PALIBHASA ay tulog pa ang mga bisita sa bahay nina Bianca dahil sa jet lag, sinamantala niya ang pagkakataon para makaalis ng bahay nang walang pupuna sa kanya. Dala ang manok na pinaghirapang iluto kahapon ay nagpunta siya sa clinic ni Rusty.
Maaga pa nang makarating siya roon. Ang sekretarya pa lang nito ang nadatnan niyang naglilinis.
“Hello, Laura,” bati niya.
Ngumiti ito sa kanya. “Wala pa ho si Doc, eh.”
“Okay lang. Puwede naman akong maghintay.”
“Sa loob na lang ho kayo maghintay. Nakapaglinis na ako roon.”
“Thanks,” sabi ni Bianca at tumuloy na sa consultation room ng clinic. Inilapag niya sa mesa ang dalang pagkain. Tamang-tama iyon para sa tanghalian. Ayon sa kusinera nila, masarap pa rin iyon kahit hindi na mainit kapag inihain.
Hindi naman siya nainip sa paghihintay. Mayamaya lang ay narinig niya ang boses ni Rusty.
“May early bird ba tayo?” tanong nito kay Laura.
“May naghihintay po sa inyo sa loob.”
“Good.”
Good indeed, sa loob-loob niya. Isang matamis na ngiti ang ipinaskil ni Bianca sa mga labi at ipinako ang tingin sa pinto.
“Hi,” bati niya nang pumasok ito.
Daig pa nito ang natuklaw ng ahas nang makita siya. Nakaawang pa ang mga labi nito habang nakatingin sa kanya.
Nakairap na tumayo siya. “That’s offensive, Rusty. Sa hitsura mo, parang ayaw mo akong makita,” sumbat niya kahit malambing pa rin ang boses.
“You’re here again,” mahinang sabi nito pagkatapos. Lumipat ang tingin nito sa food container na nasa mesa. “May dala ka na namang pagkain. Nanliligaw ka pa rin?”
Nagkibit-balikat siya. “Hindi mo pa ako sinasagot, bakit ako titigil?” Kinuha niya ang porcelain dish. “Chicken hamonado for you, Rusty. Pinaghirapan kong lutuin para sa iyo.”
Tinitigan siya nito, pagkatapos ay banayad na umiling. “I don’t like this, Bianca.”
Kumunot ang noo niya. “What do you mean? Ayaw mo ng manok? Wala itong bird flu, I assure you.”
“It’s not that. Bianca, hindi mo kailangang gawin ito. Hindi ka dapat nanliligaw. Babae kang tao.”
Tumaas ang isang kilay niya. “I don’t care. Ginagawa ko ito dahil gusto ko at dahil may misyon ako. I want to win you, Rusty. I’m very much attracted to you. And in fact, I have a strong feeling that I’m already in love with you.”
Huminga ito nang malalim. “Please stop.”
“Stop what? Liking you? Loving you?”
“Bianca,” parang mauubusan ng sasabihin na sambit nito. “I liked it when we started seeing each other. I mean, nang magsimula kang pumunta sa clinic ko. Ni minsan ay hindi ako nag-isip ng anumang motibo mo maliban sa pakikipagkaibigan. After all, we were classmates in high school. Pero ibang usapan na ito. Nililigawan mo ako. And I still can’t fully comprehend that.”
Naningkit ang mga mata ni Bianca. “Nakakapikon ka na, Rustico Madlang-awa! Isang tanong, isang sagot. Gusto mo rin ba ako o hindi?”
Iling ang itinugon nito.
Kulang na lang ay umusok ang ilong ni Bianca sa sobrang pagkapikon. Inisang-hakbang niya ang pagitan nila at kinabig ito sa batok, saka siniil ng halik sa mga labi.
Alam niyang nagulat si Rusty. Pero sandali lang iyon. Mayamaya ay naramdaman niyang ito na ang nagmamanipula ng halik na pinagsasaluhan nila. Nagpaubaya siya, ninamnam ang bawat galaw ng mga labi nito, ang bawat pagsasaliksik ng dila nito sa loob ng kanyang bibig.
Nahahati ang emosyon niya sa pagkapikon at sa unti-unting pag-alab ng halik na namamagitan sa kanila. Nang subukan nitong palalimin pa nang husto ang halik ay mabilis siyang bumitaw rito at umatras.
“Ang hirap sa iyo, Rustico, ayaw mo pang umamin. May gusto ka rin naman sa akin, nagpapakipot ka pa!”
“Bianca...” anitong parang hindi malaman ang sasabihin.
Inirapan niya ito, saka nagmartsa palabas ng silid na iyon.
DAMANG-DAMA ni Bianca ang pagkasira ng kanyang araw. Inisip niyang bisitahin na lang ang mga negosyo niya pero kabisado rin naman niya ang sarili na kapag naunahan na ng inis ang araw niya, madali siyang mairita. Kawawa naman ang mga tauhan niya kung mapagbubuntunan niya ng inis.
Nagdesisyon siyang umuwi na lang sa bahay. Malapit na siya sa kanila nang maisip na malamang ay mainis din siya roon. Hindi niya gusto ang presensiya ni Phil. Napepreskuhan siya rito.
Pero parang wala na rin siyang choice. Magkukulong na lang siguro siya sa kuwarto para makaiwas kay Phil.
Natuwa si Bianca nang malamang tulog pa rin ang kanilang mga bisita maliban kay Tita Marissa na katuwang ang mama niya sa paghahanda ng almusal.
“Hija, ang aga mo naman yatang umalis?” puna nito.
“May pinuntahan lang ako, Tita.”
“Kausap ko ang travel agent kani-kanina lang. Kinumpirma ko ang reservation para sa pag-alis bukas. Sumama ka na, Bianca. Ikaw lang ang maiiwan dito. Mas gusto mo bang mag-Pasko at bagong taon na ang mga katulong lang ang kasama sa bahay?” tanong ng mama niya.
Not a bad idea, sa loob-loob niya. “Saan ba unang pupunta?”
“Sa Palawan,” sagot ng tita niya. “Gustung-gusto ng mga bata na makarating sa El Nido. Marami kasi silang mga kaibigan sa States na nakapagbakasyon na roon. Tinutukso nga sila. Naturingan daw silang may dugong Pinoy pero hindi pa sila nakakapunta roon.”
“Sige, sasama na ako.”
“Good. Matutuwa si Phil,” may panunukso pang sabi ni Tita Marissa.
Nagkibit-balikat lang siya.