KABANATA 11
Hindi alam ni Chaaya kung ano ang magiging reaksyon niya pagkatapos na sabihin ng Senyorito ngayon. Hindi niya inaasahan na sa ganoon paraan niya mababayaran ang Senyorito. Alam niya naman na hindi niya kasalanan kung bakit niya nahampas ang binata, walang may kasalanan dahil nagulat siya sa biglaang pagsulpot ng binata. Pero dahil sa magkaiba nilang antas ng pamumuhay sa lipunan ay para bang naging kasalanan na lang niya bigla at wala na siyang ibang magawa kung hindi akuhin na lang ito at maghingi ng tawad sa kanyang nagawa. Nasaktan din naman niya ang Senyorito kaya wala namang problema sa kanya kung maghingi siya ng tawad.
“Friend?” pag-uulit niya dahil baka nagkamali lang siya ng dinig sa sinabi ng Senyorito. Lumingon din siya sa kanyang likuran maging sa kanilang paligid dahil baka hindi siya ang kinakausap ni Lucius. Dahan-dahan niyang itinaas ang kanyang kamay tiyaka niya tinuro ang kanyang sarili dahil wala na siyang mahanap na tao sa dalampasigan kung hindi silang dalawa lang. “Ako? Magiging kaibigan mo?” pagtatanong ulit ni Chaaya dahil hindi siya makapaniwala sa nangyayari ngayon sa kanya.
Hindi mapigilan na matawa ni Lucius dahil sa naging reaksyon ng dalaga. Halata sa pagbilog at paglaki ng kaunti ng kanyang mga mata ang gulat na hindi makapaniwala sa sinabi niya. Gusto naman niyang maging kaibigan ang dalaga dahil gusto niya itong makilala ng mabuti. Wala naman masama kung makikipag-kaibigan siya.
“Oo,” sagot ni Lucius habang nagpipigil ng tawa. Naaliw siya sa naging reaksyon ng dalaga. Para bang kahit anong ekspresyon ng kanyang mukha ay bagay na bagay sa kanya dahil maganda siya. “Bakit parang hindi ka makapaniwala?” pagtatanong ni Lucius dahil gusto niyang malaman kung ano ang nakakagulat sa pagyaya niya na maging kaibigan si Chaaya. Para sa kanya ay wala naman nakakagulat doon dahil normal lang naman na mag-alok ang tao sa kapwa niya na maging magkaibigan sila.
“Bakit niyo naman po ako gustong maging kaibigan?” taka pa rin si Chaaya at hindi niya pa rin naintindihan ang nangyayari ngayon sa may dalampasigan.
Ang alam lang niya ay pumunta siya dito para maglinis dahil magagalit ang Senyora kapag may nakita siyang kahit isa man lang na basura sa may dalampasigan hanggang sa nawili na siyang panoorin ang alon. Para kasing sumisimbolo ang alon sa kanyang mga memorya na kahit anong mangyari ang alon ay babalik sa dalampasigan kaya hindi siya mawawalan ng pag-asa na mababalik din sa kanya ang mga nawala niyang memorya. Hanggang sa may nahampas na lang siya dahil sa gulat pagkatapos ngayon ay niyaya siyang maging kaibigan ng nahampas niya imbis na magalit ito ng bongga sa kanya.
“Bakit? Bawal bang makipag-kaibigan?” pagtatanong ni Lucius na ngayon ay sumeryeso ang kanyang mukha. Mukha kasing litong-lito na ang dalaga at hindi na talaga siya makapaniwala sa mga nangyayari.
“Hi-hindi naman po sa bawal pero…” hindi alam ni Chaaya kung paano niya sasabihin na hindi sila pareho ng estado sa buhay. Na siya at ang kanyang pamilya ang nagpapasahod sa kanila ng kanyang pamilya.
“Pero?” gustong maintindihan ni Lucius kung bakit ganito na lang ang pag-alinlangan ni Chaaya na makipagkaibigan sa kanya. Para silang mga teenager na takot pang magdesisyon para sa kanilang sarili dahil natatakot sila sa posibilidad na mangyari kapag maling desisyon ang napili nila.
“Pero hindi p-po kami kasing yaman niyo, Senyorito.” Gusto sanang ipagdiinan ni Chaaya ang huling salita na binigkas niya pero hindi na lang niya ito ginawa dahil parang hindi iyon angkop. Tinawag niya lang itong Senyorito para ipaalala sa binata na trabahador lang sila sa kanilang mansyon dahil baka nakakalimutan niya ang bagay na iyon.
“And so?” madiin ang pagkakasabi ni Lucius sa bawat salita na para bang hindi siya natutuwa sa dinahilan sa kanya ng dalaga. Hindi niya maintindihan kung anong problema kung hindi sila kapantay ng kanilang yaman. “There’s no law that forbids you from making friends despite the huge difference in your social status.” dagdag pa nito. Sa ilang araw at oras na pananatili niya sa study room ng kanyang ama o sa opisina nito sa kanilang mansyon ay wala siyang nakitang batas sa Pilipinas na pinagbabawal ang pakikipagkaibigan kapag hindi kayo pareho ng estado sa buhay.
Hindi makaimik si Chaaya sa sinabi ng binata dahil inaamin niya na may punto nga naman ang sinabi ng Senyorito. Wala naman ngang batas na nagsasabing bawal silang maging magkaibigan pero bakit pakiramdam niya ay kahit na walang nakasaad sa batas na bawal ay bawal pa rin siyang makipag-kaibigan?
Huminga ng malalim si Lucius dahil sa pananahimik ng dalaga. Sinubukan niyang hulihin ang mga mata nito pero hindi niya magawa. Mukhang malalim ang iniisip nito para magtugma pa ang kanilang mga mata.
“Ang mga kapatid nating bunso ay magkaibigan, tama ba?” pagtatanong ni Lucius. At dahil sa tanong ng binata ay parang nagkaroon na ng rason si Chaaya para huwag makipag-kaibigan kay Lucius. “Kaya pwede pa rin tayong maging magkaibigan.” Ngumiti si Lucius pagkatapos niyang sabihin ‘yon para pagaanin ang atmospera na nababalot sa kanilang dalawa.
Hindi alam ni Lucius kung bakit napakalaking bagay ang estado sa buhay ng isang tao. Hindi ba pwedeng maging magkaibigan kahit na malayo ang estado nila sa buhay? At bakit ba pilit na tinitingnan iyon ng mga tao? Para sa kanya kung mabuti ang kalooban ng isang tao ay iyon ang mahalaga, wala na siyang pakialam kung ano pa man ang estado sa buhay ng isang tao. Hindi niya rin minsan maintindihan ang lipunan kung bakit nila ginagawang malaking bagay na makakaapekto sa pagkakaroon ng kaibigan ang ganoong dahilan.
“Pe-pero, sigurado po ba kayo na gusto niyo akong maging kaibigan?” pagtatanong ni Chaaya dahil baka nagbago na ang isip ng Senyorito.
“Oo naman, hindi naman kita yayain kung hindi.” sagot agad ni Lucius dahil ayaw niyang magkaroon pa ng rason si Chaaya kung bakit hindi sila pwedeng maging mag-kaibigan.
“Ayos lang po ba iyon sa inyo?” pagtatanong ni Chaaya dahil kinakabahan pa rin siya. Siguro ay alam niya na kahit hindi sabihin ng kanyang kapatid sa kanya ay may nararamdaman ito sa bunsong anak ng mga Agravante at hindi malayo na maramdaman niya kung ano man ang nararamdaman ng kanyang kapatid dahil iisang dugo lang naman ang dumadaloy sa kanila.
“Oo naman,” agap ni Lucius. Minsan mahirap talagang intindihin ang mga babae, nasanay na siya na magulong kausap ang mga babae na kung kanina lang ay ayaw nila ngayon ay naghahanap na sila ng rason para magustuhan nila. Mas mahirap intindihin ang kanyang ina kaya humaba na rin ang pasensya niya sa mga babae, iyon ay dahil sa ina niya.
