ELLYZA
Medyo humigpit ang pagkakapisil ni papa sa kamay ko kaya naatras ko ang braso ko para sana bawiin ang kamay kong iyon pero hindi iyon pinakawalan ni papa, mas lalo lang niya iyon hinihigpitan. Iniisip niya sigurong tatakasan ko sila sa gusto nilang pag-usapan kung bumitaw man siya sa akin. Huminga ako ng malalim tsaka ko sila tinignan, pero kay papa ko tinuon ang buong atensyon ko kasi siya ang kumakausap sa akin. "Ano po iyon?" pagkukunwari kong wala akong alam sa kanyang sinabi, sa pagbabakasakaling ibang bagay ang kanyang tinutukoy. Pero, wala naman din akong maisip na ibang bagay na ginagawa sa akin ng mga kaklase ko sa akin bukod sa pang-aapi nila sa akin.
"Huwag ka na magpanggap pang walang alam sa sinasabi ko, Ellyza. Mayroon kaming nakausap at siya ang magsisilbing testigo ko, pati na rin ang teacher mo kung hindi man aamin ang kahit na sino sa mga kaklase mo," tugon ni papa na taliwas sa sagot na inaasahan ko, ngunit, ganoon pa rin naman ang kahulugan niyon. "Nabu-bully ka sa school mo, tama ba ako, Ellyza?" paniniguro ni papa sa akin. Ramdam ko ang matalim na pagtitig niya sa mga mata ko para hindi ko magawang magsinungaling sa isasagot ko sa kanya, ganoon din naman ang nararamdaman ko kay mama kahit pa hindi ko siya tingnan. Ang bigat ng aura sa kwarto ko at dahil iyon sa matinding tensyon na pumagitna sa amin, pakiramdam ko ay mayroong nakabara sa dibdib ko na halos pinipigilan na ako nitong makahinga.
Hindi ko makayanang magsalita kaya tumango na lang ako para sagutin ang tanong ni papa. "B-Bakit hindi mo sinabi sa amin, Yzza?" singit ni mama kaya nabaling ang atensyon ko sa kanya. "Kung sinabi mo sa amin lahat ng nangyayari sa school mo, pati na sa 'yo mismo… Edi sana nagawan natin ng paraan agad, para hindi mo tinitiis ang lahat ng iyon. May kakayahan naman kami ng Dad mo para maprotektahan ka ah? Wala ka bang tiwala sa amin, Yzza, kaya mas pinili mong manahimik na lang at pagtyagaan ang sakit na dulot ng lahat ng nangbu-bully sa ‘yo?” mahinang tanong niya sa akin, bakas doon ang labis na pagsisisi kahit pa ako naman dapat ang makaramdam nun. Hindi ako umiimik, nanatili lang akong nakatitig sa kanyang mga mata na akala mo ay makakarating sa kanya ang lahat ng nilalaman ng aking isipan. “Pero Yzza, paano mo nagawang magtago sa amin ng ganito katagal?” dagdag pa ni mama sa kanyang mga tanong.
Umiling ako nang umiling habang nakatingin ako kay mama. Hinawakan ko siya gamit ang isang kamay ko pagkatapos kong bumangon sa aking kama, nakakapit pa rin kasi si papa sa kabila kong kamay kaya hindi ko iyon magamit. “Mama… Hindi naging madali para sa akin na maglihim sa inyo. Alam niyo namang wala ako masyaong kaibigan sa school na iyon kasi hindi ko kasundo ang lahat ng mga nag-aaral doon. Kaya alam kong wala rin ako ibang malalpitan kundi kayo lang ni Papa,” pag-aamin ko at bigla na lang akong napayuko nang maramdaman ko ang nagbabadya kong mga luha na nagpapa-init sa aking mga mata. “Sinubukan ko na lang labanan ang lahat ng pangbu-bully nila sa akin ng ako lang mag-isa, na hindi umaasa sa kahit na sinong makakasalubong ko o kahit pa kayo mismo. Ayaw kong lumaki bilang isang tao na pabigat lang at parating umaasa sa tulong ng ibang mga tao. Kailangan kong matuto kung paano tumayo at protektahan ang sarili ko, pero hindi ko pa masyado nasasanay ang sarili ko kaya hindi pa rin sila tumitigil sa pang-aapi sa akin. Kung nagagawa ko na sanang lumaban sa kanila o gumanti man lang para hindi na lumala pa ang paraan nila sa pangbu-bully sa akin, kahit papaano sana ay mababawasan na iyon,” mahabang paliwanag ko sa aking dahilan kung ano ang tunay na intensyon ko kung bakit ko nagawang maglihim sa kanila sa mahabang panahon. Marahil ay nalaman din nilang simula pa lang ng unang pagpasok ko sa school na iyon ay ganito na ang dinaranas ko. Napakabilis din naman talaga kumalat ng balita ‘no? Kahit anong subok mo na itago ang lahat ay bigla mo na lang malalaman na kumalat na pala iyon sa mga taong ayaw mong mapagsabihan. “Malaki ang tiwala ko sa inyo, Ma, Pa. ‘Wag niyong isipin na hindi ako nagtitiwala sa inyo dahil lang dito. Ninais ko lang talagang maging independent, sana maintindihan ninyo ang side ko. Alam ko rin kasing… hindi niyo aatrasan ang kahit na sinong manggugulo sa buhay ko. Alam ko kung gaano kayo katapang at kung gaano kayo kadeterminado para lang mapatigil ang mga ganung klaseng pangyayari,” pagtatapos ko sa aking mahabang pahayag.
Saktong pagkaangat ko sa aking ulo ay inaasahan kong makatatanggap ako ng isang malutong na pagsampal mula sa isa sa kanila, pero sa halip na gawin nila iyon ay hinaplos lang ni mama at papa ang kani-kanilang kamay sa aking magkabilang pisngi. “Napakatapang mo naman, anak,” nakangiting sabi ni papa bago niya alisin ang kamay niya sa mukha at kamay ko. “Hinahangaan kita, anak. Pero hindi ko pa rin itatanggi sa iyo na mali iyong ginawa mo. Ang unang dapat mo pa rin gawin ay ang lumapit sa amin ng Mom mo, bata ka pa naman at bata rin iyong mga kalaban mo. Matindi ang labanan kapag bata sa bata ang usapan, lalo na kung kapwa mo babae rin ang nangbu-bully sa iyo,” nag-aalalang wika ni papa na siyang ipinagtaka ko.
“Bakit naman po?”
“Kasi alam ng kapwa mo babae ang lahat ng kahinaan mo. Kaya, pwedeng tirahin ng mga iyon ang lahat ng kahinaan mong iyon, lalo na kung ilalagay nila ang sarili nila sa magiging sitwasyon mo sa kung ano ang kahihinatnan ng kanilang isasagawang kilos,” sagot sa akin ni papa at doon lang ako nalinawan kung ano ang ibig niyang sabihin. Kahit naman ako ay ganoon din ang iisipin kong paraan kung paano ko mapapabagsak ang isang target ko kung babae rin naman iyon at mukhang walang laban. Ngunit, wala naman akong balak na gawin iyon sa kanila dahil nirerespeto ko sila bilang isang tao. Hindi ko lang sila maintindihan kung bakit hindi nila iyon magawa sa akin-- ang respetuhin ako bilang isang tao kundi man nila ako marespe-respeto bilang isang kaklase nila at kapwa kamag-aral sa school na iyon.