“Ateng, 'musta ka naman diyan? ngayon lang ako tumawag sa'yo kasi busy sila mommy sa pagpapaayos ng bahay natin. Naku, 'te ang saya ni mommy ngayon. Sa totoo lang kahit na medyo nakokonsensiya ako sa ginawa nating pagsisinungaling sa kaniya ay natutuwa akong makita siya na palaging nakangiti. Kaya lang medyo malungkot din kami lahat dito kasi hindi ka namin kasama.”
Animo ay piniga ang puso ni Allyson habang pinapakinggan niya ang sinasabi ni Yara sa kabilang linya. Tinawagan niya ito dahil kanina pa siya naiinip sa mansiyon. Nagmistula siyang preso dahil simula ng gabing malasing siya ay hindi na niya ulit sinubukan pang lumabas ng mansiyon. Maayos naman niyang nagagampanan ang pagiging pangalawang ina sa triplets pero kapag nasa eskwelahan ang mga ito ay madalas na nagkukulong lang siya sa silid.
“Talaga? m-mabuti naman kung ganoon. Tumawag lang ako para kamustahin kayo lahat diyan. Okay naman ba kayo kay tita Winna?”
“Sus, 'te okay na okay kami dito. Pasasaan ba at matatapos din ang pagpapagawa sa bahay natin. Iyon nga lang medyo matatagalan pa dahil halos wala naman nang natira dahil sa sunog.
“Hayaan mo na, ang mahalaga ay ligtas tayong lahat at walang nasaktan,”
“Ikaw ate, okay ka lang ba diyan? kamusta naman ang pag arte mo? palong palo naman ba?”
Natawa siya ng pilit kahit parang tinutusok ng matulis na bakal ang dibdib niya. Labis na ang nararamdaman niyang pangungulila sa pamilya niya.
“Yakang yaka, ako pa ba? may duda ganoon?”
“Wala, ganda mo 'eh,”
Kahit papaano ay gumaan ang pakiramdam niya dahil sa pagbibiruan nilang magkapatid. Napakarami nitong kwento sa kaniya tungkol sa plano nitong pagbubukas ng bagong parlor. Lumapit daw ito sa isang kaibigan para manghiram nang karagdagan na puhunan at hindi naman ito nabigo. Kaunting tiis na lang at matatapos din ang problema nila.
Nang maalala na wala nga pala siyang lusot sa panibagong problema niya ay bigla siyang nanlumo. Papaano siya tatakas sa mansiyon ng mga Mondemar kung alam naman niya na wala siyang ibang mapupuntahan? Hindi siya maaaring bumalik sa kanila dahil alam niyang nakahanda si Jaime na ituloy ang banta sa kaniya na sasabihin nito sa kaniyang ina ang buong katotohanan tungkol sa pakikipagsabwatan niya kay Demi at sa pagtanggap niya ng pera.
Kilala niya ang kaniyang ina. Katulad nang nangyari sa kaniyang ama ay hindi rin siya nito basta mapapatawad kahit pa sabihin na anak siya nito. Mabait man ito ay hindi ganoon kadali dito ang magpatawad. At ginagamit ni Jaime ang lahat ng impormasyon na natuklasan nito para lang mahawakan siya sa leeg.
Sinubukan naman niyang tawagan si Demi pero hindi na niya ito macontact maging ang kaniyang ama. Alam na kaya ng Papa niya ang nangyari sa kaniya? mula sa pagkakaupo niya sa kama ay bigla siyang napaigtad nang marinig niya ang pag ingit ng pinto tanda na may nagbukas niyon.
“Yara, tawag na lang ulit ako mamaya ha? may gagawin pa ako 'eh,” basta na lang niya pinatay ang tawag at may pagmamadali ang mga kilos na humiga na siya sa kama.
“Huwag ka nang magkunwari na natutulog, obvious naman,” pasarkastikong sabi ni Jaime sa kaniya. Nakasimangot na bumangon siya at inayos ang nagulong buhok. “Good evening, Mrs. Mondemar,”
Hindi niya pinansin ang sinabi nito. Naupo lang siya ng diretso at pinagkrus ang mga braso sa bandang dibdib niya. Matalim na tiningnan niya ang lalaki. Kahit nagpupuyos sa galit at sama ng loob ang dibdib niya ay hindi niya mapigilan ang matulala nang mapagmasdan ito. Nakatiklop hanggang siko ang manggas ng white polo long sleeved na suot nito. Bumabakat sa tela ng black slacks ang magandang hubog ng mga hita ni Jaime at hindi niya maiwasan na bumaba ang tingin sa mga iyon.
Kahit mahahalata sa mukha ng lalaki ang labis na pagod ay hindi nakabawas iyon sa kakisigan nito. Sa limang magkakapatid na Mondemar ay ito ang tipo na kahit mukhang suplado ay mukha pa rin mabait dahil malamlam kung tumingin ang mga mata nito.
Hay ano ba ang iniisip ko? pagnasaan ba ang kaaway? Gaga ka talaga Allyson. Dapat ang iniisip mo ngayon ay ang paraan kung papaano ka makakatakas dito!
