"Amethyst!"
Nagulat ako nang paglabas ko ng classroom ay naroon si Casidy at Rivers.
Lumapit si Casi at kumapit sa braso ko. "I don't have class for my first period. Sabay na tayong mag-lunch!"
Malawak ang ngiti niya at halatang good mood. Tumango ako at napatingin naman kay Rivers na nakatingin din sa akin.
Hindi ko alam kung paano ko siya babatiin kaya tipid akong ngumiti at nag-iwas ng tingin.
"Si Shaun?" tanong ko kay Casi nang naglalakad na kami papunta sa cafeteria. Nauuna kami at nakasunod sa amin si Rivers.
"I don't know." Nagkibit-balikat siya.
Tumango ako at kinuha nalang ang cellphone ko para i-text siya.
To: Shaun
Kasama ko si Casidy at Rivers, sabay kaming magla-lunch. Wala raw siyang klase sa first subject. Ikaw? Nasa school kana?
Nakarating kami sa cafeteria at mabilis na nakahanap ng bakanteng table. Umupo muna ako at agad binasa ang reply ni Shaun.
From: Shaun
I'm on my first class for today. Ok lang, kumain ka nang marami. I don't want to see Casidy anyway.
Kumunot ang noo ko at agad akong nag-reply para itanong kung anong nangyari, iyon nga lang ay hindi na siya nakapag-reply, siguro ay nagsimula na ang klase niya.
"I'll buy us food."
Nag-angat ako ng tingin nang narinig si Rivers. Naalala ko na siya ang nagbayad ng lunch namin noong nakaraan at ayaw ko na sanang maulit iyon ngayon kaya kumuha ako agad ng pera.
Mukhang inaasahan niya na rin ang reaksyon ko dahil nakaangat na agad ang kilay niya nang iabot ko ang five hundred pesos.
Tumagilid ang ulo niya at manghang tumitig sa akin. "It's on me."
"Pero—"
"Let him pay, A. Hindi mo naman 'yan mapipilit." Ngumiti si Casi sa akin.
Nag-aalangan pa rin ako noong una pero sa huli ay hinayaan ko na. Ibinalik ko ang pera sa wallet ko at muling bumaling sa kaniya.
Nakatingin din siya sa akin, may multo ng ngiti sa mga labi. Hindi ko tuloy maiwasang isipin na pinagtatawanan niya ako o kung ano. Nag-iwas ako ng tingin at bumaling nalang kay Casi.
"What do you want?" tanong ni Rivers.
"I'd like some pesto pasta."
"Rice meal sa akin, kahit ano okay lang," sabi ko nang hindi tumitingin.
"Alright, wait for me here."
"Thank you, Rivers."
Huminga ako nang malalim at hinintay na makaalis siya. Nang kaming dalawa nalang ni Casi ay saka ako nakapagtanong.
"Nag-away ba kayo ni Shaun?"
Nawala ang pagkakangiti niya kaya alam ko na agad na nag-away nga sila.
"Bakit?"
Sumandal siya sa upuan at pinagkrus ang dalawang kamay sa kaniyang dibdib. "I told him that Rivers tried to back out as my escort pero naayos na at pumayag siya ulit. He started lecturing me."
Kumunot ang noo ko. Anong sinabi ni Shaun? Tungkol ba sa pagiging playboy ni Rivers? Pinagsabihan niya si Casidy?
"I told him that the lecturing isn't needed and he's not helping me at all. He started ignoring my texts after that so I'm gonna ignore him too."
"Casi, concerned lang siya sayo.."
Tumawa siya at muling umirap sa kawalan. "I don't need it. Alam ko ang ginagawa ko at ayoko ng pinapakialaman ako."
Natahimik ako.
Kung ganito ang reaksyon niya dahil pinagsabihan siya ni Shaun, paano pa kaya kung ako ang nagsabi ng mga iyon sa kaniya? Kung sinabi ko ang tungkol kay Rivers at maging ang opinyon ko, baka nagalit din siya nang ganito sa akin.
Huminga ako nang malalim at tumahimik nalang.
Nang nakabalik si Rivers ay nagpasalamat ako sa libre niyang lunch bago nagsimulang kumain.
Hindi ko alam kung anong tawag sa binili niyang pagkain—pork chop iyon na may sauce na mukhang curry. Iyon ang unang beses na nakatikim ako ng ganoon at nagustuhan ko.
Nagulat ako nang nag-angat ng tingin ay nagkasalubong nanaman ang mga mata namin. He looks satisfied, habang ako naman ay medyo awkward na dahil hindi ko gusto na palaging nagtatama ang mga mata namin. Bakit ko ba siya palaging nahuhuli na nakatingin?
Uminom ako ng tubig at nagpahinga lang ng ilang sandali bago nagpaalam sa kanila.
Hindi pa tapos ang lunch break pero gusto ko nang makalayo dahil hindi ako mapalagay. Kung pwede ko lang silang tanggihan kapag nag-aayang magsabay sa lunch ay ginawa ko na.
