KABANATA 21
Nang makita na ni Chaaya na umalis na ang sasakyan ng Senyorito ay bumuntong hininga na siya na para bang nakahinga na siya ng maluwag. Hindi niya alam kung bakit siya kinakabahan sa presensya ng Senyorito pero kahit na ganoon ay para bang hindi buo ang araw niya kapag hindi niya nararamdaman ang kakaibang kaba na nararamdaman niya na siyang nararamdaman ngayon.
Unti-unti na siyang umikot para makapunta na siya sa kanilang kusina at para mailagay na ang kanyang pinamili.
“Oh my gosh!” pero halos matapon ang kanyang pinamili dahil sa gulat dahil pagka-ikot niya ay nakita niya ang kanyang ina na nakatingin sa kanya. Nagulat din si Susan sa reaksyon ng anak kaya napahawak din siya sa kanyang dibdib. “Nay naman!” wika ni Chaaya dahil nagulat siya sa kanyang ina kaya natawa naman si Susan.
“Bakit ka naman nagugulat?” pagtatanong ng kanyang ina habang natatawa pa at nilapitan niya ang kanyang anak. “Saan ka galing?” pagtatanong nito kahit na narinig na niya sa kanilang mga kapit-bahay kaninang pauwi siya na kasama niya ang Mayor pero gusto niya lang marinig galing mismo sa kanyang anak.
“Kumain po diyan sa may Secret Recipe,” wika niya. Binanggit niya ang pangalan ng restaurant na kanilang kinainan. Napatango ang kanyang ina dahil mukhang doon sila kumain ng Mayor.
“Sinong mga kasama mo?” pagtatanong ni Susan sa kanyang anak tiyaka niya ito tinnulungan sa kanyang mga pinamili.
“Si Angela po,” sabay turo ni Chaaya sa kabilang bahay na nasa tabi ng kanilang bahay. “Anak ni aling Linda,” sambit niya pa na tila ba hindi siya kilala ng kanyang ina. Tumango si Susan dahil sa ingay ni Angela ay imposibleng walang may kakilala sa kanya dito sa Isla.
“Oo, kakilala ko ang anak ni Linda. Sa ingay niya ay hindi posibleng hindi ko siya makilala lalo na at diyan lang siya sa tabi natin.” pagbibiro ni Susan sa kanyang anak kaya natawa din si Chaaya. Naintindihan niya ang kanyang ina sa gusto niyang ipahiwatig kay Angela. Sabagay, kaninang naglalakad lang sila ay halos kakilala siya ng mga tao sa Isla. Kung sa Ingles ay famous na matatawag si Angela sa Isla.
“Ti-tiyaka po si Senyorito Lucius at ang Senyor.” kinakabahan na sagot ni Chaaya dahil baka magalit ang kanyang ina. Hindi niya alam kung bakit magagalit ang kanyang ina pero may pakiramdam lang siya na ayaw niya nang ganoon? Hindi niya alam o parte iyon ng nawala niyang ala-ala?
“Narinig ko nga sa mga kapit-bahay,” sambit ni Susan. Ayaw niyang paghigpitan ang kanyang anak dahil wala naman rason para gawin niya iyon. Gusto niya na malaya ang kanyang anak sa lahat ng kilos at pananalita niya. Nakakulong na nga siya sa pagkatao na hindi sa kanya, ikukulong niya pa ba sa pamamagitan ng paglilimita niya sa kanya?
“Hindi po kayo galit?” natawa si Susan sa tanong ng kanyang anak. Mukhang kabado pa siya na parang bata na kinakabahan dahil nahuli siya ng kanyang magulang na may kasamang lalaki.
“May dapat ba akong ikagalit?” balik na tanong ni Susan sa kanya. Naitanong niya na noong isang araw ito pero tinanong niya pa muli. Nahiwagaan tuloy siya kung anong meron sa tunay na pagkatao ni Chaaya at kung bakit kabado siya na magagalit ito kapag kasama niya ang Senyorito.
“Wa-wala naman po,” sagot ni Chaaya. “Pero hindi po ba kayo magagalit na may kasama akong ibang tao tapos lalaki pa po?” pagtatanong ni Chaaya dahil pakiramdam niya ay may mali sa gantong pakikitungo ng kanyang ina.
“Bakit naman ako magagalit? Kilala ko naman ang mga kasama mo at hindi naman sila masamang tao.” pagpapaliwanag sa kanya ni Susan. Hindi niya alam kung bakit ganto nalang kakabado ang kanyang anak. Pinaghigpitan ba siya ng tunay niyang mga magulang? “Tiyaka, may namamagitan ba sa inyo ng Senyorito?” nagulat bigla si Chaaya dahil hindi niya inaasahan na itatanong iyon ng kanyang ina.
“P-po?! Wala po!” agad na depensa niya. Hindi niya alam kung bakit siya lalong kinabahan nang tinanong iyon ng kanyang ina. Hindi tuloy siya makatingin sa kanyang ina sa halip ay nilagay na lang niya ang kanyang atensyon sa mga nilalabas niyang gulay na binili niya kanina.
Natawa naman si Susan sa reaksyon ng kanyang anak. Mukhang magkakaroon siya ng problema dito. Pero pinag-isipan na niya ng ilang gabi dahil nahahalata na niya na may kung anong mayroon sa tinginan nila ng Senyorito. Ang gusto niya lang ay maging masaya ang kanyang anak. Mukhang nakaka-trauma ang nangyari sa kanya noong nadatnan nila itong walang malay na dumagdag pa kung bakit nawalan siya ng ala-ala. Para bang masyadong masakit ang nangyari sa kanya na kapag inaalala niya ay sumasakit lang ang kanyang ulo. Siguro ay sapat na iyon na paghihirap niya kaya kahit na mahirap ay susuportahan niya ito sa kung ano man ang magiging desisyon niya sa buhay.
“Wala naman pala e,” ngiti ni Susan sa kanyang anak. Biglang natahimik si Chaaya.
So, dahil walang namamagitan sa kanilang dalawa ni Lucius ay hindi magagalit ang kanyang ina. Dapat ay walang mamagitan sa kanilang dalawa nang sa gayon ay hindi magagalit ang kanyang ina. Tinanim niya iyon sa kanyang isipan nang sa gayon ay huwag magalit sa kanya ang ina niya. Ayaw niyang magalit ang mga magulang niya sa kanya. Tiyaka isa pa, magkaibigan lang naman talaga sila ni Lucius? Bakit naman niya naiisip na may mamagitan sa kanilang dalawa?! Agad niyang pinilig ang kanyang ulo para mawala ang kaisipan niya na baka magkaroon nang kung ano man sa kanilang dalawa ni Lucius.
“Ah nay,” pagtawag niya sa kanyang ina para sana sabihin ang scholarship na inaalok sa kanya ng Senyor kanina.
“Ano iyon?” nakangiting tanong ni Susan sa kanyang anak.
“Ah, inalok po kasi ako ng Senyor kanina kung gusto ko raw pong maging ano ahm,” hindi niya alam kung paano sabihin sa kanyang ina dahil baka hindi niya magustuhan iyon. “Scholar po. Scholarship po.” lakas loob na sabi niya.
“Ha?!” bahagyang nag-panic si Susan dahil sa sinabi ng kanyang anak. Kung gayon ay kailangan niya ng mahahalagang papeles at wala siyang maibibigay sa kanyang anak dahil hindi rin naman nila alam kung ano ang tunay niyang pagkatao! Napansin ni Chaaya ang reaksyon ng kanyang ina kaya agad niyang binawi ang kanyang sinabi.
“Inalok lang naman po ako ‘nay, huwag po kayong mag-alala at hindi ko po tinanggap.” agap niya. Kita niya ang pagpa-panic sa kanyang ina, siguro ay iniisip nito na may gagastusin pa rin siya kahit na sabihin pang scholar siya.
“Ganoon ba? Pasensya ka na anak ha,” wika ni Susan tiyaka niya bahagyang hinaplos ang braso ng kanyang anak. Mukhang gusto ni Chaaya na makapag-aral pero wala siyang magagawa dhail ni-birth certificate ay wala siyang maibigay sa kanyang anak-anakan.
“Ayos lang po, ‘nay!” agap naman ni Chaaya dahil naintindihan naman din niya ang hirap ng buhay. Mabuti na lang talaga at tinanggihan niya ang scholarship dahil baka magkaroon pa sila ng problema. Alam niya na hahanap at hahanap ng paraan ang kanyang ina para pantustos sa kanyang pag-aaral kung sakali man na tinanggap niya.
Pero may parte din sa kanya ang nanghihinayang. Sayang din ang diploma at degree na kanyang makukuha kapag nagkataon kaya naman nasasayangan din siya dahil isa rin iyong asset kapag kukuha siya ng magandang trabaho.
“Wala pa po ba si tatay?” pagtatanong na lang niya sa kanyang ina nang sa gayon ay hindi na ito makonsensya pa.
Sinabi naman ng kanyang ina na wala pa ang kanyang tatay dahil may trabaho din ito sa planta ng tubo ng mga Agravante. Muli ay para bang sinampal sa kanya ang reyalidad na malayong-malayo ang pamumuhay nila kay Lucius kaya imposibleng magkaroon ng namamagitan sa kanilang dalawa.
Pagkatapos nilang mag-ayos ng kanyang ina ay nagpaalam si Susan sa kanyang anak na iidlip muna bago siya magluto ng kanilang hapunan. Agad naman sinang-ayunan iyon ng dalaga dahil alam niyang pagod sa trabaho ang kanyang ina. Tutulong muli siya bukas sa mansyon ng mga Agravante nang sa gayon ay makapag-ipon ulit siya. Ang sarap sa pakiramdam na makita niyang nakangiti at nagpasalamat kanina ang kanyang ina habang nag-aayos sila ng kanilang pinamili.
Walang magawa si Chaaya kaya pumasok siya sa kwarto nilang magkapatid tiyaka niya tinupi ang damit ng kanyang kapatid na mukhang nakalimutan na niyang itupi. Wala rin naman siyang ginagawa kaya iyon na lang ang gagawin niya. Biglang may nahulog na papel kaya agad niyang pinulot iyon.
University of the Philippines Film Institute
Tungkol lang iyon sa course na iyon pero lukot-lukot na ang papel, mukhang itatapon na lang niya ito pero mukhang nakalimutan niyang itapon dahil nasa lapag lang at nasa may magulo niyang damit kanina. Bahagya siyang nalungkot dahil mukhang gusto ng kanyang kapatid na makapag-aral doon pero kagaya ng inaalala niya ay wala silang sapat na pera para doon lalo na at sa Manila pa iyon, kailangan niya pa ng matitirhan, makakain at iba pang gastusin.
Napasinghap siya dahil ayaw naman niyang patayin pa ang pangarap ng kanyang kapatid kaya naman napagdesisyunan niya na maghanap na siya ng permanenteng trabaho simula bukas para makapag-ipon na rin siya sa pag-aaral ng kanyang kapatid sa kolehiyo. Dalawang taon na lang siya sa senior high school kaya may panahon pa siya para makapag-ipon. Nararapat lang naman na regaluhan niya ang kanyang kapatid sa pamamagitan ng papag-aralin niya ito dahil kita niya naman na pursigido itong makapagtapos sa pag-aaral at masipag siyang bata na kahit nag-aaral pa siya ay tumutulong na siya sa kanilang mga magulang sa gastusin sa pamamagitan ng pagtatrabaho t’wing weekend.
Naka-idlip si Chaaya pagkatapos niyang magtupi pero nang magising siya ay hapon na. Tiningnan niya ang kanyang ina sa kwarto nila at mahimbing pa itong natutulog. Maingat siyang gumalaw nang sa gayon ay huwag munang magising ang kanyang ina. Gusto niya sanang magluto ang kaso nga lang ay hindi niya alam kung bakit wala siyang alam sa pagluluto. Kasama ba iyon sa ala-ala niyang nawala?
Paglabas niya ay kumunot ang kanyang noo dahil nawala ang mga nilabhan niya kanina pero agad din naman siyang humminahon nang makita niya si Angela na nakaupo sa isang kahoy na upuan habang nagkakapae at nakalagay na sa may timba ang kanyang nilaba kanina maging ang kanya.
“Kinuha ko na, tuyo na eh.” sambit ng dalaga kaya umupo siya sa tabi nito. Malaki kasi ang kahoy na upuan kaya nagkasya naman sila. Mukhang kakagising lang ng kanyang kaibigan at nagkakape ito pampagising. “Kape?” alok niya kay Chaaya dahil nakita niya itong nakatingin ito sa kanyang tasa habang iniinuman niya ito.
“Hindi,” tanggi ni Chaaya dahil hindi naman siya mahilig sa kape. Hindi niya alam kung saan niya nakuha iyon pero bigla na lang lumabas sa kanyang isipan na hindi siya mahilig doon.
“Pwede bang magtanong?” tanong ni Angela kay Chaaya habang seryoso lang siyang pinapanood niya ang paggalaw ng mga ulap.
“Oo naman, ano iyon?” tanong ni Chaaya. Kaibigan naman niya ito kaya wala namang masama kung sasagutin niya ang tanong nito.
“Kanina ko pa iniisip ito kaya sana ay masagot mo nang maayos.” sambit ni Angela. Bahagya siyang nanibago dahil para bang napakaseryoso ng boses ni Angela.
“Bakit? Anong meron?’ nagtatakang tanong ni Chaaya. Parang gusto na lang niya ang maingay at kalog na si Angela kanina keysa sa Angelo na seryoso at mukhang malungkot? Malungkot? Bakit naman siya malungkot.
“May namamagitan ba sa inyo ng Senyorito Lucius?” mabuti na lang at hindi niya tinanggap ang alok kanina ni Angela na kape kugn hindi ay naibuga na niya ito dahil sa tanong ng kanyang kaibigan. Hindi niya inaasahan na itatanong ni Angela.
