Chapter 11

3199 Words
Ang tagal kong nakatitig sa painting na natapos ko noong nakaraan. Hindi matanggal sa isip ko ang mga sinabi ni Rivers. Isang linggong naglalaro sa isip ko ang punto niya at isang linggo ko ring binabalik-balikan ang painting. Hindi ko alam kung bakit bumagabag sa akin ang mga iyon. O siguro dahil alam kong tama siya. Ano nga bang rason kung bakit patuloy akong nagpipinta? Ano nga ba ang mensaheng hatid ng mga painting ko? At sa tagal ko ng nagpipinta, ngayon ko lang nakuwestiyon ang mga gawa ko. Siguro kasi ngayon lang ako nakatagpo ng taong may salungat na pamamaraan at dahilan. Siguro kasi ngayon lang ako nakatagpo ng taong may pagpapahalaga sa kahulugan at importansya ng sining. Huminga ako nang malalim habang hinahaplos ang bawat detalye ng painting. Ito na yata ang pinaka-detalyadong painting ko, at ni hindi ko pa iyon sinasadya. Ayokong mag-usap kami noong mga oras na iyon kaya lahat ng detalye sa painting ay napaglaanan ko ng sobrang oras. Hindi ko tuloy akalain na magiging ganito kaganda ang kalalabasan noon. Anong title ang ilalagay ko? Anong mensahe ang gusto kong iparating sa painting kong ito? Habang patuloy ko iyong iniisip ay hindi ko naiwasang ma-realize na napakamaimpluwensya ng mga sinabi ni Rivers. Heto ako ngayon at nag-iisip ng title kahit na hindi ko naman ito ginagawa dati. Heto ako ngayon at kinukwestiyon ang aking sariling talento. Hindi ko alam kung tama bang nakinig ako sa mga sinabi niya o dapat bang manatili nalang ako sa sarili kong paniniwala. Ang tanging alam ko lang ay may kung ano sa akin na namulat sa katotohanan—na ang talento ko ay hindi lang maaring magamit bilang simpleng pampalipas oras, kundi bilang isang plataporma sa mas makabuluhang mga bagay. At hindi ko alam na sa mga oras na iyon ay nagsisimula na rin palang magbago ang aking mga paniniwala. Sa unang pagkakataon, nagkaroon ako ng mga hangarin gamit ang pagpinta. Sa unang pagkakataon ay napuno ng mga ideya ang aking isip—mga ideyang kailan man ay hindi ko inakalang mabibigyan ko pala ng boses. Sa gabing iyon ay nagkaroon ng pangalan ang painting ko. Ang unang painting ko na may sariling pangalan, ideya, at mensahe—ang Tahanan. "A, wake up!" Unti-unti akong nagmulat ng mga mata nang naramdaman ang marahang pagyugyog ni Casidy sa akin. "Casi? Bakit?" tanong ko habang pilit pang nag-aadjust ang mga mata sa liwanag. "Let's buy a new dress! I looked into your closet and I didn't find a good dress for today!" Kumunot ang noo ko. "Huh? Para saan?" Umirap siya at hinila ang kumot na nakabalot sa akin. "It's for the exhibit! Nakalimutan mo? Rivers invited us to an exhibit sponsored by their family!" Napakurap ako at na-realize na ngayon nga pala iyon. Pero nakapagdesisyon na akong hindi sana sasama para naman mas masolo nila ang oras ng isa't-isa. "Pwede bang huwag na akong sumama, Casi? Kayo nalang ni Rivers.." Nagkasalubong ang mga kilay niya. "They sent you an invitation, A. His mom sent you an invitation. We can't just decline that." Huminga ako nang malalim. Oo nga pala, gusto ni Mrs. Glacier na makapunta ako sa isa sa mga exhibits nila at nakakahiya nga namang tanggihan ko iyon. Gusto ko rin namang makapunta sa mga ganoon dito sa Maynila, pero balita ko ay hindi naman basta-basta ang mga exhibit na idinadaos ng mga Altamirano. Narinig kong pinag-uusapan iyon ng dalawang customer sa coffeeshop noong isang araw. Fine Arts din siguro ang course nila at mukhang interesadong-interesado silang makadalo sa mga exhibits na idinadaos ng mga Altamirano dahil malalaking tao raw at mga sikat na collectors ang naroon. Paano kung may schoolmate kaming makita roon? Ayokong isipin nila na galing ako sa maimpluwensyang pamilya, at lalong ayaw kong magtago sa pangalan ng mga Palma. "Besides..Mom