KABANATA VII

2735 Words
"Kapag ba naging paruparo ako, mababantayan ko pa rin ang yayi ko?" pag-iiba ko ng tanong rito. "Kung nanaisin mong maging paruparo na lamang habang buhay mababantayan mo siya sa malayo. Ngunit kahit gano'n, hindi mo pa rin ito maililigtas sa tiyak na kapahamakan," seryoso nitong sabi. "Pero kapag tinanggap ko ang misyon?" pagputol ko sa sasabihin niya. "Kapag tinanggap mo ang misyon at nagampanan mo ito ng maayos na walang ginagawang masama, magiging masaya at magaan hindi lamang ang pakiramdam mo, pati na rin ang iyong kaluluwa," ani nito. Sabagay. Kapag bumalik naman ako sa lupa mabilis ko lang naman mapapakulong si Kore, dahil alam kong tutulungan ako ni Callie sa kasong 'yon. "Hindi gano'n kadali ang iyong misyon katulad ng iniisip mo." Napakunot ang noo kong tumingin sa kaniya. "Anong ibig mong sabihin?" naguguluhan kong tanong. "Kapag pinili mo ang misyon, buburahin ko lahat ng alala mo tungkol sa mga tao na kakilala mo. Mawawala lahat ng ito, ngunit tatatak sa iyong isip at puso ang nagiisa mong misyon. Maaari kang tulungan ng mga taong nakapaligid sa'yo, maaari rin naman ang nakatalagang sundo mo, ngunit hindi mo sila maasahan sa lahat ng bahay. Tanging sarili mo lamang ang makakapagligtas sa iyo." "Ibig mong sabihin, pati ang alaala ng pumatay sa'kin hindi ko na rin maalala?" tanong ko. "Isang malaking tumpak!" wika ni pinuno, sabay hinampas ang mesa dahilan para magising ang kaluluwa ko. "Eh paano ko mauumpisahan ang misyon ko kung gano'n?" "Pagkatapos ng tatlong araw na pagkabalik mo sa lupa, maaari kang pumili ng iyong sasaniban." Tumingin siya ng seryoso sa akin. "Kung iniisip mo ito sa napakadaling paraan, hindi maaari." "Anong ibig mong sabihin? Andami mo namang kondisyon, pinuno!" " Kailangan mong pumili ng isang tao na sa tingin mo ay malakas ang loob at makakayanan niyang saniban mo ang katawan niya," paliwanag niya. "Eh paano kung ang mapili ko hindi pala kaya ng katawan niya?" "Pagkatapos mong subaybayan ang iyong target sa loob ng tatlumpung araw, maaari mo na itong saniban. Ngunit kapag nagkamali ka sa iyong pagpili ay maaari niya itong ikamatay." Nanlaki ang mata ko sa huli nitong sinabi. Hindi naman maaaring maging makasarili ako para lamang magampanan ang misyon ko. Magtatanong pa sana ako, ngunit nagsalita naman ulit si pinuno. "At kapag namatay ito, direkta na siyang mapupunta sa kabilang buhay, habang ikaw naman ay makukulong dito kasama ang mga paruparo na nakikita mo sa paligid." Hindi mahirap, ngunit hindi rin madali. "Maari ba akong magisip-isip muna?" saad ko habang nakatingin sa kawalan ang pinuno. "Ang bilis kasi ng pangyayari e, hindi pa nga ako makapaniwala na patay na ako, tapos ngayon misyon naman ang kakaharapin ko?" Mabilis siyang tumingin sa akin at sumilay ang nakakalokong ngiti. "Maaari. Ngunit bibigyan lamang kita ng tatlong oras para rito," mabilis na sabi niya. "Ano? Tatlong oras lang? Grabe namang palugit 'yan!" pagrereklamo ko. "Kapag binigyan pa kita ng higit sa oras na ibinigay ko sa iyo, baka ibang Nyx na ang makikilala namin, dahil tuluyan ka ng aangkinin ng mga masamang elemento rito," sagot naman ni pinuno. Ang hirap naman pala ng ganitong sitwasyon. Akala ko kapag pumanaw ka na, wala ka ng iintindihing ibang