Tulala ako sa labas ng bintana buong byahe pauwi. Paulit-ulit na nag-rereplay sa utak ko ang mga sinabi ni Rivers at pakiramdam ko ay nananaginip ako.
Alam kong may nagbago sa amin nitong nakaraan. Palagi kaming hindi nagkakasundo simula nang nagkakilala kami. Palagi kaming nagtatalo, pero hindi gaya noong una, alam kong nitong mga nakalipas na araw ay may kakaiba. Pinilit kong huwag pansinin iyon. Pinilit kong i-deny sa sarili ko ang mga nakikita sa pag-aakalang nagkakamali ako, at sa takot na kilalanin ang mga emosyong nararamdaman ko.
Paano niya ako nagustuhan? Ni hindi kami nakakapag-usap nang normal. Kapag nagkikita kami ay palagi kaming nag-aaway. Paano niya nasabing gusto niya ako? At higit sa lahat, bakit ako?
Walang espesyal sa akin. Hindi ako maganda at lalong hindi galing sa marangyang pamilya. Hindi kapani-paniwalang magugustuhan niya ako, maliban nalang kung ang intensyon niya ay katulad sa mga babaeng idini-date niya.
Kumuyom ang mga palad ko nang na-realize na walang ibang pwedeng dahilan bukod doon. Wala akong ibang kayang i-offer bukod doon at ang isiping iyon nga ang habol niya sa akin ay nagpapasikip sa aking dibdib.
"Amethyst.."
Napakurap ako at napabaling kay Shaun. Hindi ko man lang napansin na tumigil na ang sasakyan sa harap ng bahay dahil sa lalim ng iniisip ko.
"S-Sorry.." Agad kong inayos ang mga gamit ko.
"Are you okay? Anong sinabi niya sayo?" tanong niya, bakas pa rin ang galit sa mukha niya.
Umiling ako at huminga nang malalim. "Wala, Shaun, please.."
"You looked pale when I arrived. I'm sure he said something."
"Wala siya sa mood at natapon ko ang order sa damit niya kaya nataranta ako. Wala siyang sinabi o ginawang masama. Kasalanan ko."
Tinitigan niya ako na parang hindi siya naniniwala sa sinabi ko. Alam ko..dahil hindi naman ako magaling magsinungaling. Pero hindi ko kayang sabihin sa kaniya ang totoo. Ayaw kong magkagulo. At anong iisipin niya sa akin? Ayaw kong masira ang pagkakaibigan namin dahil sa bagay na ito. Sila lang ni Casi ang mayroon ako at kung mawawala sila sa akin, hindi ko na rin alam kung anong mangyayari.
"Bababa na ako. Thank you sa paghatid."
Tipid akong ngumiti sa kaniya bago binuksan na ang pintuan sa tabi ko para makababa. Narinig kong bumukas din ang pintuan sa gilid niya at nagulat ako nang nakitang bumaba rin siya.
"Papasok ako. Let's talk to Casidy about what happened. I want her to talk to him about it—"
Napasinghap ako at agad na naglakad palapit sa kaniya. "Shaun.." Umiling ako. "Shaun, please huwag na, please.."
"Why are you so scared? Hindi mo iyon sinasadya.."
"First time kong nagkamali kaya nataranta ako.." Gusto ko nang maiyak habang pilit siyang kinukumbinsi.
At siguro na-realize niya iyon. Tumigil siya at huminga nang malalim. "Alright, get inside now and rest."
Nakahinga ako nang maluwag. Tumango ako at pilit pinakalma ang sarili. "Salamat sa paghatid. Mag-iingat ka pauwi."
Tumango siya at pinanood ako hanggang sa makapasok na sa gate. Napasandal nalang ako roon dahil sa mga nangyari.
Alam kong hindi siya naniniwala. Kilala niya ako. At sa reaksyon ko, alam kong mas lalo siyang naghihinala. Kailangan kong pakalmahin ang sarili ko. Kailangan kong tiisin ito hanggang sa matapos ang debut ni Casi.
Matagal pa bago ako nakapasok sa bahay. Mabuti nalang at abala ang mga tao para sa mga final preparations sa darating na Sabado.
Dumiretso ako agad sa kwarto ko at naligo. Halos ayaw ko na sanang bumaba nang tawagin ako para sa hapunan dahil pakiramdam ko ay wala akong mukhang maihaharap sa kanila. Pakiramdam ko ay niloloko ko si Casidy. Pakiramdam ko ay napakasamang kaibigan ko.
"What are your plans for your birthday next week, Amethyst?" tanong ni Mrs. Palma habang kumakain.
Doon ko lang naalala na eighteenth birthday ko rin next week. Halos nawala na iyon sa isip ko dahil sa mga pangyayari.
"Wala naman po, magsisimba po ako."
Gusto ko sanang umuwi sa Mindoro para makasamang mag-celebrate ang mga tao sa bahay-ampunan pero hindi sapat ang weekends para doon.
"It's your eighteenth birthday, A, we should have a party! Kahit maliit lang kung ayaw mo ng engrande!"
Umiling ako kay Casi. "Ayaw ko, Casi. Kahit simpleng dinner lang ay ayos na ako."
