CHAPTER VIII
FRIDA
Iyong gabing iyon, hindi mapigilan ang mga daliri ni Frida na mag-type sa kaniyang laptop. Pilit hinahabol ng kaniyang mga daliri ang mga bulusok ng mga ideya sa kaniyang isip. Lahat ng ito’y galing sa natuklasan niyang eksena kanina. Sina Dean at Gio. May mga eksena na kaagad siyang gustong ilagay, kaya isinulat din niya ito sa katabing notebook.
Inasahan na niya rin ito na pagpagpunta niya rito sa Isla Anima, mayroon at mayroon siyang kwento na makukuha at maiuuwi. At nagtagumpay siya. Habang tina-type niya ang naiisip na storyline, hindi niya maiwasan ang mga pagkakataong pinagsaluhan niya kasama si Gio at Dean. Ibang klase lang din talaga ‘yung koneksyon na nabuo niya sa kanilang dalawa.
O baka naman kasi dahil mag-isa siya ngayon, o dahil baka naman ganoon siya sa lahat ng taong nakikilala. Ngunit ang totoo, sa labas ng Isla Anima, ang karaniwang araw ni Frida ay ang mga taong nagbubulungan sa kaniyang paligid. Sa tuwing nasa pampublikong lugar siya, lagi na lang siyang makakarinig ng mga hindi magagandang salita dahil sa itsura niya.
Ito rin ang dahilan kung bakit madalang ang mga taong lumalapit o nakikipagkaibigan sa kaniya. ‘Di niya alam kung nai-intimidate lang ang mga ito o dahil hinuhusgahan na siya agad.
Pagkatapos niyang maisulat ang limang pahina ng storyline, napagtanto niyang masyadong mahaba ito. Ano na lang ang sasabihin ng mga makakabasa at mga kritiko? Dahil sa tanong na iyon, nagsimula na namang bumaha ng mga alaala at mga masasakit na salita galing sa writing community.
Naalala niya ang isang writing workshop na kaniyang dinaluhan. Nakasalang na iki-critic ang kaniyang isang sanaysay mula sa kaniyang koleksyon ng mga sanaysay.
“Very self-absorbed ang pagkakasulat.”
“Walang sense ng outside world.”
“Parang detached siya sa reyalidad.”
“It’s reeking of privilege, halos nakakasuka na.”
“Reading this is a waste of time. I feel like I am inserted into a world of narcissistic and ambitious girl.”
“Social issues were used, hindi para mapalalim ang usapan. Ginamit lang siyang palamuti.”
“Frida, I think dapat hindi mo na ‘to isinulat. Nag-stick ka na lang sana sa nobela mo. Enough na ‘yun. Dinudungisan mo lang ang pangalan mo,”
Ilan lang ‘yan sa mga sinabi sa kaniya. Magaan pa nga ‘yan kung tutuusin dahil nakaharap siya nang sinabi sa kaniya. Mas mabibigat ‘yung mga indirect posts, review-kuno, patutsada sa kaniya ng mga kapwa niya manunulat.
Ang problema kay Frida, hindi niya ito pinapalampas. Kahit sabihin sa kaniya ng ilang kaibigan na ‘wag na lang basahin ang mga masasakit na comments ay mas lalo lang siyang naaakit na basahin.
Sa loob-loob niya, she may have made some mistakes in the past, but she’s trying to earn back the respect the community gave her. Kung maibabalik niya lang ang panahon na pinapalakpakan at inirerespeto siya dahil progresibo niyang nobela na Colorless, ginawa na niya.
Tungkol kasi ito sa isang dystopian society na walang konsepto ng gender, basta lahat sila, pantay-pantay at tao. Malaya kung sino ang iibigin. Progresibo at may talim ang komentaryo sa kasalukuyang lipunan.
Kung tutuusin, hindi naman siya talaga totally ‘cancelledt’, dahil talagang nag-iingat si Frida sa mga binibitiwan niyang opinyon. Ang sinasabi lang talaga nila ay minsan ay self-absorbed at privileged ang mga opinyon niya kaya maraming bumabatikos sa kaniya
Pero sinusubukan naman niyang matuto, at natuto na siya. Sa dami lang ng mga boses sa paligid niya, isa lang naman ang pinakaiingatan niya na hindi mawala; ang kaniyang boses.
Kinabukasan, nagising na lang siya na may letter na ibinigay sa kaniyang guide. Laman nito ang imbitasyon sa mga nasa Isla Anima na mag-breakfast nang libre sa bar at dahil may mga announcement ng mga magiging activities na maaaring daluhan ng mga bisita sa isla. Biyernes na. Ilang araw na lang bago ang Linggo. Susulitin na niya ang mga natitirang araw at sana mas marami pa siyang mga bagay na maranasan at matutunan.
