"Its okay Brian," saad ko kaya biglang namula ang binata.
"P-po? Paano niyo po nalaman ang pangalan ko?" nahihiyang tanong nito habang kitang-kita pa rin ang pamumula sa mukha niya dahil sa kutis nitong tisoy. Tinuro ko ang nameplate nito na nasa left side ng kanyang itim na uniform kaya nagtawanan ang mga kasamahan niya. "Pagpasensyahan niyo na si Brian, Ma'am, medyo tanga lang siya pero mabait 'to!" Kabog ng Alvin sa dibdib ng binata. Tingin ko ay nasa 20's pa lang ang mga ito. Hindi ko rin masisisi si Brian kung naglalaway siya ngayon dahil sa suot kong tube. Paano pa kaya kung nilugay ko na ang mahaba at medyo kulot na buhok ni Kore.
"Ma'am gusto raw po niya na malaman ang pangalan niyo," saad ng kasama niya na nasa kanan nito, habang si Brian naman ay nakayuko na sa sobrang kahihiyan.
"Kore," sagot ni Nikki habang sinisimot niya ang tira-tira sa plato.
"Siya si Miss Kore Delos Reyes," pag-uulit niya. Pagkatingin namin sa mukha ng tatlong crew ay hindi nito maipaliwanag ang kanilang mukha. Para silang natatae nang binigkas ni Nikki ang pangalan ko--este ni Kore.
"Iyong may ari ng DSR company Ma'am? Iyong sikat?" pag-uulit ng Alvin na hindi makapaniwala.
Tumango naman kaming pareho Nikki nang biglang mapaatras ang dalawa. Mukhang nakaramdam ito ng kahihiyan at buti na lang tinawag na sila ng kanilang boss.
"Bumalik na nga kayo rito Brian, Alvin, Kevin!" sigaw ng isang matandang lalaki na may suot na apron sa loob ng stall. Yumuko naman ang mga ito habang paalis, at paulit-ulit na humihingi ng pasensya.
"Alam mo, minsan masaya palang maging kaibigan si Kore 'no?" Sipsip ni Nikki sa daliri niya.
"Bakit naman?"
"Syempre, instant sikat ka na, wala pang magtatangka na lumaban sa'yo," ani nito.
Nang matapos na kaming kumain, dumiretso naman kami sa sinasabing luxury room ng manager ng resort. Hindi na kasi ako makapaghintay at pakiramdam ko pagod na pagod na rin ang katawan ko sa byahe. Nagsisimangot nga si Nikki dahil mukha pa raw akong pagod sa kanya dahil sa apat na oras nitong pag-da-drive.
"Ayos lang naman na iwan mo muna ako e, tapos gumala gala ka muna," wika ko kay Niks pagkapindot ko ng button sa elevator.
Hindi naman maipinta ang mukha ni Nikki at umaastang bata itong tumingin sa akin. "Totoo? Gusto ko kasing puntahan iyong sinasabi ni ate girl na swimming pool sa taas. Sigurado napakaganda doon, lalo na mamaya," mabilis nitong sabi.
Tumango naman ako kasabay ng pagbukas ng elevator. Nasa third floor kami ngayon. Bumungad naman sa amin ang mamasa-masa pang sahig habang tahimik na naglilihis ang kanilang maintenance sa gitna ng pasilyo.
"Grabeng dulas naman dito. Dapat kapag ganitong tiles, winawalis na lang e," wika ni Nikki at mahigpit ako nitong hinahawakan.
Nang malampasan na namin ang babaeng naglalampaso ng sahig, bigla na lamang namin maisip ni Nikki na hindi pala namin alam kung saan banda ang numerong 204 na binigay sa amin. Dahan-dahan kaming lumapit sa matandang babae na nakasuot ng orange na uniporme at may hawak na mop. Magsasalita pa lang sana ako ngunit tiningnan na kami nito ng masama.
"M-magtatanong lang po sana ako kung saan banda ito," pautal-utal kong sabi. Ipinakita ko naman sa kanya ang number card na ibigay sa akin.
"Sa pinakadulo," ani nito sabay binilisan ang paglalampaso upang makaalis sa harapan namin. Nagpasalamat naman ako ngunit hindi man lang niya ako tinapunan ng tingin.
"Grabe naman! Masama na bang magtanong ngayon?" tanong ni Nikki habang sinusundan ng aming mata ang yapak nito palapit sa elevator.
"P-parang may problema lang siya Nikki," usad ko ngunit naging iba na naman ang timpla ng pakiramdam ko. Parang may mali kay ale.
Pagkarating namin sa pinakadulong unit, kaagad kong sin-wipe ang card sa pintuan kaya bumukas ito kaagad. Lantaran ang pabangong nagkalat sa buong silid kaya kaming dalawa ni Nikki ay langhap na langhap ito.
"Wow," turan niya habang dahan-dahang pumasok sa loob ng kwarto. Kaagad naming nakita ang isang master's bedroom na tingin ko'y mas malaki pa ang kama sa kwarto ni Kore dito. Ang maliit na cr na nasa likuran ng kahoy na kabinet, pati na ang dalawang mahahabang sofa at isang mini table. May dalawang furniture rin na nakasabit sa pader.
"Wow Nyx! Pang mayaman talaga ito oh." Upo niya sa malambot na kama. Blangko naman ang ekspresyon kong lumapit sa kanya at diretso nang humiga.
"Mas malaki pa ang kwarto ni Kore dito," wika ko.
Humarap naman siya sa akin. "Totoo? Baka naman minsan isama mo ako doon."
Tumingin ako ng masama sa kanya. "Ikaw na nga ang nagsabi diba? Kapag bumalik ako roon, baka paulanan na niya ako ng bala."
"Ay oo nga pala. Sorry naman." Kamot nito sa kanyang ulo.
Habang nililibot ni Nikki ang buong kwarto, inayos ko naman ang mga dala naming gamit. Kinuha ko rin sa travelling bag ang isang pink na pajama at loose na t-shirt. Napaka kumportable kasi nito sa pakiramdam.
"Magpapalit lang ako ha?" sigaw ko kay Nikki na nasa terrace.
Pagkatapos kong magpalit ay sinundan ko siya. Isang napakalakas na hangin ang siyang sumalubong sa akin. Infainess, maganda ang view rito at makikita mo talaga ang kabuuan ng resort.
"Mamaya magpunta tayo doon ha?" Turo ni Nikki sa dagat na may puting buhangin.
Tumango lamang ako at bumalik na sa loob dahil balak ko na talagang magpahinga. Nang matapos na akong gawin ang aking evening routine, dumiretso naman ako sa higaan. Si Nikki naman ay taimtim pa rin nakatingin sa malayo. Hindi ko rin maiwasang mamangha dahil kahit ang puting kurtina ay kumakawala na sa pagsabit dahil sa malumanay na paghampas ng hangin. Kakaiba ang amoy nito, napaka presko at napaka sarap sa pakiramdam. Para tuloy akong hinihele. Hindi ko na rin inatubiling buksan ang aircon dahil sapat na ang hangin na pumapasok sa kwarto.
"Okay ka lang?" sigaw ko kay Nikki ngunit mukhang hindi niya ito narinig. Itong babae na 'to, wala na naman sa sarili.
"Matutulog muna ako Nikki. Mamaya sasamahan kita, promise," saad ko bago ko tuluyang pasakop ang katawan ko sa malambot na higaan.