2 Years Later..
Sa labas ng simbahan ay matiyaga kaming pinag aantay ng wedding coordinator kung kaya't pinili kong tumayo muna sa ilalim ng isang puno. Mabuti na nga lang at hindi gaanong mainit ngayon kaya kahit papaano ay hindi pa naman lusaw ang make up ng inyong lingkod. Habang nag pupunas ng ilang butil ng pawis sa aking noo ay nagulat nalamang ako ng may sumulpot sa tabi kong isang tall, moreno, at oo, handsome na ginoo kaya automatic din akong lumingon sa direkyon ni tatay kung saan abalang kausap ang mga magulang ni kuya Mason. Mabuti nalang at hindi niya kami nakita kaya ako na mismo ang dumistansiya sa lalaki na siyang ikinakunot ng noo nito.
"Ikaw pala ang kapatid ng bride."
"Opo, ako nga."
"Easy. Wala naman akong masamang gagawin sa'yo. Gusto ko lang sabihin na ako ang kapartner mo mamaya pag pasok ng simbahan."
Oh.. Siya na pala ang tinutukoy nila kuya Mason at Mabel na pinsan nilang galing UAE. Kararating lang siguro niya rito sa Pilipinas kung kaya't bukod sa hindi ko siya nakakasabay noon during rehearsal ay hindi ko rin siya agad nakilala. Dala ng hiya kaya agad akong humingi ng paumanhin sa kaniya kaya nakita ko itong ngumiti sa'kin.
"Okay lang. Ako pala si Raven." Pagpapakilala niya sabay extend ng kaniyang kamay.
"Ako naman po si Candice." Pagpapakilala ko rin sa sarili habang nakikipag kamay kay Raven.
"Makapag po naman ito akala mo naman ang tanda ko na. 30 lang ako."
"Ah.. Hehe! Pasensya na po. Nakasanayan lang."
"Ang galang naman ng batang 'to. Okay lang. Naikwento sa'kin ni Mabel na schoolmates daw kayo at magka course rin? Ibig sabihin isa ka rin nag aabang ng NLE results ngayon?"
"Opo. Tama po kaya nga mix emotions po ako ngayon. Excited sa kasal ng ate Candy ko at the same time kinakabahan rin kung pasado ba o hindi."
"Ano ka ba, syempre pasado 'yan. Huwag mong isiping hindi ka makakapasa kasi the more pessimism, the more chances na hindi ka tuloy makakapasa niyan. Gusto mo ba 'yun?"
"Syempre ayaw ko po. Gusto ko pong makapasa para naman makakuha na ako ng trabaho."
"'Yun naman pala eh kaya mag relax ka lang. Smile ka rin kahit konti. Mas maganda ka lalo kapag nakangiti."
"Hala, hindi naman po ako maganda. Binobola mo naman ako kuya."
"Hindi ah. Kung hindi ko pa nalaman sa mga pinsan kong kapatid ka ng bride malamang dumiskarte na ako kanina pa."
Ngiti nalamang ang isinagot ko sa sinabi ni kuya Raven hanggang sa ipinakilala niya rin ako sa iba pa nilang pinsan na ngayon ko lang nakita at nakilala sa mismong kasal dahil ngayon lang din sila napunta rito sa Manila. Sa kalagitnaan ng meet and greet ay dumating na ang inaantay namin kaya lahat ay nagsipuntahan na sa kani-kanilang pwesto para mag handa sa pagpasok sa simbahan. Bagama't hindi pa naman ako papasok kaya pansamantala munang lumapit ako kay ate Candy para makita siya ng malapitan.
"Ate!"
"Ikaw talaga Candice, ang make up mo. Alalahanin mong mahal ang binayad natin diyan."
Hindi man ako ang ikakasal pero ako na ang unang naiyak sapagkat hindi ko akalaing ikakasal na ang ate ko ngayon. Nakakalungkot din isipin na ilang araw mula ngayon ay hindi ko na siya makakasama sa isang bubong although nandito lang din naman sila nila kuya Mason sa Manila. Iba pa rin kasi yung kasama si ate Candy sa bahay.Kahit madalas niya akong sungitan eh palagi niya naman akong sinasalo sa lahat ng bagay.
