ELLYZA
Nakararamdam ako ng ilang ulit na pangangalabit mula sa aking braso pero hindi ko iyon pinapansin. Masyado pang mabigat ang parehas kong mata para ako ay dumilat. Kulang pa ako sa pahinga at feeling ko ay hindi ko kayang gumising sa ganitong oras. “Ly, gising na, kanina ka pa hinahanap ng Mama mo,” rinig kong sabi ng isang lalaki at sa tingin ko ay siya rin ang kumakalabit sa akin.
“Ma!” sigaw ko kasabay ng aking pagbangon mula sa isang malambot na sofa, hawak-hawak ko pa ang mahaba at makapal na puting kumot. Napalingon-lingon pa ako sa aking paligid upang malaman kung ano ang nangyayari at doon lang pumasok sa isipan ko na nasa loob nga pala ako ng ospital, at ang kumot na hawak ko naman ngayon ay galing sa lalaking pinagpaubayaan ko sa pagbabantay kay mama.
“Yzza… sorry…” matamlay na sambit ni mama. Alam kong siya ang nagsalita kahit pa hindi ko pa naman siya nakikita dahil siya lang naman ang naririto bukod sa akin at kay doc. “S-Sorry, anak…” pag-uulit niya at sa puntong iyon ay nilakasan ko na ang aking loob para tumayo mula sa sofa at tingnan ang lagay ni mama.
Nang makita ko si mama ay napuno agad ng luha ang mga mata ko at muling nanlabo ang aking paningin. “M-Ma…” Hindi ko kinakayang makita ang ganitong kalagayan ni mama sa harapan ko, masyadong masakit sa aking damdamin. “M-Ma…” Wala akong ibang masabi kundi iyon, hindi ko pa rin matanggap ang buong nangyari. Nang dahil sa kagustuhan kong makakain ay naganap ang trahedyang ito.
Sa hindi inaasahang pagkakataon ay nawalan ng isang binti si mama at kasalanan ko iyon.
Kung hindi na ako nagsabi na gusto kong bumili ng balut na tig-thirteen pesos… hindi na sana mangyayari ‘to kay mama. Pagkain lang naman kasi ‘yun eh, sana sa ibang araw na lang ako humiling nun.
“Sana ako na lang ang umalis at ikaw na lang ang pinaghintay ko,” saad ko ng walang kamalay-malay habang ako ay naliligaw sa aking pag-iisip.
“Ly,” rinig kong tawag sa akin ng doktor. Kahit pa hindi ako lumingon sa kanya ay nakahanda naman ang tenga ko para makinig sa kung anuman ang sasabihin niya sa akin. “Nakwento na sa akin ni Mama mo ang nangyari. Kaya, alam kong hindi mo dapat ‘yan sinasabi,” pagbibigay niya ng kanyang opinyon,
“Yzza, tama si Kalix,” pagsang-ayon naman ni mama at sa puntong iyon ay tiningala ko na ang ulo ko para makita ko ang kanyang ekspresyon, kahit pa napakasakit pa rin para sa akin na makita siyag nasasaktan. Hindi ko man pisikal na nadarama ang sakit na dinanas niya ng mga oras na iyon ay alam kong pinipilit na lang niyang lumaban ngayon para sa amin ni papa. “Huwag mong sisihin ang sarili mo, anak… Wala namang may gusto sa atin ng nangyari eh, pero hindi naman ibig sabihin nun eh hindi na mananagot ‘yung nakabangga sa akin,” sabi ni mama na may halong lungkot at galit sa kanyang mga mata.
Naiintindihan ko ang pinanggagalingan ng kanyang lungkot, pero hindi ko mawari kung bakit at kanino siya nagagalit. Sa driver ba? Kung wala namang may kasalanan nun at kung hindi naman din namin inaasahan ‘yun at ng driver, hindi naman siguro dapat magalit ang mga tao sa nakabangga ‘di ba? Pero kung ganoon, kanino na lang dapat mapunta ang galit ng bawat isa? Sa taong nabangga at naaksidente na ngayon ay lumalaban sa kanyang buhay sa loob ng ospital?
Hindi naman ata makatarungan iyon.
“Halika rito, Yzza,” sinenyasan ako ni mama na lumapit sa kanyang tabi pero hindi ako gumalaw sa aking kinatatayuan kahit pa isang hakbang lang. “Yzza?” tawag niya sa akin nang hindi pa rin ako naglakad, nakatitig lang ako sa kanyang mga mata at pilit na iniisip kung kanino siya nagagalit. “Yzza, tara na rito,” paulit-ulit siyang sumesenyas gamit ang kanyang kamay.
Mananatili pa rin sana akong nakatayo lang dito sa tapat niya at titingnan lang siya hanggang sa dumating na uli ang gabi, ngunit nakita kong nahihirapan din si mama na sumenyas sa akin para lang mapalapit ako. Mayroon kasing nakatusok na kung ano sa ibabaw ng kanyang kamay at mukhang iniinda niya ang sakit niyon.
“Ma, paano na tayo ngayon n’yan..?” naghihina ang loob ko nang tanungin ko siya nun pagktapos kong humakbang papalapit sa kanyang tabi. Hindi na ako umupo sa ibabaw ng kama kasi baka mapano pa si mama. “P-P-Paano natin sasabihin kay papa ang nangyari sa ‘yo? naiiyak kong sambit.
Walang nagsalita sa amin pagkatapos kong tanungin ang tungkol doon. Tila ba’y binalot kami ng katahimikan sa loob ng silid na ito at tanging ang mga hikbi ko lamang ang nangingibabaw. Maski si Doc. Kalix ay walang masabi ngayon at naghihintay lang sa aming pag-uusapan, na para bang hindi pwedeng hindi siya makinig sa amin.
“Yzza,” pagbabasag ni mama sa katahimikan. “Pwede bang ‘wag mo munang sabihin ang nangyari sa akin kay Dad?” aniya na para bang nagmamakaawa pa siya sa akin, at kung may kakayahan lang siya ay alam kong luluhod na siya sa ganitong senaryo.
“Ma naman, hindi naman natin pwedeng itago ‘to kay Papa. Tsaka, hindi rin naman magtatagal eh malalaman din niya ‘to,” wika ko at saktong pagkasabi ko niyon ay pumatak ang huli kong luha. Nawala ang lungkot ko dahil sa gustong mangyari ni mama. “Okay lang sana kung sa mga kaibigan mo o sa iba nating kakilala mo itatago eh, pero hindi… Kay Papa mo ba talaga gustong maglihim, parte siya ng pamilya natin,” wika ko na para bang maski ako ay natataniman na rin ng galit sa aking damdamin.
“Sa tingin mo ba, kaya mong ikwento kay Papa mo ang nangyari? Hindi ka ba natatakot sa sasabihin niya sa ‘yo kung sakaling ikaw rin ang sisihin niya, katulad ng paninisi mo sa sarili mo?” usisa ni mama sa akin kaya bigla akong napatahimik at napadalawang isip kung itutuloy ko pa ba ang balak kong humingi ng tulong kay papa. “Hindi mo ba naiisip na may posibilidad na iwanan niya na ako dahil sa wala na… w-wala na ang isa kong binti?” nanginginig ang pananalita ni mama kaya naramdaman ko ang matinding paghihinagpis niya sa pagkawala niyon, kahit pa hindi niya ilabas ng buo ang kanyang emosyon.
Paano na kami ngayon nito?