Habang nagtuturo ako sa mga bata ay 'di ko maiwasang tingnan si Jordan. Sa totoo lang ay kanina pa lumilipad ang isip ko sa kaniyang ina na naghihintay rin sa kaniya sa loob ng opisina.
Napangiti ako nang maalala ang eksena namin kanina kung saan imbes na sa sahig siya masalubsob ay sa dibdib ko siya nakulong.
Alam kong naramdaman din ni Jona ang kakaibang kuryenteng tumulay sa mga palad ko nang hawakan ko siya.
"Teacher! Teacher!" malakas na tawag ni Jordan ang umuntag sa lumilipad kong diwa.
"Yes, Jordan?" bigay pansin ko naman sa kaniya.
Tumayo si Jordan mula sa upuang kinauupuan niya at saka lumapit siya sa akin.
"Teacher, umuwi na po ba si Mommy?" pabulong na tanong sa akin ni Jordan na inilapit pa ang kaniyang bibig sa aking tainga.
Napangiti ako sa tanong ni Jordan saka ginulo ko ang kaniyang buhok.
"Hindi pa po siya umuuwi dahil hihintayin ka raw niya hanggang oras ng uwian mo. Kaya mag-aral kang mabuti, Jordan," sagot ko naman sa bata.
"Yehey!!!" masayang naglululundag si Jordan pabalik sa kaniyang kinauupuan.
Naiiling akong pinagmasdan si Jordan sa kaniyang ginawi. Ganoon na ganoon kami ni JC kina Mama at Papa kapag may gusto kaming ipabili noon sa kanila.
Unti-unting nawala ang ngiti sa aking labi nang maalala ang namayapa kong ama na si Christian San Rafael.
Ilan taon na rin siyang namamayapa pero buhay na buhay pa rin ang mga alaala niya sa amin.
Walang araw na hindi namin siya nasisilayan sa loob ng bahay dahil bawat pader ay naroon din nakasabit ang mga litrato niya kasama kami.
Napapanood din namin ang mga video messages niya dahil palagi iyong pinapapanood sa aming dalawa ni JC nina Mama at Papa Steven.
"I miss you, Papa!" piping bulong ko sa hangin.
Humarap ako sa blackboard upang punasan ang mga luhang nag-uunahan sa pagpatak mula sa aking mga mata.
"Teacher!" Lumingon ako sa mga bata matapos kong tuyuin ang mga luha sa aking mga mata.
"Yes, Kent?" ani ko sa batang tumawag sa akin.
"May I go out?" tanong sa akin ni Kent.
"Why?" balik tanong ko naman sa kaniya.
"Bibili lang po ako ng biscuit sa may canteen, nagugutom na po kasi ako," pakiusap pa sa akin ni Kent.
Tumingin ako sa orasang nakasabit sa may pader. Nakita kong ilang minuto na lang at recess time na rin ng mga bata.
"Okay class, magsipagtayo na kayong lahat at pumila ng maayos para pumunta na tayo sa may canteen," pautos kong sabi sa mga bata.
Mabilis na tumayo ang mga bata at maingay na gumawa ng pila ang mga 'to. Napapailing na lumapit ako sa kanila upang tulungan silang ayusin ang kanilang pila.
"Class, silence please!" Itinaas ko ang kanang hintuturo at inilapat ko iyon sa tapat ng aking bibig upang ipakita sa mga bata ang simbolo ng katahimikan.
Agad na tumahimik ang mga bata at maayos silang pumila sa aking harapan. Inakay ko na sila palabas ng silid-aralan patungo sa may canteen.
Bago kami makarating ng canteen ay nadaanan pa muna namin ang opisina. Nahagip ng mga mata ko si Jona na nakayukyok ang ulo sa may mesa at tila natutulog ito.
"Mom--" Agad kong tinakpan ang bibig ni Jordan ng akmang sisigawan nito ang kaniyang ina.
