20

1064 Words
ELLYZA Sa mga oras na iyon, feeling ko ay napakahina ko, na wala akong magagawang kahit na ano para lang maiparating kay papa ang gusto kong sabihin. Hindi ko gustong malipat ako ng school kahit pa anong klaseng pangbu-bully pa ang maranasan ko, kahit pa umabot pa sa puntong hindi ko na makayanan pang lumakad sa sarili kong mga paa. Kahit pa ganoon ang klaseng pagtatrato ang natatanggap ko sa mga kaklase ko ay natutuwa pa rin ako sa school ko na iyon dahil tinanggap nila ako ng buong-buo, hindi rin mahirap ang mga pinapagawa nila kaya nakakamit ko ang kahit na anong rank ang gusto ko; na kung saan ay nakakukuha ako ng mga medalya na parati kong ipinagmamalaki kina mama at papa. Ayaw kong mawala sa school na iyon kasi nga marami na rin ang naging benepisyo niyon sa akin at nangangamba ako na magbago ang lahat ng iyon sa oras na lumipat pa ako sa ibang paaralan, baka mamaya ay mas malala pa ang matanggap kong pangbu-bully at hindi pa ako makakuha ng kahit na anong sertipiko o medalya. “Pa naman eh, pwede mo naman kasing hingin muna ang opinyon ko kasi ako naman ‘yung nag-aaral sa school na ‘yun. Ako naman din ang nagtitiis sa mga ginagawa ng mga kaklase ko sa akin. Hindi ko naman po kinakalimutang magpasalamat sa inyo sa lahat ng tulong na ginagawa niyo po sa akin, lalong-lalo na sa mga kailangan kong kagamitan para sa gawain sa school. Pero kasi, ako rin naman ‘yung nahihirapan at hindi naman po kayo. Huwag niyo sanang ma-misunderstand ang mga sinasabi ko, wala po akong masamang intensyon sa mga sinabi ko,” wika ko sa kanilang dalawa. Sisingit na naman sana si papa sa akin para pigilan ako sa gusto kong sabihin pero hindi ko siya hinayaan na gawin iyon. Minadali ko rin ang pananalita ko kasi alam kong mayroon pa siyang gustong sabihin sa akin. “Alam ko naman po na nag-aalala kayo para sa kalagayan ko sa school, hindi ko naman din po kayo pinipigilan na lumapit sa teacher ko o sa kahit na sinong may mataas na posisyon para masabihan ninyo na bantayan ako o kung ano pa man, kasi alam ko namang desisyon niyo pa rin iyon at karapatan niyo po iyon. Wala akong kakayahan para hindi ko kayo bigyan ng permiso para roon, pero itong paglipat ko ng school?” huminto ako saglit para huminga ng malalim at tingnan sila ng seryoso. “Hindi ako pumapayag dito,” mariin na sabi ko para maramdaman nila ang labis na pagtatanggi ko sa gustong mangyari ni papa. Kaya siguro hindi iyon sinabi sa akin ni mama kasi alam niya na hindi ako papayag kahit na ano ang mangyari, kaya minabuti na lang niyang si papa ang magsabi niyon sa akin. Subalit, hindi naman din magbabago ang desisyon ko kahit pa kanino manggaling ang balitang iyon. Hindi ko maintindihan kung bakit kailangan pa niyang isipin na iyon lang ang tanging solusyon na maaaring gawin para maiwasan ang pangbu-bully na nagaganap sa buhay ko, marami namang ibang solusyon pero iyon lang ang nakikita niyang posibleng gawin. Hindi naman din matitigil ang pangbu-bully ng mga kaklase ko kung umalis ako sa school na iyon. Hindi man ako ang aapihin nila ay alam kong hahanap at hahanap sila ng panibagong target nila, at ayaw ko naman iyon maranasan ng ibang babae o kahit pa lalaki kasi alam ko mismo ang hirap niyon. Bahagyang napakunot ang noo ko, hindi ko kasi mapigilan ang sarili kong mag-isip ng kung anu-ano dahil sa desisyon na iyon ni papa. Naiisip ko pa na magiging malabo talaga na maiba ko pa ang kanyang desisyon kasi madalas ay desidido si papa sa lahat ng kanyang binibitawang salita. Kapag sinabi niya ay gagawin niya, ‘yun na ‘yun. “Hindi ba’t sinabi ko na sa ‘yong napagpasyahan ko na iyon? Parang hindi mo naman ako kilala, Ellyza. Kapag sinabi ko, sinabi ko,” matigas na sambit niya kasabay ng malakas na pag-ihip ng malamig na hangin kaya pinalibot ko sa katawan ko ang aking braso. “Lunes na Lunes pa lang, pupunta na agad ako sa school mo at makikipag-usap na ako sa admin doon pati na sa mga teacher mo para ipatanggal kita sa lahat ng klase mo. Makikipag-ugnayan na rin ako sa ibang malapit na school na tumatanggap pa ng transferee sa ganitong oras,” pahayag ni papa tsaka siya tumayo mula sa isang mahabang bato kaya tumayo na rin si mama. “Papasok na ako sa loob. Kung may pag-uusapan pa kayo ng Mom mo, iwanan ko na lang kayo rito. Huwag kayong magtagal masyado rito, lumalamig na ang simoy ng hangin, baka maabutan pa kayo ng ulan diyan.” Bumalik ang tono ng kanyang pananalita, hindi na iyon masungit at hindi na rin nakatatakot. Akma na siyang papasok sa loob nang mahawakan na niya ang pinto ngunit bigla naman siyang natigilan nang kumapit si mama sa braso niya gamit ang isang kamay nito. Para akong nanonood ng isang drama, hindi ako nagsasalita dahil ayaw kong makialam sa kung anuman ang pag-uusapan nila. “Ayaw mo ba talagang makinig sa side ni Yzza?” tanong niya kay papa na nakapagpalaki sa aking mga mata. Sa kabila ng lahat ay matimbang pa rin ang katotohanang parehas kaming babae, siguro ay nararamdaman din niya ang nararamdaman ko at naiisip niya kung ano ang pinagmumulan ng aking mga sinabi. “Anak natin siya parehas, hindi naman natin pwedeng basta na lang balewalain ang nararamdaman ni Yzza. Kahit pa bata pa lang siya eh kailangan din naman natin siyang respetuhin, tayo ang may gustong lumaki siya sa mundong ito at hindi naman niya hiniling sa atin na isilang siya, ‘di ba? Responsibilidad natin na maibigay kay Yzza ang lahat ng magpapasaya sa kanya hanggang nasa tama pa rin naman siya. Tsaka isa pa, naniniwala naman ako sa kakayahan ni Yzza, na hindi siya magpapatuloy na maapi sa buong buhay niya eh,” mahabang paglalahad ni mama sa kanyang iniisip. Napatunayan niya mismo sa harapan ko na siya pa rin ang tanging nangingibabaw na kakampe ko sa kanilang dalawa, kahit pa parehas naman silang kakampi ko. Madalas lang kasing tumututol sa mga gusto ko si papa pero pinagbibigyan din naman niya ako sa oras na makumbinsi na siya ni mama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD