Chapter 3

3529 Words
Sa sobrang gulat ko sa pagtatagpo ng aming mga mata ay agad akong napatakbo paalis doon. Kumakabog ang dibdib ko at hindi pa rin ako makapaniwala sa mga nakita at narinig. Pakiramdam ko ay pulang-pula ang buong mukha ko. At si Rivers..hindi ako makapaniwalang iyon ang Rivers na bukambibig ni Casidy.. Hindi ako ganoon ka-inosente para hindi maintindihan kung anong ginagawa nila roon pero bakit? At paano si Casi? Paano ko ito sasabihin kay Casi? Sa pagkakatuliro ko tuloy sa nangyari at sa pagmamadali na ring makalayo sa main building ay hindi ko na napansin ang pagsalubong sa akin ni Shaun. Agad akong natauhan nang bumangga ako sa dibdib niya at agad niya akong hinawakan sa magkabilang balikat para hindi ako matumba. "S-Shaun—" "Are you okay? You look pale. What happened?" Tumingin siya sa likod ko kaya napalingon din ako. Lalo tuloy nangunot ang noo niya. "What happened, Amethyst?" Napakurap ako ng ilang beses bago napailing. "Uhm..wala naman. Sorry, may iniisip kasi ako." Nanatili ang mga mata niya sa akin na parang alam niyang nagsisinungaling ako. Hindi ako magaling magsinungaling pero hindi ko rin alam kung paano sasabihin ang nakita ko kaya pinilit kong pakalmahin ang sarili ko. "Si Casi?" tanong ko para maiwala ang pagdududa sa mga mata niya. "She's waiting for us. Naka-order na ako ng pagkain pero natagalan ka kaya sumunod na ako. Anong nangyari?" Umiling ako at biglang nakaisip ng dahilan. "Nagkamali kasi ako ng office na pinasukan kaya nagmadali ako paalis. Nakakahiya kasi.." Huminga siya nang malalim, mukhang napaniwala ko na. "This is why you shouldn't be roaming alone. Let's go, lalamig ang pagkain." "Uhm, pupunta muna ako sa restroom." Tumango siya at agad itinuro ang restroom na malapit. Agad naman akong pumunta roon at naghilamos para kahit paano ay kumalma. Malakas pa rin ang kabog ng dibdib ko, siguro dahil ito ang unang pagkakataon na nakakita ako ng ganoon sa mismong harapan ko. At sa lahat ng tao, si Rivers pa.. Napapikit ako nang muling bumalik sa isip ko ang itsura nilang dalawa. Naka-damit si Rivers at wala akong ibang nakita sa katawan niya. Ang babae ay naka-tube pero nakababa iyon kaya kitang-kita ang likod. Bukod doon ay wala na akong ibang nakita maliban sa ginagawa nila. Pero ang pinakabumabagabag sa isip ko ay ang itsura ni Rivers nang nagtama ang mga mata namin. Noon pa man ay nag-iiwan na siya lagi ng impression sa akin. Madilim ang mga mata niya, nakakatakot at matalim, tila ba nakikita ang lahat kapag nakatuon ang mga iyon sayo. Pero iba pala ang pakiramdam na makita siya sa personal, at sa ganoong pagkakataon pa. Sana hindi niya ako nakilala, o sana guni-guni ko lang na nagtama ang mga mata namin. Huminga ako nang malalim bago kumuha ng tissue para punasan ang mukha ko. Ilang beses kong inayos ang sarili bago tuluyang lumabas ng restroom, para lamang maestatwa nang nakita ang likod ng pamilyar na lalaki sa tabi ni Casidy. Agad akong nakita ni Shaun kaya naman nilingon ako ni Casi. Parang tumigil ako sa paghinga nang tinawag nila ako para umupo na at kumain. "What's taking you so long? Lalamig ang pagkain mo." Mabagal ang mga hakbang ko palapit sa lamesa. At nang nakumpirma kung sino ang lalaking nakaupo sa harapan ko ay parang hindi na ako lalo makahinga. Malawak ang pagkakangiti ni Casi na halatang excited ipakilala ako sa lalaki. Samantalang gustong ko nalang himatayin. "Rivers, this is Amethyst, my bestfriend." Napalunok ako nang nag-angat siya