ELLYZA
Kasalukuyan na kaming nasa sala, naisipan lang namin na lumabas na sa kwarto ko kasi nagsawa na raw sina mama at papa sa kahihintay sa akin magising. Pwede naman daw kaming magkausap sa sala dahil malamig naman din daw roon. Nasa gitna ako ng aking mga magulang, mahaba naman itong sofa kaya hindi kami nagpupumilit na magsiksikan para lang magkatabi kaming tatlo. Hindi nila binuksan ang T.V kasi maaabala ang aming pag-uusap kung nagkataon, gusto muna nilang maging maayos ang lahat ng nangyayari sa school namin at tsaka isa pa, hindi pa naitatanong sa akin ni papa ang binanggit ni mama kanina na may gustong itanong sa akin si papa. Nacu-curious na ako kung tungkol saan iyon at kung konektado pa rin ba iyon sa school pero ito ako, naghihintay lang na siya na ang kusang magsabi kung ano iyon. Kaso, kung sakaling nakalimutan naman na iyon ni papa ay ipapaalala ko na lang iyon sa kanya bago pa matapos ang aming usapan. Nakakaginhawa rin pala sa pakiramdam na wala na akong tinatago sa kanila, kahit pa hindi ko pa alam kung ano ang susunod na mangyayari pagkatapos nito kasi nga baka resbakan nila ang lahat ng umapi sa akin. Napapaisip na lang din ako kung sino ang magsisilbing testigo ni papa kung sakaling hindi ako umamin kanina na nabu-bully nga ako sa school, pero sumagi na lang din sa isipan ko ang itsura ng janitress na tumulong sa akin nung nadumihan ang maputi kong uniporme. Siguro nga siya iyon dahil siya lang naman ang matino kausap doon na tinuturing ko na rin bilang isang kakampi ko, hindi ko lang alam kung nagsasawa na ba siya sa akin dahil sa araw-araw na pang-aabala ko sa kanya habang nasa gitna siya ng kanyang trabaho. Pero kasi, siya naman din ang kusang lumalapit sa akin para tulungan ako kaya hindi rin ako masyadong nag-aalala tungkol sa kanyang nararamdaman. Malaki rin naman ang pasasalamat ko sa kanya kaya sisiguruhin kong titibayan at malalakasan ko pa ang aking loob para sa susunod ay hindi ko na siya maiistorbo pa. Sinabi ko na rin sa sarili ko na balang araw ay masusuklian ko ang lahat ng hirap na dinanas niya para lang bigyan ako ng tulong, hindi ko naman siya mabigyan ng pera dahil sa tuwing mag-aabot ako sa kanya kahit pa maliit na halaga lang ay bigla na lang niya iniiba ang usapan para lang matanggihan ang offer ko na iyon. Mahirap din para sa akin ang matanggihan kasi iyon na nga lang ang maibibigay ko sa kanya pabalik pero ayun nga, hindi naman din kasi siya nanghihingi ng kahit na ano sa akin. Napakabuti ng kanyang kalooban, sana marami pa akong makasalamuha na ganoon ang ugali.
“Yzza,” bigkas ni mama sa pangalan ko kaya napalingon ako sa kanya, kanina kasi ay nakatulala lang ako sa pader namin habang ako ay nag-iisip tungkol sa janitress na iyon na hindi ko nga man lang alam kung ano ang pangalan, hindi ko naman din kasi nahihingi o naitatanong sa kanya iyon. “Kanina pa kita tinatawag, ba’t ngayon ka lang tumingin sa akin? May gumugulo pa ba sa isipan mo o may iba ka pa bang itinatago sa amin?” tanong niya habang hinihimas ang aking hita, palagi iyon ginagawa ni mama para iparating sa akin na nandito lang siya sa tabi ko at hindi niya ako iiwanan kahit pa ano ang mangyari o sabihin ko.
“Wala naman po, Ma. Naalala ko lang ‘yung janitress na palagi tumutulong sa akin sa mga oras na nabu-bully ako sa school. Siya nga lang siguro ang tinuturing kong kaibigan sa school na iyon, kahit pa hindi ko alam kung ano ang dapat kong itawag sa kanya,” wika ko upang hindi mawala ang direksyon ng aming topic. “Since sinabi ko na rin naman ang naiisip ko, gusto ko sanang malaman kung siya rin ba ‘yung sinabi ni Papa kanina na testigo ba ‘yun?” tanong ko tsaka ko sinulyapan si papa.
Tumango si papa sa akin tsaka niya ipinatong ang kanyang magkabilang paa sa ibabaw ng maliit na lamesang nasa harapan namin. Hindi naman iyon babasagin kaya hindi siya pinagalitan ni mama, madalas kasi ay ayaw ni mama na nasisira ang kahit na anong gamit dito sa bahay namin. “Ayun nga, nakita ko kasi siya nung nilalabahan niya ang uniporme mo kaya agad akong nagtaka. Alam ko namang pare-parehas lang kayo ng uniporme, kayong mga babae, pero iba kasi ang kutob ko nun kaya nilapitan ko na agad iyong janitress,” sagot sa akin ni papa at hinayaan lang namin siya ni mama na ipagpatuloy ang kanyang kinukuwento, mukhang hindi pa iyon nailalahad ni papa kay mama kaya interesado rin siyang makinig sa sasabihin nito. “Pagkalapit ko sa kanya eh agad ko siyang tinanong kung sa ‘yo ba iyon. Tapos ayun, nagkaalaman na at nagkatanungan kung kaano-ano kita. Pagkasabi kong anak kita eh bigla na lang siyang nagkwento ng kung anu-ano tungkol sa mga nangyayari sa ‘yo sa school na ‘yun. Hindi naman niya tinikom ang bibig niya kahit pa hindi niya namalayang lumabas na lang iyon ng kusa sa kanyang bibig, ‘yung tipong gusto rin niya ipaalam sa akin ang mga nangyari kasi nga alam niyang responsibilidad kong malaman iyon bilang ama mo,” dugtong ni papa.
“Pero, paano ka nakapasok sa school namin, Pa?” nagtatakang tanong ko pa sa kanya kasi hindi naman pwedeng pumasok ang kahit na sino basta-basta sa school na iyon, depende na lang kung walang bantay sa gate o ‘di kaya’y may sinabing dahilan si papa na nakapagpalusot sa kanya para makapaok siya roon.
Tumawa ng bahagya si papa tsaka siya sumilip kaunti kay mama at binalik din naman sa akin ang kanyang tingin. “Nagkunwari akong tinatawag ni Mom mo mula sa teacher’s office. Tinawagan ko siya sa cellphone, nakisabay naman siya sa akin kahit pa hindi ko siya sinabihan tungkol sa binalak kong gawin. Basta ko na lang naisipan gawin ‘yung pagkatapos kong dumaan sa school niyo, nanggaling kasi ako sa malapit na tindahan. Binalak ko lang sanang kumustahin ka kung sakaling makita kita sa labas ng classroom niyo tapos ayun, nakalusot ako sa matangkad na guard do’n,” paglalahad niya tungkol sa kanyang ginawa bilang sagot sa aking katanungan.