KABANATA 17
Parehong nagulat ang magkaibigan na sina Angela at Chaaya dahil sa biglaang sinabi ng ama ni Lucius. Hindi lang kasi siya ang ama ng binata kung hindi isa siya sa padre pamilya ng mga pinakamayaman na pamilya sa Isla–ang Senyor Agravante. Isa pa, isa rin siya sa makapangyarihan na tao sa isla dahil sa kanyang posisyon, isa siyang mayor. At hindi masyadong nagpa-process sa dalawang magkaibigan na ang Senyor o ang Mayor ng isla ay inaanyayahan silang samahan siya sa kanyang tanghalian.
“Ah, hi-hindi na po.” nahihiyang sagot ni Chaaya dahil ngayon pa lang na nasa tapat niya ang mayor ay kabado na siya at bahagya na siyang kinakabahan. Paano pa kaya kapag nakasama niya ito ng ilan pang oras?
“Pero hindi ko mapipilit ang anak ko na samahan ako kung hindi niya kayo kasama,” sambit ni Luke kaya napatingin sa kanya ang kanyang anak na si Lucius.
“Pa,” wika niya sa kanyang ama dahil ayaw niya naman pilitin si Chaaya kung hindi siya kumportable.
“Bakit? Paniguradong pipiliin mo na ihatid sila imbis na samahan akong kumain,” nakangiting wika ng kanyang ama sa kanya. “Sayang naman ang pina-reserve kong restaurant kung ako lang mag-isa ang kakain, hindi ba mga binibini?” nakangiting tanong ng Senyor sa dalawang magkaibigan.
Hindi alam ni Chaaya kung ano ang isasagot niya sa sinabi ng Senyor kaya naman mas pinili niyang pasimpleng sikuhin ang kanyang kaibigan na si Angela para siya na ang sumagot sa Mayor. Nahihiya na siyang tanggihan ang Mayor dahil tinanggihan na niya ito kanina.
Pero bahagya siyang naawa kung mag-isa lang siyang kakain sa restaurant dahil sasamahan siya nina Lucius. Gusto na lang niya sanang kunin ang pinamili niya sa kamay ni Lucius at magpaalam na siya para masamahan ni Lucius ang kanyang ama ang kaso nga lang ay sa paraan ng pagkakahawak ni Lucius ay kita niyang mahigpit ang pagkakahawak nito at hindi niya basta-basta makukuha.
“Si-sige po,” wala sa sarili na sagot ni Angela. Para sa kanya ay isang kagalakan na makasama sa hapag ang Mayor at isa iyong oportunidad sa kanya kaya pinili niyang tanggapin ang pag-uunlak ng mayor.
Agad na tiningnan ni Chaaya ang kanyang kaibigan dahil hindi niya inaasahan na papayag siya. Para ngang wala pa siya sa sarili kanina kung hindi niya lang siniko ito. Akala niya ay kapag humindi si Angela ay makukuha na niya ang pinamili niya kay Lucius pero mukhang mapapakain pa siya ng tanghalian nang wala sa oras.
“That’s great!” masayang sambit ng Senyor dahil gusto niya rin makilala si Chaaya. Alam niya na ang galawan ng kanyang anak, hindi niya naging anak ito para hindi niya mapansin ang mga kinikilos nito o kaya naman ay hindi niya maramdaman kung ano man ang nararamdaman ng kanyang anak. “Now, let’s go?” pagtatanong ng Senyor kahit na hindi gusto ni Lucius ang ideya na iyon ay wala na siyang magawa.
Kinuha ng isang body guard ng mayor ang bitbit ni Lucius ganon din naman sa bitbit ni Angela dahil sinenyasan ng Senyor ang kanyang mga tauhan. Naunang maglakad ang mag-ama habang nasa likod naman nila–nakasunod ang dalawang magkaibigan at nasa pinaka-likod ang mga tauhan ng Mayor.
Magkakilingkis ang braso ng dalawa na tila nahihiya at kinakabahan dahil nga makakasama nila ang Mayor sa hapag. Pinagtitinginan na rin ang dalawa ng mga tao sa palengke dahil kasama sila ng Mayor kaya naman imbis na kabahan, nang maramdaman ni Angela ang mga titig ng mga tao sa palengke ay umayos siya ng tayo at inayos niya ang kanyang paglalkad habang nakatingala ang kanyang baba na mukhang nagyayabang. Napailing na lang ang mga nakakita sa ginawa ni Angela habang bahagyang natawa si Chaaya sa ginawa ng kanyang kaibigan.
Nagtataka ang mga mamayan na nakakita sa kanila kung bakit kasama sila ng Mayor at kung bakit dala-dala ng mga tauhan ng Mayor ang kanilang mga pinamili. Alam nila na sa dalawang magkaibigan ang mga pinamili na iyon dahil sa ingay kanina ni Angela ay mapapansin talaga nila ang dalawa at maingay pa itong nakipag-tawaran sa ibang mga tindera. Kakabalik lang ni Angela sa isla pero kasama na siya ng Mayor habang ang panganay na anak naman nina Susan na si Chaaya ay hindi pa siya nagtatagal sa Isla pero kasama na rin niya ang makapangyarihan na tao sa Isla. Ilan lang iyan sa mga bulungan ng mga tindera at namimili sa palengke.
“Sa kabilang sasakyan na ako sasakay,” sambit ng Mayor dahil hindi sila magkakasya sa kotse nila. Binuksan ni Lucius ang pintuan sa likuran para makapasok na ang dalawang magkaibigan.
“Dito na ako sasakay, Pa.” sambit ni Lucius kaya natawa ang kanyang ama tiyaka niya tinapik ang balikat ng anak. Pasimple pang nailing ang Senyor dahil masyadong halata ang kanyang anak.
“Sige, magkita na lang tayo sa restaurant.” sambit ng Senyor kaya tumango si Lucius sa kanyang ama. “See you later, ladies.” paalam niya sa dalawang magkaibigan tiyaka niya ito sinenyasan na pumasok sa loob ng kotse.
Pumasok na ang dalawang magkaibigan sa likuran ng kotse. Maluwag ito para sa dalawang tao. Dikit na dikit silang dalawa na tila kinakabahan. Hindi nila maiwasan na kabhaan dahil sa mga balita sa telebisyon kapag malapit na ang eleksyon ay malapit sa kapahamakan ang mayor kaya natatakot sila na baka may bigla na lang bumaril sa kanila dahil nasa loob sila ng isa sa mga sasakyan ng mayor. Hindi maiwasan na kabahan ni Angela sa kaisipan na iyon pero siguro naman ay walang mangyayaring masama sa kanila dahil matagal na simula noong huling nagkaroon ng ganoong issue ang Isla.
“Bakit ka pumayag?” pagtatanong ni Chaaya. Pabulong lamang iyon. Mukhang magkausap pa si Lucius at ang tauhan ng kanyang ama kaya hindi pa siya pumapasok sa loob ng sasakyan.
Tanging ang driver lang ang kasama nila sa loob, mukhang hinihintay nila si Lucius dahil sinabi niya kanina sa kanyang ama na hindi siya sasabya sa sasakyan nito kaya naman may hinala si Chaaya na sa sasakyan na sinasakyan nila ito sasakay.
“Bakit naman hindi?” balik na tanong ni Angela sa kanyang kaibigan. “Nakita mo ba ang tingin kanina ng mga Maritess sa atin kanina? Ha!” sambit pa nito tiyaka bahagyang hinampas ang kanyang buhok.
“Maritess?” nagtatakang tanong ni Chaaya dahil mukhang hindi niya kilala kung sino man ang tinutukoy ng kanyang kaibigan.
“Maritess as in ‘Mare, anong latest?’ in short mga chismosa!” tumango si Chaaya dahil sa bagong nalaman niyang salita. Maritess pala ang tawag sa mga taong chismosa. Isa din kaya iyon sa mga ala-ala na nakalimutan niya? Siguro naman alam niya ang salitang iyon noon, kung iyon ang tawag ng mga tao sa mga chismosa sigurado naman siya na narinig na niya ang ganoon.
“Pero nakakahiya pa rin kay Mayor,” bulong ni Chaaya dahil nahihiya siya na baka marinig siya ng driver ng mayor.
“Ayos lang iyan, hindi naman siguro tayo papatayin ng mayor diba? Huwag kang masyadong kabahan.” sambit ni Angela sa kanya kahit na siya mismo ay kabado rin dahil respetado ang makakasama nila mamaya sa hapag.
“Ano ba talagang dahilan mo kung bakit ka um-oo?” nagtatakang tanong ni Chaaya. Gusto niya lang maintindihan ang kanyang kaibigan para lakasan niya rin ang kanyang loob na makasama ang isa sa pinaka makapangyarihan na tao sa isla.
Napabuntong si Angela dahil isa lang naman ang dahilan niya kung bakit um-oo agad siya sa alok ng mayor na makasama silang dalawa sa hapag.
“Malay mo may oportunidad na ibigay ang mayor diba?” pagtatanong ni Angela sa kaibigan. Hindi maiwasan na tingnan ni Chaaya ang kanyang kaibigan hindi lang dahil sa sinabi niya kung hindi dahil na rin sa tono ng pagkakasabi niya. Ang lungkot ng boses niya. “Syempre, mahihirap lang naman tayo at sa oportunidad lang tayo umaasa para magkaroon ng trabaho–para makaahon sa hirap. At ang mga may kapangyarihan lang na tao katulad ni Mayor ang makakapagbigay sa atin ng oportunidad.” dagdag pa nito.
