ELLYZA
Ngayon ay nalinawan na ako sa lahat ng nangyari, marahil ay oras naman nila para magtanong sa akin kaya nanatili akong tahimik at nakatingin sa lapag. Wala naman ana akong ibang maisip na itanong sa kanila kasi nasagot na iyon lahat ni papa. Paminsan-minsan ay sumisingit si mama para makisagot kaya hindi naging mahirap ang aming usapan. “Dad, akala ko ba may gusto kang itanong o sabihin kay Yzza? Ba’t hindi mo pa gawin habang maganda pa ang panahon at nandito pa tayo sa sala? Mamaya-maya eh inaasikako na naman natin ang sari-sarili nating mga trabaho at hindi na natin mapagtutuunan pa ng pansin si Yzza, sige ka,” pananakot ni mama kay papa.
Diniretso ko ang likod ko at tsaka ko iniliko ang ulo ko para makinig sa kung anuman ang sasabihin sa akin ni papa. Halata sa kanyang ekspresyon na hindi siya kumportable sa kasalukuyan naming pwesto kaya ako nag-isip ng malilipatan naming pwesto. “Ma, Pa,” tawag ko sa kanilang dalawa tsaka ko tinuro ang pinto sa labas. “Gusto niyo bang sa labas na lang tayo mag-usap? Parang kahit anong lamig ng aircon kasi rito eh hindi tumatalab sa balat natin,” pagbibiro ko. Ang pinupunto ko roon ay ang tensyon na muling bumalik sa aming paligid, tila ba’y hindi magiging maganda ang maririnig ko mula kay papa at hindi ko iyon magugustuhan. Ngunit, binuhos ko na muna lahat ng tiwala sa kanya at hindi ko muna ininda ang kahit na anong mararamdaman ko kung sakaling hindi nga iyon kaaya-aya. “Gusto ko rin kasing magpahangin na hindi galing sa aircon o sa bintilador natin, gusto ko ‘yung fresh na fresh, ganun,” natatawa kong sabi, sinabayan naman nila ako sa pagtawa ko kahit pa nahahalata kong pilit lang iyon. Nagsisimula na ako makaramdam ng kaba dahil sa inaakto nila ngayon, hindi ko alam kung bakit at hindi ko rin maipaliwanag ang saril kong nararamdaman. Gusto ko na agad malaman kung ano ang sasabihin ni papa sa akin kaya ako na ang nangunang tumayo. Wala naman kasing may balak na lumabas talaga, bigla ko na lang sinabi iyon para gumaan ang pakiramdam ni papa at maging kumportable siya kahit na papaano. Narinig ko naman ang pagyapak ng kanilang mga paa na sumusunod sa tinatahak kong direksyon palabas sa aming bahay. Binuksan ko na ang aming pinto at hinawakan ko iyon hanggang sa makalabas na rin sina mama at papa. “May gusto ba kayong puntahan o dito na lang tayo umupo sa lapag?” panghihingi ko ng kanilang opinyon. Hindi ko rin kasi alam kung saan kami dapat pumunta, ang gusto ko lang ay makalabas muna kami kahit papaano sa bahay naming iyon.
“Ano ka ba, Yzza? Hindi mo ba nakikitang ang dumi-dumi riyan sa lapag? Tapos, gusto mo kaming paupuin ni Dad mo riyan?” hindi makapaniwalang tanong ni mama sa akin na sinamahan pa niya ng pagtaas ng isa sa kanyang mga kilay. “Kung wala ka naman din gustong puntahan na partikular na lugar, bumalik na lang tayo sa loob. Malapit na rin tayong mananghalian, kailangan ko pang magluto,” sabi niya pa tsaka niya hinila pabukas ang pinto, hindi naman siya pumasok sa loob dahil pagkatingin niya sa amin ni papa ay nakita niyang hindi man lang kami gumalaw sa aming kinatatayuan. “Hay naku, pati ba naman ikaw Dad?” napabuntong hininga na lang si mama bago niya isarado muli ang pinto at bumalik sa aming tabi. “Kung hindi lang ako interesadong malaman ang kalalabasan ng sasabihin ng Dad mo sa ‘yo at kung ano ang magiging reaksyon mo, hindi na ako mag-aabala pang sumama sa inyo rito eh,” pabulong-bulong na sabi niya na para bang ayaw talaga niyang narito siya ngayon at mas gusto pa niyang nasa loob lang siya ng bahay. Kahit naman siguro sino ay mas pipiliin iyon, lalo na kung ngayon lang naman ang araw ng kanilang day-off sa trabaho. May ganap kasi sa pinagtatrabahuhan nila at hindi ko na tinanong pa kung ano iyon dahil hindi naman ako roon pumapasok. Kaya siguro mas gusto ni mama na nasa bahay lang siya at magpahinga lang doon, mahirap din naman para sa kanya ang trabaho niya. Kaya medyo napanghihinaan din ako ng loob na magsabi pa ng kahit na anong problema ko sa buhay kasi mas marami siyang dinadala at kinikimkim sa kanyang sarili na hindi niya mailabas sa amin. “Kung pwede lang sana Dad, huwag ka na magpatagal pa. Sabihin mo na agad kay Yzza ang gusto mong sabihin para makapasok na uli tayo sa loob ng bahay at makakain na tayo. Ayaw ko rin munang kumain sa kahit na anong restaurant o kahit pa sa foodchain lang sa tabi-tabi, nami-miss ko na ‘yung lasa ng lutong bahay natin,” pagmamadali niya kay papa tsaka siya umupo sa isang mataas na bato, malinis naman iyon kaya hindi siya nag-inarte pa. Sa parehas na pwesto rin umupo si papa, sa tabi ni mama, habang ako ay nanatili lang na nakatayo dahil hindi naman ako gaanong nakararamdam ng pagod o pangangawit sa aking katawan, dulot na lang din siguro sa akin iyon ng isang araw kong pagtulog sa malambot na kama.
“Ellyza,” malamig na tawag sa akin ni papa, mukhang napakaseryoso ng kanyang sasabihin sa akin kaya napalunok ako pagkatingin ko sa kanya. “Sa ayaw at sa gusto mo, ililipat na lang kita ng school. Ipapatanggal na kita sa susunod na linggo sa pinapasukan mo ngayon at aayusin ko na rin lahat ng dokumento na pinasa natin sa kanila at pati na rin ang mga kakailanganin mo para sa panibago mong school,” wika niya matapos ng ilang minutong pananahimik.
“P-Pero…”
Hindi ko natuloy ang binabalak kong sabihin nang sumingit agad si papa. “Walang pero, pero, Ellyza Clementine,” masungit na sabi ni papa kasabay ng pagbigkas niya sa buong pangalan ko, na kung saan ay ginagawa lamang niya iyon tuwing seryosong-seryoso na siya sa kanyang sinasabi o ‘di kaya’y galit siya sa kung sino o kung ano. “Napagpasyahan ko na ‘to nang mabuti kahit pa hindi ko pa nahihingi ang opinyon mo tungkol dito, kasi alam ko namang tututol ka lang at hindi ka papayag sa gusto kong mangyari,” dugtong pa ni papa.