Sofia
Nang dahil nga sa nangyari ay hindi ako nakapag-lunch. Matapos ko kasing makipag-usap kay Jon at iwanan siya roon kay Angela ay pumunta ako sa library upang doon tumambay. Naging dahilan iyon para magawa ko ‘yong pending assignment ko na sa Lunes pa ipapasa.
Hindi naman ako nakakaramdam ng gutom dahil sa inis ko kay Jon. Medyo na-disappoint lang ako sa sinabi niya sa akin kaya hindi ganoon kaganda ang tingin ko sa kanya. Siguro masaya ang kumag ngayon dahil kasama niya ‘yong babaeng Angela na ‘yon.
Dahil klase ko ngayong 1 pm ay kaagad na akong umalis sa library nang tumuntong ang oras sa 12:50 pm. Kailangan ko pang maglakad dahil medyo malayo rin ‘yong next class ko although sa Department of Biological Science (DBS) lang naman ‘yong klase ko ngayong tanghali.
Hindi pa naga-ala una nang makarating ako sa DBS. Pero napahinto ako sa paglalakad nang makita ko si Jon doon. Noong una ay hindi niya ako nakita kasi nakatalikod siya sa akin. Ngunit nang humarap siya sa kanyang likuran ay doon na niya ako napansin.
Ngumiwi ako nang magtama ang mga mata namin sa isa’t isa. Naroon pa rin sa dibdib ko ‘yong pagkainis ko sa kanya. Ayoko sana siyang makita ngayon pero narito siya sa department kung saan naroon ang susunod kong klase.
Naglakad lang ako at nilagpasan siya. Pero mabilis niya akong hinarang kaya napahinto ako sa paglalakad.
“Sofia, mag-usap tayo,” sabi pa niya sa akin. Wala akong inilabas na salita sa kanya at muli ko siyang nilagpasan. Pero mabilis na naman niya akong hinarangan. “Please, mag-usap muna tayo.”
“Puwede ba, Jon. May klase ako ngayong 1 pm. Hindi ako puwedeng ma-late.”
“Ganun ba. Wait, oh.” May kinuha siya sa kanyang bag at iniabot niya ito sa akin. Napansin ko na plastic iyon na may lamang pagkain. “Kumain ka muna. Alam kong hindi ka kumakain kapag sinusumpong ka.”
“Hindi ako gutom,” sabi ko at saka ako naglakad hanggang sa makapasok ako sa department. Ngayon pa lang ay nakaramdam na ako ng gutom nang makita ko ang dala niyang pagkain. Pero dahil nagtatampo ako sa kanya at mataas ang aking pride, titiisin ko ang gutom kahit ano ang mangyari.
Naririnig ko pa rin siya na tinatawag ang pangalan ko. Hindi ko naman siya nililingon at daretso lang akong naglakad papunta sa isang room.
Hindi ko na siya nakita pa nang makapasok ako.
Napailing na lang ako nang makaupo ako sa isang upuan. Saktong pumasok naman si Ma’am Galinato sa room dala-dala ang kanyang maliit na laptop. Hindi ko na alam kung nasaan na si Jon. Bahala siya sa buhay niya.
~~~
Matapos ang klase kong ‘yon ay kaagad na akong lumabas ng classroom. Dahil may 2 hours vacant ako, naisip ko na pumunta muna sa fast food at kumain.
Papalabas na sana ako ng department nang muli akong napahinto dahil nakita ko ulit si Jon. Mahaba ang pasensya niyang naghihintay roon sa labas ng DBS. Dahil nasa loob pa ako, hindi pa niya ako nakikita
Kahit iniiwasan ko siya, nandiyan pa rin siya at nagtitiis na maghintay sa akin para lang makausap ako. I always admire his patience minsan.
Hindi lang kasi ito ang kauna-unahang nagtampo ako sa kanya kundi maraming beses na. Kapag ganito kasi, gagawin talaga ni Jon ang lahat para lang mag-usap kaming dalawa. Ayaw niya na pinapaumaga ang away o tampuhan naming dalawa kaya uma-akto siya ng ganyan.
Kahit may klase siya ay isa-sacrifice niyang huwag pumasok para lang makausap ako.
Muntikan na akong mapaigtad sa kinatatayuan ko nang may babaeng nagsalita sa tabi ko. Nang lumingon ako ay nakita ko si Yvonne. Galing siya sa isa niyang klase.
Hindi kasi kami magka-major ni Yvonne. Ecology major siya at ako naman ay Botany major. Kaya hindi kami magkatulad ng klase today. Pero classmate naman kaming dalawa sa ibang major subject katulad ng Biostatistics, Plant Taxonomy, at Microbiology.
“Nag-away ba kayo ni Jon?” iyon ang tanong niya sa akin.
“Bakit mo alam?” pabalik na tanong ko kay Yvonne.
“Eh hindi kasi ikaw ang kasama niya kanina sa fast food. Si Angela. Alam mo ba ‘yon?” sabi niya.
Hindi ako nakapagsalita. Hanggang ngayon ay pinipilit kong irehistro sa utak ko na personal na magkasama silang dalawa kanina. Unexpected iyon para sa akin. “Nakita ko silang dalawa kanina roon. Bakit?” patuloy pa ni Yvonne.
“Ha? Ano’ng bakit?” tanong ko sa kanya.
“Bakit magkasama sila?”
Nagkibit-balikat ako. “Alam mo na. Nagkakausap na ‘yong dalawang ‘yon matapos kong ibigay ang number ni Angela sa kanya. Kaya pinabayaan ko na lang sila kanina.”
“Tinuloy mo talaga ang pagiging martir mo, ah. Ayos ka rin,” sarcastic na tugon ni Yvonne sa akin. “Teka nga, nag-away ba talaga kayo niyan ngayon?”
Walang pagdadalawang-isip na tumango ako ng ulo bilang sagot kay Yvonne.
“Bakit?”
Saktong pagtingin ko ulit sa kanya ay malakas na kumulo ang tiyan ko. “Nagugutom na ako. Tara! Samahan mo ako sa fast food at doon ko ikukuwento sa iyo kung ano ang nangyari.”
Lumiwanag naman ang mukha ni Yvonne sa pagkakasabi kong ‘yon. Para kay Yvonne, masarap magkuwentuhan kapag may kasamang chismis, lalo na kung may pagkain.
Wala na akong paga-alinlangan kay Yvonne kapag magkukuwento ako tungkol sa unrequited love ko kay Jon. Aside from him, I also trust Yvonne a lot. Alam kong hindi niya ipagkakalat lahat ng sikreto ko sa ibang tao. Ito ang naging dahilan kung bakit naging matalik ko rin siyang kaibigan.
“Ayos! Libre mo ako, ah,” masaya pa niyang sabi sa akin.
“Oo naman,” masayang pabalik kong tugon sa kanya.
Naisipan namin ni Yvonne na huwag dumaan doon sa exit door na kung saan naroon naghihintay si Jon. Instead, dumaan kami sa kabilang pinto para hindi kami makita ng mokong na ‘yon.
Nakakaawa man siyang tingnan doon na naghihintay at umaasa na makikita niya ako, hindi ko iyon ininda at iniisip ko na lang na parusa niya ‘yan dahil sa sinabi niya sa akin.
Sobra talaga akong na-disappoint sa kanya. Feeling ko ang baba ng tingin niya sa akin bilang isang babae. Hindi naman ako ganoon na mabilis pumatol kung guwapo ‘yong lalaki. Bakit ba lagi niyang pinapareho ang lahat ng babae?
~~~
Pasado alas sais na ng gabi nang makauwi ako sa bahay. Pagdating ko ay nagtataka naman si Mommy na sinalubong ako sa maluwag na sala dahil ang aga ko raw umuwi. Pinagtataka rin niya kung bakit hindi ko kasama si Jon ngayon.
“May kailangan pa po akong tapusin na lab reports, Mommy,” iyon na lang ang ginawa kong dahilan para hindi na siya magtanong pa.
“Oh siya, sige. Magbihis ka na at bumaba ka kaagad dahil magdi-dinner na tayo.”
Bago ako pumanhik ng hagdan ay kaagad kong napansin na parang wala si CJ sa bahay. Kaya nagtanong ako kay Mommy tungkol doon.
“Nandoon sa dagat kasama ang Daddy mo. Baka pauwi na rin ang dalawang ‘yon maya-maya,” sagot lang ni Mommy sa akin at muli akong nagpaalam sa kanya upang umakyat sa taas patungo sa aking kuwarto.
Hindi ito ang unang gabi na hindi kami magkakasabay ni Jon na umuwi galing eskwelahan. At hindi rin ito ang unang gabi na hindi ko siya hinintay sa trabaho niya roon sa Brew Haven.
Siguro naman ay kaya na niya ang sarili niya na hindi ako kasama, ‘di ba? Nakakainis pa rin isipin ‘yong nangyari kaninang tanghali. ‘Di ko maalis-alis iyon sa isip ko, lalo na ‘yong unexpected na makakasama niya si Angela. Sobrang nakakainis din ‘yon.
On the other hand, kasalanan ko rin naman kung bakit nagkaroon ng closure ‘yong dalawa. Kung hindi lang ako naging tangang martir, eh ‘di sana hindi pa rin sila magkakilala personally ngayon.
Ibinuhos ko na lang ang inis ko sa pagpapalit ng damit sa kuwarto para makababa na. Mamaya kasi ay baka tawagin na ako ni Mommy rito. Ayaw pa naman niyon na pinaghihintay ang grasya sa lamesa.
Matapos kong isuot ang kulay itim na loose shirt ay napadako ang tingin ko sa aking cell phone nang tumunog ito. Nakapatong ito sa study table. Nang tingnan ko ito ay may natanggap akong text sa isang unknown number.
Noong una ay hindi ko kaagad naisip kung sino iyon. Pero nang mabasa ko ang text ay mabilis ko siyang nakilala.
“Sofia, how are you? This is Leonard. Hope you still remember me.”
Mahinang natawa ako sa text niya. Lalo na sa part na kung naaalala niya pa ba raw ako. Nakangiti akong nagtipa sa cellphone upang mag-reply kay Leonard.
“Ang OA mo ah. Of course I remember you. Sorry nga pala on what happened kanina. Ako na ang hihingi ng sorry sa ginawa ni Jon sa iyo. Nakakahiya. Nabasag pa ‘yong IPhone mo,” reply ko.
Wala pang isang segundo nang mag-reply siya. Ikinagulat ko ‘yon. Ito ‘yong naging kabuuan ng conversation namin ni Leonard:
Leonard: “Don’t worry about it. Masyadong mainitin lang siguro ‘yong kaibigan mong ‘yon. So kumusta ka na?”
Sofia: “Okay naman ako. Ikaw? Hindi ka yata busy ngayon.”
Leonard: “Why did you say that?”
Sofia: “Kasi ang bilis mo mag-reply.”
Leonard: “Hahaha… Actually I’m at work. Nagtatago lang ako sa locker room just to text you.”
Oo nga pala. Isang barista rin pala si Leonard sa Brew Haven. Magkasama sila ni Jon. Bakit ‘di ko naisip kaagad iyon?
Sofia: “Huy! Baka pagalitan ka riyan!”
Leonard: “I’m used to it. Actually I just realize na wala ka rito sa café tonight. Hindi kayo magkasamang uuwi ni Jon ngayon?”
Sofia: “Hindi. TBH, medyo nagtatampo ako sa kanya today. Hindi ko na lang iniisip para hindi pa uminit ang ulo ko sa kanya.”
Napahiga ako sa malambot kong kama habang kausap sa text si Leonard. Its sounds like he’s good at conversation naman.
Leonard: “Oh! Dahil ba ‘to sa nangyari kanina? Sorry kung ‘yon nga.”
Sofia: “No. It’s okay. Kaunting tampo lang ‘yon. No big deal.”
Leonard: “Nice to hear that. TBH, kanina pa rin masama ang tingin ni Jon sa akin dito sa café. Natatawa ako sa mukha niya when I looked at him.”
Mahinang natawa naman ako sa text niya. Feeling ko ang sama-sama kong tao. Pinagtatawanan ko patalikod ‘yong matalik kong kaibigan kasama ang lalaking ngayon ko lang nakausap.
Sofia: “Pabayaan mo na lang siya.”
Leonard: “Sige, Sofia. Balik muna ako sa work. Text na lang tayo later after work. Is that okay with you?”
Sofia: “No prob. Ikaw bahala. I need to go also dahil magdi-dinner na.”
Leonard: “Okay. Save my number. Bye for now.”
Sofia: “Bye.”
Saktong pagkatapos ng conversation namin ni Leonard sa text ay kaagad na akong bumangon at lumabas ng kuwarto para makababa na.
Napatigil naman ako sa paghakbang sa hagdan nang makita ko ang inis na inis na pagmumukha ni CJ papaakyat ng hagdan. Kitang-kita ko na wala rin siya sa mood ngayon dahil basang-basa ang suot niyang damit at jeans.
“Tell to that geek that I will punch him later! This is f*cking ridiculous!” galit na galit niyang salubong sa akin at saka niya ako nilagpasan upang makapanhik siya sa kanyang kuwarto.
Nang dumaan siya sa harapan ko ay naamoy ko kaagad ang masangsang na amoy galing sa kanya. Ano’ng nangyari doon? At sino ang tinutukoy niyang ‘geek’?
Mabilis naman akong nagtanong kay Daddy nang makababa ako. Nakakunot ang noo ko.
“Nahulog sa malaking kanal. Muntikan pang suntukin si JM. Mabuti na lang inawat ko.”
Labis ko naman iyon ikinagulat. “Ha? Why? What happened to them?” So si JM, ang nakababatang kapatid ni Jon, pala ang tinutukoy ni CJ na ‘geek’?
“I don’t know. Nadatnan ko na lang siyang basa. He never told me what really happened.”
Ikinailing ko na lang iyon at hindi na nagpumilit pang magtanong kay Daddy tungkol sa nangyari kay CJ. Mga ilang minuto pa ang lumipas, handa na ang pagkain sa lamesa at lahat kami ay handa na ring kumain ng hapunan.