Sinimangutan niya naman ako.
"If that's what you want then we'll plan after Casidy's debut, okay?"
Ngumiti ako at tumango naman kay Mrs. Palma.
Sa totoo lang, hindi naman importante sa akin na makapag-celebrate, lalo kung sila nanaman ang gagastos. Pero kilala ko na ang pamilyang ito at alam kong hindi ako mananalo kung ipipilit nilang mag-celebrate. Dumagdag pa lalo iyon sa guilt na nararamdaman ko.
Pagkatapos kong maghapunan ay nagpaalam na rin ako agad na babalik sa kwarto ko. Hindi ako makatagal doon dahil na-guiguilty ako. Ilang oras din ang lumipas simula nang humiga ako sa kama at hindi pa rin ako makatulog. Pakiramdam ko ay mapapanaginipan ko si Rivers at Casi.
Tumunog ang cellphone ko hudyat ng isang tawag sa isang application. At lalo lang ako napabuntong-hininga nang nakitang si Rivers iyon.
Dinecline ko agad ang tawag pero hindi pa nag-iisang minuto ay tumutunog nanaman ang cellphone. Paulit-ulit ko iyong pinatay pero paulit-ulit din niyang tinatawagan. Hanggang sa hindi ko na napigilan ang sariling sagutin iyon.
"Rivers, please.."
Bumangon ako at umupo. Naisip kong mas mabuti kung mag-uusap kami at makumbinsi ko siyang hindi totoo ang lahat. Mas matatanggap ko kung pinaglalaruan niya lang ako kaysa ang malamang seryoso siya. Mas gugustuhin kong masama ang intensyon niya.
"Let's talk properly tomorrow.."
Napapikit ako nang narinig ang boses niya. Ito ba? Ang boses niya? Ang itsura niya? Ang nakakainis niyang ngiti? Alin ba ang nagpapabilis sa t***k ng puso ko?
"Rivers, please, hindi ito tama.."
"I didn't want to call you and bother you tonight but I've been trying to talk to you properly and all you do is avoid me."
"Ano bang dapat gawin ko? I-entertain ka kahit alam kong fiancé ka ng kaibigan ko?"
Rinig na rinig ko ang frustrated niyang pagtawa sa kabilang linya. "I'm not her fiancé and I will never be."
Napayuko ako at napailing. Nakita kong pumatak ang luha ko at halos hindi ako makapaniwalang umiiyak ako.
"Hindi ito pwede, please. Magagalit sa akin si Casi. Ayaw kong magkasira kami ni Casi.."
"Are you crying?"
Hindi ako nakasagot. Sa lahat ng sinabi ko, parang ang pag-iyak ko lang ang narinig niya. Kinagat ko ang labi ko para pigilan ang sariling humikbi.
Sari-saring emosyon ang nararamdaman ko pero nangingibabaw ang takot. Ayaw kong magkasira kami ni Casidy, iyon lang ang alam ko.
"This is my first time liking someone to this extent, and you're crying?" Hindi makapaniwala siyang tumawa.
"Hindi mo naiintindihan.."
"I don't want us to talk about this over the phone. We'll talk tomorrow."
Hindi ako sumagot.
"I'm sorry about earlier. I couldn't keep my cool. You really looked pale and exhausted. Please take a rest and we'll talk calmly tomorrow."
Ano bang habol mo sa akin, Rivers? Kasi hindi ako naniniwalang gusto mo ako. Kasi walang ibang dahilan para magustuhan mo ako.
"Good night."
Hindi pa rin ako sumagot. Kung tutuusin, dapat ay hindi ko na sinagot ang tawag niya. Kung totoong ayaw ko nito, dapat ay tumigil na rin ako sa pakikipag-usap sa kaniya. Wala akong ibang option na pipiliin kundi ang pagkakaibigan namin ni Casi.
Hindi ko pinatay ang tawag, hanggang sa kusa niya nalang itinigil iyon. At pagkatapos ay napagdesisyunan kong i-block na siya sa social media nang sa ganoon ay hindi na kami magkausap pa.
Huminga ako nang malalim at humiga ulit. Ipinikit ko ang mga mata kong basa pa rin ng luha at sa wakas ay nakatulog ako sa gabing iyon.
Kinabukasan ay halos ayaw ko nang lumabas ng headquarters para lang makaiwas. Pakiramdam ko ay lalapitan niya ako kahit nasa gitna man ako ng maraming tao, o nasa gitna man ng training.
Mabuti nalang at sa araw na iyon ay sinabihan kaming pwede na naming gamitin ang sarili naming facility para mag-training. Hindi na namin kailangang pumunta sa gym, pero para makasigurado na hindi niya ako ma-cocorner ay dumikit ako kay Vira at Guile buong maghapon.
Biyernes na at kung ano man ang mangyari sa debut ni Casidy bukas, ang pinanghahawakan ko nalang ay ang sinabi niyang huli na iyon. Wala nang magiging interaksyon sa pagitan nila at hindi ko na rin siya kailangang kausapin o kilalanin pa.
"Hey, are you listening?"
Bahagya akong natauhan nang siniko ni Clyde. Napakurap ako at napatingin kay Coach Joy na nag-eexplain sa harap tungkol sa nalalapit na tournament na sasalihan namin.
"Sorry.." bulong ko.
Tumango lang naman si Clyde at bumaling na ulit sa harapan.
Huminga ako nang malalim at isinantabi muna ang problema. Pansamantala kong inabala ang sarili sa training. Naisip ko na makakatulong ang paghahanda namin sa darating na tournament para maabala ko ang sarili at makaiwas sa kaiisip.
Iyon nga lang ay hindi ko siguro talaga maiiwasan si Rivers, lalo kung intensyon niya talagang hanapin at kausapin ako.
Kakatapos ko lang maligo at halos tumakbo ako pabalik sa shower room nang nakita siyang naghihintay sa tapat mismo ng locker ko.
Agad kong pinagsisihan na nagpahuli ako sa pagligo at pag-aayos sa pag-aakalang maiiwasan ko siya. Ngayon ay wala nang tao sa shower room at maging sa locker, at mas napadali ito sa kaniya.
Huminga ako nang malalim bago napilitang lumapit. Alam kong walang kwenta ang pag-iwas ko. At siguro ay kailangan ko na ring samantalahin ang pagkakataong ito para tuldukan ang problemang 'to.
"You're avoiding me," aniya, nakasandal sa locker ko.
"Rivers, please.."
"I said I want to talk, but you blocked me, huh?"
Pinantayan ko ang titig niya. "Wala tayong pag-uusapan. Hindi kita gusto, at lalong hindi ko kayang ipagpalit ang pagkakaibigan namin ni Casi para sayo."
Ayaw kong magsalita nang ganito pero siguro ay wala na talagang ibang paraan. Hindi sapat ang pag-iwas dahil alam kong hindi ko siya maiiwasan habang-buhay.
Nagdilim ang mga mata niya na parang may nasabi akong mali. Pero pilit kong pinatapang ang sarili ko. Kung hindi ito maidadaan sa pag-iwas, kailangan ko itong daanin sa tapang.
"Anong nagustuhan mo sa akin? Kasi hindi kita kayang paniwalaan. Sa dami ng babaeng nagkakandarapa sayo—magaganda, mayayaman, at may sariling pangalan—bakit mo ako magugustuhan?"
"You think I will want a woman based on those things?"
Frustrated akong tumango. "Oo! Dapat! Kasi mayaman ka, gwapo ka, may kakayahan ka! Kaya dapat katulad mo ang pipiliin mo!"
Tumayo siya nang tuwid, tila na-trigger na rin sa pagtaas ng boses ko.
"Mahirap paniwalaan na gusto mo ako kasi kilala kita. Hindi ka nagseseryoso at alam ko kung ano ang gusto mo!"
Nanliit ang mga mata niya. Humakbang siya palapit, naghahamon ang mga mata, nag-iigting ang mga panga. "What is it then? What is it that you think I want from you?"
Tumawa ako. "Playboy ka. Hindi ka nagseseryoso at pinagsasabay mo ang mga babae mo. Anong mapapala mo sa akin kundi ang katawan ko?"
"What?"
"Kasi wala akong ibang maisip. s*x lang ang habol mo, hindi ba? Katulad ng ginawa mo kay Riri? Pagkatapos mong gamitin, hindi ba iiwan mo rin?"
"If you f*****g hear me out then—"
Umiling ako. "Ayoko. Hindi ako magpapabilog sayo. Hindi lahat ng babae magkakagusto sayo. At hindi ko sisirain ang pagkakaibigan namin ni Casi para lang sayo!"
Halos tumagos ang titig niya sa akin.
Hindi ko mabasa ang ekspresyon sa mukha niya. Ang alam ko lang ay madilim iyon, galit at hindi makapaniwala.
Hindi rin ako makapaniwala sa mga nasabi ko. Oo, alam kong playboy siya, pero mali ang husgahan siya nang ganito. Pero ano pa bang dapat kong gawin para matigil ang lahat ng ito?
Mas gusto ko pang paniwalain ang sarili ko na pinaglalaruan niya lang ako, kaysa ang kilalanin ang nararamdaman ko.
Hindi kami pwede. Hinding-hindi ako mapapatawad ni Casidy at ng pamilya niya. Hinding-hindi ko rin matatanggap kung magkasira kami. Kaya mas ayos na kung ganito, kasi alam kong lilipas din naman ito.
"Please, Rivers, tumigil kana. Hindi ako kailan man magkakagusto sayo."
Matagal siyang tumitig sa akin. Blangko ang kaniyang mga mata, tila ba itinago niya bigla ang mga emosyon sa akin. Umiling siya, natawa, at umatras. Napalunok ako dahil alam kong ito marahil ang unang pagkakataon na may babaeng tumanggi sa kaniya. At ang kapal ng mukha ko dahil ako pa iyon.
"It seems like you dislike me that much, huh? For you to be so eager to push me away."
Naninikip din ang dibdib ko pero wala na akong nagawa nang umiling siya at tuluyang tinalikuran ako.
**