. “Thank you sa pagpapalaki sa akin, Mama, Papa. Hindi sapat ang isang buong araw para sabihin ko sa inyo ang mga rason kung bakit ako nagpapasalamat pero gusto ko lang sabihin sa inyo iyon, para malaman ninyo na hindi ako nagsisisi na isinilang niyo ako sa mundong kinatatayuan nating lahat. Ayaw ko rin po iparamdam sa inyo na kayo ang may kasalanan kung bakit ito nangyayari sa akin ngayon kasi ako rin naman ang may kagagawan ng lahat ng ito. Kung simula pa lang sana nung una ay lumaban na ako ay hindi naman na sana lalala ang pangbu-bully nila sa akin, pero…” pinutol ko ang sarili kong pahayag kasi kinailangan kong huminga ng malalim para habulin ko ang aking hininga, binitawan ko na rin silang dalawa kasi mukhang nahihirapan na sila sa ginagawa ko. “Simula sa araw na ito ay hindi na ako papayag na apihin nila ako. May ilan pa rin naman sa mga kaklase ko na walang ginagawa sa akin para sirain ang araw ko, siguro ay hinihintay lang din nila na bumawi ako sa mga bully na iyon. Marahil ay naranasan o napagdaanan na rin nila ang sitwasyon ko ngayon, baka hinihiling nila sa akin ng patago na sana ay maipaghiganti ko sila sa lahat ng dinanas nila,” kampanteng sabi ko sa kanilang dalawa, nasisiguro ko naman sa sarili kong kaya ko iyon. Sadyang wala lang ako sapat na lakas para gawin iyon kasi kinailangan ko pang itago iyon kina mama at papa. Ngunit ngayong alam na nila ang tungkol doon, hindi na ako magdadalawang isip pa na lumaban. Hindi ako papayag na habang buhay akong magpapa-api sa kanila.
“Bakit ngayon mo lang naisipan gawin ‘yan?” tanong ni mama sa akin.
“Siguro eh inoobserbahan ko rin ang paligid at ang mga kilos nila, pati na kung sino-sino lang ang nangbu-bully sa akin. Para sa araw na gumanti ako sa kanila o lumaban ako-- kung sakaling hindi magandang ideya ang gumanti kasi ayaw ko naman silang saktan-- ay malalaman ko kung sino lang ang dapat kong paglaanan ng aking oras. Para na rin siguro wala akong madamay na inosenteng mga kaklase ko, baka kasi manlaban ako tapos wala naman pala siyang kasalanan. Ako pa ang mauuwing bully kung sakaling mangyari iyon at mababaliktad na ang buong kwento,” mahabang paliwanag ko bilang sagot sa tanong ni mama sa akin. Bigla kong naalala ang sinabi ni papa kanina sa labas ng bahay namin kaya napalingon ako sa kanya. “Pa, hindi na ba talaga magbabago ang desisyon mo?” usisa ko sa kanya, sa pagbabakasakaling magbago iyon dahil nabanggit ko nang lalaban ako sa mga umaapi sa akin.
Umiling si papa sa akin. “Sorry Ellyza, pero final na ang desisyon kong iyon. Hindi ko naman sasabihin sa inyo ang tungkol doon kung may posibilidad pa namang magbago ang naisip kong desisyon eh,” tugon ni papa sa akin tsaka niya ginulo ang ilang hibla sa aking buhok. Napabuntong hninga pa siya bago siya nagpatuloy sa kanyang sinasabi. “Ngayon nga lang ako hindi nagpapatinag sa pangungumbinsi ng Mom mo, hindi mo pa ba ako pagbibigyan?” mapagbirong sabi ni papa na sinabayan pa niya ng pagkindat kay mama.
“Talaga ba?” pang-aasar sa kanya ni mama. “Eh kung sabihin ko sa ‘yo na hindi na kita paglulutuan ng pagkain hanggang sa hindi ka pumayag sa desisyon ng anak natin?” pananakot pa niya kay papa at mukhang nabahala naman si papa roon. Wala kasi siyang ibang inaasahan sa pagluluto kundi si mama. Parehas kasi kami ni papa na hindi marunong magluto at tuwing tuturuan naman kami ni mama ay nasusunog lang namin ang aming niluluto. Hindi naman din pwedeng umasa na lang si papa habangbuhay sa mga paninda sa labas o kahit pa sa mga de-lata. “Sige, ikaw ang bahala. Pwede ka naman kumain ng sunog eh. Kami na lang ni Yzza ang kakain ng masasarap na luto ko,” dagdag pa ni mama.
“Ano ba, Mom!” naaasar na sambit ni papa kaya sabay kaming natawa ni mama sa kanyang ipinapakitang reaksyon, halos mamula na ang buong mukha niya sa sobrang pagkaasar, pero hindi naman iyon sapat na dahilan para pagbuhatan niya ng kamay si mama. Sa buong buhay ko ay hindi ko pa nakikitang saktan ni papa si mama. Masyadong mahal ni papa si mama at ganoon din naman si mama kay papa, kaya lahat ay dinaraan na lang nila sa pag-uusap. Pero, may mga oras pa rin talaga na hindi na iyon madaraan sa simpleng pag-uusap kaya nagpapalipas sila ng oras na hindi magkatabi sa kanilang kama o kung saan pa man, pero nasa iisang bahay pa rin naman. “Bakit ka naman ganito magparusa sa akin, Mom? Hindi ka ba naaawa sa akin? Pakakainin mo ako ng sunog? Hindi na ako magiging healthy niyan, mawawala na ang makisig kong katawan, sige ka,” pananakot naman ni papa pero hindi nauto si mama roon, tinawanan lang siya nito kaya alam ni papa na seryoso si mama sa kanyang sinabi kanina.
“Sabihin mo muna sa akin at pati na kay Yzza na hindi mo siya ililipat ng school ng s*******n,” sabi ni mama pagkatapos maubos ng kanyang tawa. “Seryoso ako Dad, ikaw ang mahihirapan kung hindi mo ako seseryosohin sa sinasabi ko, bahala ka,” dugtong pa niya.
Napahawak si papa sa kanyang baba, hudyat na pinag-iisipan niya pang mabuti kung ano ba talaga ang dapat niyang gawin. “Pero, paano kung lumala lang ang pangbu-bully nila sa anak natin? May magagawa ka ba para pigilan ang mga batang iyon? Paano kung hindi natin alam eh may dala na pala silang patalim tapos bigla na lang nilang…”
“Shh!” hinarang ni mama ang isang daliri niya sa tapat ng bibig ni papa. “Kung anu-ano ang iniisip mo, hindi mo na lang bawiin ang sinabi mo para maayos na ang lahat at makakain na tayo,” naiinis na aniya.