bagay at diretso ka na sa langit kasama ang Panginoon. Hindi ko alam na may kaartehan pa palang nagaganap, bago ka tuluyang makapasok sa langit. "Sige, maaari ka munang lumabas mula rito at magisip-isip," ani nito sabay upo sa kaniyang gintong upuan. Lumabas ako ng silid habang tulala akong nakatingin sa bughaw na kalangitan. Ilang minuto rin akong nakatitig dito nang mapansin ko ang paruparong nasa bulaklak at sinisipsip ang katas nito. Nilapitan ko ang mga ito at sinubukang kausapin."Siguro napakalaki ng mga kasalanan ninyo ano? Kaya hindi na kayo makaalis dito," wika ko sa isang puting paruparo. Umupo ako sa unang baitang ng hagdan at saka ipinatong ang kamay sa aking baba. "Bakit kaya gano'n? Kung sino pa 'yung tingin mo na gagawa ng hindi maganda, siya pa ang aahas sa'yo," malungkot na sabi ko rito habang naramdaman ko namang pumagaspas ng bahagya ang kaniyang pakpak. "Kung dito lang ako at walang gagawin, baka habang buhay kong pagsisihan na hindi ko mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ko. Kung tatakas naman ako, baka lalong wala na akong pag-asang makapunta sa kabilang buhay," naguguluhan kong kwento sa paruparo. Siguro kung nagsasalita lang ito ay sasabihin niya sa akin na wala siyang pakialam. Napailing-iling na lang ako at pinagmasdan ang maganda nitong kaanyuan. "Ang misyon na lang talaga ang susi ko sa lahat. Pero ano sa tingin mo, butterfly?" saad ko sa kaniya ng bigla itong lumipat papalayo. "Hoy, kinakausap pa kita!" sigaw ko rito. "Para kang si supladong sundo, pareho kayong bastos. Tse!" pag uulit ko ng biglang... "Sinong bastos?" ani nito. Lumunok naman ako ng namuong laway sa aking bibig at matapang siyang hinarap. "I-ikaw. Sino pa ba?" wika ko. "Tsaka bakit ba napakadilim ng mukha ninyo, nakakatakot kamo kayo," dagdag ko pa. "Mas nakakatakot ka,"ani nito. "Aba!" "Tinatawag kana ni pinuno, bumalik kana doon," walang emosyon nitong sabi. Mabilis tumalikod si supladong sundo at naglakad patungo sa pasilyo. Tamad na tamad ko naman siyang sinundan papunta sa loob at naabutan doon si pinuno na nakaupo pa rin sa gintong upuan, habbang nakatalikod ito at nakatingin sa bintana. "Kumusta Nyx? Nakapagdesisyon ka na ba?" tanong nito. Nakaisip naman ako ng kalokohan bago tuluyang pumayag sa nais niyang mangyari sa akin. Habang nakatalikod, marahan akong lumapit sa kaniya at akma sanang tatanggalin ang harang nito sa ulo, ng bigla naman siyang humarap sa akin. "Mag-ensayo ka muna kung paano gumalaw ng walang nakakapansin," saad nito, habang hawak ang kanang kamay ko. Kahit hindi ko kita ang mukha niya ay pakiramdam ko mas nakakatakot pa siya sa mga halimaw na sinasabi niya. "G-gusto ko lang naman makita ang mukha ninyo e. Malay ko ba na ginogoyo niyo lang ako," dipensa ko naman. "Balang araw, sa muling pagbabalik mo rito malalaman mo rin kung sino ako. Siya nga pala, nakapag desisyon ka na ba?" pag-uulit niya. "Oo na. Wala naman akong ibang choice e. Pero teka nga lang, paano ko nga pala malalaman kung sino ang pumatay sa akin, kung kukunin ninyo ang alaala ko?" "Kapag napili mo na ang iyong sasaniban, ang mga paruparo ang magtuturo kung sino ang pumatay sayo," sabat naman ni supladong sundo na nasa tabi ko na ngayon. "Ang mga paruparo ay madalang lamang dumapo sa