Natahimik si Chaaya sa sinagot ni Angela. Ramdam niya at naintidihan niya ang kaibigan dahil pangarap niya rin na maiahon ang kanyang pamilya sa kahirapan. Gusto niya rin na huwag ng isipin ng kanyang mga magulang kung saan sila kukuha ng panggastos. Gusto niya na huwag ng magtrabaho ang kanyang mga magulang. Kahit na siya na lang ang magtrabaho at mahirapan huwag lang ang kanyang pamilya. Ang ikipinagsasalamat lang ngayon ni Chaaya ay kahit na hindi sila ganon kayaman sa materyal na bagay ay mayaman naman siya sa pagmamahal ng kanyang mga magulang at maging ang kanyang kapatid.
Hindi nakasagot si Chaaya sa sinagot sa kanya ni Angela. Siguro ay lalakasan na lang din ni Chaaya ang kanyang loob dahil pwede rin naman siyang makakuha ng oportunidad kapag naging close din siya sa Mayor. Iyong trabaho na magbabayad sa kanya na hindi na kailangan pang gumising ng kanyang ama sa madaling araw para lang makapangisda at hindi rin babangon ang kanyang ina kahit na gusto pa niyang matulog para lang makapaghanda na siya ng pagkain at makapaghanda na rin siya sa paglalakad papunta sa mansyon ng mga Agravante kung saan siya namamasukan na trabaho.
“Huwag kang kabahan o mahiya dahil hindi dapat pairalin ang hiya sa ating mahihirap. Marami kag masasayang na oportunidad kapag pinabayaan mo na kainin ka ng hiya sa katawan mo.” pagpapayo sa kanya ni Angela tiyaka siya ngumiti.
Ngayon ay parang nakilala na niya talaga ang kanyang kaibigan. Kung kanina ay ang matapang at matigas na personalidad ang kanyang nakikita ngayon ay ramdam na niya na isa rin malambit ang kanyang kaibigan. Siguro ay ganoon lang ang kanyang pinapakita nang sa gayon ay hindi siya maliitin ng ibang tao. Ngayon ay hindi siya nagkamali na maging kaibigan ang dalaga na katabi niya ngayon.
“Ikaw ha! May namamagitan ba sa inyo ng Senyorito Lucius?” pagtatanong ni angela sa kanya tiyaka niya pa pabirong binangga ang balikat ng kanyang kaibigan habang nakaupo sila.
“Ha?!” gulat na tanong ni Chaaya sa kanyang kaibigan. “Wa-walang namamagitan sa amin ng Senyorito!” agap ni Chaaya dahil ayaw niyang magkaroon ng dahilan ang kanyang kaibigan para asarin sila.
“We? Bakit ka naman niya tutulungan bigla sa mga bitbit mo kung wala?” pagtatanong ni Angela habang may malawak na ngiti pa sa kanyang labi. Lalo pang lumawak ang kanyang ngiti dahil sa mukha ng kanyang kaibigan na nagpapanic at hindi alam kung ano ang sasabihin niya.
“Ti-tinulungan niya lang ako dahil…” hindi alam ni Chaaya kung paano dugtungan ang kanyang sinabi lalo na at hindi naman sinabi sa kanya ni Lucius ang dahilan.
“Dahil?” pang-aasar na tanong pa sa kanya ni Angela. “Nako, ang daming nahihirapan kania sa mga bitbit nila pero ikaw ang natatangi–ang bukod tangi na tinulungan niya!” sambit ni Angela na masaya para sa kanyang kaibigan.
“Natural sa Senyorito ang matulungin–oo. Pero kung ibang tao ang tinulungan niya ay tinulungan niya lang ito at hindi niya ihahatid kung saan ang bahay nila. At isa pa, baka ipatulong niya lang ito sa kanilang mga tauhan pero kakaiba ka!” sambit ni Angela tiyaka niya pa bahagyang ginulo ang buhok ni Chaaya. Hindi lang ang buhok ni Chaaya ang ginulo niya kung hindi maging ang kanyang isipan.
“Ma-magkaibigan kasi kami!” agad na depensa naman ni Chaaya. Nahihiya siya na baka kumalat iyon sa Isla. Nahihiya siya sa Senyorito dahil baka hindi niya magustuhan iyon at baka iyon pa ang dahilan ng pagkawala niya ng trabaho at trabaho ng kanyang ina sa mansyon.
“Sus!” natatawang sambit ni Angela. “Kanina ay iniisip ko kung paano kayo naging magkapatid ni Suzzie dahil hindi kayo magkamukha. Pero ngayon parang alam ko na!” dagdag pa ni Angela. “Pareho kayo. Alam ko na kung ano ang pagkapareho niyo!” masayang wika pa nito sa kanyang kaibigan.
“Ha? Ano?” nagtatakang tanong ni Chaaya sa kanyang kaibigan. Madalas niya na marinig na hindi nga sila magkamukha ni Suzzie pero ngayon na may napansin ang kanyang kaibigan kung ano ang pagkapareho nila ng kanyang kapatid ay hindi niya maiwasan na ma-excite para marinig niya kung ano iyon.
“Pareho kayong tirador ng mga Agravante!” maingay na sambit ni Angela tiyaka pa siya natawa. Napatingin ang driver sa kanila gamit ang rear mirror kaya naman nahihiya na humingi ng pasensya si Chaaya.
“Angel-” nabitin ang sasabihin niya nang pumasok na sa loob ng sasakyan si Lucius. Agad na nagkatinginan ang dalawa dahil agad na hinanap ng mga mata ni Lucius ang dalaga. Umiwas si Chaaya dahil sa hiya–dahil na rin siguro sa sinabi ng kanyang kaibigan ngayon-ngayon lang.
Pabirong siniko ni Angela ang kanyang kaibigan na si Chaaya tiyaka pa siya may mapaglarong ngiti sa labi kaya tiningnan niya ang kaibigan niya kung napano ito. Nginuso naman ni Angela ang Senyorito habang may maloko pa rin na ngiti sa kanyang labi. Nahihiya at marahan na nilipat ni Chaaya ang kanyang tingin mula sa kanyang kaibigan hanggang sa Senyorito na nasa harapan. Nagtama ang tingin nila sa rear mirror kaya agad muling umiwas ng tingin si Chaaya dahil sa hiya Nararamdaman na nga niya na umiinit ang kanyang pisngi at hindi niya maiwasan na madismaya sa sarili dahil para siyang bata at hindi umaakto sa edad kung ano man ang kinikilos niya ngayon. Kailangan niyang maging civil sa binata at hindi dapat siya nahihiya.
Pero dahil sa sinabi ng kanyang kaibigan ay hindi niya maiwasan na mag isip nang kung ano-anong mga bagay. Dapat talaga ay tinakpan na niya kanina ang kanyang tenga para hindi niya narinig kung ano man ang sinabi ng kanyang kaibigan na nagpagulo sa kanyang isip.
Samantala, nagtataka naman si Lucius sa kinikilos ng dalaga. Umiiwas siya ng tingin na tila nahihiya. Alam niya na ganon ang personalidad ng dalaga pero hindi niya maiwasan na magtaka lalo na’t nakangisi ang kanyang kaibigan na para bang may alam siya kung bakit ganoon ang kinikilos ni Chaaya. Gusto niya sanang tanungin ang kaibigan nito na sa pagkakatanda niya ay Angela ang pangalan kung anong nangyayari kay Chaaya pero nahihiya naman siya dahil pakiramdam niya ay hindi na gawain ng isang kaibigan iyon. Isa pa ay nahihiya siya na marinig ng driver ang kanyang pagtatanong.
Pero dahil hindi siya mapakali ay nilakasan ni Lucius ang kanyang loob tiyaka siya tumikhim para mawala ang bara sa kanyang lalamunan.
“Are you okay, Chaaya?” pagtatanong niya. Mabuti na lang ay naitanong niya iyon gamit ang kanyang normal na boses.
Nagulat si Chaaya dahil nakukuha na niya pala ang atensyon ni Lucius kaya nahihiya siyang nag-angat ng tingin. Muling nagtama ang tingin nila ng binata kaya hindi na malaman ni Chaaya kung ano man ang isasagot niya sa simpleng tanong ng binata.
“Hindi ka ba kumportable sa anyaya ni papa?” pagtatanong ni Lucius dahil baka iyon ang dahilan kung bakit naging ganito ang kilos ni Chaaya. “Pwede naman natin iliko ang kotse pauwi sa inyo, ako na lang ang magpapaliwanag kay Papa.” suhestiyon ni Lucius. Ayaw niya na mapilitan ang dalaga at hindi ito kumportable kaya iyon ang naisip niyang solusyon.
“Ha? A-ayos lang ako!” agap ni Chaaya dahil nakakahiya sa Senyor kung bigla silang nag pauwi at baka wala itong makasamang kumain. Tiyaka tama nga naman ang kanyang kaibigan na hindi lang karangalan na makasama sa hapag ang Senyor kung hindi isa na rin itong oportunidad para sa katulad nila.
“Sigurado ka ba?” pagtatanong muli ni Lucius. Gusto niya lang makasigurado.
“Ayos lang po sa kanya!” si Angela na ang sumagot dahil ramdam niya ang kaba ng kanyang kaibigan.
“Medyo tensyonado lang po siya dahil napag-usapan namin ang taong gusto niya.”