Marahas na napahinga siya ng malalim. Kahit ang mag asawang Mondemar ay walang nagawa sa naging desisyon ng panganay na anak. Matanda na daw si Jaime para magdesisyon sa buhay nito. Pero papaano naman siya? biktima lang siya ng galit ng lalaki at ng panloloko ng kapatid niya.
Wala siyang balak na magtagal pa doon ng kahit isang buwan. Baka tuluyan na siyang masiraan ng bait. Wala siyang balak na sundin ang sinabi ni mama Leticia na turuan na lang daw niya ang sarili na mahalin si Jaime. Hindi naman daw mahirap gawin iyon dahil isang mabuting lalaki ang pinakasalan niya.
Mabuting lalaki? may lalaki ba na kayang gumawa ng ganito? iniipit niya ako at wala akong magawa kundi ang maging sunod sunuran na lang dahil alam niya na natatakot akong sabihin niya ang lahat kay mommy.
“Satisfied?”
“Huh? saan?” awtomatikong namula ang mga pisngi niya nang masulyapan si Jaime na nagtatanggal na ng mga butones ng suot nitong polo. “Hoy, bakit naghuhubad ka dito?” naeeskandalong asik niya dito.
“Anong masama? kwarto ko naman ito, remember?” nang aasar na ngumisi pa ito.
Napabalikwas siya ng bangon at tiningnan ito ng masama. Wala na silang ginawa sa tuwing umuuwi ng mansiyon kundi ang mag away. Kung katulad man sila ng ibang totoong couple na bagong kasal na panay ang away ay baka sa hiwalayan na mauwi iyon.
Bigla siyang natigilan. Wala siyang alam tungkol sa batas kaya nga hindi siya makakilos at makagawa ng kahit anong hakbang. Siguro noong magsabog ng talino ang diyos mula sa langit ay nakatulog siya ng mahimbing kaya kahit kapiranggot ay wala siyang nasalo. Simula’t sapol ay tamad talaga siyang mag aral. Pumapasok nga lang siya noon para magtinda ng ice candy sa eskwelahan nila. Kumita lang siya ng salapi ay kontento na siya. Kaya ng lumaki siya ay nakasanayan na niya iyon.
“Tama!” naipitik pa niya sa ere ang dalawang daliri at naghahamon na sinalubong niya ng tingin si Jaime.
“Oh, no, hindi ko gusto ang ganiyang tingin mo. Parang gusto mo na naman maulit ang nangyari sa club.”
“Shut up!” kinagat niya ang likod ng mga pisngi nang maalala ang nangyari ng malasing siya.
Malabo sa alaalala niya ang buong pangyayari nang magising siya at ang tanging natatandaan lang niya ay nilandi niya ito ng bongga at hinalikan pa niya ito sa mga labi!
Sa tuwing nagtatalo sila ay palagi na lang nitong inuungkat ang nangyari sa club para lang sumuko na siya. Napipilitan tuloy siyang magwalkout dahil sa labis na kahihiyan. Pero ngayon ay wala naman siyang balak na takasan ang lalaki. Isang plano ang nabuo sa isip niya.
“Uso naman ang annulment sa 'Pinas 'di ba?”
“So?” pagkatapos nitong tanggalin ang tatlong butones ng polo ay humakbang ito palapit sa kaniya. Tumigil ito sa mismong harap niya at nag iwan ng ilang dipang espasyo sa pagitan nila.
“Tama, magpa-file ako ng annulment!” tila nakakita ng ginto sa putikan na napalakpak na siya. Ah, malapit na talaga siyang maloka!
“Annulment?” tumaas ang isang sulok ng mga labi ng gwapong mister niya.
Mister lang sa pangalan.. pilit na pangungumbinsi niya sa sarili.
“Uh-oh, uso naman iyon sa mga drama 'eh. Kapag nafile ako ng annulment at umusad na ang kaso at naghiwalay na tayo ay magkakaroon pa ako ng limpak-limpak na salapi. Ano nga ba ang tawag doon? Conjuction property?”
“Conjugal property.”
“Iyon na nga,” pinamaywangan niya ito. “Maipagpapatayo ko na ng mansiyon sila mommy at makakalayo na ako sa'yo.”
“At anong ground ang sasabihin mo sa korte?”
“Anong ground?” bigla siyang nalito. Ano nga ba iyon?
“Reason? Bakit ka makikipaghiwalay sa akin?”
“Dahil pinilit mo lang akong magpakasal sa'yo,” mabilis na sagot niya.
“May maniniwala ba?”
“Meron, ako ang babae kaya for sure paniniwalaan nila ako.” nagfe-feeling magaling na lang yata siya dahil parang hindi naman naaapektuhan si Jaime sa mga pinagsasasabi niya. Parang naaaliw pa nga ito sa kaniya.
“Pero may mga witness tayo at nagpakuha din tayo ng picture kasama sila.”
