Hindi ako nakatulog nang maayos sa gabing iyon. Ilang beses kong binalak i-message si Rivers pero pinigilan ko ang sarili ko. Mas mabuti kung makakausap ko siya nang personal, kahit hindi ko alam kung anong sasabihin. At kahit hindi ko alam kung ano ang magiging reaksyon niya.
Pagtatawanan niya ako, sigurado ako roon. Pagkatapos kong magsalita ng kung anu-ano, at pagkatapos ko siyang sabihan na tigilan ang kaibigan ko, lalapit ako at makikipag-usap? Na-iimagine ko na ang magiging itsura niya.
"Casi, papasok na ako, ha?" Kahit ayaw ko siyang gisingin dahil mahimbing pa ang tulog niya ay nagpaalam pa rin ako.
Bahagya siyang dumilat pero natulog din ulit.
"Matulog ka pa para makapagpahinga ka.."
Naawa talaga ako sa kaniya. Ilang linggong pinagplanuhan ang mga detalye para sa debut niya at pakiramdam ko ay sinira ko iyon. Kaya naman buong-buo ang loob ko na kausapin si Rivers nang pumasok sa araw na iyon.
Halos wala akong naintindihan sa klase dahil wala akong ibang inisip kundi ang mga sasabihin. Hanggang sa matapos ang training ay hindi napahinga ang isip ko. Kaya naman pagkatapos maligo at magbihis ay hinanap ko siya agad sa headquarters nila, iyon nga lang ay hindi ko siya nakita.
"Hi," bati ko sa ilang miyembro ng basketball team na nakatambay at nagpapahinga sa lobby.
Mukhang nagulat pa sila dahil kadalasan ay umiiwas ako sa kanila at sila pa ang unang bumabati.
Nakabawi rin naman sila at agad na bumati sa akin. "Hi, Amethyst!"
"Uhm..nandiyan pa ba si Rivers?"
Nagkatinginan sila kaya medyo nahiya ako sa tanong ko. Sa reputasyon ni Rivers dito ay alam ko na agad ang posibleng iniisip nila, pero wala namang ibang paraan para malaman kung nandiyan pa ba siya kaya hinayaan ko nalang.
"Nasa court pa si Captain, kasama ang mga bagong players. Baka mamaya pa iyon matatapos."
Tumango ako at umambang aatras.
"May kailangan ka sa kaniya, Amethyst? Pwede namin siyang puntahan para sabihan—"
"H-Huh? Hindi.." Agad akong umiling. "Huwag na. Pwede ko naman siyang hintayin. Ayokong makaabala."
"Sige pero mamaya pa talaga iyon.."
Tumango ako at ngumiti. "Ayos lang, dito muna ako sa headquarters. Salamat!"
Bumalik ako sa headquarters para doon nalang muna maghintay. Maya't-maya rin akong sumisilip sa labas pero iyong mga members pa rin naman ang naroon at nagtatawanan.
Inabala ko nalang muna ang sarili sa paggawa ng mga homeworks kahit na Friday naman at pwede naman gawin ang mga iyon sa weekend. Hindi ko tuloy namalayan ang oras at natapos ko na pala ang lahat.
Hindi ko na rin napansin na nakauwi na pala ang mga kasama ko kanina na nagkukwentuhan pa rito. Unti-unti kong iniligpit ang mga gamit ko sa bag.
"Hindi ka pa uuwi, Amethyst?" tanong ni Coach Ray.
Doon ko lang na-realize na dalawa nalang pala kaming naiwan sa headquarters. Sumulyap ako sa suot kong relo at nakitang 6:30 na ng hapon. Mahigit isang oras na ang lumipas nang natapos ang training at palagay ko ay uuwi na rin si Coach Ray.
"Uhm..may hinihintay lang po ako. Okay lang po bang ako nalang ang mag-lock nitong office?"
"Yeah, sure, you can stay here while waiting. But make sure to lock the doors once you leave. Pareho tayong malalagot kay Coach Joy sa Lunes kung hindi mo ito mai-lock nang maayos."
Ngumiti naman ako at tumango. "Opo, thank you, Coach."
Hindi rin nagtagal ay umalis na nga siya. Halos limang minuto lang din yata ang lumipas nang narinig ko ang batian sa lobby dahil sinadya kong iwan na nakabukas nang bahagya ang pintuan.
"Uwi na kami, Captain!"