and Dad won't be able to attend because of business so we need to represent my family. Ayoko namang mag-isang pumunta roon, A, kaya sumama kana, please?" Huminga ako nang malalim dahil iyon na nga sana ang ayaw kong mangyari. Hindi ko naman alam kung paano iyon sasabihin sa kaniya dahil sigurado akong ang isasagot niya sa akin ay parte ako ng pamilya nila. "And what if Shaun is there too? It will be awkward!" "Hindi pa rin kayo nagkaka-ayos?" Umirap siya sa kawalan. "I'm not gonna talk to him unless he starts talking to me. So please, A, sumama kana.." Hinawakan niya ang mga kamay ko. "Please? Ako naman ang bahala sa dress mo at sa pag-aayos mo." Tinitigan ko siya. "Hmm sige, pero i-promise mo munang magbabati na kayo ni Shaun." Nagulat siya sa hiningi kong kapalit. Natawa naman ako. "That is cheating, Amethyst!" Umiling ako habang nakangiti. "Hindi mo naman kailangan humingi ng sorry kay Shaun 'e. Alam mo namang kapag kinausap mo siya ay magiging okay na ulit." Huminga siya nang malalim at sinimangutan ako. Pero hindi rin nagtagal ay napapayag ko siya. Kaya naman pagkatapos kong maligo at mag-ayos ay pumunta na rin kami sa mall para mamili at kumain. Hinayaan ko siyang pumili para sa akin pero hindi ko naman inakalang heels pala ang ipapares ko sa dress na napili niya. Para akong pinagbagsakan ng langit at lupa habang tinitignan ang three inches na heels nang nag-aayos na kami noong hapon. "What's wrong? Hindi ba kasya? I got the wrong size?" nag-aalala niyang tanong nang nakita ang itsura ko. Kakatapos niya lang akong ayusan. Suot ko na rin ang light blue na dress na nabili namin kanina. Hindi ko kasi na-check ang binili niyang sapatos dahil nagpaalam akong pupunta sa ladies room noong nasa store, hindi ko inakalang heels pala ang binili niya. "Casi, baka matapilok ako rito.." nag-aalala kong sinabi. "Huh? Mababa lang 'yan, A, kayang-kaya mo 'yan." "Pero hindi naman ako sanay na magsuot ng ganito. Hindi ba pwedeng flat shoes nalang?" "That's the point, paano ka masasanay kung hindi mo isusuot 'yan? Besides, flat shoes won't look classy with that dress." Huminga ako nang malalim, nag-aalala pa rin. "It's okay, hindi ka matatapilok. I will help you out." Wala na rin akong nagawa kundi isuot iyon. Ayaw ko naman kasing magtagal pa kami lalo pa't tapos na kaming mag-ayos at paalis na rin. Naisip ko rin na baka tama naman si Casi, siguro kailangan ko rin sanayin ang sariling magsuot ng ganito. "Are you ready?" tanong niya nang nakitang nakatayo na ako suot ang heels. Tumango naman ako. "Alright, let's go." Masaya siyang kumapit sa braso ko at inalalayan na ako sa paglalakad. Katulad ng inaasahan ko, hindi nga basta-basta ang exhibit ng mga Altamirano. Tiningala ko ang matayog na building nang makababa kami ni Casidy sa harap noon. Sa paligid ay marami pang matataas na buildings pero ang pagdarausan yata ng exhibit ang pinakamataas at pinakamaliwanag. Maraming tao sa labas palang. Nakakasilaw ang sunod-sunod na pag-flash ng camera dahil nagsisidatingan na rin ang mga importanteng tao. Si Casidy ay ngumingiti lang sa mga taong kumukuha ng picture, habang ako naman ay napapatigil at namamangha. Malayong-malayo ito sa mga exhibit na napuntahan ko sa probinsya. Nilagpasan namin ang mga naglalakihang guards sa entrance at pagkatapos ay mayroong babaeng bumati sa amin bago kami iginiya sa loob. May mga sinasabi ang babae pero hindi ko na iyon halos naintindihan nang bumungad sa amin ang malawak at magarbong exhibit ng mga Altamirano. Halos tingalain ko ang mga naglalakihang chandeliers sa ibabaw namin ni Casidy. Sa sobrang dami ng mga bagay sa paligid ay hindi ko alam kung ano ang uunahing tignan. Malawak ang lugar, maliwanag, at puno ng mga artworks mula sa maliliit na paintings mula sa bungad hanggang