Kinakailangan kong talikuran si Jona pansamantala dahil tinawag ako ni Gng. Mendez, ang punong guro ng aming eskwelahan.
"Mr. San Rafael, maaari ba akong humingi ng pabor sa iyo?" tanong sa 'kin ni Gng. Mendez
"Ano po ba ang maipaglilingkod ko sa iyo, Gng. Mendez?" tugon ko sa aming punong guro.
"Maaari mo bang pagandahin ang gagamiting silid-aralan para sa gaganaping demo natin bukas?" pakiusap sa akin ni Gng. Mendez.
"Yes, Mam! Maaari po!" mabilis ko namang tugon.
"Maraming salamat, Mr. San Rafael! Asahan kong maaayos mo ito ngayon bago sumapit ang ika-tatlo ng hapon." Nakangiting tinapik ako ni Gng. Mendez sa braso saka tinalikuran na niya ako.
Tumingin ako sa pambisig kong relo at napailing na lang nang makitang alas onse na ng umaga. Muli kong hinarap si Jona nang maalalang nasa likuran ko pa siya.
"I'm sorry kung naabala ang ating pag-uusap," hinging paumanhin ko sa kaniya.
"Ayos lang. Sige, lalabas na muna ako at masyado na akong nakakaabala sa iyo, Teacher CJ," paalam niya sa akin.
Bigla akong nataranta sa pagpaalam niya sa akin kaya mabilis akong nag-isip ng paraan upang mapanatili si Jona.
Tatalikuran niya na sana ako nang pigilin ko siya sa kaniyang braso. "Maaari ba akong humingi ng pabor sa iyo?"
"Anong klaseng pabor, Sir?" kunot noong tanong niya sa akin.
"Maaari mo bang tulungan akong pagandahin ang silid-aralan na aming gagamitin para sa demo namin bukas?" Hindi ko alam kung ngingiti ba ako o ngingiwi dahil sa naisip kong kalokohan.
Wala akong ibang maisip na paraan upang mapanatili si Jona sa loob ng eskwelahan, kaya imbes na tuluyan siyang mapahiwalay sa aking paningin, aabalahin ko na lamang siya.
Tumitig siya sa akin na wari inaaral ang ekspresyon ko sa mukha. Pinanatili ko namang blanko iyon upang hindi niya mahalata ang kalokohang naisip ko sa kaniya.
"Since, matagal pa ang oras ng uwian nila Jordan, baka pwedeng tulungan mo na lang muna akong pagandahin ang silid-aralan?" may pagsusumamong wika ko sa kaniya.
Humugot muna siya ng buntonghininga bago sumagot sa akin. "Sige, tutulong ako!"
Lihim na naglululundag sa tuwa ang puso ko nang marinig ang sagot niya. Gusto ko siyang yakapin dala ng sobrang tuwa pero pinigilan ko ang sariling gawin iyon.
"Nasa public place kayo, CJ! Kaya huwag kang gumawa ng eksena!" asik ko sa sarili.
"Nasaan ba banda ang silid-aralan na iyon nang masimulan ko nang maayos," ani sa akin ni Jona.
Natulala ako nang makita ang paglapit ng dilaw na rosas sa kaniyang labi, tila hinahalikan niya lamang iyon sa aking paningin.
"Ang ganda niya! Para siyang Diyosa!" manghang bulong ko sa isipan.
"Teacher CJ?" Ipinitik ni Jona ang kaniyang daliri sa tapat ng aking mukha.
"Ha?!" Ikinurap-kurap ko ang mga mata ko sa kaniya.
"Ano nga sinasabi mo, Miss Lacsamana?" tanong ko pa sa kaniya.
"Misis Lacsamana, Teacher CJ!" mariing tugon naman niya sa akin.
Marahas na bumuga ako ng hangin at pilit kong inayos ang sarili ko. Para kasi akong t*nga na bigla na lamang natulala sa dalaga nang makita ang angkin niyang kagandahan sa pamamagitan ng dilaw na rosas.
"Ang sabi mo tulungan kitang ayusin ang silid-aralan na gagamitin ninyo bukas para sa demo. Puntahan na natin ng sa ganoon ay maumpisahan ko nang maayos iyon," ani pa sa akin ni Jona.
"This way, Miss Lacsamana..." Itinuro ko ang daan sa kaniya patungo sa silid-aralan na ipinakiusap sa akin ni Gng. Mendez.
"Sandali nga lang, Teacher CJ." Pinigil ng isang kamay niya ang braso ko dahilan para mahinto ako sa paglalakad.
Hinarap ko siya at saka tahimik na naghintay sa kaniyang sasabihin.
"Misis na po ako at hindi Miss. Mommy nga ako ni Jordan, 'di ba? Paulit-ulit na lang kasi tayo mula pa kanina. Tawagin mo na lang kaya akong Jona para 'di ka na nahihirapan pa," litanya pa nito sa akin.
Malawak na ngumiti ang mga labi ko saka inilahad ko ang kanang palad sa kaniyang harapan. "Simulan natin sa pakikipagdaupang palad ng isa't isa ang pagpapakilala."
"Pero kanina pa tayo nagkakilala," sagot naman niya habang pinagmamasdan ang nakalahad kong palad sa kaniya.
"Kung hindi mo tatanggapin ang pormal kong pakikipagkilala sa iyo, mananatiling inpormal naman ang pagtawag ko sa iyo bilang Miss," nakakalokong turan ko sa kaniya.
Gusto kong palakpakan ang aking sarili sa pagiging katulad ni JC na mapang-asar ng mga sandaling ito.
Hindi ko alam kung saan nanggaling ang lakas ng loob kong gumawa ng kalokohan para lamang mapanatili ang isang babaeng tinamaan na yata ako ng lubusan.
"Fine!" nakabusangot na bulalas ni Jona saka tinanggap nito ang palad kong nakalahad.
Lihim akong napangiti ng muli kong maramdaman ang pagdaloy ng libo-libong boltahe ng kuryente sa aming mga palad.
"Siguro naman pwede mo nang bitiwan ang kamay ko," mataray niyang sita sa akin.
Matamis na nginitian ko siya saka mahinang pinisil ang kaniyang palad bago ko tuluyang binitiwan iyon.
"So..." Humakbang ako patungo sa kaniyang tabi. "Nasa dulong bahagi na iyon ang silid-aralan na kailangan nating pagandahin. Mauna ka nang pumunta roon at babalikan ko lang muna ang mga bata sa kanilang gawain."
"Ha? Hindi ba pwedeng ihatid mo na muna ako roon bago ka bumalik sa mga bata," ani niya sa akin.
"Don't worry, walang multo sa loob ng silid-aralan na 'yon," mapang-asar kong sagot sa kaniya.
"Hindi ako takot sa multo! Ihatid mo lang ako ro'n at baka sabihin pa ng kung sinumang makakita sa akin doon na isa akong magnanakaw," nakapamaywang niyang anas sa akin.
Naaaliw na pinagmasdan ko siya sa kaniyang ginawi. Gusto kong bumunghalit ng tawa pero sinarili ko na lang upang hindi siya lubusang mapahiya. Baka bigla na lang maisipan nitong umalis kaya sarilinin ko na lang.
"Mas gusto mo ba akong makasama kaysa magturo na lamang ako sa mga bata?" nangingiting tanong ko sa kaniya.
Hindi ko alam kung saan ko hinugot ang lakas ng loob upang magtanong ng ganoon kay Jona.
"Tsk! Malamang natutunan ko rin kay JC ang kalokohang ito," naiiling kong bulong sa sarili.
"A-anong ibig mong sabihin, Sir?" balik tanong niya sa akin.
"Never mind!" Ipinilig ko ang ulo upang alisin ang mga kalokohang naiisip.
"Let's go, Jona!" aya ko sa kaniya saka nagpatiuna na akong maglakad patungo sa silid-aralan na aming pagagandahin.
"Humanda ka sa akin JC! Ang dami kong natutunang kalokohan mula sa iyo!" banta ko sa kakambal sa aking isipan.