"Babe. I miss you so much!" Yakap sa akin ng isang lalaki. Niyakap ko rin ito pabalik nang mapagtanto kong nakangiti ako ng mapait tungo sa kanya.
"I miss you too. Buti napadalaw ka?" tanong ko rito habang unti-unti kong kinakalas ang pagkakayakap sa kanya.
"Maaga kasing natapos lahat ng papers na pinapagawa sa company. That's why, dumiretso kaagaad ako rito. Ayaw mo ba?" Nakasimangot niyang turan.
Kahit napaka guwapo niyang tignan, hindi ko alam bakit ganito ang nararamdaman ko. Hindi ko alam kung paano ko ipapakita na miss ko rin siya habang nakakaramdam ako ng tatampo sa kanya. Pero bakit? Tanging naalala ko pa lang ay may ginawa siyang kasalanan sa akin at hanggang ngayon tumatagos pa rin sa puso ko ang sakit.
"Nagtatampo ka pa rin ba?"
Hindi naman ako makasagot dito, bagkus kinagat ko ang ibabang labi ko para mapigilan ang luhang kumakawala sa mata ko.
Tumingin ako sa kanya at pekeng ngumiti. "Nope. Matagal nang nangyari 'yon, kaya kalimutan na natin," pagsisinungaling ko kahit ramdam kong parang sinasaksak ang puso ko sa sakit.
---
Nagising na lamang ako nang namalayan kong nag-uunahan ng tumulo ang luha sa pisnge ko. Bakit ang bigat ng panaginip na iyon? 'Tsaka sino siya? Bakit parang sinasaksak ang puso ko sa tuwing naalala ko siya? Ano ba Nyx!
Kaagad ko namang pinunasan ang luha sa'king mukha, at saka bumaba ng kama. Nilamukos ko rin ang mukha ko dahil gulong-gulo na ako ngayon. Habang nagmumuni-muni, naramdaman ko ang hanging nagmumula sa labas na dumadampi sa balat ko, dahilan para mapayakap ako sa sarili ko. Si Nikki naman kasi, hindi man lang nag abala na isarado ang pinto bago umalis ng unit. Tumayo naman ako at tumingin muna sa labasan bago ito isara. Madali lang naman dahil sliding door ito.
Suot ang isang makapal at itim na jacket, umakyat ako sa rooftop nang mapagtanto kong naroon si Nikki. Kanina pa kasi ako nito kinukulit na maligo kami roon, pero parang hindi ko kaya ang lamig dito. Pagkatapak ng paa ko sa rooftop, sumalubong sa akin ang kabi-kabilaang mga ilaw ng swimming pool, habang si Nikki ay nakalublob ang katawan nito at tanging ulo lamang ang iniwan na nakatingin sa malayo.
"Nikki?" tawag ko sa kanya ngunit parang wala ito sa sarili at hindi man lang ako narinig. Nagpasya akong maglakad sa gilid ng pool upang puntahan siya.
"Huy. Kanina ka pa rito?" tanong ko sa kanya. Umupo naman ako sa bench habang hinihintay siyang sumagot.
"Gising ka na pala bess. Hindi naman, kakarating ko lang din," saad niya.
"Eh bakit tulala ka riyan? Kanina ka pa, para kang sabog," wika ko rito pero parang wala man lang siyang naging reaksyon.
"Pagod lang ako sa byahe. Tsaka apat na oras akong nagmaneho 'no. Ano sa tingin mo?"
Sa tono ng pananalita ni Nikki, parang iba ang pinapahiwatig niya e. Parang may mali, pero hindi ko naman alam kung ano iyon. Gusto ko mang itanong ko sa kanya pero puro kalokohan lang naman ang sinasagot niya. Tinignan naman niya ako na parang takang-taka sa suot ko. "Bakit balot na balot ka? Akala ko ba sasamahan mo akong maligo rito?" singhal niya.
