KABANATA 15
“Bakit pala ngayon lang kita nakita sa isla?” pagtatanong ni Angela sa kanya habang nagsasampay sila sa kanilang bakuran. Mukhang mga kumot ang nilabhan ni Angela ngayong araw samantalang siya naman ay mga damit nila. Pinagpag ni Angela muli ang kumot bago niya isinabit sa sampayan. “Ngayon lang kita nakita, magkasing-edad naman tayo.” sambit niya. Nalaman na kasi nila ang edad nila kanina kaya inalok siya ni Angela na maging kaibigan niya.
Kumunot ang noo ni Chaaya dahil hindi niya alam kung ano ang isasagot niya sa tanong ng kanyang bagong kaibigan sa isla. Imposible naman na hindi siya dumadalaw sa isla para makita ang kanyang pamilya. Sigurado siya na kahit nakitira siya at nakipag-trabaho sa kanilang kamag-anak ay umuuwi pa rin siya lalo na kapag may espesyal na okasyon. Kaya paanong hindi siya nakikita ni Angela?
“Imposible naman,” natatawang wika ni Chaaya habang inaayos niya sa pagkakasampay ang kanyang duster. Halos duster kasi ang suot niya sa araw-araw, kumportable kasi ito at presko ang tela, hindi siya naiinitan masyado kahit na tirik na tirik na ang araw. “Sigurado ako na pumapasyal ako sa Isla noon,” wika pa niya pero kahit na anong gawin ni Angela sa kanyang memorya ay wala talaga siyang matandaan na Chaaya na anak ng mag-asawang Santos.
Hindi naman lingid sa kanyang kaalaman na alam ng mga matatanda sa isla na may panganay na anak ang dalawang mag-asawa. Ang kaso nga lang ay umalis ang mag-asawa bago pa manganak si Susan dahil pupunta raw ito sa kanilang kamag-anak. Nang bumalik na muli ang mag-asawa ay hindi na buntis si Susan at wala rin naman silang dala-dala na sanggol o kaya naman ay bata.
Pinaliwanag ng mag-asawa na iniwan nila ang kanilang anak sa kanilang kamag-anak, naintindihan naman iyon halos lahat ng mga tao sa isla dahil kung may kamag-anak sila na maginhawa ang buhay sa labas ng isla ay mas gugustuhin nilang doon lumaki ang kanilang mga anak para maranasan ang tunay na buhay dahil na rin mahirap ang buhay sa isla. Masaya pero may mga pangarap na hanggang pangarap na lang.
“Tsk,” sambit ni Angela habang iniisip pa rin kung nakita niya ba talaga noon si Chaaya o hindi. “Wala talaga akong matandaan na kasama ka sa okasyon ng mga Santos noon dahil lagi naman akong nakikikain,” naguguluhan na sambit ni Angela.
“Baka hindi mo lang ako napansin,” wika ni Chaaya dahil sigurado naman siya na umuuwi siya. Ayaw niyang masyadong isipin ang isang iyon dahil baka sumakit o kumirot lang ang kanyang ulo. Ayaw naman niyang mapunta lang sa mga gamot kung sakali ang kanyang naipon na pera dahil gusto niya itong ipantulong sa kanyang mga magulang.
“Sabagay, baka pangit ka non!” pagbibiro ni Angela. “Hindi kasi ako pumapanisn ng mga pangit kaya wala akong kaibigan dito sa Isla!” dagdag na pagbibiro pa niya kaya natawa si Chaaya.
Sa katunayan ay magana si Angela kahit na huwag na siyang maglagay ng kolorete sa kanyang mukha pero mukhang mas kumportable ang dalaga sa paglalagay ng kung ano-ano sa kanyang mukha kaya hindi na niya kailangan pang punain iyon. Kung saan mas kumportable ang kanyang kaibigan ay susuportahan na lang niya ito. Sa tutal, si Angela ang kauna-unahang kaibigan niya dito sa Isla habang hindi pa bumabalik ang kanyang ala-ala.
Muli na naman siyang napag-isip kung may kaibigan din ba siya bago siya mawalan ng ala-ala? Mukhang wala naman siyang kaibigan dito sa isla dahil wala pa siyang nakikitang nakikilala siya. Lahat sila nagtataka at tinatanong kung turista ba siya sa Isla o kung may kamag-anak lang siya dito at namamasyal.
Pero baka nga tama si Angela, baka siguro nagbago ang kanyang itsura kaya hindi na rin siya makilala ng mga tao dito sa Isla at sa katotohanan pa na hindi naman siya namamalagi dito kaya siguro hindi tumatatak ang kanyang itsura sa mga residente ng Isla, sigurado naman siya na isang beses lang siya sa isang taon na umuuwi dahil na rin sa mahal na pamasahe sa bangka kahit na iyong de motor lang ay alam niyang hirap na ang kanilang bulsa para bumili ng mumurahing ticket.
“May gagawin ka ba ngayong araw?” pagtatanong ni Angela sa kanya pagkatapos nilang magsampay nang kanilang mga nilabhang damit. Marahan na umiling si Chaaya kaya pumalakpak ang dalaga dahil mukhang nagustuhan ni Angela ang sagot ni Chaaya. “Ayan! Tamang-tama! Wala akong kasamang mamalengke! Samahan mo ako!” wika niya kaya tumango na lang si Chaaya na may ngiti sa labi dahil unang beses niya rin aalis ng bahay na kasama ang isang kaibigan.
Hindi niya alam kung bakit magaan ang kanyang pakiramdam kay Angela. Baka may naging kaibigan na rin siya na kaugali ni Angela. Pero kahit na ganon ay masaya siyang may naging kaibigan na siya dito na kasing-edad niya katulad ng kanyang kapatid na kaibigan si Lucas.
“Sige, maliligo muna ako.” pagpapaalam ni Chaaya. Ganon din naman si Angela kaya pumasok muna sila sa kanya-kanya nilang bahay.
Kinuha ni Chaaya ang kulay yellow niyang duster na bulaklakin. Halos bulaklakin ang kanyang mga duster, iba-iba nga lang ito ng kulay pero kahit na ganoon ay alam naman niyang babagay sa kanya ang kulay dahil sa kutis nito. Kapag damitan ang usapan ay nagugustuhan niya ang kanyang kutis dahil bumabagay sa kanya kahit na ano man ang kulay ng kanyang susuotin. Minsan kasi ay hindi niya gusto kung ano ang kulay ng kanyang kutis dahil lagi siyang napagkakamalan na iba at hindi taga Isla sa kutis nito. Napagkakamalan din siya na hindi anak ng kanyang mga magulang dahil kakaiba ang kutis niya sa kanyang pamilya. Kahit na maputi rin ang kanyang kapatid ay mawawala ang kaputian ni Suzzie kapag tumabi na siya dito.
“Chaaya! Chaaya! Chaaya!” sinusuklayan niya pa lang ang basa niyang buhok ay narinig na niya ang malakas na boses ni Angela galing sa labas. Mukhang natural na boses niya nga talaga ang ingay ng boses niya kaninang nagkukwentuhan sila dahil para siyang nakalunok ng microphone sa boses niya ngayon na sumisigaw siya sa labas.
“Yuho~!” muling sigaw ni Angela galing sa labas kaya binilisan ni Chaaya ang pagsusuklay niya tiyaka niya kinuha ang kanyang wallet na binigay ng kanyang kapatid. Bibili rin siya ng uulamin nila ngayon para may maiambag naman siya sa bahay kahit papaano.
“Sandali lang!” balik na sigaw ni Chaaya mula sa loob ng kanilang bahay at sinusuot na niya ang kanyang tsinelas. Nasa loob kasi ng bahay nila ang kanilang mga sapin sa paa dahil pinapapasok iyon ng kanyang ina. Madalas kasing nginangatngat ng aso nang kanilang kapit-bahay kapag nasa labas ito kaya nasisira.