Hinintay kong mawala ang mga ingay bago ako tumayo para lumabas na at i-lock ang office. Paglabas ko ay wala na ngang tao sa lobby at tahimik na ang building. Malapit nang mag-alas-syete at madilim na rin sa labas. Ito ang unang pagkakataon na ginabi ako rito sa school.
Huminga ako nang malalim at sumilip sa men's locker room. Sakto namang may isang lalaki pa ang lumabas mula roon.
Mukhang nagulat ito nang nakita ako. "O? Amethyst? Nandito ka pa?"
Kinagat ko nang mariin ang labi ko. "Uh..si Rivers?"
"Ah si Captain? Nasa shower room pa."
Tumango ako at nagpasalamat. Umalis din naman agad ang lalaki kaya sumilip pa ako sa loob ng locker room.
Ang sabi ni Vira noon ay pwede naman ang babae rito, huwag lang sa shower room. At dahil wala na rin namang tao ay sinubukan ko na ngang pumasok.
Hindi katulad sa ladies room na maliwanag, medyo dim ang mga ilaw dito. Nakapatay kasi ang mga fluorescent at iyong maliliit na motion sensor lights nalang ang nakasindi. O siguro dahil gabi na kaya rin ganito.
Huminga ako nang malalim at umupo muna sa mahabang upuan na nasa gitna. Mas okay kung dito na ako maghintay, kasi kung sa headquarters ay baka hindi ko mapansing nakaalis na siya.
Habang naghihintay ay patuloy ako sa pag-iisip ng mga sasabihin. Inihanda ko na rin ang sarili para sa maaring maging reaksyon niya.
Hindi ako pwedeng magpadala sa init ng ulo kahit ano pang pang-iinis ang gawin niya. Kailangan kong maayos ang problemang ginawa ko ngayong araw at ang kailangan ko ay mahabang pasensya.
Habang nag-iisip ay nakita ko agad ang anino niya nang palabas na sa shower room. Tumayo ako nang tuluyan siyang makalabas—bagong ligo at walang pang-itaas na ikinagulat ko.
Umilaw ang motion sensor light sa taas ko kaya naman napatingin siya sa akin. Kita ko ang gulat nang nakilala niya ako, agad nagkasalubong ang mga kilay niya.
"What the f**k are you doing here?"
Napalunok ako. "M-Mag-usap tayo."
Kita ko kung paano umigting ang kaniyang panga. "Is that so important for you to come here?" Mukha siyang iritado katulad ng itsura niya kahapon.
"Hinintay kong makauwi ang mga tao."
Kinilabutan ako nang tumawa siya. "You think that's better?"
Huminga ako nang malalim at humakbang. Bumaba ang mga mata niya sa mga paa ko kaya tumigil ako. "Gusto kong makipag-usap nang maayos, Rivers."
Tumawa siya ulit pero tunog nakakainsulto iyon. "Let me guess, Casidy asked for your help.."
"Kasalanan ko.."
Umangat ang kilay niya, may bakas ng pagkakamangha sa mukha niya. "It's your fault now because you confronted me?"
Hindi ako nakasagot. Pinanood ko siyang lumapit sa locker. Kumuha siya ng damit at isinuot iyon. Doon lang ako naglakas-loob na lumapit.
"I did what you want."
"Nagkamali ako.."
Hindi makapaniwala siyang tumawa nang hinarap ako. "What happened? You look so tamed. Ginawa ko naman ang gusto mo ah?"
"Ikaw ang escort niya para sa nalalapit niyang debut, Rivers. Ayaw niya ng iba."
"That's why you're here?" Hindi nawawala ang pagkakamangha sa mga tingin niya sa akin at alam kong sarcasm iyon.
Kinagat ko nang mariin ang labi ko, hindi na alam ang sasabihin. Hindi ko rin naman inaasahang tatanggapin niya agad ang mga sasabihin ko. Pero ano bang dapat kong gawin? Aabot ba sa puntong magmamakaawa ako? Kaya ko ba iyon?
Bago pa ako makaisip ng sasabihin ay naunahan niya na ako.
"What are you, Amethyst? Their puppet?"
Umiling ako. "Kasalanan ko. Hindi na dapat ako nakialam, inaamin ko."
Sumeryoso ang mga titig niya sa akin. Dumilim ang kaniyang mga mata at pakiramdam ko ay nanlamig ako dahil doon.
"Gaano kalaki ang utang na loob mo sa kanila para gawin ito?"