Mahigpit na yakap ang natanggap ko kay ate Candy at kahit wala man siyang sinasabi ay ramdam ko na mamimiss niya rin ako at mahal niya ako, syempre ako lang naman ang nag iisa niyang kapatid at bunso. Si ate kasi yung tipong mahina mag express through words kaya more on actions siya o kaya naman binibilihan niya ako ng kung ano-ano. Maging si nanay ay naiyak na rin kaya naman niyakap niya kaming dalawa pwera kay tatay na abala na naman sa pagpipicture. Natawa nalamang kami lalo na ng inutusan niya kaming mag wacky.
"Si tatay naman eh, kakaiyak lang namin ni nanay tapos pagwa-wacky niyo kami."
"Ba't ba kasi kayo umiiyak?"
"Ay ewan ko sa'yo. Mag ama talaga kayo nitong si Candy. Bagsak ang E.Q."
Ani ni nanay sabay irap kay tatay habang maingat na pinupunasan ang kaniyang mga mata. Nagkatinginan nalamang kaming tatlo nila ate Candy at tatay at palihim na ngumiti. Nang oras na para ako na ang pumasok ay agad na akong nag paalam sa aking pamilya at bumalik sa pila katabi si kuya Raven. Inoffer naman sa'kin ni kuya Raven ang kaniyang braso bago kami pumasok ng simbahan at ngumiti sa mga photographers ng kasal. Kagaya ni ate Candy na napaka ganda sa kaniyang wedding dress ay hindi rin magpapatalo sa kagwapuhan si kuya Mason suot ang kaniyang baby blue tuxedo. Nang magtama ang paningin namin ay ngumiti sa'kin si kuya Mason at ganoon din ako sa kaniya sabay thumbs up.
"Nga pala Candice, gusto mo bang mag trabaho sa UAE? Maraming opening ngayon doon. Pwede kitang tulungan kung gusto mo."
"Maraming salamat kuya Raven pero dito po muna ako sa Pilipinas. Mas kailangan po ng tulong dito sa bansa natin."
"Sigurado ka ba? Kahit mababa lang ang sweldo okay lang sa'yo?"
"Opo, okay lang. Isa pa, kung mangingibang bansa man ako mas mabuti ng may experience ako para hindi ako masyadong mahirapan lalo na't iba ang kultura nila sa'tin. Baka maiyak ako kapag napagalitan ako lalo na kung english pa akong pinapagalitan."
"Haha! Sige sige pero kung sakaling magbago ang isip mo sabihan mo lang si Mabel. Mukhang interesado kasi siyang sumunod din sa'kin sa UAE. At least kung tutuloy ka man magkasama kayo at iwas homesick na rin."
Sabagay, mabuti nga 'yung may kasama akong kakilala sa ibang bansa lalo na't pang matagalan ang stay doon. Nang tuluyan ng makapasok ang lahat ay si ate Candy naman ang pumasok kasama sila nanay at tatay. Talagang napapahanga ako sa katatagan ni ate Candy dahil hindi talaga siya umiiyak. Pawang kasiyahan lamang ang maaaninag sa kaniyang mukha samantalang si kuya Mason ay hindi naiwasang maluha lalo na ng nasa harapan niya na si ate Candy. Si ate Candy pa nga ang nagpunas ng luha ni kuya Mason bago sila sabay na nag martsa papunta sa altar para simulan ang kanilang pag iisang dibdib.
--------------------------------------------------------------
"Kiss."
Umiiling ngunit natatawang pinagbigyan ng bagong kasal ang mga bisita kung kaya't mabilis na ginawaran ng halik ni kuya Mason ang mga labi ni ate Candy. Kung kami ni nanay ay parehong kinikilig sa dalawa si tatay naman ay pinipiling manahimik at umiwas ng tingin kapag humihirit ng kiss ang mga bisita kila ate Candy at kuya Mason. Hindi pa ata sanay o kaya naman deep inside ay hindi pa rin ata matanggap ni tatay na may humahalik na sa kaniyang panganay. Ba 'yan, may naalala na naman tuloy ako. Pansamantala akong nawala sa iniisip ng biglang nag vibrate ang aking cellphone at nakitang tumatawag si Elijah kaya kaagad ko itong sinagot.
"Hi babe. Kumusta ang kasal?"