“Tara na?” anyaya ni Chaaya nang makalabas na siya sa kanilang bahay kaya napangiti sa kanya ang kanyang kaibigan habang tinitingnan niya ito mula ulo hanggang paa.
“Maglalaba ka ba ulit?” pagtatanong ni Angela dahil hindi siya makapaniwala sa suot ng kanyang kaibigan. Nagtaka si Chaaya tiyaka niya pinasadahan ang kanyang suot dahil maayos naman ito. Pagkatapos ay pinasadahan niya ang suot ni Angela, naka short-short ito at spaghetti strap bilang pang-itaas. Dahil medyo malaki ang kanyang hinaharap ay bagay niya ang kanyang suot at humuhulma pa sa kanyang katawan.
“Mamalengke?” inosenteng sagot sa kanya ni Chaaya na may pagtataka pa rin sa kanyang boses. Bahagyang napangiwi si Angela pero pinilig na lang niya ang kanyang ulo tiyaka siya lumapit kay Chaaya.
“Nevermind,” matigas na pang-English nito tiyaka niya sinukbit ang kanyang kamay sa braso ng kaibigan para makapaglakad na sila papunta sa palengke. “Mabuti na lang maganda ka,” sambi ni Angela. Kaya kahit na ano pang suotin ng kanyang bagong kaibigan, kahit na duster pa ang kanyang suot ay maganda pa rin namang tingnan sa kanya.
Habang naglalakad sila papunta sa bayan ay halos mapatingin sa kanila ang lahat ng kanilang nakakasalubong nila dahil sa bunganga ni Angela. Napakalas niyang magkwento at tumawa kaya nakukuha nila ang mga atensyon ng mga tao sa daan o kaya ay nakakasalubong nila. Kapag ganoon ay naiilang na lang na ngumiti si Chaaya sa mga tao bilang paghingi ng pasenysa sa kanyang kaibigan.
Pero kahit na ganoon ay hindi maitatanggi ni Chaaya na natatawa rin naman siya sa kinukwento ng kanyang kaibigan. Halos nakwento na ni Angela ang kanyang buhay noong bata pa siya. Naikwento niya na rin na wala siyang kaibigan sa Isla dahil ayaw ng mga bata na makipag-kaibigan sa kanya lalo na noong nag high school sila dahil pinagbabawalan daw sila ng kanilang mga magulang na makipag-kaibigan sa kanya. Vocal si Angela sa pagkwento noon na para bang wala man sa kanya.
“Ito namang si aling Baby! Akala mo naman others!” nahihiya niyang tinitingnan ang kanyang kaibigan dahil nakikipag-tawaran siya kay Aling Baby na nagtitinda ng karne at ng gulay sa palengke.
“Anong others others ka diyan! Magbayad ka na lang ng tama!” panermon naman ng matanda sa kanya. Gusto na sanang hatakin ni Chaaya ang kanyang kaibigan dahil siya ang nahihiya para dito pero mukhang desidido si Angela na makipag-tawaran kay Aling Baby. Hindi niya alam kung desidido ba ang kanyang kaibigan o gusto niya lang asarin ang matanda.
“Sige na! Doon sa dulo mas mura ito ng bente pesos, para sampung piso lang po hindi mo maibigay!” reklamo pa ng kanyang kaibigan. Napakamot na lang sa ulo si Chaaya habang pinagmamasdan niya ang kanyang kaibigan.
“Hay nako ka Angela! Edi sa dulo ka bumili nang makamura ka!” nawawalan pasensya na sambit sa kanya ng matanda. “Tingnan mo nga itong si Chaaya, hindi man siya tumawad at nagmakulit dito.” naiilang na ngumiti si Chaaya sa matanda.
“Ako na magbabayad sa bente pesos,” bulong ni Chaaya sa kanyang kaibigan para magtigil na siya. Nakasimangot siyang tiningnan ni Angela more on nakanguso ito dahil hindi kinaya ng kanyang powers ang pakikipagtawaran kay Aling Baby, hindi katulad sa mga nauna nilang binilhan dahil pinatawad nila si Angela.
“Hindi na. Ako ang nagpatulong kaya ako dapat ang manlibre sa’yo,” sambit ni Angela tiyaka na siya bumunot ng bente pesos sa kanyang wallet para makabili na siya ng isang kilong manok kay aling Baby. “Bente pesos lang pinagdadamot pa sa kapwa,” bulong-bulong pa niya habang pinagkukuha na siya ng manok ni aling Baby pero hindi na lang iyon pinansin ng matanda tiyaka niya na ibinigay iyon sa dalaga. Masama naman ang loob ni Angela na tinanggap at binayaran iyon.
“Sige na at umalis ka na sa harapan ng pwesto ko, baka malasin pa ako ngayong araw dahil sa ginagawa mo!” pagpapaalis sa kanila ng matanda kaya nag make face muna si Angela, nahihiya na siyang hinatak ni Chaaya paalis doon.
Tahimik na nagbabasa si Lucius ng libro sa kanyang silid. Ayaw niyang lumabas ng kanyang kwarto dahil nararamdaman niya na nasa bahay pa ang kanyang ina at ang ayaw niyang mangyari ngayong araw ay muli silang magkita ng kanyang ina pagkatapos ng pag-aaway nila kanina sa hapag.
“Senyorito,” dinig niyang pagkatok ng isa nilang katulong sa kanyang kwarto pero hindi niya iyon pinansin. Alam niyang tapos ng mag-agahan ang kanyang magulang kasama ang kanyang pinsan kaya baka pinapatawag lang siya ng kanyang ina sa opisina nito sa kanilang bahay at kahit magutom pa siya sa loob ng silid ay hindi siya lalabas dahil alam niyang mag-aaway at mag-aaway lang sila ng kanyang ina.
“Pinapatawag po kayo ng Senyor sa kanyang opisina,” hindi siya umimik nang marinig niya ang kanilang kasambahay galing sa labas. Tig-isa kasi ang opisina ng kanyang ina at ang kanyang ama sa kanilang mansyon.
Nakaramdam naman ang kasambahay na hindi siya pagbubuksan ng pintuan ng Senyorito at hinid siya sasagot kagaya na lang ng sinabi ng Senyor nang inutusan niya itong tawagin ang kanyang panganay na anak. Mukhang kakilala na ng Senyor ang kanyang anak. Kaya naman pinasabi na lang niya kung ano ang pakay niya sa anak.
“Pinapasabi po ng Senyor na samahan niyo raw po siyang bumisita ngayon sa palengke,” biglang nagising ang diwa ni Lucius nang marinig niya ang sinabi ng kanilang kasambahay. Tiningnan niya ang dalampasigan mula sa kanyang veranda at wala siyang nakita kahit na anino man ng tao doon kaya isa lang ang ibig sabihin non.
Isinara niya ang kanyang librong binabasa tiyaka siya nagmadaling pumasok sa banyo niya sa loob ng kanyang kwarto. Mabuti na lang at may extra towel siya sa loob ng banyo dahil nakalimutan niyang dalhin ang kanyang towel dahil sa pagmamadali. Hindi niya maintindihan ang kanyang sarili dahil sa kauna-unahang pagkakataon ngayon lang siya nakaramdam ng galak sa pagpunta sa palengke. Hindi naman lingid sa kaalaman ng mga malalapit sa kanya at nakakakilala sa kanya na ayaw niya talaga sa ingay ng palengke pero ngayong araw ay para bang namiss niya ang ingay ng mga tao doon.
O isang tao lang ang gusto niyang makita.
