ELLYZA
Ilang oras na ang nakalipas mula nang malaman ko ang resulta ng nangyaring aksidente kay mama. Subalit, walang kahit isang minutong lumipas na hindi ako umiiyak. Hanggang sa ngayon ay tila ba’y hindi nauubos ang luha ng aking mga mata, wala pa rin itong tigil sa pag-iyak. Kinokontrol ko naman ang sarili ko na huwag mag-ingay at humagulgol kasi hindi lang naman ako ang nag-iisang tao sa loob ng ospital na ito. Mayroon din ibang mga pamilya o mga magkamag-anak na naririto at pare-parehas lang kaming nalulumbay at hindi makapaniwala sa mga kaganapan.
“Ly, kanina ka pa walang tigil sa pagluha riyan, baka mamaya ikaw naman ang mawalan ng malay. Walang magbabantay sa Mama mo,” sabi sa akin ng lalaking doktor na kanina pa ako tinatawag sa ganoong pamamaraan kahit pa hindi ko naman siya kilala. Hindi rin naman pamilyar ang itsura niya sa akin kaya alam kong ngayon pa lang kami nagkikita, naguguluhan ako kung paano niya nalaman ang pangalan ko at kung bakit kanina pa siya lapit nang lapit sa akin kahit pa hindi ko naman siya tinatawag. “Gusto mo bang magpahinga ka na muna? Pwede naman ako ang magbantay pansamantala sa Mama mo. Hindi ko naman hahayaan na may mangyari pang masama sa kanya,” pagboboluntaryo pa ng doktor.
“H-Hindi na po,” iiling-iling kong pagtanggi sa kanyang alok. Natatakot ako sa posibilidad na tanggalan niya ng XXX si mama tapos mas lalo lang siyang mapahamak. “M-Malaking tulong na po ang ginawa niyo po kanina. I-Ikaw lang po ang naglakas loob na lumapit kay M-Mama para tulungan siya at hindi mawalan ng maraming dugo…” mahinang sabi ko ko sa kanya.
Tinabihan ako ng lalaking doktor sa aking kinauupuan, malapit sa kama ni mama. Nasa isang ward na siya idinala at kami na lang ang narito sa loob kasama siya. Sinabihan kami ng mga nurse na pindutin lang ang isang button malapit sa uluhan ng kama at tsaka ako tumawag sa kanila, kung sakaling may mapansin kaming pagbabago sa kalagayan ni mama. Malinis naman dito kaya hindi ko kailangang mag-alala sa paligid at mayroon din namang aircon kaya hindi gaanong mainit. Mabuti na lang ay sa ganitong klaseng ospital kami napadpad, hindi sa mga ospital na kumpulan ang mga tao sa loob, may sakit man o wala tapos wala pang aircon. Magkaka-amuyan pa ang mga tao at mababasa sa pawis na makadaragdag lang din sa mga pasyente at sa hirap ng trabaho ng mga empleyado sa ganoong klaseng lugar.
“Hindi naman ako mananatili rito sa loob kung ipipilit mo sa akin na hindi mo kailangang magpahinga. Hindi ko kailangan hingin ang tiwala mo dahil kusa ko naman din iyon ibibigay sa ‘yo, Ly. Responsibilidad kong mabantayan ng maayos ang lahat ng pasyente at kabilang na roon ang Mama mo, hindi lang dahil kiilala kita. Naiintindihan mo ba?” tanong niya sa akin.
Sinulyapan ko na ang pangalang nakalagay sa kanyang uniporme at doon ko nakita ang kanyang pangalan. “Dr. K-Kalix… Paige?” nagtatakang bulong ko sa aking sarili, itinagilid ko pa ang aking ulo. Binigyan ko pa ang sarili ko ng ilang segundo para punasan ang sarili kong luha dahil napapalabo niyon ang paningin ko, baka mamaya ay mali ang binigkas kong pangalan at mapahiya pa ko sa kanya. “Dr. Kalix Paige,” pag-uulit ko sa pagbabasa sa nametag niya at sa puntong ito ay sigurado na akong iyon talaga ang pangalan niya dahil medyo luminaw na uli ang paningin ko kumpara kanina.
“Bumalik na ba sa alaala mo kung sino ako, Ly?” usisa niya sa akin at nang tingnan ko ang mga mata niya ay parang wala naman akong nakitang maski kapirasong bakas na niloloko niya ako o pinaglalaruan.
“H-Hindi po kita kilala, Doc,” magalang na sagot ko sa kanya nang medyo mahimasmasan na rin ang aking isipan. saglit ko pa siyang tinitigan sa kanyang mukha at tsaka ko pinilit ang sarili ko na alalahanin kung anuman ang naging parte niya sa aking buhay at kung sino ba talaga siya. Ngunit, kahit gaano katagal ko siyang titigan ay wala rin pumapasok sa aking isipan na alaala na kung saan ay kasama siya. Hindi rin naman ako pamilyar sa kanya, hindi kaya ay sina mama o papa ang kakilala niya at nakikita lang niya ako sa bahay o sa iba pang lugar? “Naging katrabaho o kaklase mo po ba sina Mama at Papa?” usisa ko naman sa kanya nang hindi siya umimik pagkatapos kong sabihin na hindi ko siya kilala.
Sa isang iglap ay bigla niya akong nginitian. Isang ngiti na hindi nakatatakot o hindi nakapagbibigay ng kaba. Isang ngiti na nakakagaan ng loob na para bang sa pagngiti niyang iyon ay sinasabi na niya sa akin na siya na ang bahala sa lahat. “Sige na, Ly, ‘wag ka na magtanong ng kung ano-ano. Pahinga muna ang kailangan mo ngayon at hindi impormasyon. Sasakit lang ang ulo mo kapag bigla ka nakarinig ng sagot para sa katanungan mong iyan,” nag-aalalang aniya.
Tumayo si Doc Kalix para maging bakante ang katabi kong upuan at magkaroon ako ng sapat na espasyo para makahiga. “S-Si Mama…” mahinang bigkas ko habang ang buong atensyon ko ay naka-focus kay mama.
Napansin ko mula sa gilid ng mga mata ko na tumango-tango si Doc Kalix. “Magpahinga ka na muna, Ly. Ako na ang magbabantay kay Mama mo hanggang sa oras na magising ka. Kung may mangyari mang hindi inaasahan ay gigisingin din kita kaagad pero ‘wag naman sana dumating ang pangyayaring iyon,” sambit niya sa akin. Naglakad siya papunta sa sulok ng silid at tsaka niya binuksan ang isang cabinet doon. Mula sa kulay puti na cabinet ay kumuha siya ng isang mahaba, ngunit makapal, na kumot. “Ilagay mo ito sa ibabaw mo, masyadong malamig dito. Baka magkasipon ka sa paggising mo, hindi natin pwedeng galawin ang temperature ng aircon dito pero pwede ka makigamit nitong kumot,” mahinahong saad niya sa akin habang naglalakad siya pabalik sa aking direksyon.
“Salamat po,” ani ko pagkatapos kong kuhanin ang kumot na iyon sa mga kamay ni Doc Kalix. “Kayo na po muna ang bahala kay Mama, ‘wag niyo po siyang iiwanan ha? Nagtitiwala po ako sa inyong hindi niyo siya iiwanan hanggang sa magising ako, kaya sana po ay ‘wag niyo akong biguin, Doc.”