Kinabukasan.
Sari-saring ingay sa kalsada, gawa ng iba't-ibang sasakyan ang bumungad sa akin. Mga taong nagkalat, habang tumitingin sa kanilang relo na animoy may hinahabol na oras. Mga trabahador na nagsisimula na sa pagwawalis ng makalat na daan. Sa sobrang bilis ng pangyayari ay hinahayaan ko na lamang na daanan ako ng mga taong nagmamadaling pumasok sa kanilang trabaho.
Habang pinagmamasdan ko ang isang ale na kinukuha ang nakasiksik na basura sa loob ng kanal ay napukaw ang atensyon ko nang may marinig ako sa aking tabi.
"Oh mga bata, sa inyo na 'to oh." Abot ng pagkain sa mga batang kalye ng dalaga. "Hati hati lang ha? Kaunti lang kasi 'yan. Huwag kayong mag away-away," paalala pa nito na nasa loob ng itim na kotse.
"Salamat po!" sabay-sabay nilang sabi, tsaka nito nginitian ang mga bata.
Pagkatapos magpasalamat ng mga bata, sinarado na kaagad ng dalaga ang windshield ng sasakyan. Napangiti na lang ako sa inasta nito. "Maganda na nga, mabait pa. Masundan nga," bulong ko sa sarili.
Dali-dali akong tumakbo papasok sa kotse niya. Sakto naman, pinaandar na nito kaagad ang kaniyang sasakyan.
Umupo naman ako sa backseat. Bumungad sa akin ang mabangong air freshener ng kaniyang sasakyan. "Infairness, pareho tayo ng gustong amoy," wika ko, habang inoobserba ang buong paligid ng sasakyan.
Tahimik lamang ang aming byahe. Kahit ang pagbukas ng kaniyang radyo ay hindi niya nakahiligan.
"Bakit ang lamig." Yakap ng isa niyang kamay sa kaniyang katawan.
Sumilip naman ito sa likuran, dahilan para magtugma ang aming mata "Hindi naman bukas ang aircon," ani nito.
Marahan naman akong natawa sa kaniyang naging reaksiyon. Malamig ba talaga kapag may kasama kang kaluluwa?
Minsan ang saya rin pa lang maging multo.
Habang tahimik itong nagmamaneho, may isang ideya na naman ang pumasok kaagad sa matalino kong pag-iisip.
"Kung babantayan ko itong babae na ito sa loob ng tatlumpung araw, siguradong matatagalan ako. Kasi baka sa loob ng araw na iyon hindi naman pala handa ang katawan niya na saniban ng espirito ko," usad ko.
"Eh paano kaya kung obserbahan ko na lang siya ng tatlong araw? Hindi naman siguro bawal 'yon. Pagkatapos naman no'n ay sure na ako sa kaniya." Marahan ko naman siyang tinignan. "Tsaka ko na lang siya babantayan ng tatlumpung araw kapag sigurado na talaga ako."
Napakamot na lang ako sa ulo ko ng maalala ko si pinuno.
"Kainis kasi 'yang pinuno na iyan.Bakit napaka tagal ng palugit niya, e sasanib lang naman ako ng ilang araw. Pero noong humingi ako ng oras sa kaniya para makapag-isip, binigyan ba naman ako ng tatlong oras!"
Nang tumigil na ang kanyang sasakyan sa isang simpleng bahay na may malawak na bakuran, kaagad naman itong sinalubong ng isang matandang babae. Mukhang ito ata ang mama niya.
Inayos niya ang ekspresyon ng kanyang mukha habang palapit nang palapit sa kaniya ang matandang babae. Nagmano din ito.
" Anak. Buti at napadalaw ka dito?" malambing na tanong sa kaniya ng ina
Sabi ko na nga ba at mama niya ito e.
"Gusto ko lang po sanang mag-stay dito ma, kahit ilang araw lang. Naiinip ako sa condo e," saad ng babae tsaka nito inaya sa loob.
Napaka simple lamang ng bahay nila. Yari ang buong bahay sa kawayan, samantalang ang kanilang bubong naman ay purong pawid. Pumapasok tuloy ang napakasariwa at napakasarap na hangin sa loob ng bahay nila. Sinalubong naman siya ng isang batang lalaki, at isang batang babae na may bitbit na laruan.
"Ate Nikki!" sabay pang sabi ng mga ito at saka nila niyakap ang kanilang ate.
"Kumusta na kayo? ani nito, pagkakalas ng napakahigpit na yakap na ibinigay sa kanya.
Ah, Nikki pala ang pangalan ng sunod kong target. Sana hindi na pumalya 'to. Kaagad silang duniretso sa kanilang sala at saka umupo sa upuang gawa sa kahoy, gayundin ang kanilang malaking mesa na katabi lamang nito.
"Ate. Bakit ngayon ka lang nagpunta rito? Alam mo ba si bunso, lagi na lang akong inaaway at sinusumbong kay mama," sumbong ng lalaki sa kaniyang ate.
"Si kuya kasi e. Lagi na lang kinukurot ang pisnge ko ate, ang sakit tuloy," sumbong naman ng batang babae, at saka lumapit ito sa kaniyang ate habang nagpapaawa.
Ngumiti naman si Nikki. "Eh kasi naman, napaka-cute mo," aniya sabay pisil sa matabang pisnge ng kapatid.
Napuno naman ng tawanan ang loob ng kanilang bahay. Hindi ko namamalayan na pati pala ako ay napapasabay na rin sa mga halakhak nila.
"Tama na 'yan. Eto oh pinagluto kita ng paborito mong ulam," wika ng mama nila na nakasuot pa ng apron, habang dala-dala ang isang mangkok na punong-puno ng mainit na sabaw ng tinola.
"Wow mama! Gusto ko po niyan," takam na sabi ng batang lalaki.
"Kuya kyle, ako rin ha? Hati po tayo," wika naman ng bunso, sabay itinaas ang kaniyang kubyertos na kinuha sa mesa.
"Oo. Sa inyo 'yan, 'wag kayong mag away ha? Kundi ibibitin ko kayo sa mangga doon," pananakot ng ate niya.
Habang masaya silang kumakain, pansin ko namang bakante ang isang upuan na dapat ay para sa kanilang papa. Naapaisip tuloy ako.
"Nasaan naman kaya ang tatay nila?"
Pagkatapos kumain ng mga ito, dumiretso sa kusina ang kanilang mama pati na si Nikki. Habang ang dalawang makulit na bata naman ay excited sa pagbukas ng regalong dala ng ate nila.
Sumandal sa lababo si Nikki habang tinitingnan nito ang kaniyang ina.
"Ayos ka na ba?" tanong ng ina nito habang binabanlawan ang nasabunan nang plato.
"Opo ma. Pero minsan hindi ko maiwasang mapanaginipan ko pa rin siya. Ang sabi raw niya sa akin, masaya na raw siya sa langit, pagkatapos no'n wala na," malungkot na sabi nito.
Sino naman kaya ang pinag-uusapan ng dalawang 'to?
"Hayaan mo anak. Dadalaw din kami sa puntod niya kapag naging maayos na ang lahat," sagot ng kaniyang ina tsaka nito iniwan saglit si Nikki.
Ganito pala kapag multo. Instant chismosa kana, cctv ka pa.
Nang matapos na ang kaniyang ina sa ginagawa, dumiretso naman si Nikki sa likod ng kanilang bahay. Mayroong malaking puno ng mangga doon at duyan naman sa ilalim nito. Naiwan akong nakasandal sa pinto habang pinagmamasdan siya sa malayo. Dinukot niya ang kaniyang cellphone sa harapan ng bulsa at saka saglit na tinitigan. Hindi ko alam pero nang tingnan niya ito, ay parang may problema itong kinikimkim sa kaniyang sarili.
"Siguro nag-away lang sila ng boyfriend niya," bulong ko. "Matignan nga."
Tumakbo ako papalapit sa kanya, ngunit sa kasamaang palad, ibinalik kaagad nito ang cellphone sa bulsa.
