KABANATA 40
Hindi agad nakakilos si Chaaya dahil sa gulat. Hindi niya inaasahan na ang pasimple niyang sinusulyapan sa hagdan kanina ay nasa likuran na niya ngayon. At hindi lang iyon dahil mukha pa siyang nakayakap sa kanya dahil sa paglagay niya ng hoodie sa kanyang beywang. Tiyaka niya naalala na hindi pa pala niya naibabalik ang unang hoodie na pinahiram sa kanya ng binata pagkatapos ay pinahiram ulit siya ngayon nito.
Napatingin din sa kanila ang ibang kasamahan nila dahil hindi nila inasahan ang ginawa ng Senyorito sa akala nila ay kasamahan lang nila sa paglilinis pero mukhang malapit ito sa Senyorito. Ang iba naman sa kanila ay nakilala na rin si Chaaya dahil naging laman na rin siya ng usapin dhail nga sa pagiging malapit nila ng Senyorito, noong una ay hindi sila naniniwala dahil mabait naman ang mga Agravante sa lahat ng tao sa Isla at baka mali lang ang pagtingin ng mga matatanda sa kabaitan ng Senyorito sa isang dalaga. Pero ngayon na nasaksihan na nila sa kanilang mga mata ay umawang na ang kanilang mga labi dahil mukhang totoo nga ang mga sabi-sabi na kanilang naririnig.
“Let’s move on to the next!” lumakas ang boses ni Amelia para kuhanin ang atensyon ng mga nag-apply para sa trabaho. “Kung agad mawawala ang pokus niyo sa inyong trabaho kung may nakita man kayo na kakaiba na hindi sanay ang inyong mga mata ay ikalulungkot ko pero hindi ko kayo pwedeng kuhanin. Dahil magiging sagabal iyan para magawa niyo ng maayos ang inyong trabaho.” pagpaparinig niya pa sa mga ito nang sa gayon ay wala ng tumingin sa kanyang alaga at sa babae.
Naningkit din ang mga mata ni Amelia lalo na at nakumpirma niya na kung sino ang babaeng sinali ng kanyang alaga na hindi naman nagpasa ng resume sa kanya. Hindi naman niya pinagbabawalan ang binata dahil matagal na rin magsimula noong nakita niya ang mga ngiti sa mata nito at kagabi ay nakita niya ang galak sa kanyang mga mata na mukhang hindi na makapaghintay na makasama ang dalaga.
“At kung maari man, kung ano man ang makita niyo sa mansyon ay mananatili lang sa mansyon. Alam niyo na kung ano man ang ibig kong sabihin.” wika pa niya dahil alam niya ang ugali ng Senyora. At ang pinaka-ayaw niya ay naririnig niyang pinagpi-piyestahan ng chismis ang buhay ng kanyang mga alaga.
Halos mapalundag sa gulat si Chaaya nang magtama ang paningin nila ni Manang Amelia. Sinenyasan naman ni Amelia ang dalaga na bumalik na sa kanyang pwesto dahil mukhang tapos naman na ang pagtali sa kanya ng Senyorito. Agad siyang humiwalay dahil don at nagtama naman ang paningin nila ng Senyorito, hindi niya alam kung ano ang sasabihin niya pagkatapos ng pag-uusap nila kanina.
Nagulat naman si Lucius sa biglaang paglayo sa kanya ni Chaaya pero agad din bumalik ang wala niyang ekspresyon para hindi siya makitaan ng pagkagulat ng dalaga. Kahit na naguguluhan siya kung bakit bigla na lang itong lumayo, mabuti na lang at natapos na niyang itali ang dalawang sleeves ng hoodie sa beywang nito. Ganon na ba siya kaayaw ng dalaga at ayaw man lang niya kahit mapalapit ito sa kanya?
“Ah,” hindi alam ni Chaaya kung ano ang sasabihin niya. Namula rin ang kanyang pisngi nang pumasok sa kanyang isipan na may dugo siya sa kanyang likuran at ang ibig sabihin lang noon ay ngayon ang araw niya ngayong buwan kaya naman lalo nag-init ang kanyang pisngi dahil si Lucius pa ang nakakita noon. “Sa-salama-”
Pero bago pa man makapagsalita si Chaaya ay tinalikuran na siya ni Lucius at nagsimula na siyang maglakad papalayo sa kanya. Natulala pa si Chaaya dahil hindi niya lubos maisip na tatalikuran na lang siya ng binata habang hindi pa siya tapos sa pagsasalita. Hindi niya tuloy maiwasan na mapanguso at makaramdam ng kaunting inis. Ngayon ay naintindihan na niya kung bakit naiinis siya sa mga maliit na bagay lang ay dahil meron siya. Hindi talaga niya makontrol ang kanyang emosyon kapag may dalaw siya.