sa pinakamalalaki na natatanaw doon sa dulo. Sa bawat painting ay may dalawa o di kaya ay grupo ng mga tao na nag-uusap—hindi ko alam kung tungkol sa painting ang pinag-uusapan o di kaya ay nagkakamustahan. Hindi crowded sa loob, hindi gaya sa labas na maingay dahil sa media. Sa loob ng venue ay payapang nag-uusap ang mga tao. Halos lahat ay mukhang mayaman at sopistikado, alam ko dahil kakaiba ang tindig ng mga mayayaman. Kaya rin nakilala ko agad ang mga Altamirano kahit pa nakatalikod sila sa gawi namin ni Casidy. "Oh, dear Casidy, you're here.." Si Mrs. Glacier ang unang nakakita sa amin, at pagkatapos noon ay nabaling na sa amin ang atensyon ng mga tao sa kanilang grupo. Ngumiti si Casidy sa kanila. Hinayaan ko siyang kumalas sa pagkakahawak sa braso ko para makalapit at makabati. "Good evening po," bati niya sa mga ito. Sumunod ako pero hindi rin masyadong lumapit dahil ayaw ko namang mapansin pa nila ako. Pero siguro dahil ako ang kasama ni Casidy kaya wala rin akong choice. Nang bumaling si Mrs. Glacier sa akin at ngumiti ay wala na akong nagawa kundi ang lumapit. "Magandang gabi po." Tipid akong ngumiti. "Good evening, Amethyst." Ngumiti rin ito sa akin. Kasama niya ang kaniyang asawa at mga anak, kaya naman mas agaw-pansin talaga sila kahit pa nasa malayo ka. Bukod sa matatangkad sila ay naghuhumiyaw talaga ng karangyaan ang aura nila. Ang maputing kutis ng anak nilang babae na si Heather ay lalong nangibabaw sa kulay beige nitong dress. Wala akong masabi sa sobrang ganda niya, para talaga akong nakatingin sa isang dyosa. Nang bumaling siya sa akin ay agad akong nag-iwas ng tingin, kaya tuloy nakita ko si Rivers na papalapit sa amin at nakatingin agad sa akin. Muntik na akong matulala sa kaniya nang nakita ang ayos niya. Ito ang unang beses na nakita kong nakasuot siya ng suit and tie. Ang buhok niyang madalas na bagsak sa school ay nakaayos ngayon. Biglang nawala ang playboy na aura niya sa paningin ko. Lumapit siya kay Mrs. Glacier at humalik sa pisngi nito. "Sorry, Mom, I got occupied with the collectors." Ngumiti si Mrs. Glacier at bumaling kay Casidy. "Casi is here now, so you should escort her around." Ngumiti si Rivers at tumango. Hindi nagtagal ay sumulyap siya kay Casidy at lumapit. Alam ko na sa oras na iyon ay kailangan kong dumistansya para bigyan silang dalawa ng oras. Umatras ako nang kaunti at bumaling sa malapit na painting para magkunwaring inaabala ang sarili roon. Natatakot akong mapag-isa lalo pa't wala naman akong kilala sa lugar na iyon pero ayoko namang sumama sa kanilang dalawa. Ayokong makaistorbo kaya pinilit kong abalahin ang sarili sa mga paintings na nasa malapit. Nagulat na nga lang ako nang lumapit si Mrs. Glacier sa akin. "Did you bring a painting?" nakangiti nitong tanong. Napakurap-kurap ako dahil sa malapitan ay nakakagulat talaga ang ganda niya. May asawa't anak na siya pero ang ganda niya ay walang kupas. "Uhm.." Umiling ako at medyo nahiya sa paninitig ko. "Wala po 'e. Hindi na po namin na-ship dahil abala rin po kasi." Tumango naman ito. "But I heard Casidy brought one. Have you seen it? Everyone's been admiring it." Mukhang proud siya roon kaya naman hindi ko naiwasang uminit ang puso. Kay Casidy iyon nakapangalan pero ang isiping gawa ko iyon at maraming namamangha roon sa ganitong exhibit ay nakakainit talaga ng puso. "I do hope that one of your paintings will make it here one day." Ngumiti ako at tumango. Gusto kong sumang-ayon dahil sa totoo lang ay gustong-gusto ko ring mangyari iyon. Sino ba namang pintor ang hindi magnanasang mai-display sa ganitong event ang mga painting niya? Iyon nga lang ay natatakot ako kapag naaalala ang issue ng mga magulang ni Casi sa amin. Paano kung kahit dito ay hindi pwedeng ipakita ang talento ko? Paano