Mas na-appreciate niya ang bar ng umaga. Mas maaliwalas. Nakaayos ang mga upuan, bukas na bukas ang paligid kaya natatanaw ang papasikat na araw at asul na asul na langit at tubig. Dumarami na ang mga tao. Siguro’y hindi bababa sa dalawampu. Marami na ito kung ikukumpara noong mga nakaraang araw. May mga bagong dating siguro.
Natanaw niya sa ‘di kalayuan sina Dean at Gio na masayang nagkukulitan. Napangiti si Frida. Maya-maya ay nilapitan niya ito.
Pagkalapit niya sa dalawang binata nag-iba bigla ang ekspresyon ng mga ito. May halong pagkailang, pagkagulat at pagkasabik nang makita si Frida. Sa isip ni Frida, napag-usapan na siguro nila ‘yung tungkol sa pagtakbo bigla ni Gio nang makita silang dalawang magkasama ni Dean.
“Hey,” bati ni Frida sa dalawa.
“Hi,” masiglang bati ni Dean. “I was just telling him na bagay sa kaniya ‘yung pagka-tan ng balat niya.”
Saka pa lang napansin ni Frida ang pagbabago sa kulay ng balat ni Gio. He got darker and bagay nga sa kaniya. “Oh my god, I just noticed! Yes, bagay nga sa ‘yo Gio!”
Nahiya naman si Gio sa mga papuri ng dalawa, “Thank you,”
Umupo silang tatlo na magkakatabi sa isang table habang may nagseset-up ng sound system sa gawing harap ng bar.
“So, kumusta kayo?”
Nagkatinginan si Gio at Dean na tila naalala ang mga pangyayari kagabi.
“We’re ok,” sabi bigla ni Dean. “I mean, I’m ok. Ikaw ba?”
“I’m great. Last day ko na pala sa Sunday so I’m gonna make sure na susulitin ko na mga natitira kong araw.”
“Sabay-sabay pala tayo, e,” sabi ni Gio. “Sunday na rin ang huli kong araw dito sa Isla Anima.”
“Same,” sabi ni Dean at pagkatapos nito ay nagprisinta na siyang kumuha ng maiinom para sa kanilang tatlo. Natawa pa sila na they all want green tea.
Naiwan sina Frida at Gio sa table nang makaalis na si Dean.
“Sorry pala, Frida,” sabi bigla ni Gio.
Saka naalala ni Frida ang tinutukoy ni Gio. Iyong kaniyang pagtakbo bigla. Napahawak siya sa palad ni Gio na nasa ibabaw ng mesa para i-assure ito. “Uy, no, no, no. Gio, that’s ok! Ang mahalaga naman magkakasama na tayo ulit, ‘di ba?”
Napatingin si Gio sa kamay ni Frida. Ilang saglit ay nailang siya. Hiniling ni Gio na sana matagal pa si Dean sa pagkuha ng drinks dahil gusto muna niyang masarili si Frida.
Naalala niya ang mga ngiti at tawa nito noong kasama niya si Dean at ‘yung boquet ng rosas, sana siya na lang ang kasama niya noong mga oras na ‘yon. Naisip niya tuloy bigla kung napatawa ba niya nang gano’n si Frida?
Pakiramdam niya tuloy na nakikipag-kompetensya siya kay Dean pagdating kay Frida. Tama ba? Nakwento kaya ni Frida kay Dean ‘yung pagmo-moment nito sa liblib na parte ng isla? Siguro, si Gio lang ang nakakita no’n and having that moment in his mind, pakiramdam niya mas nakilala niya si Frida.
Nang mapansin ng dalawa na medyo matagal si Dean, tinanaw nila ito sa kanilang pagkakaupo. Mukhang may tinitignan pa ito sa bar at kausap ang manager. Ilang saglit ay may dalawang lalaki na lumapit kay Dean upang magpa-picture dito.
Nagkatinginan si Frida at Gio sa pag-aalala kay Dean. Alam nitong kahit anong sandali ay pwede ma-trigger ang mga alala ng kanilang kaibigan.
Pero nakahinga sila nang maluwag nang kalmadong pinagbigyan ni Dean na magpa-picture ang dalawang lalaki sa kaniya. Inakbayan pa nga niya ang mga ‘to. Dean has always been nice to his fans at nakita iyon ni Frida at Gio.
“Yes naman,” bati ni Gio pagbalik ni Dean sa table nila. “Mukhang nakakahiya ka na po tabihan, a?
“Baliw,” saka inabot ni Dean ang mga tasa ng tsaa sa dalawa.
“Kala namin pagkakaguluhan ka na, e,” biro ni Frida.