Ayoko nitong nararamdaman ko. Alam kong ayos na dapat kami ni Rivers pero bakit pakiramdam ko ay mas lumala lang ang tensyon sa pagitan namin? Hindi ako makahinga nang maayos kapag pinapanood niya ako.
Walang training sa araw na iyon kaya as usual ay sa coffeeshop ako pagkatapos ng klase. Unti-unti na rin akong nasasanay sa ganoong routine kaya gumagaan na ang lahat para sa akin.
Dumating si Shaun ng alas sais at inilibre ako ng ice cream pagkatapos ng trabaho ko. Napag-usapan din namin ang away nila ni Casi at tama nga ako—sinabi niya kay Casi ang tungkol sa pagiging playboy ni Rivers.
"She knows about that guy's reputation and she doesn't give a damn at all. Hayaan mo siyang masaktan at umiyak sa huli."
Huminga ako nang malalim. Hindi naman ito ang unang beses nilang mag-away at palagi rin naman silang nagkakaayos agad, kaya umaasa akong ganoon din ngayon.
"Hayaan nalang muna natin siya.."
"I just hope she won't come running to us when her heart gets broken."
Sa totoo lang..alam naman namin pareho na doon iyon papunta. Alam kong masasaktan siya at iiyak sa amin.
At base sa mga sinabi sa akin ni Rivers, tatapusin niya lang ang debut, at pagkatapos noon ay wala na siyang pakialam sa kung ano man ang mangyari.
Naaawa ako kay Casi pero alam kong tama lang din ang gagawin ni Rivers. Ayaw niya kay Casi at napipilitan lang siya dahil sa kanilang mga magulang. May karapatan siyang tumanggi kung talagang ayaw niya. At kahit magiging masakit iyon para kay Casi, atleast ay iyon ang totoo.
Handa naman akong damayan siya kung umiyak man siya. Bata pa naman kami at marami pa siyang ibang lalaking makikilala.
Inihatid ako pauwi ni Shaun nang nag-alas-otso na dahil ilang beses na ring tumatawag si Casi. Akala ko ay may kung anong importante, iyon pala ay gusto niyang kumpleto kami sa dinner dahil nakauwi nang maaga ang parents niya at naroon si Rivers ngayon.
Pagdating ko ay dumiretso na ako agad sa dining room at hindi na nakapagbihis dahil ang sabi ng kasambahay ay naroon na raw sila.
"Magandang gabi po," bati ko kina Mr. at Mrs. Palma.
"Na-late ka ngayon, Amethyst? Abala ka ba sa school?" tanong ni Mrs. Palma.
Dahil nasa pwesto ko si Rivers sa tabi ni Casidy ay umupo ako sa kabilang bahagi ng table sa harap ng dalawa.
"May mga ginagawa lang po."
Tumango naman ito. "Alright, kumain kana hija."
Ngumiti ako at nagpasalamat. Tutulungan na dapat ako ni Ate Janna, isa sa mga kasambahay, sa paglalagay ng pagkain sa pinggan ko pero tumanggi na ako at ako na mismo ang kumuha ng pagkain ko.
Hindi ako gutom dahil kumain ako ng ice cream kaya kaunti lang ang kinuha kong pagkain. Tahimik akong kumain habang nag-uusap naman ang mga kasama sa table.
Magiliw sila Mr. at Mrs. Palma kay Rivers, halatang gustong-gusto rin nila ito para kay Casi. Magalang din namang sumasagot si Rivers sa kanila at nakikipagtawanan. Habang ako ay tahimik lang na nakikinig sa kanila buong dinner.
"By the way, we're sponsoring another exhibit this Saturday. I'll give you an invitation. You can take Amethyst with you."
Doon palang yata ako nag-angat ng tingin sa kaniya.
"Oh, that's nice. You should go, Casi, isama mo si Amethyst."
Nakangiting bumaling sa akin si Casidy. Ngumiti rin naman ako pabalik.
"You can display you artworks too."
"Really?"
Tumango si Rivers at sumulyap sa akin. Napainom ako ng tubig.
"Can you help me? Madami ang gawa ko, help me choose one," excited na sinabi ni Casidy.
Ngumiti naman si Rivers at tumango. "Yeah, sure.."
Kaya naman pagkatapos kumain ay niyaya na siya agad ni Casi sa art room niya. Doon nakalagay ang lahat ng paintings niya mula sa pinakamaliliit hanggang sa pinakamalaki. Naroon din ang mga painting materials at kadalasan ay doon din siya nagpipinta.
Nang nakaalis na sila ay tumayo na rin ako at nagpaalam na magpapahinga na sa kwarto ko. Wala na akong balak sumunod sa dalawa dahil dapat naman talaga ay sila lang ang magkasama.
Kahit gusto kong makapunta sa isang exhibit dito sa Maynila, pakiramdam ko ay hindi ko pa rin dapat tanggapin ang imbitasyon dahil dapat ay oras na nilang dalawa iyon para sa isa't-isa.
Naligo ako at nagbihis sa kwarto ko. Hindi na ako lumabas pa ulit at mas pinili ko nalang gawin ang mga homeworks ko. Matagal-tagal din akong nasa study table sa gabing iyon kaya akala ko ay makakatulog na ako agad nang humiga sa kama. Pero nanatili akong gising ng ilang oras hanggang sa tumunog ang cellphone ko sa ilang notifications.
Nagulat ako nang bumungad ang friend request mula kay Rivers.
Matagal kong tinitigan ang pangalan niya, nag-iisip kung dapat ko ba iyong tanggapin. Sa huli ay inisip ko nalang na wala namang masama, at pwede ko rin siyang ma-chat kung may emergency man.
Tinanggap ko ang request sa pag-aakalang iyon lang. Nagulat ako nang nag-chat siya agad.
Rivers Altamirano:
Have you decided about the painting?
Napakurap ako nang naalala iyon.
Noong Sabado ay tinanong niya kung ibebenta ko ba ang painting. Nang sinabi niyang interesado siyang bilhin iyon ay hindi ako makapaniwala. Wala namang espesyal sa painting na iyon kaya hindi ko alam kung seryoso ba siya o hindi. Sinabi kong pag-iisipan ko pero hindi ko alam na seryoso pala talaga siya?
Amethyst De Asis:
Bakit mo ba iyon gustong bilhin?
Rivers Altamirano:
I just like it
Gusto niya ang painting ko? Hindi ko maintindihan. Ang daming ibang painting na pwede niyang bilhin, bakit ang sa akin pa?
Amethyst De Asis:
Hindi pa ako nakakapagbenta ng painting kahit kailan. Kaya hindi ko alam kung paano at kung magkano
Rivers Altamirano:
How about we start at 100k?
Nanlaki ang mga mata ko. Akala ko ay naduling ako kaya binasa ko pa ulit iyon. One hundred thousand? Para sa ganoong painting? Seryoso ba siya?
Amethyst De Asis
Ganoon kamahal? Pero hindi naman ako sikat
Rivers Altamirano:
I'm not buying paintings according to fame. I like the painting itself
Amethyst De Asis:
Wala akong nakikitang espesyal doon kaya bakit?
Rivers Altamirano
I told you, I just like it. You have bold use of colors on your painting. The painting of the tulips that you gave Casidy looks like Van Gogh's "Irises"
Nagulat ako.
Amethyst De Asis:
Nakita mo?
Siguro ay nakita niya iyon sa art room ni Casi kanina. At anong sinabi niya? Hawig ng "Irises"? Ang painting ko ay ikinukumpara niya sa isang napakagandang painting ng isang sikat na pintor?
Rivers Altamirano:
She said it's her painting but I figured out that it's yours because it has no title
Huh? Nalaman niyang sa akin dahil lang walang title?
Rivers Altamirano
I told her to bring it to the exhibit. You should come with her so you'll see how your painting will attract collectors
Iyon ang napili niyang dalhin ni Casidy? Dahil sinabi niyang gawa niya iyon?
Hindi ako makapag-reply dahil sa pagkakagulat at pagkakamangha. Ang painting ko ay i-didisplay sa isang exhibit sa unang pagkakataon. At kahit hindi sa akin ipapangalan iyon ay walang mapagsidlan ang tuwa ko.
Rivers Altamirano
I'll mark it sold though, babayaran ko sayo
Amethyst De Asis:
Pero binigay ko iyon kay Casidy
Rivers Altamirano
That shouldn't be a reason to take credits for someone else's work. Ikaw pa rin ang may gawa noon, hindi niya dapat sinabing sa kaniya dahil lang napansin ko at nasabing maganda
Amethyst De Asis:
Ayos lang naman iyon sa akin
Rivers Altamirano:
It's not fine with me though. It's not fine with the law of artists
Huminga ako nang malalim. Ayaw ko namang sa akin iyon ipangalan kung sinabi ni Casi sa kaniya na siya ang may gawa noon. Ayokong mapahiya siya.
Sa huli ay nagdesisyon nalang ako na magpaalam na para hindi na humaba pa ang usapan namin
Amethyst De Asis:
Matutulog na ako, maaga pa ako bukas
Rivers Altamirano
Alright, goodnight
Ang tagal kong tinitigan ang chat niyang iyon dahil hindi ko alam kung anong i-rereply ko o kung dapat ko pa bang replayan.
Bakit pakiramdam ko ay mali itong ginagawa naming pag-uusap kahit na wala naman kaming pinag-uusapang masama? Bakit hindi ako kumportable sa ginagawa ko?
Huminga ako nang malalim at sa huli ay pinatay ko nalang ang cellphone ko at hindi na nag-reply.
**