Napalunok ako, hindi makasagot.
"You're here to ask me to come back to her? Setting aside your pride, huh?"
Napayuko ako. "H-Hindi ko na kayo ulit papakialaman."
"You think that's enough?" Inangat niya ang baba ko.
Napakurap ako. "A-Anong gusto mong gawin ko?"
Kita ko kung paano muling nag-igting ang kaniyang panga. Inis ang nakita ko sa kaniyang mga mata at alam kong para sa akin iyon.
Alam kong nagkamali ako. Noong una palang ay hindi na dapat ako nakialam. Oo, concern ako sa kaibigan ko pero alam kong mali rin na nanghimasok ako nang ganoon. At kung alam naman pala ni Casidy ang pagiging playboy ni Rivers, mas lalong mali ang mga nasabi ko.
Binitiwan niya ang baba ko at bahagyang umatras. "Just go home."
Naalarma ako. Wala akong balak umuwi na hindi ito naaayos.
"Rivers, please.." Sumunod ako at humawak sa braso niya.
Nagulat pa ako sa tigas noon at mukhang nagulat din siya sa ginawa ko. Agad ko siyang binitiwan.
"Sorry sa panghihimasok. Pagkatapos kong makita na umiiyak si Casi ay na-guilty ako. H-Hindi ko rin alam kung anong gagawin ko, hindi ko alam kung alin ang tama."
"Just go home. Call your driver and don't ever try coming here again at this kind of hour."
"P-pero—"
"Ang tigas ng ulo mo!" Napahilamos ito bago ako hinawakan sa braso.
Nagulat ako roon pero hindi ako nakapagsalita.
May kinuha siya sa locker bago ako hinila palabas doon. Nataranta ako at natakot. Malaki siyang tao at sa tikas niya, kayang-kaya niya akong saktan kung mapikon ko siya pero hindi naman ako nasaktan sa paraan ng paghila niya sa akin.
"S-Saan tayo—"
"I said call your driver.."
Umiling ako. "Mag-cocommute ako—" Natigilan ako at napalingon sa mga boses na narinig mula sa kung saan. Akala ko ay guni-guni ko lang iyon pero alam kong may narinig nga ako dahil tinakpan ni Rivers ang magkabilang tainga ko.
Na-realize ko agad kung ano iyon at kung para saan ang iritasyon niya sa pagpasok ko sa locker room. Normal ba ang gawaing iyon sa kanila dito? Normal ang mag-make out?
Hindi ako nakapagsalita sa gulat. Hinayaan ko siyang hilain ako hanggang sa tuluyan kaming makalabas ng main building. Pero hindi kami tumigil doon at dinala niya pa ako sa parking lot.
Pinatunog niya ang kaniyang sasakyan at agad binuksan ang pintuan. "I'll drive you home if you won't call your driver."
Hindi na ako nagkaroon ng pagkakataong umangal dahil gulat pa rin ako sa mga pangyayari. Hinawakan niya ang taas ng ulo ko habang wala ako sa sariling sumasakay sa kaniyang sasakyan. Umikot siya at sumakay sa driver's seat pagkatapos.
Doon palang yata ako natauhan. Bumalik ang isip ko sa pinag-uusapan namin kanina.
"Tungkol kay Casidy—"
Rinig ko ang paghinga niya nang malalim. "Stop it."
"Rivers, please—"
"Stop begging for her, Amethyst."
Kusa akong tumigil pagkatapos noon. Naisip kong naiinis lang siya lalo. Halos lumubog ako sa kinauupuan ko.
"Put on your seatbelts."
Tumango ako at agad na sumunod. Nagsimula naman siya agad mag-drive at habang nasa byahe ay hindi ko mapigilang sumulyap sa kaniya.
Ayokong umuwi nang hindi naaayos ang problemang nagawa ko pero natatakot na rin akong mainis pa siya lalo sa akin.
"Bukas..pupunta ako bukas.." sabi niya ilang sandali ang nakalipas.
"T-Talaga?"
"Just for the sake of her debut, Amethyst."
Hindi ko alam ang isasagot ko roon.
Sumulyap siya sa akin. "Whatever happens after that, you can't help her anymore. It's between us now, you're out of it."
Tumango ako kahit na hindi ko naman talaga alam kung ano ang gagawin niya. Ang gusto ko lang naman ay maging maayos ang debut ni Casidy. At tama siya, pagkatapos noon ay wala na dapat akong pakialam.
"Thank you.." Kalmado kong sinabi.
Tinignan niya ako pagkatapos kong magpasalamat. Umangat ang kilay niya pero wala namang sinabi kaya tumahimik na rin ako.
Ramdam kong kumalma rin siya, base sa paraan ng pagmamaneho niya. Bumagal ang takbo ng sasakyan at gumaan ang pagkakahawak niya sa manibela, hindi katulad kanina at kahapon nang nagtalo kami rito.
Nagpasalamat ako ulit nang nakarating kami sa harap ng bahay nila Casi. Tinignan niya lang ako, may bakas pa rin ng inis sa mukha niya pero hindi na katulad kanina. Ngumiti ako bago tuluyang isinara ang pintuan ng kaniyang sasakyan.
Gumaan ang pakiramdam ko kahit paano, lalo nang masayang ibinalita sa akin ni Casidy noong hapunan na nag-chat si Rivers at nagsabing bibisita bukas.
Sa totoo lang ay hindi ko naman talaga inaasahang papayag si Rivers. Sa mga nasabi niya kahapon, pakiramdam ko ay may dahilan kaya hindi siya makatanggi sa kagustuhan ng mga magulang niya. Dahil sa ugali niya, alam kong mahirap siyang piliting gawin ang isang bagay na hindi niya naman gusto.
Curious ako pero wala rin naman ako sa posisyon para magtanong pa. Natuto na ako, hindi na ako makikialam pa.
Kinabukasan ay nag-setup ako ng mga gamit ko sa pagpinta sa garden. Dahil natapos ko ang mga homework ko sa office habang naghihintay kay Rivers kahapon ay nagkaroon ako ng free time ngayon.
Ito ang unang beses na makakapagpinta ako ulit simula nang tumira ako rito sa Maynila. At dahil na-miss ko ang tanawin sa Naujan ay naisip kong ipinta ang bahay-ampunan.
Una kong ipininta ang berdeng kapaligiran na nakasanayan kong makita sa probinsya. Pagsasaka at pag-aalaga ng mga hayop ang pangunahing hanapbuhay roon dahil sa malawak na kabundukan at kapatagan. Malinis ang hangin at maganda ang tanawin dahil sa mga puno at mga pananim, kaya naman nakakapanibago pa rin sa akin ang buhay ko ngayon dito sa Maynila.
Sunod kong ipininta ang asul na langit na walang kasing ganda at liwanang kapag naroon ka sa tuktok ng burol, at ang field ng pink na tulips at pulang rosas na siyang nagbibigay ng kulay sa buong tanawin, huli ang dilaw na bahay na siyang kinalakihan ko.
Nakangiti yata ako sa buong oras ng pagpipinta roon, lalo na nang sa wakas ay natapos ko iyon.
Matagal kong tinitigan ang painting bago muling kumuha ng mga kulay para ayusin ang mga detalye. Siguro ay maganda talaga ang mood ko dahil gusto kong maging perpekto ang gawa ko ngayon.
At sa sobrang pagkakaabala ko nga roon ay hindi ko na namalayang may nakatayo na pala di kalayuan at nanonood sa akin.
"So you can really paint, huh?"
Napakurap ako at napatayo nang tuwid nang natanaw si Rivers. Galing siya sa pool side at dahil natatanaw mula roon ang garden ay baka nakita niya ako rito.
"Nasa loob si Casidy.."
Hindi ko alam kung anong oras siya darating ngayong araw pero hindi ko inaasahang magkikita kami rito. Sinadya kong pumarito para abalahin ang sarili ko dahil ayaw ko nang magkaroon pa ako ng pagkakataon na makialam sa kanila. Pero heto naman siya ngayon at nahanap pa ako.
"I know, we already talked. She's boring.."
Kunot-noo ko siyang tinignan dahil sa huling sinabi. Boring si Casidy?
Hindi na nga lang ako nagkumento kahit na medyo rude para sa akin ang sinabi niya sa kaibigan ko.
"What's this painting?" tanong niya nang tuluyang nakalapit.
Hindi maalis ang tingin niya sa painting na tila tinitignan ang bawat kulay at detalyeng naroon.
Oo nga pala, nagpipinta rin siya at palagay ko ay di hamak pa na mas magaling sa akin.
"Bahay-ampunan kung saan ako lumaki," sagot ko habang pinapanood siyang nakatitig sa painting ko.