“Tss, hindi, ah. May nakakilala lang. Hindi ko naman sila pwedeng snob-in,”
Habang iniinom nila ang kanilang mga tsaa nag-announce na ang manager na magkakaroon ng mga bonfire sa beach bukas ng gabi at lahat ay imbitado na pumunta if they want to have an intimate moment sa mga kasama nila sa Isla Anima. Magkakaroon din daw ng party sa bar ng midnight na pwede nilang puntahan after ng bonfire. Madalang lang daw ito mangyari kaya encouraged ang lahat na pumunta. Nakwento rin ng manager na hindi lang naman sila ang nasa Isla, may community at tribe din na nasa gitna ng kakahuyan bago makaakyat ng talampas.
Sabik na sabik si Frida sa mga sinabi ng manager. Gusto niyang masubukan lahat.
“We should go, guys. Bonfire at party after. Please, please, please,” sabi niya sa dalawa.
Parang naghihintay lang din ang dalawang binata sa aya ng isa’t isa dahil gusto rin naman nilang masubukan ang mga ito. Buti na lang nag-initiate si Frida, dahil walang pagda-dalawang isip na papayag si Gio at Dean.
“May naisip ako,” sabi ni Gio habang nakangiti nang makahulugan sa sabik na mga mukha ni Dean at Frida. “Puntahan natin ‘yung talampas. Gusto kong makita ‘yung buong isla mula doon. Ganda siguro ng view. Ano, game?”
“Medyo takot ako sa heights, pero--” sabi ni Dean, medyo nagdadalawang-isip
“What? You’ve got to be kidding me?”
“Hindi ka namin pababayaan ni Frida. ‘Wag kang mag-aalala,” paninigurado ni Gio kay Dean. “‘Di ba, Frida?”
Naningkit ang mga mata ni Frida na parang may binabalak na gawin. Tinignan nito si Gio nang makahulugan, “Hmmmmm,” sa pabirong tono.
“Hoy, sige, bahala kayo. ‘Di na ‘ko sasama,” nagtatampo kunwari si Dean kahit alam naman niya sa sarili niyang sasama siya sa dalawa dahil ngayon lang siya naging komportable at at home sa piling ng dalawang tao.
“Joke lang, ito naman,” sabi ni Gio.
“At saka kahit anong gawin mo, hindi kami papayag ni Gio na hindi ka namin kasama. Sukdulang kaladkarin ka namin paakyat!”
Saka nagtawanan ang tatlo. Kumain na sila ng breakfast at napagkasunduan na bago na maghahanda sila ng mga gamit para sa kanilang gagawing hiking. Napag-usapan nila na magkikita-kita muli sa bar bago ang tanghalian para sabay na magpunta sa lugar na iyon.
Sabik na sabik ang tatlo. Habang nag-iimpake sila sa villa, hindi man nila aminin sa kanilang mga sarili, gusto na nilang bumilis ang oras.
Handa na ang gamit ni Frida para sa kanilang ‘adventure’ kaya nag-browse muna siya sa kaniyang cellphone ng mga litrato. Hindi niya maiwasang matukso na buksan ang internet connection para matignan na ang mga nangyayari sa kaniyang social media pero kahit naman buksan niya ay wala rin namang signal doon.
Nakita niya ang litrato nina Dean at Gio sa dalampasigan kagabi. Napangiti si Frida. Parang agad-agad ay gusto niyang i-print ang mga ‘to at ipa-frame. These two people hold a special place in her heart. Naalala pa niya ‘yung unang beses na makilala niya si Gio, na apparently napanood na pala niya sa isang commercial. And the connection they have made with each other kahit parang magkaiba ang kanilang kasalukuyang endgoal. Siya na trying to find her way back sa ‘spotlight’ at si Gio naman na isinusuko na ang mga pangarap at inihahanda na ang sarili sa panibagong landas.
Aksidente man ang pagkakakilala nila ni Dean, thankful siya na nangyari ‘to. Hindi man ito ang pinaka-ideal na pagkakataon para magkakilala, they had their moment naman.
Nakakatuwa lang din isipin na dati lang silang parehong napanood at napapanood sa telebisyon, pero ngayon kilala na niya at hindi lang iyon, nabigyan din nila ng pagkakataon ang isa’t isa na makilala ang mga sarili sa kabila ng halos magkakaibang mundong kanilang ginagalawan.
Pagkalabas ni Frida sa villa natanaw niya agad sa ‘di kalayuan si Gio, mukhang may binibili sa souvenir shop. Nilapitan niya ‘to.
“Hey,” bati ni Frida.
Nagulat si Gio sa biglang paglitaw ni Frida dahil may sorpresa sana siya sa kanila ni Dean.
“Nakita mo na tuloy ako,” sabi ni Gio, saka nito inabot sa supot ng kaniyang pinamili sa souvenir shop ang isang baseball cap na may label na “I AM”. Sa ibaba ng label ay may maliit na rainbow flag.
“Awww, this is really nice, Gio. Thank you!” sabi ni Frida
“Naisip ko kasi maghihiwalay na tayo sa Linggo. So, I bought something, para naman hindi natin makalimutan ang isa’t isa.”