Napakunot na lang ako ng noo nang hindi ko ito naabutan. "Tingin lang e, damot."
Napakabilis ng oras dito sa lugar nila, at kung saan man ito? Hindi ko rin alam. Mag dadapit hapon na ng magising siya mula sa mahimbing na pagkakatulog sa duyan. Ang kaniyang mga kapatid naman ay nag-lalaro sa loob ng kanilang bahay, habang ang kaniyang ina ay tinatahi ang iilang mga damit.
Sabay-sabay naman kaming magtinginan sa pinto nang makita namin doon na nag-iinat pang papasok ng bahay si Nikki.
"Oh anak. Napasarap ang tulog mo ah? Gigisingin ka sana ni Kyle, pero ang sabi ko pagod ka kaya hinayaan ka na lang namin doon," wika ng kanyang ina.
Ginugusot naman nito ang kanyang mata at tumabi sa ina. "Ma, may lakad ba kayo bukas?" tanong nito.
"Wala naman anak, bakit?"
"Gusto niyo bang mag-mall muna tayo? Para naman maigala natin sina Kyle at Nina," ani nito.
Bigla namang tumigil sa paglalaro ang magkapatid at saka niyakap ang kanilang ate.
"Totoo po ba ate? Pupunta tayo ng mall?" panigurado pa ng batang lalaki.
"Oo. Kaya mamaya pagkatapos nating kumain, matulog kaagad kayo ha?" aniya.
Mabilis namang tumango ang dalawa tsaka tumakbo papasok sa loob ng kwarto.
"Nina. Pumili kana ng susuotin mo para bukas!" sigaw ni Kyle sa kapatid.
Nagtawanan naman sina Nikki at ang kanilang ina. Ang sarap talagang bumalik sa pagkabata. Pagkatapos kumain, ay kaagad namang inasikaso ng kanilang ina ang pagtulog ng dalawang bata, habang si Nikki naman ay dumiretso sa kabilang kwarto na kurtina lamang ang nagsisilbing harang sa pinto.
Mabilis na humiga sa higaan si Nikki at animoy hindi mapakali. "Bakit kaya kanina pa ako nilalamig," ani nito, sabay yakap sa sarili.
Dumikit naman ako sa kanya upang masiguro na ako nga talaga ang tinutukoy niyang malamig ng biglang itong sumigaw.
"Maaa!!!" sigaw nito sa kabilang kwarto.
Mabilis namang tumakbo sa kwarto nito ang ina nila pati na ang dalawa niyang kapatid.
"Anong nangyari? Napano ka? Bakit, anong masakit?" tanong ng ina habang inaalalayan itong umupo.
Tuwang-tuwa naman ako sa reaksiyon ni Nikki. Halos manginig ito sa takot sa ginawa kong pag haplos sa kanya.
"P-para kasing may mumu ma. Kanina pa ako nilalamig tapos bigla na lang may humaplos sa noo ko," ani nito.
Hinawakan naman niya ang kamay ng kanyang ina. "Tingnan niyo oh, ang lamig." dagdag pa nito.
Umalis naman saglit ang mama nito. At pagbalik, may dala na itong rosaryo, maliit na rebulto ng Santo Niño at isang plastik ng asin.
Hindi ko naman napigilan ang sarili ko na humagalpak sa tawa, habang ang dalawa nitong maliit na kapatid ay takot rin. Bakas sa mukha ni Nikki na mahina ang espirito niya pagdating sa mga ganitong bagay.
"Eto anak, suotin mo ito." Abot sa kanya ng lumang rosaryo. "Tsaka maglagay ka ng asin sa bulsa mo para hindi ka minumulto," wika ng mama niya. "Ang tanda mo na, pero hanggang ngayon takot ka pa rin sa mga multo," dagdag pa nito.
Bigla naman akong tumigil sa kakatawa ng mapagtanto ko na...
Hindi ko siya pwedeng saniban.
"Sige na matulog kana, at matutulog na rin kami ng mga kapatid mo. Alam mo naman excited ang mga ito para bukas.Tsaka mag dasal ka anak, para hindi ka nakakaramdam ng ganyan," ani nito.
Pagkalabas sa kwarto ng mama at mga kapatid ni Nikki, dali-dali naman itong nagtalukbong ng puting kumot habang dinig kong nagdadasal siya ng ama namin. Ilang minuto na rin ang nakalipas ng mapansin kong hindi na ito nanginginig sa takot. Lumapit naman ako sa kanya at rinig na rinig ko na ang malakas na hilik nito. Habang binabantayan ko siya sa kanyang pagtulog. Unti-unti naman akong nakaramdam ng pagod.
"Napakabait mo para saniban ko, pero hindi maaari. Ayokong kumuha ng buhay para lamang sa pansarili kong interes."
---
"Mga bata, gising na kayo. Maaga tayong babyahe para makapunta na tayo kaagad sa mga gusto ninyong puntahan," sigaw ng kanilang ina.
Bigla namang nagsilabasan ang mga bata suot-suot ang pinakamaganda nilang damit pati na ang kanilang kumikinang na sapatos.
"Mama maaga pa kaming nagising ni Nina kaysa sa inyo, kaya ayan nagbihis na kami," wika naman ni Kyle kaya pati ako ay natawa na rin.
Pagkatapos nilang maghanda sa kanilang pag alis. Ang dalawang bata ay nauna ng sumakay sa kotse. Sumunod naman ako sa kanila at sakto namang kasya ang upuan para sa aming lima.
Habang nagba-byahe kami papunta sa balak nilang destinasyon, ako naman ay nakapag isip-isip na sa susunod kong plano. Magpapaiwan na lang siguro ako sa mall, at doon maghahanap ng panibagong target.
Napak singhal na lang ako habang iniisip ang sunod kong gagawin. Hay, totoo nga talaga ang sabi ni pinuno. Hindi madali ang humanap ng taong sasaniban.
Bigla naman akong bumalik sa ulirat nang magsalita si Kyle.
"Wow Nina! Tignan mo 'yun oh." Turo ni Kyle sa napakalaking billboard sa kanilang dinadaanan.
"Hala oo nga, napaka-big naman niyan kuya! Baka madaganan tayo niyan ah?" ani nito.
"Hindi ka madadaganan niyan Nina, andito si kuya oh," saad naman ni kyle.
Nginitian naman ni Nikki ang dalawa nitong kapatid habang abala ang mga ito na tumitingin sa paligid.
"Malapit na tayo. Kyle, Nina!" wika ng kanilang ina ng masilayan na nila ang mall.
Ayaw ko pa sanang iwan sila dahil nag-eenjoy pa ako na pagmasdan sila, pero baka maubusan ako ng oras at malibang. Baka hindi ko na magawa ang misyon ko. Nang makababa na sila sa kotse, tinignan ko muna ang dalawang bata na kumikislap pa rin ang mata sa sobrang saya. Napaka gaan ng loob ko sa mga ito, siguro ay dahil nga bata sila.
Isang malungkot na ngiti naman ang iginawad ko kay Nikki bago tuluyang humiwalay sa kanilang landas.
"Salamat." Bulong ko sa kaniya. Bigla naman itong nanlamig, at sa huling pagkakataon natuwa na naman ako sa naging reaksiyon niya.
Pagkalabas ng kotse. Napatingin muli ako sa kalangitan, dahilan para magtama ang sikat ng araw sa mata ko.
"Pinuno, bakit ganito? Tanggap ko naman ang pagkamatay ko at gusto ko ng magpahinga. Pero bakit pinapahirapan mo pa ako?"
Hindi ko na mapigilan ang sarili ko. Pagod na ako sa paghahanap ng target. Gusto ko lang naman ng tahimik at mapayapang buhay pero bakit binigyan ako ng ganito.
"Pinuno! Gusto ko na lang maging isang paruparo, parang fly fly fly, the butterfly!" sigaw ko sa kawalan.
Napasabunot na lang ako sa sarili ko ng maalala kong nakadalawang reject na pala ako.
Ilan pa kayang maling tao ang madadaanan ko, bago mahanap ang the one?