“Ha?! Wala!” agap ni Chaaya dahil baka may pagchismisan pa ang kanilang mga kapit-bahay at baka hindi magustuhan ng Senyorito iyon. Nakakahiya din na baka isipin niya na pinapakalat niya ang bagay na iyon ay hindi totoo.
“Mabuti naman kung ganon,” sambit ni Angela na para bang nabunutan ng tinik dahil sa kanyang sinagot. Biglang natahimik si Chaaya at isa lang ang naisip niya na dahilan kung bakit ganon ang tanong at sagot ng dalaga.
“Bakit? Gusto mo ba ang Senyorito?” nilakasan niya ang kanyang loob para tanungin iyon. Bahagyang natawa si Angela sa tanong ni Chaaya.
“Gwapo ang Senyorito, oo. Hindi ko naman iyon maipagkakaila. At oo, may crush ako sa kanya.” sambit ni Angela. “Pero crush lang ‘yon. Paghanga. Gwapo kasi tapos mukhang mabait, alam mo ba iyon? Pero may lalaki na nagmamay-ari ng aking puso.” bahagyang natawa ng mapait si Angela pagkatapos ay uminom na siya ng kanyang kape para lalong pumait ang kanyang pakiramdam/
“Talaga? May boyfriend ka na?” hindi napigilan na ma-excite ni Chaaya habang tinatanong niya iyon dahil ngayon lang siya makakarinig ng kwento kung sakali.
“Wala na,” malungkot na ngumiti si Angela pagkatapos niyang isagot iyon.
“Ha? Anong nangyari?” nagtatakang tanong ni Chaaya sa kaibigan. Parang kanina lang ay sinabi niyang may nagmamay-ari na sa kanyang puso pero ngayon naman ay wala siyang boyfriend.
“Ang totoo niyan, tatlong buwan ako sa Manila.” pagkwento ni Angela. Nagtaka si Chaaya dahil isang buwan lang ang sinabi kanina ni Angela. “Isang buwan ang pinakamasayang mga araw ko at isang buwan naman ang pinakamasakit na kailangan ko ng lumisan. Iyon din ang panahon na wala akong balikan sa Isla dahil sa sobrang saya ng nararamdaman ko.” pagkwento ni Angela.
“Para bang napawi lahat ng sakit na pinagdaanan ko mula noong pagkabata ko. Parang doon lang sa mga araw na iyon ay nawala lahat ng malas sa buhay ko. At para akong nasa alapaap ng mga oras na iyon na nakalimutan ko na ang tungkol sa reyalidad.” bahagyang nalungkot si Chaaya sa kwento ng kaibigan. At kahit na nakikinig lang siya ay nasasaktan pa rin ito para sa kanyang kaibigan.
“Katulad niyo ni Senyorito Lucius…” nakangiting sambit ni Angela na agad naman tinutulan ni Chaaya.
“Walang kami!” pagpilit niya pa kaya naman natawa si Angela sa reaksyon ng kanyang kaibigan.
“Ganyan din ang sinabi ko noon pero nakalimutan ko kung ano ang estado namin sa buhay,” pagpapatuloy ni Angela sa kanyang kwento. “Akala ko, ayos na basta mahal namin ang isa’t-isa pero mukhang hindi pala ayos lang iyong ganon. Dapat pala pareho din ng estado sa buhay.” Umiling si Angela.
“Hay! Hindi na dapat natin pinag-uusapan ito eh!” sambit niya tiyaka niya bahagyang pinunasan ang luha sa gilid ng kanyang mga mata. “Ito na ang una’t-huli nating pag-uusap tungkol sa kanya, ha?” sambit niya sa kanyang kaibigan. “Masakit pa eh,” halos pumiyok si Angela nang sinabi niya ang tatlong salitang binitawan niya.
Umusog si Chaaya sa kanyang kaibigan tiyaka niya ito inakbayan at bahagyang hinaplos ang kanyang balikat. Para na itong nakayakap sa kanyang kaibigan at mukha siyang bata na pinapatahan nito. Kahit na pinipigilan niyang umiyak ay naiiyak pa rin ito iyon nga lang ay ginagamitan niya ng tawa para ipakita na ayos lang siya.
Gusto pa sanang magtanong ni Chaaya tungkol sa lalaki, kung paano sila nagkakilala, kung paano niya ito nagustuhan, kung paano nila nagustuhan ang isa’t-isa at kung paano sila nagmahalan. Gusto niya rin malaman kung paano nila binitawan ang isa’t-isa gayong halata ang pagmamahal na sobra ni Angela sa kanyang mga mata. Ang kaso nga lang ay nirerespeto niya ang kanyang kaibigan na huwag na nilang pag-usapan pa iyon dahil mukhang nagmo-move on na ito.
At sa pagkakataon na iyon ay hindi alam ni Chaaya kung bakit parang nakaramdam siya ng takot.