THIRD POV
Naputol ang masayang pananghalian ng hari ng mga Black Nine Tailed Fox nang biglang dumating ang kaniyang espiya sa academy. Hindi niya ito inaasahan sapagkat sa isang araw pa ang itinakdang oras ng pagre-report nito sa kaniya.
"Ipagpaumanhin niyo po Mahal na Hari ang biglaan kong pagpunta dito," hinging paumanhin sa kaniya ng espiya niya.
"Anong sasabihin mo at hindi ka nakapaghintay ng weekends? Mahahalata ka ng academy dahil lumabas ka," galit na sambit naman ng hari.
"Kailangan niyo pong malaman ito Mahal na Hari. Ang prinsesa, lumabas na ang kaniyang siyam na buntot," mabilis na sagot naman ng espiya.
Biglang napangiti ang hari dahil sa nalaman. Biglang nawala ang inis na naramdaman niya sa espiyang bigla na lamang siyang pinuntahan. Ang balitang iyon ay hindi na talaga makakapaghintay pa ng isa pang araw.
"Magaling kung gano'n," punong puno ng galak na sabi niya.
"Ngunit may isa pa po kayong dapat na malaman," nakatungong sabi pa ng espiya.
"Ano iyon?" seryosong tanong naman niya.
"Isang fox po ang namataan na gumagala sa academy noong kabilugan ng buwan. Ngunit hindi ito pangkaraniwan na fox lamang sapagkat ang isang buntot nito ay kulay ginto," sagot naman ng espiya.
Tumalikod ang hari na waring nag-iisip. Ngayon lamang siya nakarinig na may fox na may ibang kulay ang buntot. Sapagkat dalawang lahi lang ang mayroon sa mundo nila, ang itim at puti.
"Sigurado ka ba dyan?" nagdududang tanong pa ng hari.
"Ito po ang dahilan kaya nalaman kong nakakapagpalabas na ng nine tails niya ang prinsesa. Sinubukang hanapin ng mga myembro ng Faculty ang sinasabing fox na namataan, at kasama na doon ang pagpapakita ng lahat ng estudyante ng kanilang mga buntot."
"Kung ganoon, nahanap niyo ba ang sinasabing fox na ito?" curious na tanong pa ng hari.
"Hindi po. Ngunit ayon sa Faculty, hindi nila isasara ang usaping iyon. Ibig sabihin ay susubukan pa rin nilang hanapin ang fox na ito," magalang na sagot naman ng espiya.
Napatango ang hari. Maski siya ay naagaw ang atensyon ng fox na ito. Ayaw niyang maniwala na may isang fox ang mayroong gintong buntot ngunit hindi niya maalis sa kaniyang isipan ito. Ang alam niyang may gintong buntot noon ay ang gabay ng mga White Nine Tailed Fox na si Manara. At nakakagulat na may isa pany fox ang may ganitong katangian.
"Ipagpatuloy mo ang pagmamasid at bantayan mong mabuti ang myembro ng Faculty. Sabihin mo sa akin ang bawat kilos nila upang maunahan natin sila sa fox na sinasabi mo. Kakailangan din natin ang fox na ito sapagkat isa siyang dugong bughaw."
Natigilan pansamantala ang hari dahil sa sinabi niya. Ang fox na sinasabing namataan sa academy ay maaaring isang dugong bughaw, o maaaring isang Celestial Fox. Ngunit lahat ng alam niyang may kakayahan na mag-anyong fox ay naipakita na sa lahat ang kanilang anyo, maliban sa isa, ang prinsesang si Akira.
Napaisip siya. Malaki ang posibilidad na ang prinsesa ang may gintong buntot.
"May isa kang kailangang gawin," seryosong sabi niya sa kaniyang espiya.
"Ano po iyon Mahal na Hari?"
"Ngayong naipalabas na ng prinsesa ang kaniyang buntot, kailangan mong palabasin ang tunay na lakas niya. Kailangan mong palabasin ang anyong fox niya. At sa oras na mangyari iyon, saka natin siya kukunin. Maliwanag ba?"
"Masusunod po Mahal na Hari."
Kailangan niyang masiguro ang kaniyang hinala. At kapag tama ang kaniyang iniisip, mas malaki ang tyansang maisagawa niya ang lahat ng plano niya. Sapagkat maaaring ang prinsesa nga ang pinakamalakas sa lahat ng Nine Tailed Fox, mapa-puti man o mapa-itim.