Saka isinuot nilang ang matching baseball cap. “I didn’t know you’re this sweet,”
“Thank you,” sabi ni Gio. Kinwento rin niya kay Frida ang mga pasalubng na binili niya para kay Geraldine na isang t-shirt at bracelet naman para sa kaniyang ina, kahit hindi pa niya ito maibibigay agad.
Pagdating nila sa bar, kararating lang din ni Dean. Napasinghap silang dalawa. Dean was wearing tank top and sweat pants. Sa edges ng kaniyang damit, bakat ang kaniyang well-toned physique.
“Right on time,” bati ni Dean sa dalawa. “So, ano ‘to may matching cap na kayo?”
“Actually, ikaw rin mayroon,” sabi ni Gio. Saka nito inabot ang baseball cap saka tinangkang isuot sa ulo ni Dean pero hinawakan kaagad nito ang braso ni Gio.
“Ako na. Hindi mo abot,”
“Grabe! Abot ko kaya. Yabang nito!”
Tumawa lang si Dean at Frida while making fun of Gio’s height.
“Baka nakakalimutan niyo na ako ang pinakamatanda sa ating tatlo,” sa pabirong tono ni Gio.
“Oo na. Pero ikaw pa rin ang little boy namin. Lika na dito, baby boy,” pang-aasar ni Frida.
“Come to daddy na, baby boy,” sabi bigla ni Dean.
“Hoy!” Namumula na si Gio. Anong come to daddy ka dyan, isip ni Gio.
They were having fun habang papalayo na sila sa bar at papunta na sila sa dulong parte ng isla.
Inilarawang-diwa ni Frida ang sarili na nakatayo siya sa malayo habang pinagmamasdan ang tatlong nilalang na. Hanggang saan nga ba sila dadalhin ng pagkakataong ito? Will it last? Dapat bang magtagal? Pag-alis kaya nila sa isla ganito pa rin sila? Baka hindi, kasi babalik na muli sila sa kani-kanilang mundo, sa kani-kanilang mga tao, at sa pagtagal ng panahon, matamis na alaala na lamang ang lahat ng nangyari sa Isla Anima.
She noticed something. Lahat sila pare-parehong may suot na baseball cap na may ‘I AM’. Bakit nga ba ‘I AM’, o baka dahil wala nang ibang design sa souvenir shop. Lahat sila may rainbow o pride flag. Pati si Gio. Out naman na sina Frida at Dean sa kanilang tatlo at sa mga mundo nila sa labas ng Isla Anima. Si Gio na lang ang hindi pa nakakapagbigay ng malinaw na sagot.
Ang alam lang ni Frida ay nagka-boyfriend na si Gio noong college, at pagkatapos noon ay hindi na nasundan dahil pinigilan nito ang kaniyang mga nararamdaman. Isa rin ay dahil sa pagpokus nito sa pagbuo ng ‘malinis’ na imahe para sa magiging career sana nito sa show business.
Tinanong ni Frida ang sarili kung alam na rin kaya ‘to ni Dean? Ang totoong pagkato ni Gio? Siguro. Besides, una silang nagkakilala. Ano ng a kaya ‘yug nangyari noong audition. Naalala niya si Gio na kilig na kilig itong ikinekwento sa kaniya. ‘Di pa nga niya inamin na si Dean pala ‘to.
“So, Gio,” sabi ni Frida. Saka tinignan ni Frida ang suot nitong baseball cap. Nakatingin siya sa pride flag na nakaburda.
Napangiti si Gio, alam na niya ang ibig sabihin ni Frida. Naglalakad silang tatlo ngayon na magkakaakbay sa dalampasigan. Nasa gitna si Gio dahil siya ang pinakamaliit. Si Dean ang nakalapit sa mga alon, at si Frida naman sa kabilang gilid ni Gio.
Napabuntong-hininga si Gio. Handa naman niyang sagutin ang tanong na iyon ni Frida. Komportable naman siya sa piling ng dalawa. Pakiramdam naman niya wala naman siyang dapat itago, o ihold-back sa tuwing kasama niya si Frida man o Dean.
“Uhm,” simula ni Gio. Niyayapos sila ng hangin sa dagat. Saksi ang mga alon sa mga susunod na pangyayari at konbersasyon ng tatlo. Tahimik ang lugar. Sa puntong ito ng isla, sila na lang tatlo ang tauhan sa mundong kanilang bubuuin.
“Wala naman akong dapat itago sa inyo. Saka halos kilala niyo na rin naman na ako. Kung bakit ako nandito, ‘yung mga bagay na pinaghuhugutan ko.
“Sa totoo lang, nakatulong na nakilala ko kayo sa pagtuklas ko sa sarili ko.” saka niya binigyan ng ngiti ang dalawa. Nagkaroon ng mahabang katahimikan.
