Nagising na lamang ako sa sinag ng araw na direktang sumisilip sa bintana ng kwarto. Habang pinagmamasdan ko ang puting kisame na nakatapat sa akin ang maliit na bombilya, ang puting pader pati na rin ang mga kagamitan na hindi sa akin. Napakunot ang noo ko at saka mabilis na napaupo. Mabuti na lamang ang kulay ng hinihigaan ko ay abo at abo rin ang kumot na bumabalot sa kalahati ng katawan ko. Siguro iisipin ko nang nasa hospital ako kung sakali.
Nasaan ako?
Kaagad akong tumayo para makaalis sa kwartong ito nang sakto namang nasilayan ko ang anino ng isang babae palapit sa pintuan na bukas. Si Niks ito at may dala siyang pagkain na nasa tray.
"Okay ka na ba bess?" Tanong ito sa akin at inilapag ang tray sa maliit na mesa katabi ng higaan ko.
Mabilis umikot ang mata ko sa paligid habang litong-lito akong inaalala kung bakit nandito ako ngayon.
"Paano ako napunta dito? Tsaka bakit may pa ganyan?" Turo ko sa pagkain
"Nakalimutan mo na ba? Condo ko 'to." Umupo si Nikki sa tabi ko. "Dito ka dati nag-s-stay kapag marami tayong ginagawa," paliwanag niya.
"Pero bakit ako napunta dito? Hindi ba't nasa daan pa ako, tapos."
Hinawakan naman nito ang kamay ko at alalang-alala ang mata niya.
"Oo. Nasa daan ka kagabi at doon ka bumulagta. Sakto naman kasi na nag-ca-crave ako sa balot, kaya ako naghanap. Tapos ayon, pinagtitinginan kana sa daan, kaya naki-usyoso rin ako. Nalaman ko na ikaw pala 'yon."
Buti na lang nailigtas ako ni Nikki.
"Salamat, Niks." Yakap ko sa kanya dahil sa pagkakaligtas sa akin.
"Pero bakit ka ba napunta doon? Ni hindi ka man lang nakapagpalit ng damit, tapos wala ka pang suot kahit na tsinelas man lang."
Unti-unting bumabaliksa alaala ko lahat ng nangyari kagabi. Hindi pa pwedeng malaman ni Nikki 'to, baka hindi rin siya maniwala sa'kin.
"Eh, hinold-up kasi ako," palusot ko.
Tiningnan niya ako ng nakakaloko at saka tumawa.
"Hinold-up? Pati sapatos mo hinold-up din? Nako, Nyx, huwag mo nga akong pinagloloko-loko." Hampas nito sa kamay ko.
"Eh kasi, si Gerald," singhal ko. Mabilis naman ako nitong hinarap.
"Gerald? Boylet mo?" tanong ni Nikki kaya pinitik ko ang noo niya.
"Kuya ni Kore. Kasi balak niya akong patayin," bulong ko.
Bigla namang nanlaki ang mata ni Nikki sa sinabi ko.
"Ano! Nako sinasabi ko na nga ba. Kaya ba gano'n na lang itsura mo? Paano ka nakatakas? Tsaka bakit ka niya papatayin?" sunod-sunod nitong tanong.
"Nalaman ko kasi na pumatay siya ng ibang tao. Tsaka nanghihinala na rin siya sa akin, kaya ayun. Nang inambaan niya na ako ng baril, tumakbo ako kaya nakatakas ako," palusot ko.
Hindi mo pwedeng malaman ang tungkol kay Cole, Nikki.
"Naku buti naman at nakaalis ka na doon! Dito ka na lang muna bess, baka mamaya pag umuwi ka doon paulanan ka nalang bigla ng bala." ani nito. Halatang-halata naman dito ang pag-aalala, kaya mas ramdam ko ang care niya sa akin.
"Okay lang ba?" tanong ko habang naniningkit ang mata.
"Aba oo naman! Kaysa mapatay ka pa niya doon 'no!" galit na sabi nito.
"Eh diba patay naman na ako?" pagbibiro ko kaya ako binatukan nito.
"Adik ka talaga. Eto o, kumain kana muna. Halatang wala ka pang kain simula kagabi e." Abot niya sa akin ng mangkok na may lugaw. Biglang kumalam ang tyan ko dahil may sahog din itong itlog at chicharon. Habang kumakain ay tinitingnan ako ni Nikki na ultimo pagsubo ko ay nginingitian niya.
"Bakit Niks?" saad ko, pagkatapos kong sumubo.
"Wala lang. Ilang buwan na rin kasi simula nang mawala ka. Na-miss kaya kita," ani nito habang pinipigilang maluha.
"Drama ah? Pero na-miss din kita. Alam mo no'ng unang araw ko sa La Ciera, akala ko nasa ibang lugar lang ako e." saad ko, habang inaalala ang mala paraisong lugar na iyon.
"Alam mo si tita Emma, pati rin sina mama, Nina at Kyle, nalungkot din sa nangyari. Ilang araw din silang umiiyak at hindi matanggap ang pagkawala mo," ngumiti si Nikki ng mapait. "Malapit talaga 'yong dalawang bata na 'yun sayo." pahayag nito.
"Ang mga batang 'yon talaga. Naalala ko pa nong sinusundan kita. Nilagay ni tita sa tabi mo 'yung Santo Niño." Hagalpak ko sa tawa habang naalala ko ang nangyari sa kanya noon.
"Pano ba naman, para kang sira! bumulong kapa sakin. Hindi ko alam kung tatakbo ako o pipikit na lang e," nahihiya niyang sabi.
"Pero dinga, namiss kita. Si tita Emma ba nadalaw mo na?" Humugot naman ako ng malalim na hininga bago ito sagutin.
"Oo. Siya 'yung unang taong naalala ko. Dinalaw ko na rin siya, pero di pa ako nagpapakilala sa kanya."
"Bakit naman? Miss na miss ka na no'n panigurado!"
Tinignan ko naman siya ng masama. "Paano kapag bigla na lang akong nawala? Edi mahihirapan na naman siyang makalimutan ako? Tsaka ayos na iyon, nayakap ko naman siya." Naalala ko tuloy ang napaka higpit na yakap ni yayi sa akin. Sigurado akong babaunin ko 'yon sa araw-araw kahit mawala man ako sa mundong ito.
Nang tapos na akong kumain, napag-isipan namin ni Nikki na um-absent muna, dahil hindi ko pa kayang lumabas, at siya naman daw ay babantayan ako.
"Sure ka ba? Ayos lang naman ako dito," pamimilit ko sa kanya.
"Hindi. Mamaya makita ko na lang na nakabulagta ka na naman," ani nito.
"Teka!" sigaw nito na napakasakit sa tainga.
"Bakit?" May halong gulat at inis ang tono ng pananalita ko.
"Gusto mo ba?" tanong nito habang tinitignan ako ng nakakaloko.
"Na ano ba?"
"Mag out of town tayo!" sigaw niya.
---
"Ano ba kasi 'tong pinapasuot mo sa'kin Niks? Tignan mo o nalalaglag!" Inis na sabi ko habang pilit itinataas ang tube dress na pinilit niyang ipasuot sa'kin.
"Jusko! Minsan ka lang naman magsusuot ng ganyan Nyx! Tsaka i-feel mo naman ang bakasyon natin," ani nito sabay isinuot sa akin ang isang itim na sunglasses at isinukbit sa balikat ko ang pink na tote bag. Kahit papaano ay bumagay naman ito sa akin kaya pumayag na ako.
"Eh, saan ba kasi tayo pupunta? Napakarami mong pinadalang damit sa'kin, pero hanggang ngayon diko pa rin alam saan moko dadalhin," inis na sabi ko sa kanya.
"Gusto ko lang naman ma-refresh 'yang kaluluwa mo," wika niya.
Sinamaan ko siya ng tingin. "Saan nga?"
"Sa disyerto. Gaga ka," inis nito sabay pinihit na ang makina ng sasakyan.
"Buti na lang pala may sasakyan ka ano?" tanong ko dito habang seryoso siyang nagmamaneho.
"Ano sa tingin mo? Purita ako?" sarkastiko nitong tugon.
"Napaka seryoso mo naman!"
Habang papalayo sa syudad at naramdam ko nang wala nang polusyon ang hangin, binuksan ko ang windshield at ninamnam ang magandang view. Ngayon ko pa lamang nakikita ng paunti-unti ang tunay na mundo. Napakasarap tingnan ng mga bundok na napapalibutan ng mga matatayog na puno at matataas na damo. Mga tuyong dahon na nahuhulog sa aming dinaraanan, ang hangin na napakasamyo at malayo sa polusyong nasasaganap namin sa syudad.
"Wow Niks!" Manghang sabi ko ng madaanan namin ang malalaking ibon na nasa bukid habang naghahanap ng kanilang makakain.
"Nagustuhan mo ba?" ani nito.
Tumango naman ako at alam ko kitang-kita sa mata ko ang tuwa, ngunit bigla namang nawala ito nang magsalita ng seryoso si Nikki.
"Sige diyan ka na," sarkastikong sabi niya.
"Medyo malayo-layo pa tayo, kaya magpahinga ka muna," ani nito sabay binuksan ang radyo ng sasakyan at sakto namang bumungad sa amin ang isa sa paborito kong kanta ng MLTR. Ang 'Complicated Heart'.
Even if you want to go alone
I will be waiting when you're coming home
If you need someone to ease the pain
"You can lean on me, my love will still remain," sabay pa naming kanta ni Nikki. Naalala ko pa noon nang college kami, sabay kaming sumasakay sa jeep pauwi ng bahay tapos iyong jeep na nasasakyan namin ay laging ganito ang pinapatugtog, kaya simula noon ay naging paborito na rin namin.
"Grabe 'no? Noong una akala ko talaga hindi totoo 'yang sanib sanib na yan," panimula niya.
"Pero takot ka sa multo," pang-aasar ko.
"Oo takot ako. Syempre naniniwala ako sa multo, pero di talaga ako makapaniwala na sumanib ka sa katawan niyang malditang Kore na 'yan, para lang makapaghiganti ka," singhal niya.
Ngumiti naman ako ng pilit. "Ako nga rin e, hindi ko alam na darating ako sa puntong ganito.
"Pero ano ng balak mo?" pag iiba niya ng usapan.
"Balak saan?"
"Kapag natapos na ang misyon mo?"
Huminga muna ako ng malalim at tumingin sa paligid. Kitang-kita ko tuloy ang mga ibon na naglalaro sa himpapawid.
"Siguro kapag nalaman ko na kung sino ang pumatay sakin. Papatayin ko rin siya," wika ko, habang seryoso akong nakatingin sa paligid.
"A-ano!" Bigla nitong sabi nang bigla niya rin pinreno nang malakas ang sasakyan.
"Joke lang." Lingon ko sa kanya. "Siguro hihingi lang ako ng hustisya, pagkatapos no'n babalik na ako sa La Ciera para ihatid na ako sa kabilang buhay."
Siguro gano'n na nga ang balak ko. Pero hindi gano'n ang nasa isip ko e. Parang kulang. Parang gusto kong gumapang sa lusak kung sino man ang may gawa nito sa akin, pagkatapos no'n ay papatayin ko rin siya gamit ang sarili niyang konsensya.
"Akala ko magiging isa ka na rin mamatay tao e! Wala akong kaibigang ganyan."
Ngumiti lang ako nang mapait bago nito paandarin ang kotse. Patawad Niks, hindi pwedeng makuha ko lang ang hustisya. Buhay ang kinuha nila, buhay rin dapat ang kapalit.