"Hindi ko kasi kaya ang lamig e. Pwede bang bukas na lang? Sasamahan na lang kita rito," saad ko.
Habang hinihintay ko ito na muling magsalita, tila nakaramdam naman ako ng takot nang biglang may sumilip sa amin mula sa pintuan ng rooftop.
"Nikki. Parang may tao," bulong ko sa kanya habang nakatinggin pa rin sa pinto. "Nandoon siya oh." Turo ko gamit ang labi.
"A-anong tao? Tao ba talaga? Baka multo 'yan ha?" Bigla naman itong umalsa mula sa pagkakalubog at takot na takot akong hinarap.
"Gagi! Meron nga, nakaitim siya. Pero hindi ko makita 'yung mukha e."
"Nyx, alam mo. Nasa bakasyon tayo, kaya tigil-tigilan mo na 'yang pananakot mo. Nagre-relax ako dito e," reklamo niya nang biglang humampas sa amin ang napakalamig na hangin kaya nagsimula nang manginig ang labi ni Nikki. Napahalakhak na lamang ako sa naging reaksiyon nito sa sinabi ko. Ibinalabal ko naman sa kanya ang tuwalya nito na naupuan ko at saka hinarap siya. "Binibiro lang kita. Ayaw mo kasi akong harapin kanina pa e," pagsisinungaling ko, kahit ang totoo ay meron nga talaga.
Pagkasabi ko noon ay bigla na lamang nawala ang anino na nasa pintuan, kaya muli binalik ko ang tingin kay Nikki.
"Wala lang ako sa mood kanina, hindi kasi masarap 'yung kinain natin e," reklamo nito gayong siya naman ang nakaubos ng apat na tray nang pagkain kanina.
"Gano'n ba? Oo nga, hindi masarap 'no? Taste test lang pala yung ginawa mo kanina sa apat na tray ng pagkain?" sarkastiko kong sabi.
Napuno naman ng tawanan ang paligid ng rooftop kasabay ng pagbayo ng malakas na hangin. Lalo tuloy nilamig si Nikki kaya siya na mismo ang nag-aya sa akin na bumalik na lang sa unit. Pagkatapos nitong magbihis, kaagad itong pumunta sa kama kung nasaan ako.
"Ano, gusto mo bang pumunta tayo sa Bar Course?" tanong nito, nang sinipatan ako ng nakakalokong ngiti.
"Mamaya malasing ka naman, tapos ako lang din ang magbubuhat sa'yo paakyat," reklamo ko.
"Hindi ah. Edi pabuhat mo ako sa mga fafa doon, basta siguraduhin mong pogi ha?" pagbibiro niya.
Naparolyo na lang ako ng mata habang unti-unting pumayag sa suhestiyon ni Nikki.
"Ano pa nga ba?"
Nang akma na kaming lalabas, sakto namang bumungad sa harapan namin ang isang room attendant, dala ang kanyang mga panlinis.
"Ay miss, bukas mo na lang linisin ito, kakapunta lang namin kanina e. Bukas na lang at sigurado, babaha ng suka dito," pagbibiro ni Nikki. Sumimangit naman ang babae at kalauna'y ngumiti ito ng pilit.
"Inuutos po kasi ni Mrs. Roses, at baka malagutan ako kapag hindi ko iyon sinusunod," aniya.
Tumahimik naman si Nikki at lumapit ito sa kanya.
"Sinong Mrs. Roses? Iyong General manager ba ninyo? Pakisabi sa kanya, kapag hindi pa siya tumigil sa kakulitin niya aalis na kami ni Miss Delos Reyes dito!"
Kaagad namang kinuha ng babae ang kanyang gamit at akma na itong aalis nang biglang tinawag ulit ito ni Nikki.
"Huy, Nakakahiya na 'yang ginagawa mo," bulong ko kay Nikki bago lumingon muli sa amin ang room attendant.
"Hoy babae? Anong pangalan mo?" Sigaw nito ngunit nakayuko ang babaeng nakatikod sa amim. Hindi naman ito nagpatinag kay Nikki at dumiretso na papasok ng elevator.
"Hoy! Kinakausap pa kita! Ang bastos mo ha!"
Kinaltukan ko naman nang napakalakas si Nikki dahilan para hawakan nito ang kanyang ulo. "Ang sakit non ha?"
Tinitigan ko naman ito ng masama. "Paano ikaw, kahit sino na lang pinag-iinitan mo."
"Eh kasi ang kulit e, kakadating lang natin kanina, gusto na agad linisan? Ano 'yon may germs tayo na malala?" Tinignan ko naman siya ng masama.
"Baka kasi ganon talaga 'yong rules nila dito. Tsaka bakit kasi pinili mo dito kung ayaw mo ng ganitong patakaran?"
"Wala lang, gusto ko lang din mag-relax. Nakita ko kasi sa f*******: na ang gaganda ng view rito e."
Pagkapasok namin sa elevator, kaagad pinindot ni Nikki ang button sa groundfloor kaya mabilis na nagsara ito at umandar.
"Ayon naman pala e, kaya wag mo na silang sungitan," saad ko.
Nang makarating na kami sa sinasabi nilang Mini Bar Course, sumalubong sa amin ang isang malamyos na kanta, habang dahan-dahang umiikot ang disco ball sa gitna. Napakalayo ng itsura ng bar na ito sa mismong pinupuntahan ni Kore. Napakatahimik lang din at walang bantay sa pintuan. Halos dadalawa lang din ang tao sa loob kasama na ang barista pati na ang manager ng bar.
"Dito ka muna ha?" wika ni Nikki sabay iniwan ako sa right side ng bar na may malaking upuan na gawa sa kahoy.
"Sure."
Habang nag-o-order siya, hindi ko naman mapigilang hindi mamanga sa kakaibang pwesto ng bar. Tapat ito ng dagat, kaya rinig na rinig ko ang bawat hampas ng alon, pati na ang malamig na simoy ng hangin ay ramdam na ramdam ko. Ang kanta na sumasabay sa pag-e-emote ko, pati na ang hindi mabasag na katahimikan ng isla.
"Nyx anong gusto mo?" sigaw ni Nyx na nasa counter table, habang hinihintay ng barista ang kanyang order.
"Margarita," sagot ko.
Naalala ko kasi iyong alak na ginawa ni Mark na barista sa bar. Napakasarap ng alak na iyon, kumpara sa itim na alak na madalas iniinom ni Kore. Pagkarating ni Nikki, dala na niya ang dalawang bote ng margarita na pina-order ko sa kanya.
"Hindi na ako humingi ng baso, ang sabi ko lalagukan na lang natin." Lapag niya ng alak.
"At saka, iyong pulutan, lulutuin muna raw nila. Ang sabi ko kapag hindi masarap, isosoli mo."
Tinignan ko naman ito ng masama. "Bakit ako na naman? Tsaka ikaw ha, sabi ko huwag kang masungit sa mga tao rito hindi ba?"
Umupo naman siya at kinuha ang isang bote ng alak. "Oo na. Teka, masarap ba yan?" Turo niya sa kulay pulang alak na pina-order ko.
"Oo. Isang beses ko lang natikman yan, kaya hindi ko pa rin makalimutan ang lasa." Sabay inom ko sa isang bote.
Habang ninanamnam namin ang napakamatiwasay na pwesto, sawakas dumating na ang crew dala ang tatlong tray ng sisig. Natakam naman ako bigla dito dahil umuusok pa ito sa init, dagdag pa ang malalaking sili na hinalo dito. Pagkalagok ng alak ay naalala ko na naman 'yung napanaginipan ko kanina. Hindi naman siguro masama kung ikwento ko iyon kay Nikki hindi ba?