kung isipin nilang mababalewala ang mga paintings ni Casi kapag narito na ang sa akin? May kirot akong naramdaman sa aking dibdib. "Susubukan ko po. Hindi na rin kasi ako masyadong nakakapagpinta dahil abala po sa taekwondo." Huminga ito nang malalim. "Nanghihinayang talaga ako sa talento mo, hija. I would have done everything for you to reach your dreams if you chose art. Pero ayaw naman kitang pilitin kung nakapagdesisyon kana." Ngiti na lamang ang naisagot ko roon dahil hindi ko naman alam ang sasabihin. Kung may ibang paraan at pagkakataon lang sana. Nakakatuwang isipin na may tiwala siyang malayo ang mararating ko sa pagpipinta. Naisip ko na siguro ay ganito rin siya kay Rivers, supportive at maunawain, kaya naman sigurado ako na malayo rin ang mararating ni Rivers. Kung ganito ang pamilya mo, wala ka na sigurong ibang hihilingin. Hindi rin kami nagtagal sa pag-uusap ni Mrs. Glacier dahil may mga kakilala pa siyang dumating. Gusto niyang sumama ako sa kanila para hindi ako mapag-isa pero tumanggi ako at mas piniling abalahin nalang ang sarili sa pagtitingin ng mga paintings. Nag-enjoy rin naman ako. Hindi ko namalayan ang oras dahil maraming paintings ang umagaw sa pansin ko. At sa tuwing nakikita ko ang presyo ng mga iyon ay halos nalulula talaga ako. Kaya pala ganoon kalaki ang offer ni Rivers sa pagbili sa painting ko, hindi naman pala talaga biro ang presyo ng mga ito. Hindi nagtagal ay nahanap ko ang painting ko. At katulad ng sinabi ni Mrs. Glacier, marami ngang tao ang tumitingin doon, kaya rin hindi na ako lumapit. Tinanaw ko nalang iyon mula sa malayo, maging si Casi na abala sa pakikipag-usap sa mga taong kuryoso sa painting ay pinanood ko nalang mula sa kinatatayuan ko. Masaya ako dahil kahit paano ay narito ang painting ko. At wala naman akong hinanakit o kung ano para kay Casi, sa pagsasabing siya ang gumawa sa painting na iyon. Kung mayroon man akong nararamdaman ngayon, siguro ay panghihinayang lang iyon. Nanghihinayang ako kasi alam kong marami akong paintings na pwede rito. Nanghihinayang ako sa pagkakataong maimbintahan sa ganitong lugar at mai-display ang paintings ko. Nanghihinayang ako kasi may mga desisyon akong kailangang panindigan. Ang tagal kong nakatayo sa malayo habang nakatanaw sa sarili kong painting kaya naman hindi nagtagal ay naramdaman ko na ang pananakit ng mga paa ko dahil sa suot na heels. Nagdesisyon akong maghanap muna ng mauupuan hanggang sa napadpad ako malapit sa comfort room kung saan may iilang mahahabang sofa. Nakahinga ako nang maluwag nang makaupo roon. Walang tao sa lugar dahil sa likuran iyon at malayo sa mga kaganapan, kaya naman hindi na ako nagdalawang-isip na tanggalin muna ang suot na heels. Agad guminhawa ang pakiramdam ko. Tinignan ko ang mga paa ko at mabuti nalang ay wala namang sugat. Masakit lang siguro talaga dahil hindi naman ako sanay magsuot ng mga ganito. Tumingin-tingin ako sa paligid at nagdesisyon na dito nalang siguro ako hanggang sa hanapin na ako ni Casi. Wala na akong lakas na maglakad-lakad pa at magtingin sa mga paintings. Masaya na rin ako na nakita ko ang lagay ng painting ko. Halos ilang minuto palang akong nakaupo roon nang napaigtad dahil sa pamilyar na boses na tumawag sa akin. "Are you tired?" Hindi ko na kinailangang lingunin kung sino iyon. Kinagat ko nang mariin ang ibabang labi ko dahil hindi ko na inaasahang magkakausap kami sa event na ito. Alam kong abala siya dahil sila ang host nitong exhibit. "Uhm, sorry, masakit lang ang paa ko. Bawal ba dito?" Bumagsak ang tingin ko sa mga paa ko. Umamba akong isusuot na ulit ang heels at natigilan lang nang umupo siya sa tabi ko. "No, it's okay, you can rest." Naamoy ko agad ang pamilyar niyang pabango at kahit hindi ko siya tignan ay bumabalik sa isip ko ang ayos