ELLYZA
Hanggang sa mga oras na ito ay nakakapit pa rin si mama sa braso ni papa, pero dali-dali rin naman itong tinanggal ni papa pagkatapos niyang humarap sa kanyang asawa. Hindi maipinta ang itsura ni papa ngayon, tila ba’y hindi siya nakikinig sa lahat ng mga sinasabi ni mama at tanging ang sarili lang niya ang balak niyang pakinggan. Ewan ko kung bakit ganito si papa ngayon, para bang mayroon siyang ibang rason kung bakit gusto niya akong palipatin ng school at hindi lang basta ‘yung mga pangbu-bully na natatanggap ko ang dahilan niya. Napagmamasdan ko sa mga mata ni papa na mayroon pa siyang tinatago sa amin at mukhang wala rin ideya si mama kung ano iyon, kaya, humakbang ako palapit kay papa tsaka ko hinawakan ang dulo ng kanyang suot na damit. “Pa,” tawag ko sa kanya pagkahatak ko ng ilang beses ng damit niya. Ako na lang ang pipilit kay papa na ilabas ang kung anuman ang tinatago niya sa amin kundi niya iyon masabi-sabi sa amin, hindi naman na niya iyon maitatago pa sa oras na matigilan siya at mabuking namin ni mama. Tumingin sa akin si papa at pati na rin si mama, parehas silang nag-aabang sa kung anuman ang sasabihin ko. Saglit ko pang tinitigan ang mga mata niya na punong-puno ng kalungkutan bago ko napagdesisyunan na itanong na ang gusto kong tanungin. “Pa, may hindi ka ba sinasabi sa amin ni Mama? Ako kasi, umamin na ako sa nangyayari sa school ko. Pero ikaw…” bitin na sabi ko pagkatapos kong makita ang panlalaki sa kanyang mga mata, na para bang hindi siya makapaniwalang napansin ko ang kinikilos niya. “Parang hindi ka pa rin mapakali, parang tinatakasan mo kami ni Mama para hindi ka madulas sa kung anuman ang inililihim mo sa amin. Gaano ba kahirap aminin iyan, Pa? Hindi ba’t pamilya mo po kami? Tayo-tayo lang naman ang magdadamayan sa ating mga problema at wala rin naman tayong ibang maaasahan na tumulong sa atin. Hangga’t maaari ay nagbibigayan tayo ng mga payo sa isa’t isa at kinukuhanan din natin ng lakas ang bawat isa sa atin,” sambit ko sa kanya.
Hinawakan niya ang kamay kong nakakapit sa kanyang damit tsaka niya unti-unting hiniwalay iyon sa kanyang suot. Pakiramdam ko ay napalambot ko ang kanyang puso kasi bigla na lang din nagbago ang ekspresyon sa kanyang mukha, gumaan na iyon at hindi na masyadong nakasimangot. “Ellyza…” mahinang bigkas niya sa pangalan ko, nagulat na lang ako nang bigla siyang lumuhod sa harapan ko at napansin ko rin ang luhang gumigilid sa kanyang mga mata. “Sorry… Sorry… Sorry…” paulit-ulit na sabi niya, wala pa man siyang ibang sinasabi o ginagawa ay kusa na lang din akong napaluha. Narinig ko na lang din na humikbi si mama kaya mas nagtaka ako kung bakit sila umiiyak at kung ano ang ganap. Hinayaan ko lang si papa na nakahawak sa magkabilang kamay ko habang siya ay nakaluhod at nakatingala ang ulo upang makatingin siya sa amin ni mama. “Sorry, wala akong kwentang ama. Hindi ko man lang napansin sa mga kilos mo na may nangyayari na palang iba sa school mo. Hindi man lang ako nagkaroon ng oras para makumusta ka at kung ano ang lagay mo sa bawat araw na pumapasok ka. Patawarin mo si Papa mo,” naiiyak na sabi niya sa akin at sa puntong iyon ay bumuhos na lang ang luha namin nang sabay-sabay. “H-Hindi ko kasi pinapansin masyado kung ano man ang nangyayari sa school mo kasi pumapasok ka pa rin naman araw-araw, hindi ka humihinto at hindi ka rin nagpapakita ng kahit na anong sign na nanghihina ka o nawawalan ng ganang pumasok. Bumabangon ka pa rin sa bawat araw at hindi ka parati nagpapahuli sa klase, palagi mo naman din kami napapakitaan ng matataas na grades sa lahat ng subject kaya namamangha ako sa ‘yo, kasi nagagawa mo ang best mo at napapatunayan mo sa amin na kaya mong mag-aral ng hindi man lang humihingi ng kahit kaunting tulong sa amin,” mahabang pahayag ni papa, lumapit si mama sa amin para haplusin ang buhok ni papa at punasan ang mga luha nito kahit siya pa mismo ay nauulanan na ng luha. “H-Hindi ko pinansin ang nararamdaman mo kasi alam kong okay ka lang. Nagkamali pala ako, hindi ka pala okay. Naloko ako sa mga ipinapakita mo sa aming ngiti mo. Sa tuwing uuwi ka ay mayroon ka pa rin ngiti sa labi at palagi kang excited na makita kami ni Mom mo, excited ka para sa pagkain at sa bonding nating tatlo. At higit sa lahat, e-excited ka para gumawa ng mga schoolworks mo. You deceived me with your smiles, Ellyza. Mas magaling ka pang magpanggap kaysa sa akin o sa kung sinong artista na nakikita natin sa T.V. Paano mo nakayanan iyon lahat, anak?” nanghihinang wika ni papa, iyon na ang huling sinabi niya dahil hindi na niya nakayanan pang magsalita kasi bumabara na ang sipon sa kanyang ilong at kinailangan na niyang suminga.
Hinigpitan ko ang kapit ko sa mga kamay ni papa tsaka ko siya tinulungan na tumayo. Inalalayan ko sila ni mama papasok sa bahay at ako na rin ang nagbukas at nagsarado ng pintuan namin. Pinaupo ko na muna sila sa sala habang patuloy pa rin silang dalawa sa kanilang pag-iyak. maski naman ako ay umiiyak pa rin pero nilalakasan ko ang loob ko para hindi sila tuluyang mawalan ng gana. Ayaw ko kasing mas sisihin pa nila ang kani-kanilang sarili sa oras na makita nila akong umiiyak ng todo. Kumuha lang ako ng tissue roll mula sa isang cabinet sa kwarto ko at tsaka ko sila binalikan sa sala. Binigyan ko sila ng tig-isang rolyo para hindi na sila mag-abala pang maghintayan upang makapitas ng isang piraso roon. Bigla na lang akong natawa sa aking nasisilayan kaya napahinto sila sa kanilang pagsinga habang nasa ilong pa nila ang tissue na hawak-hawak naman nila. “S-Sorry,” natatawa kong bigkas at nagpatuloy naman sila sa kanilang ginagawa. “Nakatutuwa lang na makita ko po kayo na umiiyak dahil sa akin sa ganitong paraan. Nakatataba ng puso na mayroon akong mga magulang na nag-aalala para sa akin.”