Napakurap lang ako nang bumaling siya sa akin. "Oriental Mindoro, right?" tanong niya.
Tumango ako at nag-iwas ng tingin. Binalingan ko ang painting at ipinagpatuloy ang pagdedetalye roon kahit na medyo na-coconscious ako sa panonood niya.
"I haven't been there. It looks nice, based on your painting."
Hindi ako nagsalita at nagpatuloy lang sa ginagawa. Hindi ko alam ang sasabihin sa kaniya at ayaw ko rin sanang mag-usap kami dahil palagi kaming nauuwi sa diskusyon. Gusto ko ng kalmadong araw kaya nanatili akong tahimik, umaasang iiwan niya ako rito kung ma-bore din siya.
Kaya lang ay nanatili siyang nanonood sa loob ng halos sampung minutong katahimikan.
"What will be the name of this painting?"
Huminga ako nang malalim. "Kailangan ba may pangalan?"
"Artists name their work so they can convey what's in their mind, and so people will know what the piece is all about."
"Hindi ko pinapangalanan ang mga gawa ko," sagot ko habang nagpipinta pa rin.
Sa totoo lang ay tapos na dapat ako sa sampung minutong lumipas, iyon nga lang ay ayaw ko siyang harapin kaya nagpatuloy ako sa pagdedetalye.
Nang narinig ko ang mahinang tawa niya ay saka lang ako nag-angat ng tingin.
"Anong nakakatawa?" tanong ko dahil tuwing naririnig ko talaga siyang tumatawa, pakiramdam ko ay palagi iyong pang-iinsulto.
"I'm curious. I know there are artists who don't name their work, but this is the first time I met one. So let me know why.."
Huminga ako nang malalim. Mukhang totoo naman na curious siya. Mukhang nakuha noon ang interes niya.
"Masyadong maimpluwensya ang mga salita. Gusto ko, kapag may nakakita ng gawa ko ay ma-interpret nila iyon sa paraan kung paano nila naiintindihan, hindi kung paano ko iyon gustong ipaintindi." Bumaling ako sa painting.
"Katulad nito, kung hindi ko ba sinabing isa itong bahay-ampunan, iisipin mo nga bang bahay-ampunan ito? Siguradong simple at normal na bahay ang maiisip mo rito. Sinong mag-iisip na bahay-ampunan ito? Ang makakaisip lang noon ay mga batang nagmula sa orphanage katulad ko."
Binalik ko ang tingin sa kaniya at nakitang titig na titig siya sa akin.
"You paint as a hobby.."
Lito ko siyang tinitigan.
"Have you tried painting with a purpose?"
Hindi ako nakasagot dahil wala akong naaalalang gawa ko na may malalim na kahulugan o katulad ng sinasabi niya. Nagpipinta ako kapag maganda ang tanawin, bilang pampalipas oras, at dahil hobby ko ang pagpipinta.
"The most significant thing I can do as an artist, in my opinion, is to change someone's perspective and help them comprehend some element of the world better through my work. In order to activate a thought process that they wouldn't have on their own, I want to get my audience to think, and that starts with putting on a title on my work. I consider a piece of art to be successful if I was able to reach even just one person through my way."
Napakurap ako dahil ito yata ang unang beses kong nakita siyang seryoso tungkol sa isang bagay, at dahil hindi ko inaasahan na nanggaling ang mga salitang iyon sa kaniya.
"I paint for a purpose, because painting without it, is not an art."
Iba ang pagkakakilala ko sa kaniya, o siguro ay hindi ko lang talaga siya lubos na kilala.
Natahimik ako at napatitig sa painting ko. Sa tinagal-tagal ng panahon kong nagpipinta, ngayon lang may nakapagsabi sa akin nito. Para akong natauhan, may mga ideyang pumasok sa isip ko, at hindi ako makapaniwalang mula pa ang mga iyon sa kaniya.
"I didn't say it to insult you or anything, Amethyst—"
Ngumiti ako at tumango. "Alam ko.."
Tumitig siya sa akin.
Wala naman akong ibang sinabi pa. Sa halip ay nagsimula na akong magligpit ng mga gamit, tahimik at nasa isip pa rin ang mga sinabi niya.
"Anyway, I like this painting. Are you planning to sell it?"
Kunot-noo ko siyang binalingan. "Huh?"
Ngumiti siya. "I want to buy it."
**