mga tao. Kapag nakita mo ang isang malaki at puting paru-paro na dumapo sa balikat ng isang tao, kilalanin mo ito dahil panigurado, may koneksyon ito sa pagkamatay mo o posibleng siya ang dahilan ng pagkamatay mo," paliwanag naman ng pinuno. Pagkatapos magpaliwanag, tumayo naman si pinuno at tumingin kay supladong sundo. "Oh paano. Siya na ang maghahatid sa'yo pabalik sa dati mong mundo. Magpakabait ka, at tatandaan mo isang napaka laking kasalanan na maghiganti ang isang kaluluwa sa isang tao. Hayaan na natin ang Diyos na bahala doon," payo nito bago ito tuluyang maglaho sa loob ng silid. "Halika na," wika ni supladong sundo, kaya wala na akong reklamo. --- "Nandito na ba tayo?" tanong ko kay supladong sundo na ngayon ay abala sa paglipat sa kabilang daan. "Kahit rumaragasa pa 'yang mga sasakyan na 'yan, hindi ka na mamamatay. Patay na tayo remember?" pagbibiro ko pa ngunit hindi ito ulit umimik. Nagulat naman ako ng bigla nitong hawakan ang aking kamay at inakay sa kabilang daan. "Halika," ani nito. Pagkatawid namin, huminto muna kami sa isang waiting shed at palinga- linga siya sa paligid na parang may hinihintay pa na dumating. Ilang minuto rin kaming nagmamasid-masid ng parami nang parami ang mga tao sa pwesto namin. "Aray ko ha! Umusog nga kayo doon," bulyaw ko sa mga tao na sinisiksik ako sa pwesto. Tiningnan naman ako ng matalim ni supladong sundo kaya medyo natauhan ako. "Oo nga pala,multo na ako." Kamot ko sa ulo. Habang abala ako sa pakikipag siksikan sa mga tao, tumayo naman si suplado at akmang aalis na. "Hoy! Iiwan mo ako rito? Akala ko ba sasamahan mo ako dahil tinanggal mo na ang memorya ko?" sigaw ko sa kaniya, ngunit parang hindi niya ito naririnig dahil abala siya sa pakikipag-usap sa isa pang sundo na ngayon ay nasa harapan na niya. Lumingon siya pandalian sa akin, gayundin ang kausap niya. "May pupuntahan lamang kami. Mag ikot-ikot kana diyan, at tumingin ng target mo," aniya sabay alis nila ng kaniyang kasama. Bumagsak na lamang ang balikat ko habang inis kong tinitingnan papalayo si supladong sundo. "Napaka iresponsableng sundo naman no'n! Ang sabi ni pinuno, bantayan akong maige dahil baka gumawa ako ng hindi maganda, tapos ngayon may mas mahalaga pa pala sa'kin?" inis na sambit ko. Upang ilibang ang sarili, naglakad-lakad muna sa gilid ng highway ng biglang may nakabanggaan akong isang maskuladong lalaki. Tingin ko ay nasa edad treinta na ito, napaka rami ng tattoo niya sa mukha, kamay at buong katawan? Base rin sa pagsusuri ko, isa siya sa mga dinadayo sa barangay kapag may nagaganap na away. "Ang alam ko kapag ganitong mga siga, malakas ang loob nila tsaka hindi titiklop ng basta-basta sa mga multo," bulong ko. Ilang oras ko rin itong sinusundan na paikot-ikot sa highway at tila may hinihintay. Bigla namang tumunog ang cellphone niya hudyat para kuhanin niya ito na nasa likurang bulsa. "Ano natapos mo na ba? Hinihintay na tayo ni boss!" sigaw ng lalaking nasa kabilang linya. "Oo. Humahanap lang ako ng tyempo, andami kasing tao dito e," aniya. "Bilisan mo diyan! Baka hindi na naman tayo sumahod sa ginagawa mong 'yan e," saad ng lalaki. Pinatay nito kaagad ang kaniyang telepono at saka humugot ng isang stick ng sigarilyo. "Nakakainis! Kung hindi lang sana kailangan