16

1071 Words
ELLYZA Nadama ko ang paggalaw ng mga mata ko habang hindi pa ako dumidilat, pinapakiramdaman ko pa muna ang buong katawan ko at pati na rin ang paligid ko. Humahaplos na ang malamig na hangin sa aking balat kaya alam kong nakabalik na ako sa aking reyalidad. Nakaalis na ako sa isang masamang panaginip na siyang hindi ko naman maalala kung ano ang nangyari. Minulat ko na ang aking mga mata at doon ko nakitang nasa tapat ko ang mukha ni mama kaya nanlaki ang mga mata ko sa gulat. “Sorry, natakot pa yata kita. Akala ko kasi ay hindi ka pa rin gising,” panghihingi ng paumanhin ni mama pagkatapos niyang umatras sa akin. Sinundan ko siya ng tingin at nakita ko na umupo lang siya sa upuan na nakatapat naman sa kamang hinihigaan ko. Base sa kapaligiran dito ay mukhang nasa bahay lang kami at wala namang kakaibang nangyari, siguro nga ay tanging sa panaginip ko lang dapat maiwan ang masamang pakiramdam ko at hindi ko na dalhin pa iyon dito. Pero, hindi ko mapigilan sa sarili ko na pilitin ang isipan ko na alalahanin kung tungkol saan ang panaginip ko kanina, feeling ko eh napakahalaga niyon at hindi ko dapat basta-bastang kinakalimutan. Pero, ano bang magagawa ko? Ni hindi ko man lang alam kung may tao ba akong nakilala roon o kung sino ang mga nakasama ko sa panaginip ko. Paano ko magagawang alalahanin iyon kung wala man lang akong ideya kahit na kapiranggot kung ano ang naganap doon? Kahit anong pilit ko ay hindi na bumabalik sa isip ko ang napaniginipan ko, kailangan ko pa sigurong maghintay ng ilang oras bago iyon bumalik o baka nga abutin pa ng ilang araw. Maaari rin naman iyon bumalik sa alaala ko kundi ko masyadong iisipin ang bagay na iyon, ganoon kasi ako minsan, ‘pag hindi ko iniisip ang isang bagay ay bigla na lang iyon sumisingit sa utak ko. “Yzza? May problema ka ba na hindi mo sinasabi sa akin o kay Dad?” mahinahong tanong sa akin ni mama. Kahit na hindi siya ganito kahinahon kadalasan ay hindi ko naman iniisip na hindi nila ako mahal. Hindi naman nila maitatangging anak nila ako, maliban na lang kung literal na ampon lang ako. “A-Ah, wala naman po Mama. Bakit mo naitanong?” usisa ko sa kanya, hindi kasi ako gaanong sanay na kinukumusta niya ang buhay ko at ang mga nangyayari sa akin sa bawat araw. Mas sanay akong hinahayaan lang niya ako basta alam niyang wala naman ako ginagawang masama o illegal. “Siya nga pala Mama, ilang araw akong hindi gumising?” tanong ko sa kanya dahil na-curious ako kung bakit siya ganito makipag-usap sa akin na akala mo ay isang buong taon akong hindi nagparamdam sa kanya. “Isang buong araw lang naman, ‘wag mong alalahanin iyon. Wala ka namang sakit kaya hindi naman kami natakot ng Dad mo kung ano ang nangyari sa iyo at hindi ka bumabangon. Inisip na lang namin na baka… pagod ka lang sa mga gawain sa school mo,” aniya tsaka ko napansin kung paano niya iniwas ang tingin niya sa aking mga mata at sa halip na sa akin siya tumingin ay tila ba’y nanghihingi siya ng tulong kay papa para sabihin sa akin kung ano man ang gusto niyang iparating sa akin. “Dad, halika rito,” tawag niya kay papa kaya agad naman din lumapit si papa sa amin. Wala namang ibang ginagawa si papa at mukhang sinamahan niya si mama sa pagbabantay sa akin. “Bakit?” nagtatakang aniya bago siya sumulyap sa akin. “Gising ka na pala,” komento niya kaya tinanugan ko lang siya na sinamahan ko ng marahang pagngiti ko. Sumenyas si mama na lumapit si papa sa kanya kaya naglakad pa siya palapit sa kinauupuan ni mama. Dali-dali siyang hinablot ni mama palapit sa kanya tsaka niya ito binulungan. Hindi ko alam kung ano ang sinabi ni mama pero parang sila naman itong mayroong nililihim sa akin. Hindi naman nagtagal ay tinanggal na ni mama ang kapit niya sa damit ni papa kaya umayos na siya ng kanyang pagkakatayo. Ewan ko kung bakit pero parehas na sila ng ekspresyon ngayon, ang awkward nilang tingnan at sabay pa silang napalunok. Hindi ko na matiis pa ang nakabibinging katahimikan nila kaya ako na lang ang bumasag sa kanilang katahimikan. “Ano ba ‘yun Mama, Papa? Kung may gusto kayong itanong sa akin eh itanong niyo na lang. Sasagutin ko naman kayo agad eh, wala naman akong tinatago sa inyo,” sambit ko pero ako mismo sa loob-loob ko ay nakadama ako ng agarang pagkabahala. Naalala ko bigla ang nangyari sa school nung pumasok ako, sana lang ay hindi tungkol doon ang kanilang itatanong sa akin kasi hindi ko sila masasagot ng diretso kung ganun. “Ano kasi… Yzza, may sasabihin sa ‘yo ang Dad mo tungkol sa school mo. Hindi ko masabi-sabi sa ‘yo kasi gusto ko muna sanang malaman kung ano ang desisyon mo, pero masyadong pinapangunahan ni Dad mo ang gusto niyang maganap. Kaya, napag-usapan namin kanina na siya na lang ang magsabi sa ‘yo kung ano iyon para hindi ka sa akin magalit kung sakaling hindi mo magustuhan ang maririnig mo kay Dad,” mahabang paliwanag ni mama sa akin tsaka siya sumulyap kay papa para bigyan ito ng hudyat na pwede na siyang magsalita. Humakbang si papa palapit sa akin tsaka siya umupo sa gilid ng kama ko, hinawakan niya ang kamay ko at pinisil iyon, hindi naman iyon masyadong mahigpit kaya hindi ako nasaktan. “Ellyza,” tawag niya sa akin kaya binigyan ko siya ng nagtatakang tingin para magpatuloy siya sa kanyang nais sabihin. “Nakasagap ako ng balita sa school niyo, na mayroon kakaibang ginagawa ang mga kaklase mo sa iyo,” mabagal na sabi ni papa at nag-iba na rin ang tono ng kanyang pananalita kaya nagsimula na akong kabahan. Ito na nga ba ang kinatatakot ko. Sa dinami-raming bagay na pwedeng makarating sa kanila, bakit ito pa? Napakataas pa naman ng tingin nila sa akin kasi parati ako nagkakaroon ng awards dahil sa consistent na high grades na nakakamit ko kada taon. Ngunit, mukhang dahil sa pangbu-bully sa akin ng mga kaklase ko ay mawawala ang mataas na tingin nila sa akin at hindi ko alam kung paano ko iyon matatanggap.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD