Nang nasa kanto na kami patungo sa kanilang bahay, nakita namin ang mga tinuturing na 'kaibigan' ni Sam na nasa ilalim ng malaking puno ng acacia, habang mataman ang mga itong naghihintay.
"Andyan na ba lahat ng bala natin?" tanong ko kay Sam. Inabot niya sa akin ang isang supot ng sagot at isang pirasong pulang straw.
Dahilmalapit lang kami sa pwesto nf mga dalaga, maliwanag naming naririnig ang mga ito na naiinip na habang hinihintay ang kanilang target. Ilang minuto lamang ay napagpasyahan na ng dalawa sa kanila na umuwi na lang, at natira ang tatlo sa kanila. Ngunit hindi talaga maiiwasan sa isang bata na kulang sa gabay ng magulang kaya nakukuhang mang-abuso ng kapwa nila. Tingin ko rin ay wala ng makakapigil sa kanilang gagawin, kaya itutuloy na namin ang plano.
Naghintay muna kami ng ilang minuto bago dire-diretsong paulanan sila ng mga s**o habang nakatago kami dito sa loob ng kotse.
"Ano ba Shane! B-bakit moko...ew!" Sigaw ng naka-blonde na pasimuno sa lahat. "Ano ba. Tumigil ka na nga!"
Abala naman sa pagtanggal ng s**o ang isang bata na sumayad pa sa kaniyang buhok. "Ano bang pinagsasabi mo? Pati ako natatamaan, tignan mo" Pakita nito ng mga s**o na sumabit sa kanya.
"Yuck!" Nandidiring saad nito, kaya napatayo siya.
"Bahala ka na Abby. Mukhang na-e-engkanto na tayo sa ginagawa natin kay Sam. Uuwi na lang ako!" saad ng isang batang putok ang pulang lipstick sa labi at naka pekpek short.
"Teka!" Pigil naman nang batang nagngangalang Abby. Mukhang gusto pa rin nitong ituloy ang binabalak niya, kahit napakarami na niyang s**o sa mukha. "Mawawala din 'to mamaya lang, hintayin muna nati-" Hindi na nito naituloy ang sasabihin ng biglang pumasok sa bunganga niya ang s**o na tinira ni Sam.
"Yay!" Sabay naming sabi ni Sam at nag-apir.
"Ews!" sigaw nito sabay kuha ng s**o sa kanyang bibig.
Hindi naman namin mapigilan ni Sam ang matawa habang pauwi ang mga bata na punong-puno ng s**o ang kanilang mukha at katawan. Kahit papaano ay naibawi ko rin siya sa mga batang iyon.
"Grabe! Nakakatawa talaga 'yong mukha ni Abby. Ang dami niyang s**o, pati sa buhok." Hawak nito sa kanyang tyan habang hindi pa rin tumitigil sa kanyang pagtawa.
"Grabe talaga ang saya!" wika niya.
Tumingin naman ako ng seryoso sa kanya. "Pero huwag mo ng uulitin ha?" usad ko.
Tumango naman ito.
"Kahit gano'n ang ginagawa nila sa akin, kahit kailan hindi ko naisip na maghiganti."
Napangiti na lamang ako sa sinagot niya. Sa labing apat na taong pag-iisip nito, hindi ko akalain na pinalaki siyang napakabait ng kaniyang magulang.
Pagkaparada ng sasakyan sa tapat ng bahay nila, naroon ang ang isang ginang na mukhang alalang-alala habang hinihintay siya.
Pagkababa sa Kotse ni Sam, sinalubong siya kaagad nito. Lumabas naman ako ng kotse, habang masayang pinapanuod ang dalawa.
"Akala ko kung saan kana nagpuntang bata ka." Yakap nito.
"Ma, tinulungan ako ni ate..."
"Kore po." Lahad ko aking kamay.