“Bakit naman niyo po gusto akong maging kaibigan?” pagtatanong ni Chaaya habang hawak-hawak niya pa rin ang walis habang kausap ang Senyorito. “Imposible naman po na wala po kayong kaibigan, ang tanda na natin. Imposibleng wala ka pong naging kaibigan sa twenty seven years niyo sa mundo.” wika pa nito habang pinagmamasdan niya si Lucius. Halos mahulog ang puso ni Chaaya nang nakita niyang ngumiti ang binata. Hindi niya naintindihan kung bakit naging ganon ang epekto ng ngiti ng binata sa kanyang dibdib siguro ay dahil ngayon niya lang nakita nang malapitan ang matamis na ngiti ni Lucius.
“Syempre, mayroon akong kaibigan.” Sambit ni Lucius dahil iyon ang totoo. “Pero wala siya ngayon sa isla,” agap niya. “Twenty seven na tayo kaya may kanya silang buhay sa labas ng isla.” Isang babae lang ang kanyang naisip habang sinasabi niya iyon. Naging tahanan niya ng ilang taon ang isla pero paglipas lang ng mga taon na iyon ay iniwan na niya para ipagpatuloy ang kanyang buhay sa labas ng isla.
Hindi maiwasan na mapanguso ni Chaaya dahil aaminin niya na tama nga kung ano man ang sinabi ni Lucius. Hindi niya alam kung ano ang pakiramdam na magkaroon ng kaibigan kaya hindi niya rin alam kung ano ang pakiramdam na maiwanan sa isang lugar kung saan bumuo kayo ng mga memorya. Pero habang iniisip niya pa lang ito at kung titingnan ang mga mata ni Lucius ay para bang kakarampot niyang naramdaman ang sakit at lungkot ng mga naiwan. Hindi niya alam kung anong pakiramdam ng maiwan dahil nga wala man siyang ala-ala na maalala kaya wala na siyang magawa kung hindi tanggapin ang alok ng binata.
Hindi lang dahil naawa siya na wala ng kaibigan ang naiwan sa Isla ang Senyorito kung hindi dahil gusto niya rin maranasan na magkaroon ng isang kaibigan. Paano na lang kung hindi na pala bumalik ang kanyang ala-ala? Isa iyon sa iniisip niya t’wing gabi. Kaya hangga’t hindi bumabalik ang kanyang ala-ala ay pwede pa naman siyang bumuo ng ala-ala. Buo pa naman ang kanyang pamilya at kagaya nitong pagkakataon na ito, pwede pa siyang makipag-kaibigan sa mga taong nakikilala niya.
“Buti hindi ka lumabas ng Isla?” pagtatanong ni Chaaya. Kung ang kanyang mga kaibigan ay wala na si Isla, bakit kaya nandito pa ang Senyorito sa Isla? Kung siya ang tatanungin, aalis na rin siya sa Isla para maghanap ng magandang oportunidad para sa kanya.
Hindi niya maintindihan kung bakit parang hindi siya kuntento sa trabaho nila ng kanyang ina o ng kanyang buong pamilya. Pakiramdam niya ay may mas maganda pang oportunidad sa kanya kung aalis siya ng Isla. Sigurado siya na maiaahon niya ang kanyang pamilya sa hirap. Pero maganda lang sa kaisipan niya iyon pero ang totoo ay hindi niya kaya na mahiwalay pa sa kanyang pamilya.
Ang ganda sa pakiramdam na t’wing gigising siya ay ang matatamis na ngiti ng kanyang itay, inay at ang kanyang kapatid ang kanyang makikita. Na sa paggising niya sa umaga ay hindi lang tilaok ng manok ang gigising sa kanya kung hindi ang mahihinang tawanan ng kanyang pamilya.
Nagulat si Lucius dahil sa tanong ng dalaga, kalat sa kanilang Isla kung paano sila nag-away ng kanyang ina dahil sa babaeng mahal niya na pinaglaban niya talaga maging sa mismong Senyora. Halos alam ng Isla ang kanilang kwento kaya hindi na siya nagpapaliwanag kung kanino dahil alam na nila, may iilan pa nga na kabisado na ang kwento nila. Ngayon lang ulit siya nakakilala ng tao na tinanong siya tungkol doon.
Ang alam ng mga taga-Isla ay kinulong siya ng Senyora sa lugar dahil sa galit nito sa Senyorito pero ang totoo ay siya ang pumili na dito muna sa Isla dahil hindi niya kayang balikan kung ano man ang buhay niya sa Manila dahil siya ang kasa-kasama nito. Kahit na mukhang malaki ang Manila ay nasisigurado siyang magkikita at magkikita pa rin sila doon. Hindi pa siya handa na harapin ang babae. Masaya na siya na masaya na ngayon ang unang babae niyang minahal pero mayroon pa rin sakit na hindi siya ang pinili. Kaya hinihintay niya munang gumaling ang kanyang puso nang sa gayon ay haharap siyang walang halong pait at pagpapanggap sa dalaga.
“Kasi nandito ang aking pamilya?” pagtatanong ni Lucius bilang sagot sa dalaga. Marahan na tumango si Chaaya dahil naintindihan niya ang rason ng Senyorito. Maging siya ay iyon ang magiging dahilan kung sakali.
Oo at gustong-gusto niya sa oportunidad pero hindi niya alam kung kakayanin niya bang mahiwalay sa kanyang pamilya. Para bang pinalaki siya ng mga ito na punong-puno ng pagmamahal kaya kahit na may maganda mang oportunidad na pinapangarap niya ay tatanggihan niya kung malalayo siya sa kanyang pamilya. Mas pipiliin niya pa rin ang kanyang pamilya sa kayamanan sa mundo kahit na may kung ano man ang nag-udyok sa kanya na mas bigyan priyoridad ang pagtatrabaho.
“Sabagay,” sambit nito. Bubuhatin na sana ni Chaaya ang sako na may laman na basura nang kuhanin ito ng Senyorito kaya hindi niya maiwasan na mabigla sa biglaan na ginawa ng Senyorito pero matamis lang ang ngiti ng binata. Kumunot ang kanyang noo dahil napansin niya na may maliit pala na dimples ang Senyorito at lalong kuminang ang moreno niyang kulay dahil sa pagtama ng sinag ng araw sa kanyang balat.
“Ako na,” sambit ni Lucius dahil hindi naman niya kayang tingnan na nagbubuhat ang dalaga habang siya ay wala man ginagawa kung hindi pagmasdan ang dalaga.
“Pe-pero,” hindi na naituloy ni Chaaya ang kanyang sasabihin dahil nagsimula ng maglakad ang binata. Naiwan siyang nakaawang habang bitbit ang dustpan maging ang walis dahil sa hindi niya inaasahan iyon.
Ang akala niya ay hindi siya babalikan ng Senyorito pero muling bumalik si Lucius na may ngiti sa kanyang labi bago niya kinuha ang dustpan at walis na hawak-hawak ng dalaga. Lalong umawang ang labi ni Chaaya dahil ang buong akala niya ay ibibigay na ni Lucius sa kanya ang sako pero kinuha niya pa ang dalawa niyang bitbit.
“Se-senyorito!” tawag nito tiyaka niya hinabol ang binata nang matauhan siya na hindi na babalik ang Senyorito dahil nakuha na niya ang mga bitbit niya.
Nagmamadaling naglakad si Chaaya para mahabol ang Senyorito at nang makuha na niya ang mga gamit dahil sa kanya trabaho iyon. Nahihiya naman siya na pag-akyat nila sa may mansyon ay ang Senyorito ang may hawak ng mga panlinis at siya pa ang magtatapon ng sako kung saa kinukuha ng truck ng basura ang mga sako-sakong basura sa kanilang mansyon. Habang nakangiti naman si Lucius na bitbit ang sako at ang panlinis ng dalaga. Naririnig niyang tinawag siya ng dalaga at nararamdaman niya ang pagsunod nito kaya binilisan niya ng kaunti habang malawak pa rin ang ngiti sa kanyang labi.
“Senyorito,” bati ng may edad nilang tauhan sa mansyon. Mukhang matagal-tagal na rin siya na nagtatrabaho sa kanilang pamilya at gulat na gulat siyang makita ang Senyorito na may dalang panlinis tiyaka ng sako na may basura. Una niyang naisip na baka pinarusahan siya ng Senyora ang kaso nga lang ay malawak ang ngiti ng panganay na Senyorito.
“Magandang araw po, Mang Bert.” Bati ni Lucius nang maalala niya ang pangalan ng matanda, malawak ang ngiti ni Lucius dahil talaga namang maganda ang kanyang umaga.
“Ma-magandang araw din po, Senyorito.” bakas ang kalituhan sa mukha ng matanda habang papalit-palit ang kanyang tingin sa hawak ng Senyorito at sa mukha nito. Hindi na mapigilan ng matanda kaya naman naglakas-loob na siyang tanungin ang Senyorito. “Bakit hawak niyo po ang mga iyan?” pagtatanong pa nito.
“Ito?” nakangiting tanong ni Lucius tiyaka niya pa tinaas ang sako na nasa kanyang kaliwang kamay at ang dustpan kasama ang walis na nasa kanang kamay naman niya.
Tiningnan mabuti ng matanda ang hawak ng Senyorito dahil para bang namumukhaan niya ang kulay ng dustpan at ang hawak na walis tingting ng Senyorito, parang nakita na niya na hawak ng isa nilang kasamahan kanina iyon. Kaya bahagyang kinabahan ang matanda na baka may pumalpak sa trabaho nila o naiwan ang mga gamit sa may dalampasigan na mukhang doon galing ang Senyorito.
“Senyorito!” hinihingal na tawag ni Chaaya nang madatnan na niya si Lucius at nakaakyat na siya galing sa may dalampasigan. Napahawak siya sa dalawa niyang tuhod habang hinihingal siya dahil sa pagtakbo, napatingin sa kanya si Mang Bert na nalilito sa mga kaganapan.
Hanggang sa naalala ng matanda na si Chaaya nga ang may hawak ng walis, dustpan at maging ang sako na hawak ng Senyorito ngayon kanina. Habang nag-alala naman si Lucius dahil mukhang napagod sa kakatakbo ang dalaga.
“Mang Bert, pahawak muna po.” wika ng Senyorito bago niya ibigay ang kagamitan sa panlinis sa matanda. Agad na tumango ang matanda at wala sa sarili niyang tinanggap ang mga panlinis habang nagtataka siya sa kinikilos ng binatang Agravante.
Kumunot ang noo ni Chaaya dahil may kinausap ang Senyorito, nang inangat na niya ang kanyang ulo ay namilog ang kanyang mata nang makita niya si Mang Bert. Siya ang nagbigay ng panlinis sa kanya kanina dahil siya ang inatasan ni Amelia sa gawain na iyon bago niya simulan ang kanyang gawain. Pareho silang nagkagulatan ng matanda.
“Ma-mang Bert,” hinihingal na wika ni Chaaya. Gusto niya sanang magpaliwanag sa matanda kung bakit hawak-hawak ng Senyorito iyon pero naramdaman na lang niya ang mainit na kamay ni Lucius sa kanyang pulso. Napatingin doon ang matanda maging si Chaaya.
“Mauna muna po kami, Mang Bert.” Paalam ni Lucius sa matanda. Dahil sa gulat at hindi pa masyadong nagpoproseso sa matanda ang nangyayari ay marahan na lang siyang napatango. Lumawak ang ngiti ni Lucius dahil doon at gamit ang kanyang kanang kamay ay tinapik niya ang balikat ni Mang Bert tiyaka niya tiningnan nang may ngiti sa labi ang dalaga.
“Let’s go,”