“Siguro hindi ako, gay,” napatingin si Dean kay Gio. Bigla siyang napatanong sa sarili kung may kasagutan na nga ba siya sa sarili niyang tanong tungkol sa knaiyang tunay na identidad. “Agh, dapat alam ko na ‘to, e. Mag-25 na ako sa Linggo, o!”
Nag-liwanag ang mukha nina Dean at Frida sa sinabi ni Gio. Mas nasabik sila na sa darating na kaarawan ni Gio.
“So, saan mo kami it-treat? Dapat mag-celebrate tayo, ha?” sabik na sabi ni Frida.
“Kaya nga! That’s our last day here, tapos birthday mo pa. Yaan mo gagawin nating memorable ‘yan!” dagdag ni Dean.
Napangiti si Gio. Saka niya itinuloy ang sinasabi. “Parang, all this time mali pala ako ng itinatago sa sarili ko. Ewan ko kung kailan ko narealize na I may be bisexual.” saka siya napatingin kay Frida. Sa likod ng kaniyang isip, alam niyang si Frida ang isa sa dahilan kung bakit sa tingin niya ay bisexual siya. Pero hindi pa siya handang aminin. Hindi muna ngayon.
“You know, it’s alright. Gender is fluid. Pwede siyang mabago,” sabi ni Frida.
Is it really possible, tanong ni Dean sa sarili. Mataman siyang nakikinig sa mga sinasabi ni Frida tungkol sa s****l Orientation, Gender Identity and Gender Expression. All this time na akala niya na homosexual/gay siya. Pwede rin kaya siyang maging katulad ni Gio o ni Frida na bisexual. O bakit kay Frida niya lang ito nararamdaman? Bakit hindi sa ibang babae?
“There’s also pansexual, na kung saan nai-inlove ka sa isang tao regardless of the sexuality but more on their personality or them as a person,” sabi ni Frida.
“But, is it possible na it keeps on changing,” seryosong tanong ni Dean. Tinignan ito ng dalawa. Somehow, they got a hint from Dean. Maybe they know what he’s saying. Maaaring nababasa nina Gio at Frida ang iniisip ni Dean. Na katulad ni Gio, nagsisimula na ring kwestiyunin ni Dean ang matagal nang pinaniniwalaan tungkol sa sarili niya.
“Yes, they call themselves Gender Fluid or Fluid in short. Those are the people whose gender identity is not fixed. There are days na feel nila they are ‘more’ male or ‘more’ female,” sagot ni Frida.
Tumango si Dean. Siguro nakuha na niya ang kaniyang sagot.
“SOGIE is a bit complex topic to be honest. But, you know what, when people start to realize na it’s important in a sense na these truths ay nagagamit ng ibang tao to discriminate people especially us from the l***q+ community, they will have more empathy and respect. Our community has suffered so much in the past. Lahat na ng uri ng paniniil, violation ng human rights, ni simpleng pag-exist nga lang kinamumuhian na ng mga tao dati, e. Lahat ‘yan naranasan na ng mga ancestors natin.” Napabuntong-hininga na lang si Frida.
Ilang saglit ng katahimikan. Nagdesisyon muna silang huminto saglit upang umupo at uminom ng tubig. Natatanaw na nila sa ‘di-kalayuan ang papasok sa kakahuyan at papaakyat ng talampas. Siguro dalawang oras bago lumubog ang araw nasa taas na sila.
“So, ikaw pala Dean ‘yung kinekwento sa akin ni Gio na na-meet niya sa audition na cr--” hindi naituloy ni Frida ang sasabihin dahil tinakpan ni Gio ang bibig nito.
“Frida, ano ba sa ‘tin lang ‘yun!” depensa ni Gio.
“No need, Gio. Alam ko na.” Saka binigyan ni Dean ito ng makahulugang ngiti. “Ikaw, ha?”
Tinitigan ni Gio si Frida at nilakihan ng mata.
“Sorry,” sabi ni Frida habang naka-peace sign. “Aksidente lang ang lahat,”
Namulang bigla si Gio at gusto niyang biglang lumubog sa kaniyang pwesto.
Yumakap namna bigla si Dean dito na parang bata. “Crush mo pala ko, ha? Hmmmmm.”
Lalong namula si Gio. Inilayo niya ang mukha niya. Pinagtatawanan siya ni Frida. Binigyan niya ito ng humanda-ka-sa-’kin na ekspresyon.
“Kung ‘di ka sana biglang tumakbo noong nakita mo kami, edi, ‘di ko masasabi bigla ‘yun,” pang-aasar pa ni Frida.
“Arggghhh!”
Maya-maya biglang naging seryosong muli ang atmospera. Nang biglang mabanggit ni Gio ang lugar kung nasaan sila ngayon. Ito rin ‘yung lugar na pinuntahan ni Frida upang mapag-isa. Kung saan siya nakita ni Gio.
“I was angry, and confused, and frustrated. Halu-halo lahat. Hindi ko na rin alam. I feel like I need a tattoo after this,” pagkekwento ni Frida sa dalawa. Bago ito kay Dean kaya mataman siyang nakikinig sa panibagong nalaman.
