15

1027 Words
ELLYZA Matapos kong tanungin si Doc. Kalix tungkol sa mga bagay na iyon ay bigla na lang kaming binalot ng matinding katahimikan na siyang nabasag naman ng muling pagtawag sa akin ni mama. “Yzza, gumising ka na, kanina ka pa namin hinihintay ng Dad mo,” sabi ni mama, ume-echo pa ang boses niya na para bang nakakulong kami sa isang silid. Sa pagkakataon na ito ay nagiging mas malinaw na ang mga sinasabi ni mama at tila ba’y nararamdaman ko na ang kanyang mga haplos sa aking mukha. Para bang hinahatak na niya ako palayo rito tapos ‘yung sarili ko na lang ‘yung nagpupumilit na huwag umalos kasi hindi pa nga nasasagot ng doktor na ito ang lahat ng katanungan sa isip ko. Hindi ko alam kung tama ba itong desisyon ko na ‘to kasi baka mamaya ay mas lalo lang akong hindi makabalik sa mismong pinanggalingan ko, pero hindi naman siguro iyon mangyayari kasi nadarama ko na ang lahat ng posibleng maramdaman ko sa mismong katawan ko. Hindi ko lang din natitiyak kung nasaan ba ako o kung ano ang ginagawa ko sa mga oras na ito, ang alam ko lang ay kasama ko si mama at papa. Humakbang si Doc. Kalix palapit sa akin tsaka niya ako nginitian, bumalik na nga talaga siya sa normal kaya hindi na ako natatakot sa kanyang itsura. “Malalaman mo ang kasagutan d’yan sa lahat ng tanong mo sa akin ngayon sa oras na bumalik ka na sa reyalidad, Ly. Pero ‘yung tungkol naman sa pagkakalimot sa nangyari rito, posible iyon. Maaari rin namang maalala mo ako kaso mas mataas ang posibilidad na hindi mo na matatandaan ang aksidenteng nangyari kay Mama mo,” sambit niya tsaka niya ako hinawakan sa aking magkabilang balikat. Napakagaan ng kanyang mga kamay at pati na rin ng kanyang ngiti. “Ly, oras na para gumising ka sa katotohanan,” sabi niya sa akin, ginulo pa niya ang ilang hibla ng aking mga buhok bago siya dumistansya sa akin. Hindi ko mawari kung bakit unti-unting nagliliwanag ang kanyang buong katawan mula ulo hanggang sa kanyang paa, kulang na nga lang ay maging kakulay na niya ‘yung paligid dito. Ang pinagkaiba lang niya ay kumikinang siya, pero ‘yung kapaligiran ay hindi, kaya mas matingkad pa rin siya sa aking paningin. “Oras ko na rin kasi para bumalik sa pinanggalingan ko,” matamlay na sabi ni Doc. Kalix pagkatapos mawala ng kanyang ngiti, na para bang napakalungkot ng kanyang isipan. “Saan ka pupunta? Magkikita ba tayo sa oras na magising tayo parehas?” tanong ko sa kanya. Kung parehas naman din kasi kami ng pinanggalingang mundo, at tsaka alam ko namang parehas nga lang kasi imposible namang sa ibang mundo o sa ibang planeta pa siya nagmula. “Saan ka ba nakatira? Sabihin mo sa akin para mapuntahan kita kung sakaling payagan akong makalabas ni Mama o ni Papa. Gusto kong magpasalamat sa ‘yo ng personal kasi kahit pa hindi ito totoong nangyayari ay tinulungan mo pa rin kami. Iyon lang naman ang tanging intensyon ko, wala ng iba,” wika ko. Wala naman kasi kaming ibang pwedeng pag-usapan dahil hindi naman kami gaanong magkakilala at sinabihan din naman ako nina mama at papa dati na huwag akong makikipagkilala sa kung sinu-sino. Kaso, kilala naman niya ako at kilala niya rin ang mga magulang ko kaya na-invalidate ang bilin sa akin na iyon. Ayaw ko rin namang ipahamak ang sarili ko, baka mamaya kasi masamang tao pala 'tong si Doc. Kalix. O 'di kaya'y nagpapanggap lang pala siyang doktor dito sa lugar na 'to, tapos mamaya pagkabangon ko eh wala pala siyang trabaho. Puno pa ng pagdududa ang isipan ko kasi nga hindi pa naman nalilinaw sa akin ang lahat ng nangyayari. "Ly, ayaw kong sirain ang inaasahan mong pangyayari pero…" bitin na sambit niya, ini-stretch niya 'yung braso niya na para bang naghihintay siyang yakapin ko siya. Subalit, hindi ako gumalaw sa aking kinatatayuan, kaya binaba na lang uli niya ang mga braso niya tsaka siya ngumiti sandali na agad ding nawala. Hindi ko naman kasi siya kaano-ano; hindi siya parte ng pamilya ko at hindi ko rin naman siya kinikilala bilang isa sa mga kaibigan ko, kaya ayaw kong lumapit sa kanya para yakapin siya. "Sorry, umasa lang akong muli kong mararamdaman ang yakap mong palaging nagpapawi sa lahat ng nadarama ko," aniya habang kumakamot sa kanyang ulo. "Pero, Ly, ayun na nga. Pasensya na pero, ito na ang huling beses na magkikita tayo. Hindi mo na ako makikita pa rito kahit pa ilang beses kang makatulog at mapadpad dito, kahit pa sa reyalidad mo ay hindi mo ako matatagpuan kahit saan ka pumunta o kahit kanino ka man magtanong kung nasaan ang kinaroroonan ko," dugtong niya sa kanyang unang sinabi. Bago ko pa man mapigilan ang sarili ko ay kusa na tumulo ang mga luha ko papunta sa aking pisngi hanggang sa bumaba ito sa leeg ko. "A-Anong ibig mong sabihin?" naguguluhang tanong ko sa kanya. Hindi na lumapit pa si Doc. Kalix sa akin kaya ako na ang tumakbo para maabot ko siya, ngunit, sa bawat paghakbang ko palapit sa kanya ay mas lalo lang siyang lumalayo. "Doc. Paige!" sigaw ko sa pangalan niya habang sinusubukan ko siyang abutin gamit ang isa kong kamay. "Walang ibang kahulugan ang sinabi ko, Ly. Maaaring gawa-gawa lang din ako ng imahinasyon mo sa labis na kalungkutang nararamdaman mo, posible rin na totoong tao ako na hindi mo na muli makakasalamuha pa," nakakabahalang sabi ng doktor na iyon. Pagkasabi niya niyon ay napasulyap ako sa kanyang paahan. Naglaho na iyon hanggang sa parte ng kanyang binti, unti-unti na rin nawawala sa paningin ko ang kanyang hita. Wala akong magawa para mapigilan iyon, hindi ko siya mapuntahan. "Paalam na, Ellyza Clementine, hanggang sa muli." Iyon na ang huling pahayag na narinig ko mula kay Doc. Kalix Paige bago siya tuluyang naglaho sa aking paningin pagkatapos kong pumikit. Maski ang maputing kapaligiran kanina ay naging kulay itim na, wala na akong ibang makita kundi itim. "Yzza, gising ka na pala!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD