HANGGANG ngayon ay balisa pa rin ako sa mga narinig ko. Parang isang panaginip lahat ng nangyayaring ito, at sana panaginip na nga lang ang lahat. Pati na ang pagkamay ko.
Gusto ko ng makaalis sa katawan ni Kore. Gusto kong tumakbo palayo sa kanya, pero paano ko mareresolba ang kaso ko? Saka ano ba ang lintek na nakaraan nila para gawin nila ang mga gano'ng bagay?
Pero teka, kung noong una nga ay nakaya kong pumasok sa katawan niya kahit ako lang mag-isa, eh kung umalis na lang kaya ako sa katawan ni Kore? Tapos hahanap na lang ako ng medyo matino ang buhay? Kaysa naman dito sa kanya.Napakalaki nga ng bahay nila, pero sakal na sakal pa rin ako sa hangin na pumapasok dito.
Tama. Wala namang sinabi si pinuno na hindi ako pwedeng umalis sa katawan ng sinaniban ko hindi ba? Hindi ko na rin maatim na matapos ang misyon ko, pagkatapos ay nananatili pa rin ako sa katawan ng mamamatay tao na ito.
Habang pinopokus at kinokondisyon ko ang aking sarili, inalala ko lahat ng nangyari sa akin.Napasinghal na lamang ako. Napakatuso talaga ni pinuno, ang mga alaala ko lang sa La Ciera ang iniwan niya.
"Kainis!" Inis kong tiningnan ang katawan ni Kore na mataman nang nahihimlay, dahil naglasing na naman ito. "Bakit hindi ako makaalis sa katawan ni Kore! Ayoko na rito."
Napaupo na lamang ako sa sofa dahil sa sobrang inis. Nakakainis, bakit kaya hindi gumana ang plano ko? Habang patagal nang patagal, nakakatakot na ang bahay na ito, pati na rin ang mga nakatira. Pero sa kabilang banda, iniisip ko pa rin kung ano bang ginawa sa kanilang magkapatid, at bakit gano'n na lamang ang pag-iisip patungkol sa mga tao.
Napabuga na lamang ako ng malalim na hininga. "Siguro kaya ito ang napili ni pinuno para saniban ko, dahil sa ganitong estado ng buhay ni Kore. Siguro kaya ito ang napili niya sa akin para saniban ko dahil ako ang babawi sa mga taong naargabyado ni Kore."
Napatingil ako at natulala sa huling katagang sinabi ko.Teka... ako ang, ako ang babawi?
"Tama! Totoo nga ang sinabi ni supladong sundo. Ako mismo ang makakasagot sa sarili kong tanong. At heto na 'yon."
Siguro pagkatapos nito, magiging maganda na ang pakikisama ng karamihan kay Kore. Hindi na rin siya magbababad sa bar, dahil marami na siyang magiging kaibigan. Siguro magiging masaya na ang buhay niya pag-alis ko. Napakasarap palang isipin kung anong magiging bunga ng paghihirap kong ito.
Napabuntong-hininga na lamang ako at naglakad patungo sa harapan ng malaking salamin. "Hay nako Kore. Sana naman magpakabait kana, kapag umalis na ako."
Ilang minuto rin akong nakatitig sa bilog na buwan. Napansin ko kasi na napakaliwanag nito ngayon, lalo na't buong-buo ito at hindi pa hinaharangan ng mga ulap sa gilid. Dahan-dahan akkong humiga sa malambot na kama habang paunti-unti na ring bumibigat anng talukap ng mata ko.
---
"Yayi.Gusto ko po ng kare-kare," saad ko sa isang matandang babae, habang yakap-yakap ito sa likuran. Nami-miss ko na kasi ang kare-kare nito kaya nilalambing ko siya ngayon.
"Yayi, salamat po dito!" masayang sabi ko, saka kumain ng inihain niya.
"Yayi miss na kita," saad ko rito, habang inaabot ko ang kamay nito.
"Yayi, sorry kung iniwan kita. Mahal kita Yayi E-"
---
"Yayi!" Napabangon na lamang ako sa aking masamang panaginip. Nakakapagtaka rin na pagkahilamos ko sa aking mukha ay may luha ang pisnge ko. Sino 'yon? Bkit yayi ang tawag ko sa kanya? Tsaka bakit ako umiiyak? Inayos ko ang aking upo at natulala saglit. "Teka. Unti-unti na bang bumabalik ang alaala ko?"
Pero sino 'yong babaeng na iyon?Nakakainis na panaginip, dahil pakiramdam ko ay napakahaba no'n, pero hindi ko man lang nasilayan ang mukha no'n. Tsaka bakit parang napakasakit sa puso ng panaginip ko? Hindi ko maintindihan pero bakit ganoon, napakalabo ng mukha niya? Baka isa rin siya sa may alam na dahilan ng pagkamatay ko. Baka isa rin siya sa malapit sa buhay ko.
"Kailangan ko siyang makita. Baka pwede niya akong matulungan sa misyon ko."
Pilit kong kinakalma ang sarili ko, habang nakahiga at pinipilit na matulog. Gusto kong malaman ang pangalan niya. Nakakainis! Bakit kasi ako nagising. Nandoon na ako e, ayon na iyon.
Inis kong nilamukos ang mukha ko nang hindi na ako makatulog. Mag-uumaga na rin, kaya siguro hindi na ako makabalik sa pagtulog. Para mawala ang inis, tamad kong inabit ang cellphone na nakapatong sa malliit na mesa. Napagpasyahan kong tawagan si Jillian. Napag-isipan ko rin na hindi muna ako papasok at may mahalaga akong gagawin.
Pagkatapos kong sa sabihan si Jillian. Natulala na lamang ako sa kawalan. Siguro sa ngayon, mas kailangan ko na ang tulong ni supladong sundo kahit hindi siya nagsasalita. "Kung bumabalik na paunti-unti ang alaala ko, siguro ito na ang magandang timing para mahanap na 'yong pumatay sa akin. Pero paano ko siya mahahanap? Ni mukha nga nang nasa panaginip ko at pangalan, napakalabo pa rin."
Habang pumipili ako ng damit sa cabinet ni Kore, napataas na lamang ang kilay ko sa karamihang sexy na damit nito. Lahat na lang may butas. Kung hindi naman ay kinulang sa tela. Habang naghahalungkat, tila may isang bagay na nakahuli sa atensyon ko, kaya inilabas ko ito.
"Mahilig din pala siya sa paruparo." Titig ko sa mga ipit nito na hugis paruparo.
"Siguro pwede na rin ito," desisyon ko sabay kinuha ang isang kulay itim na jogging pants at isang yellow na t-shirt. Inipit ko rin ang mahaba ang malambot kong buhok, dahil pakiramdam ko ay nagmumukha akong mabait kapag ganito ang hairstyle ko.
Pagkalabas ng kwarto, naabutan ko ang kuya ni Kore na mukhang malalim ang iniisip habang nasa labas at nagkakape. As usual, may nagbabasa siya ng diyaryo, habang hinihithit ang sigarilyo.
"Alis lang ako," pagpapaalam ko ngunit hindi ako nito pinansin. Pagkapindot ng remote sa gate, kaagad kong pinaandar ang manibela ng sasakyan. Nilagay ko rin ang earpiece sa tainga ko. Sinigurado kay Jillian na hindi nito nakakalimutan ang bilin ko sa kanya na sunduin sina Dave at lola Esme. Ngayon na kasi ang sinabi kong araw ng paglipat nila ng bahay. Siguro excited na ang dalawang 'yon. Saka ko na lang din sila siguro dadalawin, kapag nahanap ko na 'yong kailangan kong hanapin.
"Ilang araw na rin simula nang magkita kami ni supladong sundo, kumusta na kaya 'yon?" Bulong ko sa sarili at pinaandar na ang sasakyan.
Nagpasiya akong tumigil muna sa isang convenience store, dahil nakaramdam ako ng uhaw. Sakto naman dahil wala gaanong tao rito kaya kaunti rin ang mga naka-park na sasakyan. Habang namimili, nakarinig ako ng usap-usapan sa mga kabataang babae na nagkumpulan sa loob ng convenience store. Tila may binabalak itong masama sa kaibigan nila na hindi nila kasama ngayon.
"Ano, handa na ba iyong gagawin mamaya?" tanong ng isang batang babae na tingin ko'y nasa edad katorse. Naka-blonde ito at nakasuot ng yellow na damit. "Ikaw Shane, huwag kang tatanga-tanga ah?" wika nito. Lumingon naman siya sa dalawang batang babae na nasa harapan niya.
"Ikaw naman Andrea, ilagay mo 'yong sinulid sa alam mong madalas daanan ni Sam. Sigurado, kapag vi-ni-deo natin 'yon sisikat tayo," dagdag pa ng isang batang babae na nakasuot ng makiling damit habang nakaitim na damit.
Tumatawa naman ang iba, habang ang iba sa kanila ay napaghandaan na ang gagawing pam-bu-bully mamaya. Hinintay ko muna ang mga ito na lumabas. Sa labas ng convenience store, sinalubong sila ng isang batang babae na mukhang kasing edad lang din nila. Nakasalamin ito at may bitbit na mga papel. Mukhang weirdo ang isang ito, dahil sa suot niyang mahabang palda pati na ang malaking tshirt. Pero kahit gano'n wala silang karapatan na gawin iyon sa kaibigan nila para lamang makapagpatawa at sumikat.
Nang maghiwa-hiwalay ang mga bata. Sinundan ko ang kanilang target na lumiko ng daan. Halata mo rito na wala talaga siyang kaalam-alam sa binabalak ng tinuturing nitong kaibigan. Mukhang pauwi na tin ito sa kanilang bahay, pagkatapos ay pag-ti-tripan pa nila.
"Pst," tawag ko rito.
"Pst. Bata?" bulong ko sa kanya, habang sinusundan pa rin ito.
"Bata!" sigaw ko nang hindi ako nito pinapansin, kaya napalingon ito sa akin. Ngunit saglit lamang ako nito tinapunan ng tingin at nagmadaling maglakad habang nakayuko.
Mukha ba akong kidnapper sa suot ko?
"Teka lang." Hinto ko, dahil pabilis nang pabilis ang kanyang lakad. "May sasabihin lang ako sayo."
"Sige.Kapag hindi ka tumigil diyan mapapahamak ka," sigaw ko kahit na napakaraming tao na nakakarinig sa amin at pinagtitinginan na rin ako.
Tumigil naman ito sa gilid kung saan may payat na poste.Nakayuko ito at animoy'y takot na takot habang hinihintay ako.
"Bakit ka ba tumatakbo?" Hinihingal kong sabi.
"Bakit mo po kasi ako hinahabol?" mabilis na sabi nito, at umangat ang ulo.
Natawa naman ako sa inasta ng bata. Oo nga naman, tama siya.
"Pwede ba tayong mag usap?" wika ko.
"Tungkol saan po?" takang sabi niya. Ngayon ay kitang-kita ko na kung gaano kaganda ang batang ito. Napaka simple niya, ngunit sa isang beses niya akong tiningnan sa mata ay natulala rin ako sa kulay tsokolateng mata nito.
Pagkatapos kong ikwento sa kaniya ang narinig ko sa kaniyang mga kaibigan ay nagbago ang tudla. Bumagsak rin ang balikat nito. Hindi ko rin siya masisisi dahil gano'n pala ang balak sa kaniya ng tinuturing niyang mga kabigan.
"Akala ko tunay na sila,"malungkot na sabi nito.
Hinakawan ko naman siya sa balikat, kaya umangat ang ulo nito. "Alam mo, ang tunay na kaibigan hindi gagawa ng ikakasakit sa kaibigan niya, para lamang makapagpatawa ng iba. Sa tingin mo ba tunay sila?" tanong ko.
Umiling naman ito.
Biglang may pumasok sa isip ko, para hindi matuloy ang masamang balak ng magbabakarda sa batang ito. "Alam ko na. May tiwala ka naman sakin hindi ba?" nanunudyo kong tanong.
Nag-alangan pa ito bago tuluyang tumango.
"Ako na ang maghahatid sa'yo sa inyo, para kung ano man ang binabaalak nila, hindi na yon matutuloy." pagkumbinsi ko sa kanya.
Pumayag naman ito sa aking plano, ngunit nakaisip naman kami ng pambawi.
"Sigurado po ba kayo sa gagawin natin?" pag-uulit nito ng daang beses.
"Oo naman. Medyo isip-bata pero ikaw na nga ang nagsabi hindi ba? Ilang beses ka na nilang na-bully, pero andyan ka pa rin para sa kanila."