ELLYZA
Hindi ko matiyak sa sarili ko kung paano ko magagawang makalimutan ang isang tao kung siya ba ay naging malaking parte naman sa aking buhay. Parang imposible naman kasing hindi ko matandaan maski na kahit ano tungkol kay Doc. Kalix kung sakaling magkakilala nga kami at nagkasama ng ilang taon noon bata pa ako. Alam ko naman na hanggang sa ngayon ay maituturing ko pa rin ang sarili ko bilang isang bata, pero iba pa rin ‘yung panahong nasa kindergarten pa lang ako at ngayong nasa high school na ako. Subalit, hindi ko dapat prinoproblema ang naging samahan namin ng lalaking doktor na ito dahil ang kailangan kong pagtuunan ng pansin ay kung paano ang magiging takbo ng buhay namin ngayong naaksidente si mama.
Wala pa kaming naiisip na plano at maski ako ay nawawalan na rin ng kahit na anong klaseng ideya para makaraos kami kaagad sa hirap na dinaranas ni mama. Alam kong hindi magiging madali para sa kanya ang mawalan ng binti at hindi rin naman mapapabilis ang kanyang pag-opera para matanggal iyon ng tuluyan sa kanyang katawan. Kailangan pa niyang manatili rito sa ospital ng ilang buwan para makita kung magiging maganda ba ang kondisyon niya sa oras na matanggal na iyon at kung mauubusan ba siya ng dugo, o kung ano pa mang komplikasyon na maaari niyang maranasan pagdating ng araw. Nariyan din naman iyong senaryo na kailangan pa niyang matutong maglakad gamit ang isang paa lang niya na mayroon din namang pang-alalay, o ‘di kaya’y pag-aaralan niyang gumamit ng wheelchair para hindi gaanong mahirap para sa kanyang parte ang maglakad.
Sigurado akong daragsa ang mga taong lalapit sa amin para maki-chismis ukol dito at mapupuno ang buong lugar namin ng bali-balita tungkol sa pagka-aksidente ni mama, na maaari nilang ibintang sa akin. Masakit man sa parte ni mama ang nangyari sa kanya, masakit din naman sa akin na pilitin ang sarili kong tanggapin na lang iyon dahil hindi naman na rin namin maibabalik ang oras. Kung maaari ko nga sanang ibalik ang oras ay gagawin ko agad-agad ng walang pag-aalinlangan para lang mapigilan ang sarili ko na magpabili ng balut na iyon.
Ewan ko ba, pero pakiramdam ko ay magiging malaki ang epekto sa akin tuwing makakakita ako ng balut sa kahit saan ako mapadpad. Magiging isa iyong masakit na alaala sa akin at palaging babalik sa isipan ko ang pagdaan ng isang sasakyan sa mismong harapan ni mama, at wala akong nagawa para mapigilan iyon na mangyari. Tama nga ang kumakalat na kasabihan, na nasa huli na lang ang pagsisisi at wala nang magagawa sa oras na nangyari na ang isang bagay.
“Ly, kanina ka pa natahimik d’yan. Ayos ka lang ba? Gusto mo bang magpahinga na lang uli?” pagbabasag ni Doc. Kalix sa aking naglalakbay na isipan.
Nilapitan pa niya ako at sinubukang ilayo kay mama dahil sa tingin niya ay iyon ang dahilan ng aking pagkabalisa. Pero, sa halip na sumunod ako sa kanya pabalik sa sofa ay mistulang nakadikit ang mga paa ko sa aking kinatatayuan dahil hindi niya ako magalaw kahit pa isang hakbang lang paatras. Ayaw kong malayo pa kay mama hangga’t hindi pa naman ginagawa sa kanya ang operasyon. Ilang oras na lang din naman ang hihintayin namin ay magaganap na ang pag-oopera kay mama at alam kong hindi ako pwede sa loob ng operating room habang inaagapan nila ang kondisyon ni mama. Pero, sigurado akong itong doktor na lalaking ito ay makakapasok doon.
Sana naging doktor na lang din ako.
“Yzza, ano bang nangyayari sa ‘yo? Talaga bang gusto mo pa rin ipagsabi kay Dad ang nangyari sa akin? Hindi ka na ba makapagtiis? Hindi ba pwedeng hintayin na lang natin na matapos ang operasyon ko? Makakauwi rin naman tayo anak, sabay tayong uuwi kay Dad at sasalubungin siya ng may ngiti sa ating mga labi,” sunod-sunod na tanong ni mama na nakapagpa-irita sa akin.
Ayaw ko na ng ganito, paulit-ulit na lang ang sinasabi niya sa akin at para bang wala na siyang ibang alam sabihin. Tila ba’y ang solusyon na lang na naiisip niya ay ang magtago na lang habang buhay kay papa at wala nang balak para sabihin sa kanya ang totoo. Ayaw ko na ng ganito.
“Mama, aalis na muna ako,” paalam ko sa kanya habang nakatingin ako sa kanyang mukha at pinagmamasdan ko ang kanyang itsura. Napakaputla ng kanyang mukha at ganoon din ang kanyang labi, para bang kaunti na lang ay mauubusan na talaga siya ng dugo. Pero, hindi ko rin naman iyon masasabi dahil hindi naman ako ganap na doktor, tsaka normal pa naman daw ang readings niya. “Uuwi na muna ako sa bahay natin, kailangan na malaman ni Papa ‘to bago pa dumating ang oras ng operasyon mo,” pagpupumilit ko tsaka ko tinabig ang kamay ni Doc. Kalix na nakakapit sa aking siko. “Sorry,” ani ko sa doktor kasi medyo napaatras ko siya sa pwesto niya pero alam kong wala naman akong nadulot sa kanyang sakit dahil mahina lang naman akong babae.
“Y-Yzza,” tawag ni mama sa akin saktong pagkatalikod ko sa kanilang dalawa. Nasa harapan na ako ngayon ng pinto ng hospital ward na kinaroroonan ni mama pero napahinto ako ng marinig ko ang kanyang boses na para bang nanginginig at nagmamakaawa pa rin sa akin. “‘Wag mo akong iwanan dito,” aniya nang mapahawak na ako sa doorknob. “Paano kung pagbalik mo eh wala na ako rito? Paano kung wala na kayong maabutan ni Dad dito? Paano kung may mangyaring masama sa akin na pare-parehas naman nating hindi inaasahan?” sunod-sunod na tanong niya kaya lalo akong napahigpit ng hawak sa doorknob.
Napakagat pa ako sa ibaba ng aking labi dahil maski ako ay naguguluhan pa rin kung ano ba talaga ang dapat kong gawin. “Ano ka ba? Nariyan naman si Doc. Paige para magbantay sa ‘yo, Ma, hindi ka naman niya pababayaan, ‘di ba? Magkakilala naman kayo eh, doktor naman din siya. Hindi ka niya pwedeng hayaan na may mangyaring masama sa ‘yo kasi sa oras na mangyari ‘yon at malaman ng nakararami eh mawawalan ‘yan ng lisensya,” walang ganang sabi ko kay mama.
Napadiin ako sa aking pagpikit at saktong pagkadilat ko ay binuksan ko na ang pinto tsaka ako humakbang palabas. Narinig ko pa ang paulit-ulit na pagtawag ni mama sa pangalan ko at ganoon din naman si Doc. Kalix, pero hindi ko sila pinansin at nagpatuloy lang ako sa aking paglalakad paalis sa ward na ito.