Opo mga kaibigan, kami na ni Elijah pero hindi pa naman kami gaanong matagal. Pareho kaming nasa fourth year ng mag simula siyang manligaw sa'kin. Sinabi at nilinaw ko sa kaniya noon na hindi pa ako pwedeng makipag relasyon hangga't hindi pa ako nakakapag tapos ng pag aaral at nakakapag board exam. Naiintindihan niya naman daw iyon at willing daw siyang mag hintay. Sa mga panahong nanliligaw din siya ay hindi lamang ako ang niligawan niya maging ang mga magulang ko pati nga rin si ate Candy ay sinuyo niya. Nahirapan man siya sa una lalo na kay tatay pero kagaya nga ng kasibahan, kapag may tiyaga ay may nilaga. Dumating ang oras na unti unti na niyang nakakasundo ang pamilya ko hanggang sa sila na mismo ang nag sabi sa'kin na desisyon ko na raw kung sasagutin ko si Elijah o hindi. Sapagkat nakita ko naman ang sincerity kay Elijah at malaki rin ang naitulong niya sa'kin para makalimutan ang nabigo kong pag ibig nang nasa third year pa ako kung kaya't bago ang aming nursing licensure examination ay ibinigay ko na kay Elijah ang matagal na niyang inaasam sa'king manamisnamis na YES.
"Heto, katatapos lang naming kumain. Ikaw? Kumusta? Nakausap niyo na ang abogado ng lola niyo?"
"Yep. Medyo hindi pa nga nagkakasundo sila papa at ang mga kapatid niya."
"Bakit daw?"
"Hindi kasi matanggap nila auntie at uncle na mas malaki ang makukuha na mana ni papa kesa sa kanila tapos may mana rin kaming makukuha ng mga kapatid ko. Hindi ko naman masisisi si lola, sa mga panahong kailangan niya ng tulong at karamay kami naman ang laging nasa tabi ni lola."
"Ang hirap pala ng sitwasyon niyo ngayon. Kung may maitutulong lang sana ako."
"Okay lang. Basta andiyan ka lang babe sa tabi ko okay na ako."
"Sus, ikaw talaga. Kailan pala ang balik niyo rito sa Pilipinas?"
"Siguro kung maaayos ang lahat this week dito sa New Zealand, next week nandiyan na ako."
"Okay. Update mo nalang ako."
"Of course. Labas tayo ah."
"Oo naman pero ikaw muna ang manlibre. Alam mo naman, wala pa akong income sa ngayon. Hehe!"
"Haha! May income ka man o wala alam mo namang sagot kita palagi. O sige babe, tawag ako ni papa. Mamaya nalang. Enjoy and I love you."
"Love you rin at mag iingat ka. Kumusta mo nalang ako kay tito."
Pagkatapos ng tawag ni Elijah ay saktong mag sisimula na rin ang surprise number ni kuya Mason para kay ate Candy. Tatlong linggo kasi bago ang kasal ay lumapit sa'kin si kuya Mason para mag paturo ng isang sayaw. Bagama't si ate Candy ang tipo ng taong hindi mo mapapasayaw kahit saang lupalop ng kalawakan kung kaya't si kuya Mason nalamang ang gumawa ng paraan para sa kanilang dalawa.
Sa harap ng stage ay nag lagay ng upuan ang hotel staff kung saan pumwesto si ate Candy. Nagtataka man siya sa mga kaganapan ay wala namang reklamo si ate habang nakatuon ang mga mata sa kaniyang asawa kasama ang mga tropa nito s***h back up dancers. Awkward at natatawa man ay sinimulan nila ang itinuro kong sayaw habang nag sisimula na rin mag enjoy ang manunuod.

(B.M: Butter by BTS)
"Side step, right, left to my beat.."
Habang abala sa pagkuha ng video ay pareho rin kami ni Mabel na hindi rin maiwasang sumabay sa dance number nila kuya Mason. Naputol nga lang ang akin dahil full storage na raw ako pero buti nalang at meron akong extrang memory card kung kaya't agad ko itong kinuha sa maliit kong shoulder bag at pansamantalang naupo para mag palit.
"Ay takte, hindi na ata ako aabot. Mabel, papasa nalang ako ng video."
"Sure sissy."
"Thank you sissy."
Ipinagpatuloy ko nalamang ang pag palit ng memory card hanggang sa muli kong ini-on ang aking cellphone. Nang tuluyan na itong mag on at magka signal ay sunod sunod na messages ang natanggap ko sa messenger kaya nag madali akong tingnan ito at baka may emergency. Lingid sa kaalaman ko ay ito na pala ang hinihintay ko simula pa kagabi kaya agad kong tinawag ang pansin ni Mabel.
"Bakit Candice?"
"Mabel, oras na."
"Oras na para saan?"
"Oras na para mag job hunting dahil ganap na tayong nurse."