"Tinulungan lang po ako ni ate Kore makauwi. Alam mo ma ang astig niya," ani nito. Kinindatan ko naman siya, dahil baka pati ang ginawa namin sa mga kaibigan niya ay kaniya pang makwento.
"Salamat pala sa paghatid sa anak ko," malambing na sabi ng ginang, habang nangingislap ang mata. "Gusto mo bang dito ka na magtanghalian?" alok nito.
Umiling naman ako. "Hindi na po, may lakad din po kasi ako." Lumingon naman ako kay Sam na nakangiti pa rin. "Sam, 'yong pinag-usapan natin ha?"
"Opo!"
Pagkatapos naming magpaalam sa isa't-isa, binigyan naman ako ni Sam ng isang napaka tamis na ngiti,habang nagtataka naman ang kanyang nanay kung anong nangyari. Nang malapit na ako sa lokasyon na kinuha ni Jillian para sa bahay nina Dave at lola Esmeralda, napagpasyahan kong ipamili muna sila ng prutas, bago sila dalawin sa kanilang bagong bahay.
Napangit na lang ako sa kawalan habang inaalala ang napaka gandang ngiti ni lola.
"Sigurado, napakasaya ni lola nito."
Bumalik ako sa pinagbilhan ko ng prutas kahapon, dahil nagustuhan daw ni lola ang mga iyon. At sa aking pagbalik, naroon din ang matanda kahapon na pilit tumatawad sa binibili ulit na pakwan.
"Oh, anak. Nagkita na naman tayo," ani nito sabay nginitian ako ng napaka-aliwalas.
Hindi ako makapagsalita at tila nanigas ang buong katawan ko sa aking napagtanto. Hindi maaari.
Unti-unti nang bumabalik ang alaala ko, at ang babae na ito na nasa harapan ko. Siya ang...
"Anak? May bibilhin ka ba? Ililibre na kita." saad nito habang nakatingin pa rin sa akin.
"Y-yayi?" Lumunok ako ng namuong laway sa aking bibig.
"Y-yayi Emma?"
Tumaas naman ang kilay nito at ngumiti ng bahagya. "A-anong yayi Emma?" wika nito. Pati rin ako ay hindi ko alam bakit bigla na lamang bumalik lahat ng alaala ko patungkol sa kanya. Paano nangyari 'to? Bakit?
"Aling Emma, heto na po o, dinagdagan ko na 'yan ha?" sabat ng tindera, kaya bumalik ang tingin namin ni yayi doon. Ibinigay niyon ang isang supot na naglalaman ng prutas. Pagbalik ng tingin sa akin ni yayi Emma ay nakangiti na ito.
"Baka mali lang ako ng narinig. Pasensya ka na anak ha? Namiss ko lang siguro 'yong anak ko." Upang maibaling ang emosyon, tiningnan nito ang laman ng supot. "Kasing tanda mo lang din 'yon e," ani nito.
Pagkatapos niyon, hinawakan niya ang balikat ko tsaka tumalikod na sa akin. Habang pinagmamasdan ko ang lahat sa kanya, hindi ko maiwasang hindi maluha. Gusto ko siyang yakapin, gusto ko siyang halikan, gusto kong gawin lahat ng ginagawa ko dati sa kanya, pero paano? Hindi na ito 'yong Nyx na anak niya. Hindi na niya ako makikilala. Baka rin kasi kapag nagpakilala ako sa kanya bilang Nyx, baka hindi naman ito tumigil sa kakaiyak.
Halos gulong-gulo akong pumasok sa loob ng kotse, hindi ko pa rin maisip paano nangyari iyon. Pinilit ko namang alalahanin ang iba ngunit tanging si yayi Emma lamang ang natatandaan ko.
Hindi ko namalayan na nakarating na pala ako sa bagong bahay nina lola Esmeralda, hindi ko rin akalain na sasalubungin ako ng mga ito ng ngiti, habang si lola ay sinalubong ako at mahigpit na yakap ang iginawad niya sa akin. Nagising naman ako sa ulirat habang inaakay ko ito papasok ng bahay.
"Nagustuhan niyo ba ang bago ninyong bahay lola?" saad ko at impit akong ngumiti.
"Oo anak, napakaganda. Saka tignan mo o, may pang-init na rin kami ng tubig. Hindi ko na kailangang ipainit pa sa araw ang tubig ko," wika niya, habang masayang-masaya na ipinagmamalaki sa akin ang mga bago nilang gamit.
"At saka tignan mo anak ang higaan ko." Upo niya sa binili naming kutchon. "Napakalambot na, tapos wala na rin tumutulo," ani nito kaya nagtawanan naman kaming dalawa ni Dave.
Sakto lamang ang bahay para sa kanilang dalawa. Ipinasadya ko na rin sila ng bago nilang katulong para kapag nagtrabaho na si Dave ay may magbabantay na kay lola.
"Kore?" wika ni Dave kaya napalingon ako rito.
Kaagad naman akong lumingon dito. "Uhm?"
"Salamat." Isang matamis na ngiti ang iginawad niya sa akin.
Sa bawat katagang inilalabas nito, ramdam ko ang saya sa mga sinasabi niya. Alam ko rin nahihirapan na siya sa lagay nila sa dati nilang bahay, ngunit mas pinili niyang magpakatatag para sa kanyang lola.
"Salamat din." Tayo ko at hinarap siya. "Kung hindi dahil sa inyo, hindi pa ako matatauhan," pag bibiro ko pa.
Tumigil ito sa pagtawa tsaka humarap sa akin. "May problema ka ba?"
Lumayo naman ako nang kaunti sa kanya dahil ramdam kong binabasa nito ang nasa mata ko. "W-wala ah, anong pinagsasabi mo?"
"Ah oh sige, halika sabay-sabay na tayong kumain." ani nito at ibinaling ang tingin sa mesa.
Hindi na lamang ako kumibo, paglampas nito sa akin. Habang kumakain, pansin kong lumayo sa amin ang kanilang kasambahay. Tila nahihiya pa din itong kumuha ng ulam kaya puro sabaw lamang ng sinigang ang inilagay nito sa kanyang plato.
Nilingon ko siya na nakkaupo ngayon sa tapat ng pintuan. "Halika tabi-tabi tayo," pag anyaya ko sa kanya habang sinusubuan naman ni Dave si lola.
"Hindi po Ma'am, ayos lang ako. Dito na lamang po ako sa labas," ani nito.
Siguro kailangan ko na ulit palitan ang ekspresyon ng mukha ko.
"Sige. Kapag hindi ka pa umupo sa tabi ko, bukas na bukas, tanggal ka na sa trabaho," pananakot ko sa kanya. Sa huli ay hiyang-hiya itong umupo sa tabi ko at nilagyan ng isda ang kanyang plato.
"Ang hilig mo talagang manakot Kore," biro ni Dave.
Nang matapos na kaming kumain, kaagad akong nagpaalam sa kanila. Balak ko kasing puntahan si yayi Emma sa bahay namin, kung nandoon pa rin siya hanggang ngayon.
"Mag iingat ka anak." wika ni lola
Hinatid naman ako sa labas ni Dave. "Ingat ka, bumalik ka rito." ani nito.
Pagkaandar ng sasakyan, binilisan ko ang takbo para maabutan ko doon si yayi Emma. Excited na akong mayakap siya at mahawakan. Pero sa kabbilanng banda, nakapagdesisyon na rin ako, hindi ako magpapakilala sa kanya bilang Nyx. Nang nasa tapat na ako ng gate ng bahay, bumungad sa akin si yayi Emma na nagwawalis sa aming bakuran. Dali-dali akong bumaba nang kotse habang sinisilip siya.
"Aling Emma!" sigaw ko ng lumingon ito.
Kaagad naman siyang tymakbo patungo sa gate at binuksan ito.Pagkabukas nito ay siya namang babba ko sa kotse at ngiting-ngiti ko itong sinalubong. Hindi ko na mapigilan ang sarili ko kaya nayakap ko siya.
"Buti naman at napadalaw ka rito?" ani nito. Oo nga pala, nakalimutan kong magpakilala sa kanya.
Kinalas ko ang pagkakayakap ko sa kanya at hinarap ito.
"Kore nga po pala aling Emma."
"Buti at napadpad ka dito?" masayang sabi nito.
"Naiinip po kasi ako sa bahay. Sakto, nakita ko po na nagwawalis kayo sa bakuran ninyo, kaya dumiretso na lang ako rito," pagpapalusot ko.
"Oh siya sige halika." Hinawakan ni yayi ang kamay ko at inakay papasok sa bahay. "Ano bang gusto mong kainin? Para man lang makabawi ako sa ginawa mong kabutihan sa akin."
"Kare-kare po!" mabilis kong sabi.
Pagbigkas ko ng mga salitang iyon, napatigil si yayi Emma sa paglalakad at hinarap ako.
"Joke lang po, kahit tubig na lang." pangiti-ngiti kong sabi.
Oo nga pala, nakalimutan ko. Kainis.
Pagpasok sa aming bahay, kaagad na tumambad sa akin ang pabango na madalas kong ginagamit. Ginagamit rin kasi iyon ni yayi Emma para gawing air freshener ng bahay.
"Umupo ka muna riyan anak, at ipaghahanda kita," ani nito at nagpunta sa kusina.
Nagpatalbog-talbong naman ako sa aming sofa na animo'y isang bata na sabik na sabik, habang tinatamasa ang napakalamig na hanging nanggagaling sa labas.
"Nakakamiss talaga sa bahay," bulong ko.
Habang pinagmamasdan ko ang paligid, napansin ko ang malaking picture frame. Tingin ko ay nasa twenty inches ang laki nito na nakasabit sa dingding. Matagal nang binili ito ni yayi. Pictorial kasi namin noong college, itinatabi ko lang kung saan ang mga picture ko, kaya nainis siya sa akin at binilhan niya ako ng malaking picture frame.
"Anak mainom ka muna," bungad ni yayi na may dalang juice at tinapay sa isang tray.
"Iyan si Nyx," ngiti nito habang tinitingnan ang litrato ko na nakatoga.
"Ang ganda niya hindi ba?" wika nito habang mapait na ngumingiti.
Tumango naman ako bilang pagsang-ayon. Syempre ako iyan e.
"Kaso wala na siya." Nagbago ng mabilis ang emosyon niya, at pinipilit na kinakalma ang sarili.
"Ano po ang kinamatay ni Nyx?" tanong ko.
Hindi ko mapigilan ang bibig ko. Parang sinasabi ng utak ko na ito na ang pagkakataon kaya lulubusin ko na. Mas mapapabilis ang misyon ko kung matutulungan ako ni yayi Emma, pero bakit....bakit ganito.
Bakit bigla yatang huminto ang oras.
Habang tinitingan ko ng mabuti ang mukha ni yayi na naging estatwa, hawak hawak ang tray, biglang sumulpot sa kawalan dala ang maitim na usok si supladong sundo.
"Bumalik na pala ang alaala mo Nyx?" saad ni supladong sundo habang nakatingin ito kay yayi.
"Oo. Tinatanong ko nga kay yayi Emma kung sino ang pumatay sa akin e, para mapabilis na ang misyon ko. Kaso ikaw napaka kobtrabida mo," inis na sabi ko.
Tumawa naman ito ng napaka lakas dahilan para magtaasan ang balahibo ko sa katawan.
"Ano sa tingin mo ang magiging kapalit, kapag sinabi sa'yo ng babaeng 'yan ang totoong dahilan?"
Napahinto naman ako at tumayo. "K-kapalit? Saan?" naguguluhan kong tanong.
"Mukhang nakalimutan yatang sabihin sa'yo ni pinuno," saad nito, habang tumatawa pa rin ng nakakaloko.
"Ang ano ba? Nakakainis ka naman."
Naglakad ito patungo sa harapan ng picture frame, habang kinikilatis ang mukha ko roon. "Na kung sino man ang makapagsabi sa'yo ng dahilan ng iyong pagkamatay habang ikaw ay nasa misyon, papipiliin ka ng dalawang opsiyon."
"Option na naman?" inis kong bungad.
"May dalawang kasunduan na tinatawag." Lumapit ito sa akin, dala ang napakabigat na awra.
"Una. Kung sasabihin sayo ng matandang 'yan kung sino ang pumatay sayo, maaaring siya ang maging kabayaran sa ginawa mo. Pangalawa, kung ayaw mong kuhanin namin siya, ikaw na ang isasama namin sa La Ciera at magiging ganap na paruparo ka na lamang doon habang buhay."
"Eh paano ko mababawi iyong sinabi ko sa kanya kung sakali? Nasabi ko na e, baka sagutin na lang niya bigla." kinakabahan kong tanong.
"Simple lang." Prente siyang humarap at nakapa-krus ang kamay. "Ibabalik ko ito sa oras limang minuto bago mo sabihin ang kasalanang iyon. Ano sa palagay mo?"
Akala ko ganito na lamang kadali ang mag resolba ng kaso. Bakit may mga kundisyon pa na ganito.
Inis akong tumingin kay yayi at bumalik ang tingin kay supladong sundo. "Sige na, ibalik mo na lang sa oras. Ayoko pang mawala si yayi, tsaka magsisikap na lang ako para sa sagot na iyan," sabi ko.
"Nakakainis naman kasi. Ilang araw na ako nandito pero ni isang beses wala pa rin akong makitang paruparo na nasa balikat ng isang tao."
Ngumiti lamang si supladong sundo bago ulit maging normal ang lahat.
"Anak, mainom ka muna," alok muli sa akin ni yayi Emma at naupo na ito sa sofa.
"Iyan si Nyx," ngiti nito habang tinitignan ang litrato ko.
"Ang ganda niya hindi ba?"
Ang galing. Naulit ang lahat simula sa umpisa.
"Opo, pero nasaan na siya?"
"Wala na ang anak ko. Sayang lang dahil gusto ko pa siyang makitang ikasal e, kaso kinuha na agad siya sa akin," naluluhang sabi nito.
"Teka, may ipapakita ako sayo. Parang ikaw kasi siya kung manamit, kaya lalo ko siyang na-miss."
Ilang minuto ko siyang hinintay lumabas mula sa kwarto at pagbalik nito may dala naman siyang photo album. Habang tinitingnan namin isa-isa ang mga picture namin ni yayi Emma, hindi na mapigilan ni yayi na bumuhos ang kanyang luha. Hindi ko alam ngunit pati ako ay nadadala rin sa emosyon. Siguro na-miss ko lang siya ng sobra.
Napatigil kami ni yayi sa isang picture kung saan may dalawang bata na sira ang ngipin sa harapan, habang magka-akbayan ang mga ito at masayang kumakain ng ice cream.
"Sino po ito?" tanong ko sa kanya.
"Siya iyong bestfriend ni Nyx. Matagal na iyan, hindi ko lang alam kung nasaan na ngayon si Nikki," ani nito.
Namulagat ang mata ko sa huling sinabi niya.
"Nikki po?"
Tumango naman ito. Hindi, hindi maaari. Itong batang ito at ang Nikki na muntik ko ng saniban...
"Ahh!" Sigaw ko ng biglang sumakit ng husto ang dibdib ko.
"Anak, anong nangyayari sa'yo? Bakit? Anong masakit?" Alalay ni yayi Emma, habang hawak ko ang dibdib ko. Bigla na lang kasi itong sumakit at parang tumigil din sa pag pintig ang puso ko.
"May sakit ka ba sa puso? Bakit bigla ka na lang nagkaganyan? Napakatamlay mo na anak," saad nito habang inayos ang upo ko sa sofa. Hindi pa rin matanggal ang sakit sa dibdib ko kaya hindi ako makapagsalita.
Inihatid ako ni yayi sa dati kong kwarto. Pinainom ako nito ng tubig at binanlawan ang mukha gamit ang puting tuwalya. Iniwan muna niya ako rito at ipaghahanda raw ako ng makakain. Ako naman ay hindi pa rin makapaniwala sa nalaman ko. Bakit? Bakit ngayon ko lang nalaman? Tsaka ano 'tong sumasakit sa dibdib ko, bakit napakasakit nang inaalala ko lang si Nikki.
Nakakainis. Bakit hindi ko maalala 'yon ng magkasama kami. Kaya pala napakalapit ng puso ko sa kanya, pati sa mga kapatid niya ay dahil siya ang matalik kong kaibigan.
Habang tulala akong nakatingin sa kisame, pinagmasdan ko naman ang dati kong kwarto na puno na ngayon ng mga pictures namin ni yayi Emma. Halatang inaalagaan niya pa rin ang mga gamit ko, dahil napakalinis pa ng mga ito simula ng mawala ako. Ilang buwan na rin, pero ramdam kong masakit pa rin kay yayi Emma ang nangyari.
Bigla naman akong bumalik sa ulirat ng kumatok na si yayi Emma sa pintuan.
"Ayos ka na ba? Baka kung ano lang ang kinain mo kaya sumakit 'yang dibdib mo." Lapag nito ng inihanda niyang pagkain na lugaw.
"Kaya mo bang umupo? Halika at susubuan kita," ani nito.
Dali-dali naman akong umupo at hinarap siya na may ngiti sa labi.
Habang sinusubuan ako nito, hindi ko mapigilan ang sarili ko na matuwa. Parang gusto kong tumalon sa sobrang saya dahil sa ginagawa ngayon ni Yayi. Para akong nasa ulap.
"Bakit? Hindi ba masarap ang luto ko?" ani nito dahil nagtataka siya kung bakit palagi akong nakangiti sa tuwing sinusubuan niya ako.
"Napakasarap nga po e." Inagaw ko sa kanya ang mangkok tsaka sinimot ang lugaw.
"Nako anak, pareho kayo ni Nyx. Mahilig sa lugaw," ani nito.
"Alam mo 'yong bata na iyon, sa tuwing malungkot siya nagpapaluto siya ng kare-kare," patawa-tawang sabi nito.
"Hindi ko alam anong mayroon sa kare-kare na niluluto ko at pagkatapos niyang kainin iyon ay bumabalik na sa dati iyong mood niya."
"Siiguro po napakasarap ng kare-kare ninyo. Sana ako rin po balang araw ipagluto ninyo," pasimple kong saad.
"Aba syempre naman! Sa susunod sabihin mo sa'kin kailan ulit ang balik mo ha? Hindi kita magawan ngayon dahil biglaan ka namang dumating e." ani nito.
"Wala pong problema aling Emma. Dadalawin ko po kayo dito palagi para hindi kayo malungkot."
Tsaka miss na miss na rin kaya kita yayi.
"Pwede po bang payakap?" nahihiya kong sabi. Namula naman si yayi Emma at dahan-dahan ako nitong niyakap.
Sana hindi na ito matapos. Sana dito na lang kami ni yayi. Sana rin matanggap na niya ang pagkamatay ko.
"Siguro kung nandito lang si Nyx, nagkasundo na kayo ng batang 'yon. Mahilig din siyang magpayakap e," dagdag pa niya. Pilit kong pinipilan ang luha na nagbabadya.
Please. Huwag kang magpadala masyado Nyx. Buhay ni yayi ang nakasalalay rito.