ng anak ko ng pera, hindi ko magagawang patayin 'yon e," inis na sabi nito,habang patuloy pa rin sa paglalakad at hinihithit ang sigarilyo. Napahinto ako nang unti-unting pumapasok sa isip ko ang sinabi niya. "Teka. Itong taong 'to. Isang...mamamatay tao?" Napaartas naman ako ng masiguro kong gunman nga itong isang ito.Kitang-kita ko kaagad ang nakatagong baril sa kaniyang tagiliran. Ano ang gagawin ko? Hindi ko naman maililigtas ang papatayin niya gayong wala na akong katawan? Siguro hahayaan ko na lang din siya sa gagawin niya, pero hindi e. Hindi siya ang Diyos kaya wala itong karapatang kumuha ng buhay ng may buhay. Tsaka kung ipanggagamot lang nito sa kaniyang anak ang pera, baka lalo pang magkasakit ang anak niya sa gagawin niya. "Hoy teka!" sigaw ko sa lalaki ngunit sigurado naman akong hindi niya ito naririnig. Nakapag desisyon na ako. Heto na si Nyx! Baka sa paraang ito, mag pluspoint pa ako sa langit at baka magbago pa ang isip ni pinuno na ibalik ang memorya ko. Habang sinusundan ko ito, pansin ko namang magtatakip silim na. Huminto ito sa tapat ng isang coffee shop. Mukhang nandito yata ang target niya. Ilang oras din kaming naghihintay sa mga naka-park na kotse. Ramdam ko na ring kinakapa na niya ang baril. Nasa paligid na ang kaniyang target, kaya kailangan maging alisto ako. Sampung segundo. May isang maroon na kotse ang paparating at pinapark ang sasakyan sa tabi ng aming pwesto. Ang lalaking kasama ko ay nanginginig at parang napipilitan pang dukitin ang kaniyang baril. Ngunit nang lumabas na ang target ay siya namang mabilis na tutok niya rito, kaya napatingin ang matandang lalaki sa amin na may dalang suitcase. Heto na. Siguro kasama 'to sa misyon mo Nyx. Ang magligtas ng buhay. Unti-unti akong lumapit sa tainga ng gunman upang bulungan siya. Sa unang subok ay hindi epektibo, dahil nakapokus nitong hinahawakan ang gatilyo ng kaniyang baril. Gulat na gulat ang matanda, at dahan-dahan niyang ibinaba ang suitcase tsaka itinaas ang kamay. "I-ibigay mo na lang sa akin ang pera, para hindi ka masaktan!?" nanginginig ngunit matapang na sabi nito, sabay yakap sa kaniyang katawan. Mukhang effective nga! "Kuhanin mo ang suitcase at ibigay mo sa akin! Ayokong pumatay ng tao kaya hanggat maaari ibigay mo na lang ang pera. Iyan lang naman ang kailangan ni manager e!" wika nito, habang nakatutok pa rin sa matandang lalaki ang baril. "Huwag... huwag mo 'kong papatayin. Ibibigay ko sa'yo ang pera." Dahan-dahang kinuha ng matanda ang suitcase, at naglakad ng papunta sa gunman. Matiwasay niya itong ibinigay, kaya mabilis na ibinaba niya ang baril. "P-pasensya ka na. Kailangan lang talaga ng anak ko ng pera. Wala naman akong balak saktan ka e," paliwanag nito. Ramdam ko sa kaniya na pinipigilan lamang nito ang luhang gusto ng kumawala habang ginagawa ang krimen. Malinis ang puso niya ngunit nagagawa lamang niya ito dahil sa kagipitan. Tatakbo na sana siya papalayo sa coffee shop, ngunit nagsimula nang magbutil-butil ang pawis niya sa mukha nang marinig ang tunog ng sasakyan ng mga pulis. "Itaas mo ang kamay mo!" sigaw ng isang pulis habang nakatutok sa lalaki ang baril. Umiiyak itong humarap at lumuhod sa harapan nila. Kitang-kita ang busilak niyang puso, ngunit ginagawa siyang masama nang bulok na sistema. Pinosasan kaagad siya ng isang pulis. "Nahuli na namin ang iba mo pang kasamahan kaya itinuro ka nila sa amin," saad nito. Nagsisimula na nitong ilabas ang kanina pa pinipigilang luha. "Pakiusap. Iligtas niyo po ang anak ko! Pakiusap," pagmamakaawa nito habang isinasakay siya sa patrol. Nang maisakay na siya, kinausap naman ng mga pulis ang matandang lalaki na mukhang may-ari ng coffee shop na nasa harapan namin. "Ayos lang po ba kayo?" tanong sa kaniya ng babaeng pulis. "Oo. Salamat sa inyo pero maaari ba akong umapela?" ani nito. Nanlaki naman ang mata ko sa sinabi ng matanda. "Umapela?" pag uulit ng pulis. "Habang kinukuha niya ang pera kanina, parang hindi bukal sa loob niya ang kaniyang ginagawa." seryosong sabi nito. "Alam kong masama ang paraan niya para kumita, ngunit gusto ko siyang tulungan," ani nito. "Sige po. Sumama na lang tayo sa presinto para mapag-usapan ito ng maayos" wika ng pulis. Pagkatapos ng insidente, humiwalay na ako sa aking target. At sa unang pagkakataon, nakatulong pa akong makapagligtas ng buhay. Ang sarap pala ng ganito. Maililigtas mo na sa kabilang buhay ang lalaking iyon, tutulungan pa siya ng hinold-upan niya. Matamis na ngiti naman ang iginawad ko sa kalangitan. "Pinuno! Plus points ako sa langit ha?" sigaw ko. Sa paglipas ng oras, halos mabaliw ako sa pag-iisip kung ano ang sunod kong gagawin. Ni hindi pa nga ako binabalikan ni supladong sundo dito. Paano na ako? Magiging palaboy na lang ba ako rito? Teka, may palaboy bang multo? Lumalaim na ang gabi. Pakonti na rin nang pakonti ang tao sa bawat daan. Nagpalinga-linga ako at umaasang nasa paligid lang ang sundo na iyon. "Supladong sundo. Balikan mo na ako rito, inip na inip na ako oh. Wala man lang akong makausap kahit isa rito." Sa aking pagmamasid-masid, may napansin akong isang itim na pusang tumatawid sa kabilang daan. Hinihintay ko itong makalampas, ngunit nais na ata nitong wakasan na kaniyang buhay dahil tumigil pa ito sa pinaka gitna. Nang hinihintay na ng pusa ang kaniyang kamatayan sa pamamagitan ng paparating na kotse, bigla namang pumreno ng napakalakas ang driver kaya hindi ito natuluyan. Lumabas mula sa kotse ang isang gwapo at matipunong lalaki na nakasuot ng three piece suit at itim na slacks habang alalang-alala nitong nilapitan ang pusa. "Dapat tumatabi ka. Sayang ang buhay mo, ang ganda pa naman ng lahi mo," ani nito habang hinahaplos ang ulo ng pusa. "Ang swerte mo naman," bulong ko sa sarili. Nilapitan ko naman ito at amoy na amoy ko ang nanuot na pabango sa itim nitong suit. "Ang gwapo na, ambango pa!" ipit kong sabi sa kanya. Pagkatapos ng eksenang iyon, malungkot akong nagpalaboy-laboy sa daan, nang may makita akong bukas na karinderya. Sa loob nito ay may dalawang lalaki ang sarap na sarap sa hinihigop nilang sabaw. Hindi ko mawari kung ano ito, pero sa ekspresyon ng kanilang mukha ay mukhang sarap na sarap sila rito. "Ganito pala kapag kaluluwa na. Kahit antok hindi ko maramdaman, kahit nakakakita ako ng masarap na pagkain hindi naman ako maaaring kumain." Napahawak na lang ako sa aking tiyan, at sinusubukang punuin ito habang pinagmamasdan sila. "Ang hirap pa lang maging multong ligaw," bulong ko sa kawalan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD