Pumasok muna ako sa mall para malibang ako at makapagisip-isip na rin ng maayos. Hindi ko na rin kasi alam kung ano pa ang gagawin ko. Napakaraming tao sa mundo, pero hindi ko naman pwedeng isa isahin ang mga 'yon. Baka nakaakyat na lahat ng kaluluwa sa langit, ako na lang etong pagala-gala pa kung saan.
Habang pinapagmamasdan ang mga batang naka sakay sa carousel, naalala ko naman ang dalawang mababait na bata na kapatid ni Nikki.
"Sayang, akala ko magkakasama kami ng matagal."
Ilang oras ko rin nilibang ang sarili ko sa panunuod sa mga bata, at sa pagwi-window shopping.
Pumasok ako sa isang sikat na botique habang tinitingnan ang nag gagandahang mga kasuotan. "Kahit gaano pa kamahal ang mga damit na ito, iisa pa rin naman ang babagsakan ng lahat." Tingin ko sa napaka mahal na presyo ng bestida.
"Saan pa nga ba, edi sa hukay rin," sagot ko sa sarili ko.
Saglit lang akong naroon at saka lumabas na rin. Nagpunta naman ako sa grocery at nag gala-gala muna, napatigil ako nang may mapansin akong kakaiba sa paligid. Parang...parang may sumusunod sa akin dito, hindi ko lang masabi kung ano pero malakas ang kutob ko na meron nga. Nakaisip naman ako ng paraan para mahuli ng sarili kong mga mata ang nagtatangka ng buhay ko.
Mali, kaluluwa ko pala.
Ilang minuto rin akong tumapat sa sliding door na saktong tanaw anng dumadaan na tao, nakakangalay pero kailangan kong malaman kung ano o kung sino 'yon. Sa huling pagsulyap ko sa salamin, hindi nga ako nagkakamali. Mayroong sumusunod sa akin at isa 'yong sundo!
Nang magtama ang mata namin, mabilis pa sa isang segundo ng tumakbo ito palabas. Siguro si supladong sundo iyon. Binabantayan niya ako dahil akala niya gagawa ako ng masama sa mga tao. Ganito na ba talaga ako kaganda at lagi na lang akong pinaghihinalaan?
"Hoy supladong sundo. Hintayin mo ako!" Habol ko rito habang siya naman ay patuloy pa rin sa pagtakbo.
Naikot ko na ata ang kalahati ng mall sa kakahabol ko sa kaniya, buti na lang at dumiretso ito sa loob ng isa pang grocery, kung hindi baka hindi ko na siya abutan pa.
"Andaming pwedeng taguan, dito pa talaga!" sigaw ko habang hinahanap siya.
"Hindi ka ba naaawa sa akin? Ilang araw mo na akong iniwan tapos ngayon kung kailan nakita kita saka mo naman ako tatakasan?" inis na sabi ko rito kahit hindi ko naman talaga alam kung saan siya nag tatago.
Napaupo na lang ako sa unang baitang ng hagdan ng maramdaman ko na ang pagod. "Hanggang kailan ba kasi ako tatakbuhan ng suplado na 'yon,"malungkot na sabi ko.
Habang nagpapahinga, hindi pa rin tumitigil ang mata ko sa pag mamatiyag. Baka kasi bigla na lang siyang sumulpot sa harapan ko tapos hindi ko pa mapansin.
"Hello ma? Opo pauwi na ako," wika ng isang babae sa kaniyang kausap sa cellphone. Parang may tono ng pagkainis dito pero pinipirme lamang niya ang kaniyang sarili.
"Opo, hindi ko kakalimutan ang gatas ninyo ni papa," aniya sabay kuha ng dalawang lata ng gatas sa harapan niya.
Ang ganda ng babaeng ito, pero parang may kakaiba sa kanya.
Pinagmasdan ko muna ito habang pumipili ng kanyang mga bibilhin. Nang sa tingin ko'y tapos na ito, binalak ko naman siyang sundin ng bigla itong tumingin sa kanyang likuran kung nasaan ako.
"Parang may sumusunod," aniya, sabay baba ng kanyang itim na salamin.
Ah, ito pala ang nararamdaman ko kanina sa kanya. May abilidad itong makaramdam at makakita ng multo.
Mukhang bago ito sa paningin ko ha?
Hindi naman ito muling tumingin sa likuran niya, kaya sinundan ko na ito hanggang sa pagsakay niya sa kanyang kotse. Habang pinapaandar nito ang makina, hindi naman ito mapakali at palagi itong tumitingin sa rear view mirror ng sasakyan. Hindi tuloy ako mapalagay sa kaniya kahit gusto ko pang magpahinga muna. Bigla namang tumunog ang cellphone niya kaya dali-dali niya itong kinuha na nakapatong sa harapan at mabilis na sinagot ang tawag.
"Yes ma? Opo pauwi na ako pakisabi kay Andrei. Dala ko na 'yung pinabili niyang car," saad nito na parang naiinis na sa paulit-ulit na tanong ng kausap.