"Sshh... Hayaan mo na lang munang magpahinga ang mommy mo," tagubilin ko kay Jordan.
Tumango-tango sa akin si Jordan bilang pagsang-ayon.
Nagpatuloy kami ng mga bata sa paglalakad hanggang sa marating namin ang canteen.
Kani-kaniyang pili na ang mga bata ng kanilang makakain at maayos na inaasikaso ko pa muna sila.
Nang masiguro kong lahat ng mga bata ay may kani-kaniyang pagkain na sa kanilang harapan, inihabilin ko sila sa mga staff upang saglit na iwanan.
Malalaki ang mga hakbang kong tinungo ang opisina upang silipin ang kalagayan doon ni Jona.
"Ang ganda niya!" bulong ko sa sarili habang pinagmasdan ang maamong mukha nito na tulog na tulog.
Naaaliw akong titigan ang kaniyang mga pilikmata na kasinhaba ng sa manyika. Makinis ang kaniyang mukha at wala akong nakitang anumang kolorete na nakapahid maliban sa kulay pink na lipstick sa kaniyang labi.
Nakagat ko ang ibabang bahagi ng aking labi nang makitang kumibot ang mga iyon.
"CJ, behave!" suway ko sa sarili dahil may kung anong nag-uudyok sa akin na halikan ang labi nito.
Napakislot ako sa pagkakatayo nang mag-ingay ng malakas ang ringtone ng aking telepono.
"Sh*t!" mura ko nang makitang gumalaw ang natutulog na si Jona.
Dali-dali akong tumakbo palabas ng opisina upang sagutin ang taong tumatawag sa aking telepono.
"Hello?" inis kong sagot sa taong nasa kabilang linya.
"Why your grumpy?" tanong sa akin ni JC.
Bumuntonghininga muna ako saka tipid na sumagot sa aking kakambal. "Nothing!"
"Tsk! Puro na lang kasi bata ang kausap mo, Bro!" mapang-asar na wika niya sa akin saka malakas na humalakhak.
"Why did you call?" malamig kong tanong sa kaniya.
Narinig ko ang malalim na paghugot ni JC ng buntonghininga at napailing na lamang ako habang tahimik na natatawa.
Alam ko na ang dahilan nang pagtawag niya sa akin at pakiwari ko ay tungkol na naman iyon kay Stella.
"If I were you JC, magtatapat na ako kay Stella. Kaysa naman pinahihirapan mo ng ganiyan ang sarili mo," payo ko sa kaniya.
"Ayaw niya sa akin," malungkot na turan ni JC.
"Inaasar mo ba naman kasi palagi!" natatawang tugon ko sa kaniya.
"Alam natin pareho na ikaw ang gusto niya noon pa man," patuloy lang na sabi nito.
"At alam mo rin na kapatid lang ang turing ko sa kaniya, JC," sansala ko naman sa kaniyang sinabi.
Nagawi ang mga mata ko sa loob ng opisina at napangiti ako nang makita ang pupungas-pungas na mukha ni Jona gawa ng bagong gising ang dalaga.
"Hindi si Stella ang pinangarap kong maging asawa," saad ko kay JC.
"Hey, what do you mean by that?" pagalit na tanong naman sa akin ni JC.
"Don't get me wrong, Bro!" natatawang tugon ko sa kaniya.
"I just want to make sure na wala ka ngang gusto kay Stella. Kayong dalawa ang madalas na magkasama sa trabaho kaya hindi malayong magkagusto ka rin sa kaniya," seryosong saad niya sa akin.
"Correction! Iisang eskwelahan ang pinapasukan naming dalawa pero hindi kami madalas na magkasama," natatawang tugon ko sa kakambal.
Patuloy kong pinagmasdan si Jona mula rito sa aking kinatatayuan. Sinuklay niya ang kaniyang mahabang buhok at saka tinalian iyon ng ponytail na lalong nagbigay ganda sa kaniyang mukha.
"May ibang babae akong nagugustuhan," amin ko kay JC.