Kinabukasan ay maaga kaming nagsimulang maglakbay. Sumasakit na ang pwet ko dahil lagi na lang akong nakaupo sa likod ni Nahali. Hindi rin kasi p'wedeng lumipad si Nahali rito sa loob ng kagubatan, dahil kapag ibinuka niya ang mga pakpak niya, paniguradong magkakandasabit-sabit lang ang mga 'yon. "Ayos lang ba sa iyong maglakad, Itinakdang Prinsipe? " Halatang nag-aalala si Nahali. "Kayo na rin ang nagsabing masasanay rin ako sa mga mahahabang paglalakbay. Ba't hindi ko pa umpisahan ngayon?" sagot ko habang pinagmamasdan ang kumikinang na ilog, "P'wede bang maghilamos sa ilog?" Nauna si Kush na lumilipad papunta sa ilog. Sumunod naman ako at nasa likuran ko naman si Nahali. Ang ganda talaga rito. Sariwang hangin na lalanghapin mo talaga dahil walang halong usok na galing sa mga sasakyan. Puro puno ang makikita at hindi mga nagtataasang building. Dumungaw ako sa ilog at sa sobrang linaw nito ay nakita ko ang mukha ko. Ilang minuto rin akong nakatulala sa repleksyon ko sa ilog. Napansin yata nina Kush at Nahali ang pananahimik ko. "Anong problema, Mahal na Prinsipe?" nagtatakang tanong ni Nahali at tiningnan pa ang ilog na kanina ko pa tinitingnan. "Ako at ang tunay na prinsipe ninyo ay magkamukha." Oo... Magkamukha kami. Para kaming kambal. Pinagbiyak na bunga. "Talaga po?" gulat na tanong ni Nahali. Tipid lang akong tumango. "Nakapagtataka..." Narinig kong sabi ni Kush. Kahit ako ay ganoon din ang nararamdaman. Paanong naging magkamukha kami? "Baka ikaw talaga ang tunay na Prinsipe Adriel." Nilingon ko si Nahala dahil sa sinabi niya, "Anong ibig mong sabihin?" "Na kayong dalawa ay iisa lang." Ilang sandali pa kaming natahimik dahil sa sinabing iyon ni Nahali. Pinutol ni Kush ang nakakabibinging katahimikan. "Siguro nga ganoon pero ang tanong ay kung paano nangyari iyon? Saka na natin iyan bibigyang kasagutan. Ang mahalaga sa ngayon ay ang makarating kaagad tayo sa palasyo." Nagsimula ulit kaming maglakad. "Saan ba papunta ang ilog na ito?" kuryuso kong tanong habang nakatingin sa kumikinang na tubig ng ilog. "Sa Dagat ng Siwa," sabay pa nilang sagot. "Dagat ng Siwa?" Nilingon ko sila habang naghihintay sa sagot nila. Mas mabuti na itong nagtatanong ako habang naglalakad kami. Una, para hindi ko maramdaman ang pagod at pangalawa, para mas marami pa akong malaman tungkol sa mundo ng Azaram. "Ito ang pinakamalaking dagat sa buong Imperyo ng Arbus. Pangalawang pinakamalaki naman ito sa buong mundo ng Azaram," paliwanag ni Kush. "May limang anyong dagat ang Imperyo ng Arbus. Pero ang Dagat ng Siwa ang pinakatanyag dahil dito nakatira si Haring Oragum— ang hari ng Kaharian ng Zibe na parte ng Imperyo ng Higus." Natigilan ako, "Higus? Kung saan galing si Prinsesa Arashi?" Sabay silang tumango. Ibig sabihin, kalaban sila. Inalis ko na muna si Prinsesa Arashi sa isipan ko. Kakaiba talaga ang nararamdaman ko sa t'wing naiisip ang pangalan niya. "Paano naman naging sikat si Oragum?" tanong ko ulit. "A-Anong sikat, Mahal na Prinsipe?" balik na tanong sa akin ni Nahali. "Yung sabi ninyong tanyag." Napatango-tango naman sila sa sinabi