“I’m happy you’re ok now,” banggit ni Dean. He meant it. People will always have this vulnerable side. At masaya si Dean na habang tumatagal lalo niyang nakikilala ang tunay na pagkatao ni Frida.
Muli silang naghanda. Masukal sa kakahuyan. Nagsuot sila ng mga sweater n may mahahabang manggas para ‘di masugatan ang kanilang balat.
Sinuong na nila ang tila gubat sa kapal ng mga damo, iba’t ibang klase ng mg puno, halaman at bulaklak. Buti na lang maliwanag dahil kung hindi mahihirapan silang pumasok. May trail naman na, ito na lang ang kanilang sinundan.
Sa ‘di-kalayuan may naririnig silang mga boses. Parang maraming tao. May mga kakatwa at kakaibang tunog silang naririnig. Ngunit hindi nila ito pinansin at itinuloy lang ang paglalakad. Inisip lang nila na baka may nauna sa kanila na mga bisita na nagha-hiking at papunta rin sa talampas.
Makaraan ang mga dalawang kilometro ng paglalakad, natanaw nila ang hindi inaasahan. Lalong lumakas ang mga tunog at mga boses. Paghawi nilang nga mga sanga at matataas na damo tumambad sa kanila ang isang komunidad.
May mga grupo ng mga bata at mga babae ang nagtatanghal ng isang pang-tribong sayaw. Ang mga kalalakihan nama’y nasa isang sulok upang magpatugtog ng mga handmade na instrumento. Lahat sila ay may kakaibang kasuotan na eksklusibo lamang sa kanilang tribo.
Sa ‘di-kalayuan ay may tatlong malalaking kubo. Iyon siguro ang kanilang tinitirhan. Tantyang ‘di bababa ng 50 katao ang nasa parteng iyon ng kagubatan. May mga nagluluto sa ‘di kalayuan, nag-uusap, may sumasalok ng tubog sa balon, at may nakikipagpalitan ng mga produkto at halamang gamot.
Lahat sila kung titignang mabuti ay masayang nabubuhay kasama ang isa’t isa,
Nagkatinginan sina Dean, Gio at Frida. Iiba na sana sila ng daan upang hindi makaabala sa mga aktibidad ng mga nasa tribo nang may biglang sumalubong sa kanilang lalaki. Nasa 50s na ang edad nito at malaki ang ngiting salubong sa tatlong ‘di inaasahang bisita. Siya ang pinuno ng tribo.
“Wala kayong dapat ikatakot! Maaari ninyo kaming bisitahin,” sabi nito sa kanilang tatlo. Sa una’y nagulat pa si Frida na nagta-Tagalog ito. “Ako si Santelmo, ang pinuno ng Tribo Taglo. Tuloy kayo.”
“Salamat po,” naiilang na sabi ni Frida. Sumunod na siya kay Santelmo at nasa likuran naman niya sina Dean at Gio.
Habang iginigiya sila papunta sa pinakamalaking kubo ni Santelmo unti-unting lumapit sa kanila ang mga miyembro ng Tribo Taglo.
Iisa ang mga inuusal nito, “Tuloy kayo,” saka binibigyan ng matatamis na ngiti ang mga bisita. Mapa-lalaki, babae, bata at matanda, iyon ang inuusal.
Ilang saglit ay napahinto si Frida sa paglalakad. May dalawang dalagang taga-tribo ang umabot ng kaniyang braso upang tignang mabuti ang mga tattoo niya. Buong mangha nila itong sinuri. Nagngitian sila saka ipinakita ng dalawang dalaga ang tattoo nila sa batok. Araw na may mga bituin sa paligid.
“Ang ganda,” sabi ni Frida. Ilang segundo rin syang nakatitig sa disenyo ng tattoo.
Ilang saglit pa’y may isang matandang babae naman ang lumapit kay Frida na parte rin ng tribo. Inabot nito ang mukha ni Frida, hinawakan sa pisngi na parang humahawak sa isang mamahalin at babasaging pigurin.
“Ang ganda-ganda mo, iha,” sambit ng matanda. Mataman din nitong tinitigan ang bawat piercing sa mukha ni Frida. “Marami kang mapapaibig, at iibigin mo rin sila nang pantay pabalik,” makahulugang sabi ng matanda.
Napaisip saglit si Frida bago ito nagpasalamat sa matanda. Anong ibig niyang sabihin?
Pagdating nila sa kubo, pinaupo sila ni Santelmo. Ilang saglit ay may nagbitbit ng mga espesyal na meryenda sa kanila. Sa una’y tumanggi sila ngunit napagtanto nilang hindi pa sila kumakain.
Exotic ang pagkain at halatang mula sa sarili nilang ani. Seafood at ilang herbs ang kanilang isi-nerve kina Frida, Gio at Dean. Maaayos ang pagkaka-plating kaya kaya natakam silang lalo at hindi nila naramdaman na exotic ang pagkain.
Maaliwalas ang lugar. Napagtanton ni Frida na maaaring mabuhay ang tribo na ito kahit na minimal lang ang ginagamit na kuryente at teknolohiya. Back to basics, ika nga. May mga kandila at ibang kagamitan para magbigay ng liwanag ang naka-adorno sa buong kubo. Hindi ito ‘yung normal na kubo na nakikita sa syudad, o ibang lugar sa labas ng Isla Anima dahil para na rin ito ang kanilang council room.
May iba’t ibang silid, mahahabang mesa at upuan para kasya ang buong tribo kung sakaling sila man ay magtitipon-tipon. Kita rin na mahilig ang tribo ang sa mga disensyo at mga handicrafts na pumupuno sa espasyo.
“Gaano na po katagal ang inyong tribo?” tanong ni Frida kay Santelmo.
“Nandito na kami bago pa dumating ang mga mananakop na dayuhan,” may pagmamalaking sabi ng pinuno. Ibig niya ring sabihin na walang dayuhan ang nagtagumpay na sakupin sila. Ikinwento rin nito kina Frida, Gio at Dean kung paano nila pinapanatiling maliit at tago ang Tribo Taglo upang manatili silang malayo sa mga mata ng mga mananakop.
Ngayong hindi naman na panahon ng mga pananakop ng dayuhan, mas naging welcoming na rin sila sa mga dayuhan at bumibista. Konektado na rin sila sa mga local government unit upang ma-preserba ang kanilang tribo.
“Ang galing po, nag-survive po talaga ‘yung tribo ninyo,” komento ni Dean.
“Proud kami. Ilan na lang talaga kami sa Pilipinas. Ang ginagawa kasi namin, may kalayaan ang sinuman na lumuwas ng Maynila kung gugustuhin nila. Marami na kaming ka-tribo na nakapagtapos sa prestihiyosong unibersidad at sila rin ang nagbabalik ng mga biyaya sa tribo kaya masagana ang lahat,” sabi ni Santelmo.
Ilang saglit habang ini-enjoy ng tatlo ang pagkain at minandal na inihanda at ang pagkekwento ni Santelmo ng kani-kanilang aktibidad sa tribo, dumating ang dalawang babaeng nakasuot ng satin na baro, at may mga aksesorya sa kanilang leeg.
“Magandang araw sa inyo,” malinaw at buo ang boses ng isang babae. Parang sanay na sanay nang magsalita sa harap ng mga bisita. “Ako si Dayra,” pakilala ng babaeng mas ma kayumanggi ang balat.
“Ako naman si Gahara,” mahinhin ngunit may kasabikan sa boses nito. Maaliwalas ang ngiting ibinigay niya kina Frida.
“Sila ang mga asawa ko,” pakilala ni Santelmo. “Dayra, Gahara, sila sina Frida, Gio at Dean.”
Napatigil silang tatlo sa pagkakabanggti ni Santelmo sa ‘mga asawa’ ko. Napatitig silang tatlo. Lumapit si Dayra at Gahara sa tabi ni Santelmo at umupo sa magkabilang gilid nito. Ngayon, pantay-pantay na silang nakahilera sa mga upuang may disensyo na nililok panigurado para sa mga nakatatas sa tribo.
“‘Di ba’t kay gagandang nilalang nila, Santelmo?” bati ni Dayra sa tatlo habang matamang tinitignan.
“Parang gusto ko rin ng iyong mga aksesorya sa mukha, Frida. Ang ganda.” sabi naman ni Gahara.
“Ay, salamat po,” sabi ni Frida. “Sila pong dalawa ang inyong asawa?” medyo naiilang na paglilinaw ni Frida kay Santelmo.
“Oo, kabiyak namin ang isa’t isa,” parang normal lang na sabi ni Santelmo. Saka nito napagtanto na dayuhana ng kausap nila.
Nagkatinginan silang tatlo. Naghahanap ng sagot.
“Ano pong ibig inyong sabihin? Parang sa mga muslim?” tanong ni Gio. Naalala niya kasi na ang mga lalaking muslim ay pwedeng mag-asawa ng higit sa isa basta pantay ang magiging trato nito sa magiging asawa niya. Iyon ang nakukuha niya kina Santelmo, Dayra at Gahara.
“May pagkakatulad sa mga muslim. Pero sina Gahara at Dayra ay magkabiyak din, gaya ng ako sa kanila bilang isa at bilang dalawa.”
Tumango-tango si Frida. Naiintindihan na niya. In a more modern term, silang tatlo ay nasa isang throuple relationship. Ibig sabihin ‘magkabiyak’ sina Santelmo at Dayra, Santelmo at Gahara, at Gahara at Dayra.
“Pwede po pala iyon,” sabi ni Dean.
“Oo naman,” sabi ni Dayra. “Kapag biniyak mo naman isang bagay, hindi naman laging dalawa lang ang bahagi no’n, minsan tatlo rin. Kagaya namin.”
Napaisip sina Frida, Gio at Dean sa sinabi ni Dayra. Tama naman siya. Saka sino ba kasing nagsabi na dalawa lang ang limitasyon ng nagmamahalan?
“Ganito na ang sistema nooong panahon pa dito sa Tribo Taglo. Nagugulat nga kami na sa syudad, bago pa lamang ang konseptong ganito. Kaya ‘yang mga s****l orientation, gender identity at expression--” napansin ni Santelmo na nagulat ang ekspresyon ni Frida sa pagkakabanggit niyang iyon.
“Oo, Frida. Hindi kami bago sa mga konsepto at mga aralin sa syudad. Itinuturo at ikinikwento rin siya ng mga ka-tribo namin na nakakapag-aral doon at bumabalik dito.”
Namangha si Frida sa sense of community ng Tribo Taglo.
“Balik sa sinasabi ko, hindi na bago sa amin ang usapin ng SOGIE. Hindi nga lang namin siya napangalanan ng espisiko, pero malaya ang mga miyembro namin na magmahal ng kung sino at kung ilan, mag-anak o hindi.”
“Wow,” sabi ni Gio. “Mas liberated pa po pala kayo kaysa sa mga taga-syudad.”
“Matanong ko pala,” singit ni Gahara. “Sa’n pala kayo papunta bago kayo makarating dito?”
Saka lang nila naalala na hindi naman pala talaga ‘to ang sadya nila kung bakit sila pumunta dito. Hindi nila namalayan ‘yun dahil sa pagiging warm ng pagtanggap ng mga tao sa kanila.
Papalubog na ang araw. Kailangan pa nga pala nilang matunghayan ang sunset mamaya mula sa talampas.
“Actually, papunta po talaga kami sa talampas. Gusto po namin sana naming matanaw ang buong isla at ang paglubog ng araw.
“Gano’n ba? Ihahatid ko na kayo palabas kung ganoon,” sabi ni Santelmo.
“Sana nagustuhan ninyo ang pagbisita rito,” sabi ni Dayra.
“Siguradong magugustuhan ninyo ang tanawin sa taas,” dagdag ni Gahara.
Iginiya na silang tatlo pabalik sa trail patungo sa talampas. Ang sabi sa kanila ni Santelmo, mga kalahating oras daw ay nasa tuktok na sila. Ligtas naman ang trail dahil regular na nabibisita iyon ng mga taga-tribo. Mamayang gabi raw ay walang tao roon kaya masosolo nila ang tanawin at ang lugar.
Nagpaalam na rin ang ibang miyembro ng tribo. Kung gaano sila kainit sa pagtanggap kanina kina Frida, Gio at Dean, ganoon din sila sa pamamaalam. Ang iba nga’y yumakap pa sa kanila na parang ka-tribo na rin nila ang tatlo.
May iniabot si Santelmo na isang bote ng alak. Kakaiba ang itsura nito dahil may mga disensyo at pattern ng tela ang nakabalot sa bote. Espesyal na alak daw sabi ni Santelmo. Ibinibigay nila iyon sa mga pilng bisita.
“Naku, salamat po,” sabi ni Frida. Manghang-mangha silang tatlo sa disensyo ng bote. Ilang araw nga kaya ginawa iyon. Naisip nila na pwede nilang inumin iyon kapag nasa talampas na sila.
“Wow, sobrang unique nila, ‘no?” komento ni Dean nang makalayo na sila sa tribo at papaakyat na sa trail.
“Kaya nga,” sabi ni Gio. “Nakalimutan ko nang itanong kung paano maging part ng tribo nila,”
“‘Di ba, they are so open with almost everything. Ang simple simple ng buhay, walang masyadong toxicity. ‘Di katulad sa syudad.”
Pagdating nila sa taas, nag-unahan pa silang tumakbo patungo sa dulo ng talampas upang makita ang buong isla at ang karagatan.
Niyapos sila ng hangin kasama ng liwanag ng paparating na paglubog ng araw. They arrived just in time. Umupo sila sa isang tabi. Wala munang nagsasalita. Dinama lang nila ang tanawin. Sa ‘di kalayuan ay parang langgam lang ang mga tao sa baba nasa dalampasigan. Tanaw din ang bar at mga villa sa resort. Napakaraming puno at sariwang-sariwa ang hangin.
Malayong-malayo ito sa syudad na puro gusali, kalsada at usok. Ito ‘yung lugar na patuloy mong babalik-balikan. Ang sarap lang mahalin.
Walang nagsasalita sa mga unang minuto nila roon. Hinayaan lang nila ang kanilang mga puso na mag-usap at mangusap sa isa’t isa.