Hindi niya alam kung bakit niya gustong makita ang babae gayong magkasama naman sila kahapon. Siguro ay ayaw niya lang palampasin ang pagkakataon na makilala niya ang babae? Hindi niya alam. Basta ang alam niya ngayon ay napapangiti siya ng dalaga.
Kagaya na lang ngayon na mukha siyang baliw na nakangiti habang nag-shower siya sa kanyang banyo.
At mas lalong lumawak ang kanyang ngiti nang mahawi ang dagat ng mga tao at nakita niya ang babae na gusto niyang makita ngayong araw. Ang babae na bubuo sa kanyang araw.
“Nandito ang mayor! Nandito ang Senyor!” sigaw ng mga tao sa palengke kaya nagpanic naman ang halos lahat paar maging presentabe sa harap ng Senyor o ng Mayor.
“OMG! OMG! OMG!” sambit naman ni Angela sa gilid ni Chaaya na hindi alam kung paano bibitawan ang mga pinamili niya na bitbit niya sa kanyang kamay para makuha sa kanyang bag ang maliit at bilog niyang salamin nang sa gayon ay makita niya ang kanyang mukha kung maayos ba o haggard na siya. Habang nalilito naman si Chaaya dahil nagpapanic ang mga tao na nasa paligid niya maging ang kanyang kaibigan na nasa gilid lang niya.
“Chaaya, pahawak muna!” sambit ni Angela dahil hindi niya talaga alam kung paano niya kukuhanin ang kanyang salamin sa dami ng bitbit niya kaya kinuha naman iyon ni Chaaya kahit na nabigatan na siya dahil may mga pinamili din naman siya.
Hindi na siya nakahini sa kanyang kaibigan dahil una, gusto niya rin naman itong tulungan at pangalawa, wala na siyang nagawa dahil siniksik na ng kanyang kaibigan ang kanyang mga pinamili sa kanyang kamay para mahawakan na ito. Nang wala ng bitbit si Angela ay tinignan niya ang itsra niya sa kanyang salamin.
“OMG! Hindi na ako fresh!” dinig niyang sambit ng kaibigan tiyaka niya kinuha ang powder nito at mabilis niyang nilagyan ang kanyang mukha.
Si Chaaya naman ay hindi niya alam kung paano bibitbitin ang lahat ng hawak-hawak niya. Napangiwi siya nang mahawi ang mga tao at wala siya sa gilid. Hindi siya makagalaw dahil hindi niya halos mabuhat ang kanyang pinamili. Para bang hindi siya sanay magbuhat ng mga mabibigat na bagay na kahit hindi naman iyon masyadong mabigat para sa iilan ay mabigat na sa kanya iyon. Hindi na lang niya pinansin ang mga tao sa kanyang paligid at nagfocus na lang siya kung paano siya gigilid bitbit ang pinamili niya at ni Aya na ngayon ay mas focus pa sa kanyang mukha.
Bahagyang nawala ang lawak ng ngiti ni Lucius nang makita niya ang dalaga na mukhang nahihirapan dahil sa dami ng bitbit niya. Nakikipagkamay ang Senyor sa ibang mga tindera at mga tao na nasa palengke. At nang matapos siya ay napatigin siya sa kanyang panganay na anak na nakatayo lang ng tuwid at hindi bumabati sa mga tao, kaya sinundan niya ng tingin kung saan man nakatingin ang kanyang anak.
Nakita niya ang isang dalaga na mukhang nahihirapan sa kanyang bitbit. At sa porma ng kanyang anak ay ramdam ni Luke na gustong tulungan ng anak niya ang dalaga. At kung hindi siya nagkakamali ay siya ang sinasabi nilang panganay na anak ng mag-asawang Santos.
“What are you doing, Lucius?” pagtatanong niya sa kanyang anak kaya bahagyang natauhan si Lucius. Bumuka ang bibig ng Senyor at sasabihin pa lang niya sana na tulungan niya ang dalaga nang magpaalam na ang kanyang anak.
“I’m sorry dad but I need to help her.”