ng tingin sa akin. May bahid ng ngiti sa kaniyang mga labi na parang tinutukso niya pa ako dahil sa nangyari. Wala akong makitang takot sa kaniya. "I already introduced her to you before, sa video call." Tumango ito, nakatingin pa rin sa akin. "Yeah, I remember." Ngumiti ito at hindi ko alam kung bakit hindi ako kumportable roon. "It's nice to finally meet you, Amethyst." Nag-iwas ako ng tingin nang hindi na nakayanan ang paninitig niya. "Nice to meet you din." Umupo ako sa harapan niya at bumaling agad sa pagkain. Hindi ko alam kung bakit ako pa ang kinakabahan kahit na siya naman ang may ginagawang mali. Hindi pwedeng hayaan kong ma-intimidate ako nang ganito. Kailangan ko itong sabihin kay Casi, hindi man ngayon pero kailangan kong humanap ng paraan kung paano sasabihin. Kumain ako nang tahimik. Ni hindi ako nag-angat ng tingin kahit nararamdaman ko ang bigat ng titig ng taong nasa harapan ko. Tumatango lang din ako sa mga tanong ni Casi at Shaun kaya siguro sa huli ay naisip nilang pagod na ako. "You're not going home yet?" tanong ni Casi kay Rivers na nakatayo sa labas ng sasakyan ni Shaun. Nakasakay na kami at nasa front seat si Casi habang nasa likod naman ako. Ihahatid kami ni Shaun at hinihintay lang makapagpaalam si Casi kay Rivers. "I still have things to do," sabi nito kaya hindi ko naiwasang manood sa kanila mula sa likuran. Still have things to do? Hindi ko maiwasang pagdudahan iyon. "You're so busy, classes haven't even started yet." Nakasimangot ako habang pinapanood sila dahil nagdududa ako, pero agad din akong nag-iwas ng tingin nang makita kong sumulyap ito sa akin sa backseat. Rinig ko ang mahinang pagtawa nito at hindi ko alam kung bakit pakiramdam ko ay ako ang tinatawanan niya. "I'll make it up to you then." Napapikit ako nang marinig ang masayang pagsang-ayon doon ni Casi. Kung hindi ko lang nakita ang ginagawa ni Rivers kanina ay baka kikiligin na rin ako rito sa likod at tahimik na matutuwa, pero ngayon ay puro pagdududa ang laman ng isip ko. Paano niya ito nagagawa? Alam kong nangyayari talaga ang cheating sa mga magkarelasyon pero hindi pa sila. Kung ayaw niya kay Casi at gusto niya iyong babae kanina, bakit hindi pa niya tigilan si Casidy? Bakit pinapaikot niya ang kaibigan ko? Hanggang sa pag-uwi ay iyon ang laman ng isip ko. Gustong-gusto kong sabihin kay Casi ang nakita ko pero pag-uwi ay bukambibig nanaman niya si Rivers at hindi ko maisingit ang tungkol sa nakita ko. Ilang beses kong sinubukang sabihin iyon pero umabot ng ilang araw at linggo at hindi ko pa rin nagawa. Lalo ko lamang naitikom ang bibig ko nang ibinalita niya sa akin na si Rivers ang magiging escort niya sa kaniyang nalalapit na debut at napag-usapan na iyon ng kanilang pamilya. Masayang-masaya siya nang ibinalita iyon sa akin at hindi ko kayang sirain ang ngiti niyang iyon kaya sa huli ay naisip kong tumahimik nalang. Siguro ay may ibang pagkakataon pa, sana ay mayroon pa, bago niya malaman at bago siya masaktan. Dumating ang unang araw ng klase at hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman. Naghalo ang takot at excitement sa dibdib ko. Na-eexcite ako kasi sa magandang university ako papasok at dahil gusto ko rin magkaroon ng mga bagong kaibigan, pero kinakabahan din ako kasi hindi ko alam kung anong klaseng mga tao ang makakasalamuha ko lalo pa't mag-isa lang akong papasok. Magsisimula ng alas-syete ang mga klase ko samantalang alas-onse pa ang kay Casidy at Shaun. Magkaklase kami ni Shaun sa isang subject sa hapon at iyon lang ang pagkakataon na pwede kaming magkita-kita. Kahit sa lunch ay hindi kami magkakasabay dahil alas-onse ang lunch ko at alas-dos naman ang kanila. "I'm sure people will like you, kaya huwag ka nang kabahan." Ngumiti sa akin si Casi nang hinatid ako sa van bago ako pumasok. Gumising siya nang maaga para lang tulungan akong mag-ayos. Huminga ako nang malalim at ngumiti sa kaniya. "Thank you, Casi." "Text me if you have questions or you need anything. If I don't reply then call Shaun." Tumango ako at hindi rin nagtagal ay nagpaalam na. Hinatid ako ng van sa university at dahil malapit lang iyon sa bahay nila Casi ay hindi na ako nagkaroon ng pagkakataong pakalmahin ang sarili ko. Kumakabog ang dibdib ko nang bumaba na sa harap ng malalaking gates ng Genesis University. Katulad ko ay may iilan ding estudyante na ibinababa sa harap ng university. May ilan ding kotse na pumapasok sa loob mismo. Huminga ako nang malalim at pumasok na. Hindi pa marami ang mga pumapasok dahil 6:30 palang. Maaga talaga akong umalis ng bahay nila Casi dahil hahanapin ko pa ang classroom para sa unang klase ko. Hanggang ngayon ay namamangha pa rin ako sa eskwelahang ito. Triple o higit pa ang laki nito kumpara sa state college na mayroon sa Naujan. At bukod doon ay sobrang garbo ng mga bagay rito, mamahalin at nakakasilaw, nakakatakot magkamali dahil pakiramdam ko ay huhusgahan ako ng mga kapwa estudyante. Mabuti nalang at hindi ako nahirapang hanapin ang classroom ko sa unang klase. Mayroon kasing mobile application na pwedeng gamitin ang mga estudyante rito bilang navigator at mabuti nalang at itinuro iyon ni Shaun sa akin. Huminga ako nang malalim at ilang beses pa munang pinisil ang mga daliri ko bago nagdesisyong pumasok sa classroom. Halos sabay akong nilingon ng mga estudyanteng naroon kaya lalo akong kinabahan. Hindi ako magaling makipag-kaibigan, hindi ako extrovert katulad ni Casi o ni Shaun pero hindi rin naman ako ganoon ka-introvert. May pagkakataong tahimik ako lalo kapag hindi kilala ang mga taong nasa paligid at may pagkakataong nakikihalubilo rin naman ako. Pero dahil hindi ko mabasa ang mga taong nakatingin sa akin ay tahimik na lamang akong pumasok at naupo sa pinakadulong upuan. Nang makaupo na ay saka lang ako nagkaroon ng pagkakataong makita nang maayos ang mga kaklase. Siguro ay nasa sampu palang kami at tatlo palang ang babae. At halos lahat kami ay tahimik. Ang dalawang babae lang ang nag-uusap, samantalang ang mga lalaki ay may kaniya-kaniyang mundo. Nakahinga ako nang maluwag dahil doon dahil mas gusto kong ganoon kaysa sa maingay na classroom. Akala ko ay madadagdagan kami pero na-realize ko na kaunti lang kami dahil ang mga student athletes lang naman ang may klase ng alas-syete ng umaga. Kahit paano ay gumaan na rin naman ang pakiramdam ko. Dumating ang professor at agad nag-roll call, pagkatapos ay nag-orient tungkol sa mga rules niya sa klase. Hindi katulad sa pinanggalingan kong public school noon, walang parte sa klase para ipakilala ang sarili. Tahimik at ramdam ko ang pagiging desiplinado ng mga kasama. Ang professor ay mukhang seryoso at nakakatakot kaya nakadagdag pa iyon sa katahimikan. Ganoon din halos ang nangyari sa sumunod pang mga klase. Tahimik at halos orientation palang ang nangyari. Natapos ang pang-umagang klase ko na wala akong nakilala at nakausap kahit isang kaklase. "Amethyst!" Nagulat ako nang habang naglalakad sa hallway ay natanaw ko sa kabilang dulo si Casidy, Shaun, at..Rivers. Hindi ko alam kung anong magiging reaksyon nang makita ang kasama nila. Na-aawkward ako dahil naaalala ko ang itsura niya noong araw na iyon at mas lalo lang nagiging awkward dahil sa paraan ng pagtingin niya ay parang tinutukso niya pa ako tungkol doon. Alam niya bang nakita ko sila? Alam niya bang ako 'yon? "Anong ginagawa niyo rito? Maaga pa ah?" Sumulyap ako sa suot kong relo dahil alam kong may tatlumpung minuto pa bago mag-alas-onse. Maaga kaming dinismiss sa klase dahil wala pa namang discussion at orientation lang ang nangyari. Ngumiti si Casi at kumapit sa braso ko. "Pumasok kami nang maaga para samahan ka munang mag-lunch." Parang nabunutan ako ng tinik sa lalamunan dahil kanina ko pa iniisip na mag-isa akong kakain ng lunch lalo't wala naman akong nakilalang kaklase. Tumingin ako kay Shaun at ngumiti. Nakahinga ako nang maluwag. "How's your classes? You made new friends?" tanong nito habang naglalakad na kami patungo sa cafeteria. Huminga ako nang malalim at umiling. Tumawa naman si Casi sa tabi ko. "I told you, Shaun, her social battery will be drained." "It's alright, you'll get used to it." Ngumiti naman ako at tumango. Habang naglalakad kami ay may mga bumabati kay Rivers na kasabay naming naglalakad. Hindi ko tuloy mapigilang lingunin siya dahil doon. Tinatawag siyang captain ng mga nakakasalubong na lalaki at tinatanguan niya lang naman ang mga iyon. Hindi sinasadyang nahuli niya akong nakatingin at sa sobrang gulat ko ay napaiwas ako agad ng tingin. Narinig ko ang mahinang pagtawa niya at pakiramdam ko ay ako nanaman ang tinatawanan niya. "You're so popular," komento ni Casidy. Wala akong narinig na sagot mula kay Rivers at hindi ko na rin sinubukang lumingon dahil pakiramdam ko ay nakatingin siya sa akin. Nakarating kami sa cafeteria at agad nakahanap ng table na para sa apat na tao. Kahit doon ay may iilang bumabati kay Rivers kaya naman alam ko agad na dahil sa kaniya kaya kami pinagtitinginan ng mga estudyanteng naroon. "What do you want to eat?" tanong ni Shaun na naupo sa tabi ko. Sumulyap ako kay Casidy. "Uhm..kakain din ba kayo?" Umiling naman ito at ngumiti. "Kumain na ako sa bahay. But I'll buy some refreshment. Shaun will eat though." Sumulyap siya sa katabi ko at nag-angat ng kilay. "Hindi siya kumain para daw may kasabay ka." Tinignan ko si Shaun. "Kapag ganito ang gagawin mo baka ma-late ka sa unang klase mo." He shrugged. "Just for today." Tumango ako. "Okay." "What do you want?" Narinig kong tanong ni Rivers kay Casi. Hindi ko napigilang sumulyap sa kanila. Ngumiti si Casi at nagsabi ng smoothie at pagkatapos ay bumaling ulit sa akin. "Oo nga pala, Rivers's lunch is at eleven too. He can accompany you so you won't be alone, right?" Napakurap ako at napatingin sa katabi niya. Tumingin ito sa akin. "It's fine with me. Pwede akong sumabay sa kaniya. Or I can bring her with me to eat lunch with my team." "Uhm..hindi na kailangan, kaya ko naman mag-isa.." Nanatili siyang nakatingin sa akin kaya nag-iwas ako agad ng tingin. "Okay lang ako, Casi, ayokong makaistorbo.." Huminga nang malalim si Casi. "Alright, if you say so. But if you need something at hindi kami maka-respond agad ni Shaun, you can ask Rivers for help. He's willing to help you naman 'e." Hindi iyon mangyayari. Mas okay pa sa akin ang humingi ng tulong sa mga hindi kakilala kaysa sa kaniya. Pero para hindi na humaba ang usapan ay tumango nalang din ako. Sa