ko. Mukha yatang mga kamag-anak ito ni Jose Rizal. Mga makalumang tao na may makalumang lenggwahe. "Pambihira talaga iyang salita ninyo!" reklamo naman ni Kush. "Oo tanyag siya dahil bukod sa tubig ang kapangyariha nila, may kambal siyang kalikos na siyang hari ng buong Dagat ng Siwa." "Anong kalikos?" nagtataka kong tanong. "Mga nilalang na kalahating argo, kalahating isda. Kalikos ang mga lalake at kalikas ang mga babae." "Sireno?" "Kung iyan ang tawag ninyong mga tao sa kanila," sabi pa ni Kush, "Si-Sireno." "Paano sila naging kambal kung gayong hindi naman pala sila parehas na kalikos?" "Isinumpa sila noong ipinagbubuntis pa lamang sila ng ina nila," sagot ni Nahali. "Bakit naman? At sino naman ang may malaking galit sa kanila para umabot sa gano'n?" Hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala sa mga nangyayari. Tapos totoo pala talaga ang mga sireno? Ano kayang hitsura nila? "Ayon sa mga sabi-sabi, masamang nilalang daw ang mga magulang nina Haring Oragum at ang kapatid nitong hari ng Dagat ng Siwa—si Haring Orzum. Kaya maraming galit sa kanila. Hindi na rin nagtaka pa ang karamihan kung bakit isinumpa ang mga anak nila." Napatango-tango ako sa narinig. Hindi pala biro kung isusumpa ka, lalo na kung sa mundong ito. "Bawal bang pumasok sa isang imperyong hindi mo kinabibilangan?" tanong ko. "Hindi naman..." sagot ni Kush. "Ahh, ganoon ba?" "Hindi ka nga lang makakalabas ng buhay." Muntik na akong madapa sa idinagdag ni Kush. Ibig sabihin, pahirapan pala talaga. Paano ko maibabalik sa ayos ang lahat kung ganito kahirap? Natigilan ako nang may marinig na ingay. Kaagad na natuon ang atensyon ko sa ilog. Para 'atang bumilis ang alon doon. Pero naging payapa naman kaagad. Isda lang siguro. "Anong problema, Mahal na Prinsipe?" nagtatakang tanong ni Nahali na sinundan pa ang direksyon ng tinitingnan ko. "Isda lang siguro," sagot ko naman at nagsimula ng maglakad ulit. Natigil ulit ako sa paglalakad nang marinig na parang may umahon galing sa ilog. Kaagad ko iyong nilingon at may nakita nga akong bakas ng tubig sa lupa. "Parang hindi yata isda, Mahal na Prinsipe," mahinang sabi ni Kush na ngayon ay nakatingin na rin sa lupang tinitingnan ko. "Parang hindi naman gumagalaw ang bakas ng tubig..." dagdag pa ni Nahali. Oo nga. Nasa iisang pwesto lang ang bakas ng tubig. Humakbang ako papalapit nang may biglang nagsalita. "H'wag kang lalapit!" Awtomatikong naitaas ko ang mga kamay ko para sabihing hindi ako lalaban. Boses babae! "A-Anong gi-ginagawa ninyo, Mahal na Prinsipe?" nagtatakang tanong ni Kush habang nakakunot ang noong nakatingin sa akin. "Ahmm... ganito kasi ang ginagawa sa mundo ng mga tao para sabihing hindi kami lalaban," pagpapaliwanag ko. Napatango-tango naman si Kush at itinaas din ang mga kamay kagaya nang sa akin. Mababaliw na ako rito! "Hindi kami lalaban!" sabi ni Nahali, "Ipakita mo ang iyong sarili at magbigay galang sa Itinakdang Prinsipe!" "Itinakda?" Narinig kong sabi ng boses. "Ganoon nga! Siya ang tinutukoy ni Inang Likha na magbabalik ng kaayusan sa mundo ng Azaram!" dagdag pa ni Kush. Pero nagulat na lang ako nang biglang lumitaw sa harapan namin ang isang babaeng may buntot ng isda! Oo, sirena! Parang kanina lang pinag-uusapan pa namin sila. Hindi ganito ang nakikita ko sa mga palabas. Ang balat niya ay literal na tubig. Para siya iyong si Bendita sa palabas na Agua Bendita. Kaya hindi kita ang dibdib, buhok, at mukha niya. Ang buntot niya naman ay kulay itim at ang kaliskis nito ay parang pilak at kumiminang. Kaagad siyang yumuko at binati ako, "Isang karangalan ang makita sa personal ang Itinakdang Prinsipe!" Natuon ang mga mata ko sa likod niyang may pana, "May... may sugat ka!" Hindi na ako nagdalawang isip na lapitan siya. Pero kaagad akong pinigilan nina Kush at Nahali. "Saang imperyo ka nagmula?" tanong ni Kush. "Sa Imperyo ng Higus..." Kaagad na pinalaki ni Kush ang sarili niya at handa ng labanan ang sirena. "Sandali!" pigil ko kay Kush. "Ngunit, Mahal na Prinsipe, isa siyang kalaban!" sabi pa ni Nahali na nakaharang na sa harapan ko. "Kung isa siyang kalaban, hindi niya sasabihing taga-Higus siya." Kapwa napalingon si Kush at Nahali sa akin. Nilapitan ko naman kaagad ang sirena. "Kailangan nating tanggalin ang pana sa likod mo." "Sandali lamang..." sagot niya at ilang segundo lang ay nag-anyong tao siya. Kaagad naman akong napaiwas ng tingin nang makitang walang saplot ang babae. Pati sina Nahali at Kush ay napaiwas na rin ng tingin. "Bi-Bigyan ninyo ng damit..." mahina kong sabi. Pero nanlaki ang mga mata ko nang sumuka siya. Tubig na kulay asul. "Pasensya na po... Mahal na Itinakdang Prinsipe..." sabi pa ng babae. Kaagad na pumwesto si Kush sa likod ng babae at walang sabi-sabing tinanggal ang pana. Napangiwi ako dahil tumalsik ang maraming tubig na kulay asul. "May lason ang pana!" Bigla na lang may nagsidatingan na mga kabayo. May sakay na mga tao, o kung tao ba sila. Ang iba sa kanila ay may bitbit na pana at sibat. "Mabuti na lang at nakiya ninyo siya, Kush!" sabi ng isang nasa pinakagitna. "Paslangin na iyan!" Sabay-sabay nilang itinaas ang mga bitbit nilang armas. Hindi ako nag-alinlangan na humarang. "Sino ka sa inaakala mo!" sigaw ng ilan sa kanila. Humarang naman si Nahali sa harapan ko, "Magbigay galang sa Itinakdang Prinsipe!" Sabay-sabay na nanlaki ang mga mata nila at sabay-sabay ring yumuko saka ako binati, "Isang karangalan, Mahal na Itinakdang Prinsipe!" "Dalhin ninyo sa palasyo ang kalikas at gamutin!" utos ko. Pero sa totoo lang kanina pa nanginginig ang mga tuhod ko. Ikaw ba naman makakita ng mga kawal na handa ng makipaglaban! "Ngunit, isa siyang kalaban, Mahal na Prinsipe!" Muli nilang itinaas ang mga dalang armas. Hindi ito ang panahon para maging duwag ako. Nandito na ako at wala ng atrasan pa ito. "Parang sinabi na rin natin na gusto natin ng digmaan." Natahimik sila sa sinabi ko. "Tinanggap ko ang responsibilidad bilang isang Itinakdang Prinsipe, kahit na naguguluhan pa ako sa lahat. Kaya naman, responsibilidad din ninyong sundin ako." Unti-unting ibinaba nila ang mga kamay nilang may hawak ng armas. "Nandito ako para ibalik sa kaayusan ang lahat, hindi para pumatay."