“Ahm…” naitikom niya ang mga labi. Wala na siyang laban kaya kahit masakit sa pride ay natahimik na lang siya. Kung gawin kaya niyang miserable ang buhay nito? Aapihin niya ang mga anak nito at maghahanap siya ng ibang lalaking karelasyon para may dahilan na ang paghihiwalay nila?
Napangiwi siya. Malabong mang api siya ng mga bata dahil hindi niya ugali iyon. Pagdating naman sa lalaking karelasyon ay animo matayog na kastilyo na gumuho ang pag asa niya. Naalala na naman niya ang naging huling pag uusap nila ng nobyo bago siya nagtungo sa club.
Kahit nahihiya siya ay bumisita siya sa pamilya ni Barry para lang alamin ang lagay nito. Hindi kasi nito sinasagot ang mga tawag o text niya. Pero isang nakakagulat na balita ang nakarating sa kaniya. May kinakasama na pala ang manloloko niyang boyfriend. Nakita mismo niya ang babae at ang ina pa ni Barry ang nagpatapat sa kaniya. Pinuntahan niya sa eskwelahan ang lalaki at kinausap ng mansinsinan. Sa halip na mahiya sa kaniya ay ipinamukha pa nito na kasalanan daw niya ang lahat. Kung una pa lang daw ay hindi na siya nagpakipot ay hindi ito maghahanap at makakabuntis ng iba.
Hanggang ngayon ay masama pa rin ang loob niya. Sinabi na lang niya sa sarili na mabuti na rin siguro na natuklasan niya na hindi deserving si Barry sa pagmamahal niya dahil napakababaw nitong tao.
“Matutulog na nga lang ako,” tinalikuran niya ang binata.
“Wait!”
“Anong wait ka diyan?” tumayo marahil ang mga balahibo niya sa batok nang maramdaman ang pagdantay ng palad nito sa isang braso niya. Dahan dahan siyang pumihit paharap kay Jaime. Daig pa niya ang nakipagkarera sa ilang daang kabayo dahil iglap lang ay naging mabilis na ang pintig ng puso niya.
“Inaantok na ako,” pagdadahilan niya.
“Inaantok ka na agad, Mrs. Mondemar? Parang kanina lang gusto mo na akong lapain eh,” kumikislap sa labis na pagkaaliw ang mga mata na sabi nito.
“Oo, gusto kitang ipalapa sa leon. Ipasaga sa tren at ipakagat sa higanteng mga langgam. O kaya ay ipapatapon kita sa Sparkyl islands para matahimik na ang buhay ko.”
“Spratly, honey.”
“Wala akong pake!” parang tinambol ng malakas ang loob ng dibdib niya nang tawagin siya nitong honey.
Natawa lang ito at animo naging malamyos na musika iyon sa pandinig niya. Ibang klase rin naman ang puso niya. Kahit abot hanggang langit ang inis niya dito ay hindi niya mapigilan na maakit kahit sa simpleng pagtawa lang nito.
“At saka bitiwan mo na nga ako, hindi tayo close,” angal niya.
“Gusto ko lang naman sabihin sa'yo na dito ako matutulog ngayong gabi, actually gabi-gabi pala.”
“Ha?!” mas lalong bumilis ang t***k ng puso niya at kulang na lang ay magkaroon na siya ng heart palpitation. “M-may trabaho ka 'di ba, magtrabaho ka baka malugi ang kompanya. Ayokong magutom kami ng mga anak mo.”
Napapalatak ito. “Umuwi na agad si Miguel kaya makakapagpahinga na ako kahit papaano. Sa sunod na buwan ay uuwi na rin ang ibang mga kapatid ko.”
“T-talaga?”
Syet! saan siya matutulog? Hindi naman pwede sa tabi ko. No! nunca! Hindi pwede! Sa sofa na lang siya.
“Sa sofa—”
“Senyorito Jaime! Senyorita! Si Keannu po kinukombulsiyon!” ang nanginginig sa takot na tinig ng isang maid ang pumutol sa iba pang sasabihin niya.
Bigla ay sinakmal ng matinding takot ang dibdib niya. Napapiksi siya para mabitiwan siya ni Jaime sa braso at nagmamadaling lumabas na siya ng silid. Hindi agad sumunod sa kaniya ang lalaki. Marahil ay naunahan ito ng labis na pagkabigla kung kaya hindi agad nakakilos. Siya naman ay dumiretso sa silid ng mga bata. Nakita niyang pinag aagawan na si Keannu ng lola nito at ng mga kasambahay. Kasabay nang pagsisikip ng dibdib niya ay ang paglapit niya sa mga ito at nagmamadaling kinuha niya ang bata.
Nakita niya si Jaime na humahangos na pumasok sa silid. Umiiyak na sumigaw na siya habang yakap niya ang nanginginig na katawan ni Keannu at inutusan ang lalaki na ihanda na ang kotse nito. Hindi niya alam kung ano ang nararamdaman niya ng mga sandaling iyon. Namamanhid na ang buong katawan niya habang patuloy siya sa pag iyak.
Diyos ko.. iligtas mo po sana ang anak ni Jaime. Napamahal na po sa akin ang mga bata.
Piping dalangin ni Allyson.