sobrang awkward at para na rin makaiwas ay sumama nalang ako kay Shaun sa pagbili ng pagkain namin. Mabuti nalang at mabilis lang din kaming nakabili. Nag-aalala kasi ako na baka ma-late si Shaun pero mukhang hindi naman siya natatakot. Tumawa si Casi nang nakitang binibilisan kong kumain. Pinunasan niya pa ng tissue ang gilid ng labi ko habang natatawa pa rin. "Don't eat fastly, A, or you'll get indigestion." Sumulyap ako kay Shaun na normal lang na kumakain na parang hindi sampung minuto ang natitira para sa susunod niyang klaseng. "Relax, A. Ayos lang ma-late ngayon, orientation palang naman." "Pero si Mrs. Rotea ang first class mo hindi ba? Na-meet ko na siya kanina sa Descriptive Geometry at nakakatakot siya." Hindi ko alam kung bakit sa halip na matakot ay napangiti pa siya. Inayos niya ang buhok ko habang nagpipigil ng ngiti. Tumawa si Casi kaya pati siya ay nilingon ko. "Bakit? May mali ba sa sinabi ko?" Sumulyap ako kay Rivers sa tabi niya niya na mangha ring nakatingin sa akin. "Wala lang, you look cute.." Nagkibit-balikat si Casi at nanatiling nakangiti. Ngumuso ako nang na-realize na baka OA ang pagkakasabi ko noon. Madalas kasi nila akong tawanan kapag ganoon. "Saan ka niyan?" tanong ni Shaun pagkatapos uminom ng tubig. Tapos na siyang kumain at saktong alas-onse na. Tumingin ako sa paligid at nag-isip. "Kukuha ako ng taekwondo uniform sa office." Tumango ito. "Alright, text mo kami." Tumango rin naman ako. Hindi nagtagal ay umalis na rin kami roon at sabay na lumabas ng cafeteria. Si Shaun ang unang nagpaalam dahil sa tabi lang ng cafeteria ang Architecture building. Si Casi naman at Rivers ay nauuna sa paglalakad patungo sa Arts and Sciences building. Tahimik ako sa likod nila dahil katabi ng building nila ang Main building at doon ako papunta. Habang naglalakad ay hindi ko maiwasang panoorin sila. Matangkad si Rivers, matipuno ang pangangatawan at maputi. Si Casi naman ay hanggang balikat niya lang, maputi at petite. Maganda siya at nililingon din ng mga lalaking nadadaanan, kaya hindi ko alam kung ano pang kulang sa kaniya at bakit siya niloloko ni Rivers. Iyon bang ginagawa nila noong babaeng kasama niya sa office? Iyon ba ang kulang? Pero kung tutuusin..bata pa sila kaya hindi pa naman talaga dapat ginagawa iyon. O ganoon ba talaga sila? Ganoon ba ang mga mayayaman? O dahil matanda siya sa amin ng dalawang taon kaya pwede niya iyong gawin? "A?" Napakurap ako at na-realize na tumigil na pala sa paglalakad sila Casi para lingunin ako. Nasa harap na rin kami ng Arts and Sciences building. "I'll go ahead. Please text us when you need help." "Uhm..sige. Pupunta na rin ako sa office." "Alright, bye!" Tumango ako at dumiretso na sa Main building. Hindi ko na tinignan pa si Rivers dahil lalo lang bumabalik sa isip ko ang nakita kong ginagawa nila noon. Lalo lang akong hindi matatahimik kung palagi ko siyang nakikita, at lalo lang akong ma-guiguilty na hindi ko magawang sabihin kay Casidy ang nakita ko. Bumagal ang mga hakbang ko paakyat sa hagdanan nang makarinig ng mga boses at tawanan sa lobby. Hindi katulad noong unang beses ng pagpunta ko rito, maingay ngayon at tunog nagkakatuwaan ang mga tao. Tumigil ako at nag-isip na sa ibang oras nalang sana pupunta dahil mukhang maraming tao kapag lunch. Pero nang pumihit naman ako patalikod ay nakasalubong ko si Rivers. Tumigil siya dalawang baitang ang layo mula sa akin. At kahit nasa baba siya ay halos magkasing-tangkad pa rin kami. Umangat ang