"Hello babe?"
"Yep, babe?" sagot naman ni Callie.
"Tuloy tayo mamaya hindi ba?" Habang hinintay ko ang sagot nito, tila nakaramdam ako ng paninikip ng dibdib. Nanlalambot na rin ang tuhod ko.
"Uhm, sorry babe pero ita-try kong tapusin lahat ng paperworks ngayon. Tinambakan kasi ako ni daddy e, alam mo naman deadline na next week," paliwanag nito. Sabi ko na nga ba, hindi kami tuloy.
"Ah, oh sige. Pero babe alam mo ba-" Hindi ko natuloy ang sasabihin ko nang bigla na naman siyang nagsalita at sa boses nito ay aligaga na siya.
"Wait babe, dumating na 'yong client namin. I will call you later, okay? Be safe!" ani nito, sabay baba ng telepono.
***
Habang nag-uusap kami ni Nikki, biglang nag-vibrate ang cellphone ko kaya agaran ko itong kinuha na nasa loob ng bag.
"Happy anniversary. I'm so sorry babe, gusto ko man makasama ka sa mga oras na ito, pero kasi kapag hindi namin sinipot ang client baka hindi na siya mag invest sa company namin," basa ko sa chat ni Callie. Pagkabasa ko no'n ay siya namang bagsak ng balikat ko. Ilang araw na nga kaming hindi nagkikita, pagkatapos ay pati sa anniversary namin ay papalagpasin niya. Paulit-ulit kong binabasa ang chat niya sa akin. Hindi ko alam pero parang may kakaiba rito. Parang may mali pero hindi ko masabi kung ano. Malungkot naman akong tumingin kay Nikki.
***
"Huy, anong nangyari? Si Callie ba ito?" Hablot ni Nikki sa cellphone ko habang tinitignan ang litrato na ipinasa sa akin.
***
"Pwede ba tayong magkita bukas sa Elena Resort? 10:00am."
***
"I'm so sorry, Nyx. You deserve it," saad ng isang babae, habang ginalaw na nito ang gatilyo ng kanyang baril at akma ng itututok sa akin.
"N-nyx!" sigaw ni Callie pagkatapos akong mabaril sa ulo at tuluyan nang nawalan ng malay.
---
"Callie?"
"Callie!"
Bigla na lamang akong napabalikwas sa aking kinahihigaan ng bigla ko nang naalala ang lahat. Si Callie...siya 'yong lalaki sa panaginip ko. Pero bakit ganoon? Unti-unti nang tumatangis at nag-uunahan ang luha ko sa pagtulo. Bakit ganito? Bakit ang sakit. Dapat masaya na ako dahil bumalik na ang alala ko kay Callie, pero parang may kulang... parang may parte sa panaginip ko na napakalabo at hindi tuloy-tuloy.
Binalot ko na lamang ang sarili ko sa puting kumot habang hinahayaang kumawala ang luhang bunga ng panaginip ko. Si Callie, iyong boyfriend ko. Siya na nga, pero bakit nakakaramdam ako ng takot. Nanginginig ang tuhod ko. Hindi ko alam kung ano 'tong nararamdaman ko. Para akong sasabog sa sobrang init, at sobrang galit.
Sino iyong pumatay sa akin?
"Kaasar!" Napasabunot ako sa buhok ko nang maalalang malapit ko nang matunton sa panaginip ang pumatay sa akin, pero bigla na lamang akong nagising nang dalhin ako sa hospital ni Callie.
Nikki's POV
Napabangon ako sa pagkakahiga nang biglang tumapat sa mata ko ang sinag ng araw na nanggagaling sa bintana ng aming unit. Ang sakit pa rin ng ulo ko ng dahil sa mga alak na ininom namin kagabi. Hindi ko na nga alam kung sino ang nagdala sa'kin dito at kung ano na namang kagagahan ang ginawa ko kagabi. Umupo ako sa higaan at nag-inat-inat muna nang mapansing wala si Nyx sa tabi ko.
"Nyx?" tawag ko sa kanya.
"Ang aga naman yatang nagising no'n?" Sumilip pa ako sa terrace kung naroon siya pero wala rin doon. Tumayo naman ako at dumiretso sa cr para gawin ang araw-araw kong routine.
Habang naglilinis ako ng mukha, unti-unti na namang bumabalik sa isip ko ang mga katagang iniwan sa akin ni Sir Cole. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin tanggap na ilang araw na lang ay mawawala na si Nyx. Nakakainis naman kasi at pinagbawalan pa akong sabihin sa kanya kung sino ang pumatay kay Nyx, gayong malalaman din naman niya sa bandang huli. At saka nakikita ko nang nahihirapan na ang best friend ko kahit hindi niya sabihin sa akin.
Pagkapunas ng mukha ko sa puting tuwalya na iniwan sa sofa, nagpalit kaagad ako ng damit at nagpasya na umakyat sa rooftop. Baka kasi nagpapahangin lang doon si Nyx.
"Bess, ang aga mo naman at-" Hindi na natuloy ang sasabihin ko nang mapagtantong wala rin siya rito. Ang hirap pa namang umakyat tapos ang lamig lamig pa.
"Nasaan na kaya 'yong babaita na 'yon?" bulong ko sa sarili at bumaba na.
Dali-dali akong sumakay sa elevator at pinindot ang button ng ground floor. Sigurado nandoon na 'yon at nag-aalmusal na. Bakit kaya ganito? hindi ko maiwasang hindi mag-alala sa kanya, lalo na ngayon na unti-unti nang bumabalik ang alala niya tungkol sa hinayupak na Callie na iyon. Totoo nga lahat ng sinasabi ni Sir Cole sa akin, sayang lang dahil isa na rin siyang kaluluwa, kung hindi baka hindi na ako nakapagtimpi pa sa kakapalan ng mukha niya.Pagkabukas ng elevator, rinig na rinig ko ang mga babaeng nagtatawanan sa front desk at ang gagang Nyx isa siya sa napakalakas tumawa kasama ang mga receptionist. Aba't pati ang pagkalasing ko kinukwento pa.
"Nagsuka nga siya sa hagdan e, kaya ayun bigla ko siyang binitawan," wika ni Nyx, habang pinupunasan ang luhang dahilan ng sobra niyang pagkagalak.
"Buti po Ma'am hindi niyo na lang iniwan doon. Baka ibang tao ang kumuha sa kanya. Ang ganda pa naman ni Miss Nikki," saad ng isang babae na kasing tangkad ko habang hindi maalis ang ngiti sa labi nito. Naglakad naman ako palapit sa kanila dahil baka kung ano pa ang ibulgar nito sa akin.
"Hoy Nyx!" sigaw ko nang bigla silang lumingon lahat sa direksyon ko. Pati ang mga lalaking receptionist ay tumigil na rin sa pagtawa at pakuwari mo'y nakagawa ng kasalanan sa sobrang yuko nila para lang hindi magtama ang mata namin.
"Nikki, gising ka na pala. Si Min nga pala o, siya 'yung nag-a-assist dito," pakilala ni Nyx. Tinignan ko naman ang nameplate nito at sinuri ang buo niyang katauhan. Mukha naman siyang malinis at mabango, pero mukhang plastik.
"Hello Ma'am." Kaway ng babae. Inirapan ko lang ito pabalik.
Lumapit sa akin si Nyx dala ang nakakapanlisik na mata. Sa totoo lang, mas natatakot pa ako sa tuwing tinitingnan niya ako ng ganito kaysa kapag pinapagalitan ako ni mama. Para niya kong kinakain sa utak niya kaya sa huli wala akong magagawa.
"Hello," pilit na sabi ko kay Min. Nakakainis kasi ang mukha niya, mukhang di pagkakatiwalaan.