niya sa araw na ito. Parang ibang Rivers ang katabi ko. "Did you see your painting?" Tumango ako at nag-iwas ng tingin. "How is it? How do you feel?" Huminga ako nang malalim at nagkibit-balikat. "Masaya ako na sa unang pagkakataon kong maka-attend ng ganito karangyang exhibit ay narito rin ang painting ko." "I can put all your paintings here." Doon palang yata ako napatingin sa kaniya. "H-Huh? Madami iyon.." Umangat ang kilay niya. Ngumiti siya at tumitig sa akin. "I want to see them all." "Pero baka wala namang bumili sa mga iyon.." "I can buy them all too." "B-Bakit mo naman bibilhin ang paintings ko, kung mas marami namang mas maganda pa.." Nagkibit-balikat siya, hindi nagbibitiw ng tingin sa akin. Nagtagal rin ang titig ko sa kaniya, namamangha sa mga binitiwan niyang salita. Dahil hindi ko alam kung bakit umiinit ang puso ko sa mga sinabi niya. "I heard from Casidy that you were supposed to take Fine Arts, but you changed your mind. What happened?" Agad akong nag-iwas ng tingin nang maramdamang napapaso na ako sa init na nararamdaman sa aking dibdib. Hindi ko alam kung ano itong nararamdaman ko, at kung bakit ko ito nararamdaman sa taong ito. Hindi pa kami nag-usap nang ganito simula nang magkakilala kami. Palagi kaming nagtatalo o di kaya ay palaging may tensyon sa pagitan namin. Hindi ko alam kung bakit umiinit ang puso ko sa simpleng pag-uusap namin nang normal. "You would have had a bright future if you chose to pursue arts." Halos pareho sila ng sinabi ng mommy niya. "Arts pa rin naman ang Architecture, mas naging praktikal lang ako." Mahina siyang tumawa na lalong nagpalala sa nararamdaman ko. Ang kalmado at malalim niyang boses ay bago sa akin, at nagdudulot ng sari-saring emosyon sa aking dibdib. Mabuti nalang at biglang tumunog ang cellphone ko. Nang nakitang si Casi ang tumatawag ay tila natauhan ako. "Hinahanap na ako ni Casi.." Yumuko at nagmadaling isuot ang heels, kaya lang ay nahirapan ako sa straps dahil sa suot na dress. "Let me.." Nagulat ako nang lumuhod si Rivers sa harapan ko. Hindi ko alam kung anong magiging reaksyon nang naramdaman ang mga kamay niya sa mga paa ko. Gusto kong tumanggi sa tulong pero naestatwa na ako sa kinauupuan ko. Parang may kung anong kumikiliti sa tiyan ko habang nararamdaman ang mga kamay niya sa balat ko. "Your feet look so small.." kumento niya. Inatras ko ang isang paa nang na-realize ang nangyayari. "A-Ako na.." Pero hinawakan niya nang mabuti ang isa at marahang isinuot sa akin ang sapatos. Halos mabingi ako sa ingay na nagmumula sa aking dibdib. Nag-iinit ang buong mukha ko habang pinapanood siyang nakaluhod sa harapan ko at hinahawakan ang mga paa ko. Nang nag-angat siya ng tingin ay nakita kong madilim ang kaniyang mga mata. "Give me your bank account. I will pay for the painting." Napakurap ako. "H-Huh?" Inayos niya ang dulo ng dress ko. "I will pay for the painting. It's yours." Umiling ako. "Huwag na. Babayaran mo na iyon kay Casi at madodoble lang kapag binayaran mo rin sa akin." "Casi gave it to me though." "H-Huh?" Hindi ko alam kung bakit tila nawawala ako sa kaniyang mga mata. Hindi ito ang Rivers na madalas kong makaaway. Bakit iba ang Rivers na nasa harapan ko ngayon? "I'm disappointed that she's giving away the painting that you gave her. Kasi kung ako, hindi ko ipapamigay iyon." Bago pa ako tuluyang malukob ng nakakabinging pagtibok ng aking puso ay tumayo na ako agad. "A-Ayos lang, h-hindi iyon big deal." Tiningala niya ako. Mabagal siyang tumayo habang nakatitig pa rin sa akin, tila alam ang nangyayari sa akin, tila naririnig ang mga kabog sa aking dibdib. Tumagilid ang kaniyang ulo habang nanonood sa akin. Natataranta naman akong tumalikod at iniwan siya roon. **
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD