“M-magpapaliwanag a-ako…” parang may malaking bato ang nakabara sa lalamunan ni Allyson kaya iyon lang ang mga salitang lumabas sa mga labi niya.
Gusto niyang magpaliwanag kay Jaime na hindi niya intensiyon na lokohin ito. Pero papaano siya magsasalita ngayon habang nakikita niya ang matinding galit at pagkadismaya sa mga mata nito.
Ang buong akala niya ay balewala lang sa kaniya ang ganoong reaksiyon na makikita niya dito. Natural na dapat iyon dahil hindi biro ang ginawa niyang panloloko sa pamilya nito. Kinagat niya ang mga labi at kahit may ibang mga taong naroon at nakikinig sa kanila ay pilit na nagsalita siya.
“Kinailangan ko ng pera kaya lumapit ako sa kapatid ko, kay Demi. Hindi ko matanggihan ang ibinigay niyang kondisyon. Maniwala ka sa akin, Jaime please?” nagsusumamong wika niya.
Lampas isang linggo pa lang naman siya sa mansiyon ng mga Mondemar. Sabihin ng makapal ang mukha niya pero sa palagay niya ay hindi pa naman ganoon kabigat ang nagawa niyang kasalanan. Mas mahihirapan pa siguro siya kung umabot ng ilang linggo o buwan ang panloloko niya sa fiancée ng kapatid niya.
“Alam ko, nagpaimbestiga na ako kanina, at alam ko rin na niloloko mo lang ako kapalit ng malaking pera.” mariing sabi nito sa kaniya.
Nag iwas siya ng tingin nang magsimulang tumalim ang mga mata nito. Itinago niya ang mga palad sa likod para hindi nito makita ang panginginig niya.
Gusto na niyang pumalahaw ng iyak dahil sa labis na takot pero mas pinilit niya na magpakahinahon at muling magpaliwanag sa lalaki.
“M-makakabawas ba sa galit mo kapag sinabi ko sa'yo ang plano ni Demi? Nagpunta siya sa L.A para kausapin ang mga magulang niya. Ayaw niyang magpakasal sa'yo, Jaime dahil may boyfriend siya. Iyon ang sinabi niya sa akin nang tawagan niya ako. Hindi naman kami nagkita kahit isang beses ni Demi. Tumatawag lang siya sa akin para sa plano niya.”
“At ano? sinabi ba niya sa'yo na kapag nakumbinsi na niya ang parents niya na huwag akong pakasalan ay malaya ka nang makakaalis sa pamamahay ko?”
“Oo,” nahihiyang nagyuko siya ng ulo.
Hindi na importante sa kaniya kung papaano nito natuklasan ang totoong pagkatao niya. Marami itong koneksiyon kaya sa isang pitik lang ng mga daliri ay malalaman na nito ang lahat.
“At naniwala ka?” painsultong tumawa ito. Napilitan siyang mag angat ng tingin kay Jaime.
“Oo, dapat lang naman dahil binigyan niya ako ng pera para gawin lahat ito.”
“Paano kung sabihin ko sa'yo na hindi totoo ang lahat ng plano ni Demi? Nakahanda siyang pabayaan ka sa akin dahil wala na siyang pakialam pa sa kahit anong mangyayari. Totoong nasa L.A siya pero matagal nang tumanggi ang daddy ninyo sa pakiusap ni Demi. Bakit nga ba pumayag agad ang daddy ninyo na ipakasal agad sa akin ang kapatid mo? simple lang, hindi lang dahil sa negosyo ng daddy ninyo na malapit ng malugi. May karelasyon na lesbian si Demi at malaki ang pagtutol ng mga magulang niya kaya itinutulak nila si Demi na magpakasal sa akin. Kanina ko lang din lahat nalaman ang buong katotohanan. Lahat kayo ay nagsinungaling sa akin. Ikaw, si Demi at ang daddy ninyo.”
“Hindi totoo iyan!” marahas na napailing siya.
Pakiramdam niya ay para siyang matutumba kaya naituon niya ang kamay sa mesa. Habang tumatagal ay pasikip ng pasikip ang buong silid sa kaniya at parang nahihirapan na siyang huminga dahil sa pagpipigil niyang umiyak.
“Nagsisinungaling ka lang!”
Nayayamot na tumingin ito sa kaniya.
“Isipin mo na ang gusto mong isipin, ang importante lang naman ay ang makaganti ako sa ginawa ninyo sa aking tatlo.”
“At ano pakakasalan mo ako dahil galit ka sa akin? anong klaseng dahilan iyan?”
“Alam mo ba na sa oras na pakasalan kita ay magkakaroon na ako ng share sa Bustamante Corporation? Oh, siyempre hindi mo alam na matagal ka ng may share sa kompanya ng daddy mo dahil may issue sila ng nanay mo. Wala rin naman nakakaalam niyon maliban sa akin at sa daddy mo. Mabilis akong makahanap ng impormasyon kaya sorry na lang sa daddy mo kung pati ang tungkol sa stock mo sa kompanya ay nakalkal ko.”
“A-ang sama mo!” nagsimula nang pumatak ang mga luha niya.
“I know, honey, I know. Hindi naman ako magiging masama sa'yo kung hindi ninyo ako pinagloloko ng pamilya mo.”
Napansin marahil nito ang pag atras niya kaya mabilis na lumapit ito sa kaniya at hinawakan siya ng mahigpit sa isang braso. Napangiwi siya dahil medyo masakit ang pagpigil nito sa kaniya.
“Huwag mo akong subukan, hindi mo magugustuhan ang sunod kong gagawin. Kung ayaw mong malaman ng nanay mo—”
“Hayup ka.” napamura siya ng mahina at matalim na tiningnan ito.
Nang dumating na ang judge ay wala na siyang nagawa pa kundi ang tahimik na umiyak habang idinadaos ang seremonya ng kasal nila ni Jaime. Parang bola na gustong pumutok ng ulo niya. Nanlulumong ipinikit na lang niya ang mga mata nang isuot na ng lalaki ang singsing sa daliri niya.
Asawa na niya si Jaime at siya na ngayon si Allyson Mondemar. Wala na siyang takas pa dahil dinadala na niya ang apelyido nito.
Anong kapalaran ang naghihintay sa kaniya sa piling ng kaniyang asawa?
Diyos ko..paano kung pahirapan niya ako?