"May goodnews ako sa'yo." Pamamalit ng ekspresyon ni Nyx habang masaya itong lumapit sa akin.
"Goodnews?" Tumaas ang kaliwang kilay ko.
"Oo. Mamaya maliligo tayo ng dagat, tapos idadala nila tayo sa pinakamalaking field nila iyong Golf Course."
"Anong goodnews doon?" iritable kong bulong.
"Si Mrs. Rocess ulit ang magto-tour sa atin," masaya nitong sabi dahilan para manlambot na naman ang tuhod ko.
"Na naman?"
Tumango naman siya at hinawakan ang kamay ko. "Halika. Kumain muna tayo at naghanda na raw sila ng almusal sa labas," saad ni Nyx sa akin.
Habang hila-hila ako nito sa labas, hindi ko alam kung bakit ako nakakaramdam ng ganito. Parang may mali talaga kay Nyx simula nang tingnan niya ako sa mata. Wala pang isang segundo nang binaling niya ang tingin sa akin at prenteng ngumiti. Sa ilang taon na naming pagkakaibigan, basang-basa ko na siya sa tuwing gano'n ay may iniiwasan siyang ikuwento sa akin, at kung ano man iyon? Hindi ko rin alam.
Pagkalabas namin ng hotel ay bumungad sa amin ang init ng araw kasabay ng malakas na hampas ng tubig sa dalampasigan. Ang puting buhangin ay lalo pang nakakadagdag sa ganda ng paligid. Hindi ko tuloy maiwasan hindi ipasok sa suot kong tsinelas iyong nakaksalubong kong buhangin. Sa di kalayuan, naroon ang lahat ng crew pati na ang guard. Nag hihintay ang mga ito sa amin dala ang malalawak na ngiti. Mayroong mahabang mesa sa gitna nila na tinakpan ng puting tela at naroon ang samut-saring pagkain na inihanda nila na nasa dahon ng saging.
"Wow!" wika ni Nyx at saka tumakbo papunta roon. Kitang-kita ang saya sa kanyang mukha kahit may dinadala ito na hindi ko alam kung ano.
"This is the Sand Infinity Pool, Ma'am. Pinili po namin ang place na ito dahil gusto naming ma-experience ninyo kung gaano kasarap kumain sa harapan ng dagat habang naririnig ang malalakas na hampas ng alon," paliwanag ni bida-bidang Rocess.
"Yes po Ma'am. Palagi po kaming kumakain dito nila Ma'am Rocess, kaya masasabi kong napakasarap sa pakiramdam," wika ng isang lalaking janitor. Tinignan ko naman ang nameplate nito at Carlo ang nakapangalan.
"Palagi? Kayo?" gulat na tanong ni Nyx. Pati rin ako ay namangha dahil akala ko hindi pantay-pantay ang pagkilala sa kanila rito.
Ngumiti naman ng maaliwalas ang babaeng may nameplate na Marissa. "Opo ma'am, palagi po kaming nagsasalo-salo rito, iyong mga baon namin nilalagay namin dito sa dahon ng saging para salo-salo kami sa pagkain," aniya.
Nakita ko naman iyong room attendant na nagpunta sa unit namin kagabi na ngayo'y nakayuko lamang.
"Hoy!" Turo ko sa kanya, kaya napabaling sa kanya ang tingin ng lahat.
Gulat naman itong napatingin sa akin. "A-ako po?" Turo niya sa sarili.
"Oo ikaw. Anong pangalan mo?" tanong ko rito. Tiningnan na naman ako ng masama ni Nyx dahil akala niya aawayin ko nanaman ito.
"Joy po," mahinhing sagot niya.
"Oh sige, sumabay ka sa amin ha? Oh tara na kumain na!" Pag-anyaya ko habang takam na takam kong tinitignan ang malalaking ipit ng alimango pati ang malalaking hipon na nasa ibabaw ng mainit na kanin.