"Hello? Andrei. Pauwi na si ate. Just wait me, okay? I'm on my way." sagot nito atsaka binaba ang tawag.
Napalamukos na lang siya ng mukha. "Nakakainis! Bakit pa kasi pinilit na ipanganak 'yang bata na iyan. May dala namang sumpa sa pamilya!" inis na sabi nito tsaka hinampas ng malakas ang manibela.
Bakit naman kaya inis na inis to sa kapatid niya? Nakakaawa naman.
Pagkarating namin sa tapat ng malaking bahay na kulay abo at puti, manghang-mangha akong tumitingin sa paligid. Sa kulay itim na gate pa lang ay sinalubong na siya ng tatlong guwardiya at dalawang kasambahay. Isang beses pa lamang itong gumamit ng busina ng dali-dali na nilang binuksan ang gate. Pagkaparada ng kotse sa garahe, andoon naman naghihintay ang kanyang kapatid na isang special child.
"Asan si mommy?" ani nito sabay inakay ang kapatid sa loob. Ito siguro si Andrei.
Pagkapasok namin sa napakalaking bahay, kaagad namang bumungad sa akin ang mga naglalakihang mga vase. Ang mga chandelier na nakasabit sa nagtataasang ceiling. Ang sofa na tingin ko'y daang libo ang presyo. Pati na rin ang mga mamahaling kagamitan na nakapaligid sa malamaya na kulay ng bahay.
"Mom?" tawag nito habang hawak pa rin ang kamay ng kapatid. Mukha naman siyang mabait na ate e, pero bakit niya nasabi ang gano'ng bagay kanina.
"Andrei, baby?" tawag ng isang matandang babae habang pababa ito ng hagdan.
"Saan kana naman nagpunta?" Lapit sa kaniya ng bata. "Andito kana pala Adelle," saad naman nito habang tinitignan ang babae.
Adelle pala ang pangalan ng sunod kong target.
"Binili mo ba ang gustong laruan ni Andrei?" tanong nito kay Adelle.
"Hindi mo man lang ba ako tatanungin kung gutom ako sa pag go-grocery o kung kumusta na ang araw ko, mommy?" ani nito.
Ramdam ko namang umiinit ang tensyon sa kaniya at sa kaniyang ina.
"Bakit ko pa tatanungin? Mukhang ayos ka naman at mukhang busog ka," sagot ng mama niya at inaya ang bata na pumasok na sa kwarto.
Bago tuluyang umakyat muli sa hagdan, napatigil ang ginang nanng maggsalita muli si Adelle. "Ganito na lang ba palagi ma? Kilala niyo lang ako pag inuutusan niyo at pinapabili ng kung ano ano para sa batang 'yan!" sigaw niya ngunit hindi nito pinakinggan ng matanda. Padabog naman itong pumasok sa kanyang kwarto na nasa unang baitang lang ng bahay.
Kaya pala ganon na lamang ang tingin niya sa kapatid niya kasi hindi pantay ang pagtingin ng mga magulang nito sa kanya. Pero hindi ba dapat siya ang umintindi sa kapatid niya dahil bata pa lang 'yon, isa pa may kakaibang kundisyon ang kapatid niya.
Sinundan ko siya sa loob ng kwarto at padabog niyang sinara ang pinto at humiga sa malaking kama. "Nakakainis. Kaya ayokong umuwi dito sa bahay e! Palagi na lang ganito ang naabutan ko!" inis na sabi niya.
Kinuha naman nito ang kanyang cellphone na nasa likurang bulsa niya. Ilang minuto niya itong tinitipa at may tinawagan nanaman ito.
"Ry, pwede ba tayong magkita mamaya?" saad nito sa kabilang linya.
"Yes girl. Siguro nag away nanaman kayo ng mommy mo no?" wuka ng babae sa kabilang linya, habang tumatawa pa.
"Ano pa nga bang bago do'n?Sige na, sunduin kita mamaya sa inyo, mag ready ka na," ani nito tsaka pinatay ang tawag.
'Susundan ko pa ba 'to o magpapahinga na lang sa bahay? Mukhang masarap kasing matulog dito, lalo na't napakalambot ng higaan.'
Hinihintay ko muna itong makaalis bago ako humiga sa napakalambot niyang kama. Pero bago ito umalis, tumingin muli ito sa direksyon kung nasaan ako bago tuluyang isarado ang pinto. Natulala na lang tuloy ako sa ginagawa niya.
"Hindi ko alam kung siya ang matatakot sa'kin kapag nakita niya ako, o ako ang matatakot sa kanya sa ginagawa niya. Napaka weirdo talaga ng babaeng iyon, mukhang namali na naman ata ako ng target."
Nang mapagtanto kong nakaalis na nga si Adelle, ibinagsak ko na ang sarili ko sa higaan. Grabe, maghapon akong nasa kalye, ni hindi ko naipahinga ang katawan ko. Buti na lang at sumama ako sa babaeng 'yon, grabe na talaga ang sakit ng likod ko.