“Chaaya,” pagtawag ni Angela sa kanyang kaibigan dahil natahimik sa pagsasalita si Manang Amelia habang nakatingin siya sa isang direksyon at nang tiningnan iyon ni Angela ay nakita niya ang kanyang kaibigan na tulala kaya bahagya siyang kinabahan dahil baka mapagalitan ang kanyang kaibigan sa matanda lalo na at matalim ang titig nito. Inakala ni Angela na ayaw nang matanda na may malapit sa Senyorito kaya naman ganon ang tingin niya kay Chaaya.
Hindi masyadong narinig ni Chaaya ang tawag ng kaibigan dahil halos ibulong lang iyon ni Angela. Natatakot kasi siya na makuha niya ang atensyon ng matanda kaya naman pabulong niya lang sinigaw ang pangalan ng kanyang kaibigan pero mukhang hindi iyon umepekto dahil tulala pa rin si Chaaya kaya pasimple niya itong nilapitan at hinila niya palapit sa kanya.
“Kanina pa nakatingin sa iyo si Manang Amelia kaya umayos ka baka matanggal ka,” bulong niya sa kanyang kaibigan nang makabalik na sila sa linya. Pinaglinya kasi sila ni Manang Amelia.
Nang makita ng matanda na maayos na ang mga nag-apply ay muli siyang nagpatuloy sa kanyang pagsasalita. Nakahinga naman ng maluwag si Angela dahil doon, ang akala niya ay masesermon pa sila ng matanda dahil sa pagiging tulala ng kanyang kaibigan. Napansin din niya ang hoodie na nakatali sa beywang ni Chaaya.
“Anong meron?” pagtatanong niya sa kanyang kaibigan habang nakanguso pa siya sa hoodie nito. Pabulong niya lang tinanong iyon at sigurado na siya ngayon na narinig siya ng kanyang kaibigan dahil malapit lang ito sa kanya at lumapit pa siya ng kaunti nang tinanong niya ito.
Napakagat sa labi si Chaaya dahil muli naman niyang naalala na meron pala siya ngayon at kailangan niyang makapunta sa banyo. Ang kaso nga lang ay nahihiya siyang sabihn kay Manang Amelia o natatakot siya na sabihin niya na kung pwede siyang pumunta sa banyo. Isa pa, wala naman siyang dala-dalang napkin. Kung magkataon man na magpapaalam siya sa matanda ay ipapaalam niya rin ang kanyang kaibigan para mabilhan siya nito ng napkin pero baka lalo lang magalit ang matanda dahil dalawa agad sila na mawawala at baka maapektuhan pa ang pagtatrabaho ni Angela dito.
“May tagos ako,” nahihiyang sagot ni Chaaya sa kanya. Napangiwi si Angela dahil wala rin siyang alam na paraan kung paano makakapagpaalam sa matanda.
Baka kasi mainis na ito sa kanila dahil kanina pa kinukuha ni Chaaya ang atensyon ng lahat—hindi naman iyon kasalanan ng kanyang kaibigan dahil nakuha lang naman niya ang atensyon ng lahat dahil sa paglapit bigla sa kanya ng Senyorito at iyon ang dahilan kung bakit sinusundan siya ng mga mata nito. At isa pa, ang ilang minuto pagkakatulala ng kanyang kaibigan kanina na hindi man lang niya naramdaman ang matalim na tingin ng matanda sa kanya.
“Hala, paano niyan?” pagtatanong ni Angela tiyaka niya kinakagat-kagat ang kanyang hinlalaki dahil nag-iisip siya ng solusyon kung paano sila makakapagpaalam ng kanyang kaibigan. Mukhang matagal pa naman ang orientation ni manang Amelia dahil gusto niya ay perpekto ang lahat ng magaganap sa kaarawan ng bunsong Senyorito.
Nagsimula na ulit silang maglakad sa mansyon pero wala pa rin maisip na idadahilan ang dalawang magkaibigan at wala pa sa kanila ang may lakas ng loob na sabihan ang matanda para makapagpaalam na sila. Hindi naman kumportable si Chaaya dahil alam niyang hindi naman hihinto ang pagluwal ng kanyang dugo sa hoodie na tinali sa kanya ni Lucius. At iyon pa ang inaalala niya dahil baka matagusan pa ang hoodie ng binata, mahirap pa naman labhan o kusutin ang dugo. Nahihiya siya na baka masira pa ang mamahaling hoodie nito dahil lang doon.
“Mabilis ba?” pagtatanong muli ni Angela sa kanyang kaibigan. Tinutukoy niya ang pag-agos ng kanyang dugo.
“Medyo,” pag-ngiwi ni Chaaya dahil nararamdaman na niya. Mukhang okupado kasi siya kanina kaya hindi niya masyadong naramdaman kaya noong nilagyan siya ni Lucius nang hoodie ay doon pa lang nag sink-in sa kanya na may dalaw siya ngayon.
Samantala ay dumeretso si Lucius sa kwarto kung saan nandoon ang mga monitor na naka-connect ang mga CCTV sa mansyon. Malilit lang kasi iyon para hindi masira ang disenyo ng mansyon at para hindi rin agad makita ng mga tao. May isa silang trabahador na nagbabantay doon kaya agad niyang binati ang panganay na Senyorito. Binati rin naman agad pabalik ni Lucius tiyaka niya tiningnan ang monitor.
Nakatayo siya habang ang isa niyang kamay ay nasa ilalim ng kanyang dibdib kung saan nakapatonga ng kanang siko niya at pinaglalaruan ng kanyang daliri ang kanyang mga labi. Ganon ang tayo niya habang pinapanood niya ang CCTV. Nakikita niya na nagbubulungan ang dalawang magkaibigan hanggang sa lumipat sila ng pwesto kaya ginalaw niya ang mouse para hanapin kung saan sila. Bahagyang nagtataka na sa kanya si Ben—ang kanilang trabahador sa monitor room pero hindi na lang siya nagsalita dahil baka masyadong pribado iyon kaya mas pinili na lang niyang manahimik at nagbigay espasyo sa Senyorito nang sa gayon ay ma-control niya kung ano man ang gusto niyang makita sa labas o sa loob man ng mansyon.
Pinagmamasdan ni Lucius si Chaaya kung may gagawin ba siya o wala. Pero ang tanging nakita niya lang ay ang bulungan ng dalawang magkaibigan. Nakaramdam na siya na mukhang ayaw nilang umalis sa orientation kaya naman nagpaalam na siya kay Manong Ben para umalis ng mansyon. Pumasok muna siya sa kanyang kwarto para kuhanin niya ang susi ng kanyang sasakyan tiyaka na siya umalis para pumunta sa malapit na store. May mini mart naman na malapit sa kanila kaya bumaba na siya ng sasakyan para pumasok doon.
Agad siyang pumunta sa pambabae na section at napatigil siya nang makita niya kung gaano karaming brand at iba-iba pa ang mga nakasulat sa isang brand lang. Hindi niya alam kung ano ang brand na ginagamit ni Chaaya. Huminga siya ng malalim at wala na siyang choice kung hindi ang kumuha ng isa sa lahat ng brand na makita niya pagkatapos ay dumeretso na siya sa cashier at nagbayad.
“Para po sa girlfriend niyo, Senyorito?” pagtatanong ng babae kaya bahagya siyang nagulat sa termino na ginamit nito habang kumukuha siya ng pera sa kanyang wallet.
“Just a friend of mine,” mabilis na sagot niya dahil naisip niya na baka ayaw madikit ni Chaaya ang pangalan niya sa kanya lalo na at hindi naman sila masyadong ayos ngayong araw kaya kailangan niyang maging maingat sa mga sasabihin at galaw niya sa dalaga.
“Thank you po,” masiglang wika ng cashier sa kanya pagkatapos niya itong suklian kaya ngumiti si Lucius tiyaka na siya umalis.
Paglabas niya ay may sumalubong na bata sa kanya na nagbebenta ng bulaklak.
“Kuya, bili na po kayo.” alok ng bata sa kanya.
Hindi maiwasan na mapangiti ni Lucius dahil mukhang hindi siya kilala ng bata kaya kuya ang tawag niya dito. Ang gaan lang din sa pakiramdam para sa kanya na matawag na kuya ng ibang tao dahil laging Senyorito ang tawag sa kanya. Ayaw niya kasi na binibigyan siya ng espesyal na trato dahil lang sa isa siyang Agravante o isa siya sa mga Senyorito ng Isla.
“Magkano ang isa?” pagtatanong ni Lucius sa bata.
Hindi niya maiwasan na maawa dahil sa murang edad ay kailangan na niyang magtrabaho para may makain. Hindi niya maiwasan din na kwestyunin ang mga magulang ng bata kung bakit hindi sila nagplano nang sa gayon ay hindi nagbebenta ang kanilang anak sa kalye imbis na maglaro o mag-aral kasama ang kanyang mga kaibigan na bata.
“Singkwenta lang po,” sagot ng bata tiyaka niya kinuha ang isang pirasong bulaklak na binebenta niya.
“Sige, pabili ako ng isa.” sambit ni Lucius tiyaka siya bumunot ng perang papel niya na mas higit pa sa presyo na hinihingi ng bata.
“Hala! Wala man po akong panukli,” napakamot sa ulo ang batang lalaki dahil wala man siyang pera na sasakto sa panukli sa papel na nilalahad ni Lucius sa kanya.
“Sa iyo na ang sukli para makapaglaro ka sa mga kaibigan mo,” sambit ni Lucius sa kanya tiyaka niya nilagay sa kamay ng bata ang pera.
“Pero sobra-sobra po ang pera na ito sa binili niyo.” naguguluhan na wika ng bata habang nakatingin sa pera na nasa kamay niya. Ngayon nga lang siya nakahawak ng ganoong kalaking pera. “Bigay ko na po sa inyo lahat ito,” sambit niya tiyaka niya inilahad ang mga binebenta niyang bulaklak sa Senyorito. Umiling si Lucius dahil isa lang ang kailangan niya.
“Ibigay mo na iyan sa mga kaibigan mo o kaya sa ina mo o kaya pwede mo pa rin ibenta bukas,” wika niya sa bata. “Sa ngayon ay umuwi ka na at hanapin mo na ang mga kaibigan mo para makapaglaro na kayo.” payo niya sa bata,
“Pero sabi po ng aking ina ay hindi po dapat humihingi ng sobra-sobra. Matutong makuntento sa kung anong meron ka. Kuntento po ako sa maliit na halaga bilang kapalit ng paninda ko po kaya hindi ko po alam kung dapat ko po bang tanggapin ito.” inosenteng sambit nito na mukhang iyon ang pinapaalala ng kanyang ina.
“Huwag kang mag-alala at hindi mo naman hiningi iyan,” pagkalma sa kanya ni Lucius dahil bakas sa mukha ng bata na nag-alangan siyang tanggapin ang pera. “Binigay ko iyan sa’yo. At hindi ba tinuro ng ina mo na masamang tanggihan ang biyaya?” napanguso ang bata dahil may punto ang binata sa kanyang sinabi.
“Maraming salamat po!” wika ng bata. “May pagkain na po kami ng isang buwan dito,” ngiti pa niya dahil iyon ang pera na hinahawakan ng kanyang ina kapag may pagkain sila sa isang buwan kaya tinatandaan na niya ang pera na iyon.
Hindi maiwasan na malungkot ni Lucius habang ngingitian niya ang bata. Ang pera na kaya niyang gastusin sa loob lang ng ilang minto ay ang pera na pinagkakasya ng isang pamilya sa loob ng isang buwan.
“Kaya kailangan busog ka sa buong buwan, ayos ba iyon?” pagtatanong ni Lucius sa bata. “Kapag nagkita ulit tayo, ihanda mo ang pinaka-maganda mong bulaklak at bibilhin ko ulit iyon.” mabilis na tumango-tango ang bata kaya marahan na ginulo ni Lucius ang buhok nito at inutusan na niya itong umuwi.
Mabilis ang kanyang pagmamaneho nang sa gayon ay maabutan niya pa ang dalaga. Pagkababa niya sa kotse ay agad siyang tumakbo para hanapin sila manang Amelia. Mukhang nakabalik na sila sa sala kaya naman nakahinga siya ng maluwag. May iilan na tumingin sa kanya dahil sa ingay ng pagtakbo niya kanina pero tumaas ang boses ni Manang Amelia kaya mabilis nilang tinuon ang pansin nila sa matanda.
Agad na hinanap ng mata ni Lucius ang pigura ng isang babae at hindi naman siya nahirapan dahil agad niya iyong nakita. Hindi niya maiwasan na mapangiti nang makita niya ang kanyang hoodie naka-tali dito. Napabaling ang tingin ni Chaaya kay Lucius kaya agad naman tinikom ni Lucius ang kanyang bibig mula sa pagkakamali.
Huminga siya ng malalim at napagdesisyunan niyang lapitan ang dalaga tiyaka niya hinawakan ang kamay nito kaya labis na nagulat si Chaaya lalo na noong tinaas ni Lucius ang kamay nila na magkahawak na siyang nakuha naman ang atensyon ni manang Amelia.
“Excuse us,” Lucius said.