kilay niya at sumulyap sa likuran ko, siguro ay naririnig niya na rin ang ingay mula sa itaas. Ayoko na sanang pansinin ang itsura niya pero hindi ko mapigilan. Hindi makatarungan ang itsura niya noon sa cellphone, parang hindi kayang bigyan ng hustisya ng kahit anong camera dahil kung gwapo at makisig na siya sa mga pictures at video na ipinapakita ni Casidy sa akin noon, doble o higit pa iyon sa personal. May kung ano sa tindig at tikas niya, arogante pero alam kong may pinagmumulan. At..nakakaloko ang mga mata niya kung tumingin, parang nakakainsulto, parang may mali sayo, parang may nakakatawa..hindi ko mailarawan. "I thought you're getting your uniform?" Umiling ako. "Mamayang hapon nalang." Nag-iwas ako ng tingin at bumaba ng isang hakbang para sana umalis na pero humarang siya sa daraanan ko. "Let's go, I'll walk you to your headquarters." Kumunot ang noo ko. Bago pa ako makapagsalita ay naunahan niya na ako. "This place is always crowded with the basketball team and cheering squad. You can't avoid them so you have to get used to them." Sa totoo lang ay naisip ko rin iyon. At kung babalik ako mamayang hapon ay baka mas marami pa ngang tao rito, baka mas maingay lalo pa't oras na iyon ng training. Kung bakit ba kasi may lobby pa munang dadaanan bago ang mga office at ang lockers.. Humakbang siya ng isang beses kaya wala na akong nagawa kundi tingalain siya. "Let's go. I promised Casidy that I will help you out." Promised Casidy to help me out? Pero hindi niya na-promise na maging faithful sa kaibigan ko? "Hindi ko kailangan ng tulong mo." Hindi ko alam kung bakit iyon lumabas sa bibig ko. O siguro ay nairita lang ako dahil sa sinabi niya. Umangat ang kilay niya. Tumagilid ang ulo niya at umangat ang gilid ng kaniyang labi na parang namamangha siya sa akin. Mahinang tawa ang pinakawalan niya habang nakatitig sa akin. "I think I know where your annoyance is coming from." Nag-iwas ako ng tingin at sumubok ulit na dumaan pero itinukod niya ang isang braso sa pader sa gilid ko at iniharang naman ang katawan sa harapan ko. Naamoy ko agad ang kaniyang pabango, senyales na masyado na siyang malapit at ang una kong naging reaksyon ay ang pag-atras. Ngumiti siya nang nakita ang pagkakabigla ko. "You still can't forget what you saw in that office?" Nag-iwas ako ng tingin at sumubok pa ulit na umatras, kaya lang ay tumama na ang likod ng sapatos ko sa baitang ng hagdanan. Kinagat ko nang mariin ang labi ko. "Hindi ko alam ang sinasabi mo." Pagak ang kaniyang pagtawa. "Why didn't you tell her though?" Hindi ko na napigilang tignan siya nang masama. "Paano mo iyon nagagawa sa fiancée mo?" Muli siyang tumawa, hindi ko alam kung anong nakakatawa at bakit tila aliw na aliw siya. "Akala ko ba..hindi mo alam ang sinasabi ko?" Hindi ako nakapagsalita. Nahuli niya ako nang walang kahirap-hirap. "And let me correct what you just said. We're not engaged, so technically, she's not my fiancée." Nagpupuyos ako sa galit. Anong hindi fiancée? Sinabi sa akin ni Casidy na ipinangako sila sa isa't-isa kaya bakit niya idini-deny ang kaibigan ko? Para maipagpatuloy niya ang mga gawain niya? Hindi ako makapaniwala. Hindi nagtutugma ang ugali niya at itsura. Gustong-gusto ko pa naman din siya para kay Casi noon, pero iba pala talaga kapag mas nakikilala mo na ang isang tao. Hindi talaga tayo dapat tumitingin sa itsura, kasi nakakagulat ang katotohanan kapag nakikilala mo na. **
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD