THIRD POV
Lahat ng estudyante ay nasa gym na at hinihintay na lamang ang mga myembro ng Faculty upang simulan ang pagpupulong. Magkahalong kaba at excitement ang nararamdaman ng lahat ng estudyante. Hindi nila alam kung dapat ba silang matakot sa fox na gumagala sa kanilang academy. Hindi nila alam kung kaaway o kakampi ba ito.
Malakas ang Nine Tailed na ito sapagkat may kakayahan itong mag-anyong fox. At ang tanging alam lang nilang may kakayahan na ganito ay ang mga malalakas na Nine Tailed Fox katulad ng Hari at Reyna, mga myembro ng Konseho at mga Celestial Fox.
Kaya malaking palaisipan sa lahat ang nakita ni Mr. Gomez na isang fox na may gintong buntot.
"Good morning students!"
Napuno ng katahimikan ang buong gym nang dumating na ang lahat ng myembro ng Faculty. Lahat ay biglang kinabahan sa hindi nila malamang dahilan.
"Nandito tayo ngayon upang ipakita ng bawat isa ang kanilang Nine Tails, kasunod ng pahayag ni Mr. Gomez na nakakita siya ng isang fox na may gintong buntot," seryosong sabi pa ni Ginoong Duran.
Kumumpas si Ginoong Duran at nagkaroon ng isang malaking transparent na tube sa gitna ng stage. Kumunot ang noo ni Akira sapagkat ngayon lang siya nakakita no'n at hindi niya alam kung para saan ang tube na iyon.
"Umpisahan na natin. Mr. Gomez, ikaw ang mauuna."
Agad na tumayo si Mr. Gomez at pumasok siya sa malaking tube. Tumango naman si Ginoong Duran at maya-maya ay inilabas na ni Mr. Gomez ang kaniyang siyam na buntot. Kulay puti itong lahat.
"Bakit kailangan pang nasa loob ng tube na iyon?" hindi napigilang itanong ni Akira kay Inaki.
"Precaution iyon. Dahil kung sakali mang malaman kung sino ang nakita ni Gomez noong isang gabi, hindi agad ito makakalayo o makakatakas," paliwanag naman ni Inaki.
"Ibig bang sabihin ay isang threat sa lahi natin ang nakita ni Gomez?" kinakabahang tanong pa ni Akira.
Nagpakawala naman ng buntong hininga si Inaki bago sinagot ang katanungan ni Akira. "Well, kung hindi siya isang threat sa atin, umamin na sana siya agad kahapon. Or nagsabi na siya agad sa mga myembro ng Faculty. Hindi lang kasi basta kung sino ang nakita ni Gomez. Nakakapag-anyong fox ito kaya paniguradong malakas siya."
Hindi na nakapagsalita pa si Akira. Hindi niya akalain na ang simpleng pagtatago ng tunay niyang anyo ay matinding takot na pala ang naidudulot sa lahat ng kalahi niya. Hindi niya akalain na malaki ang epekto nito sa lahat.
"Paano pala kung ako iyon? Isa na ba akong threat?" wala sa sariling tanong pa ng prinsesa.
"Of course not. At kung sakali mang ikaw iyon, hindi mo naman itatago iyon sa lahat, lalo na sa mga magulang mo, hindi ba?" nakangiting sabi naman ni Inaki.
Napangiti na lang din si Akira habang kinukuyog na siya ng konsensya niya sa isipan niya. Sa pagkakataong ito ay mas gusto na lamang niyang maglaho, magtago at mawala sa paningin ng mga kalahi niya.
Isa-isa nang tinawag ang lahat ng estudyante hanggang sa si Akira na lamang ang natirang hindi pa tinatawag. Mabilis na tumayo si Ginoong Duran at pumunta sa gitna ng stage.
"Sa tingin ko ay namamalikmata ka lamang Mr. Gomez, wala ni isa dito ang may isang buntot na kulay ginto," seryosong sabi ni Ginoong Duran.
Tumayo naman si Mr. Gomez na may kakaibang ngiti sa kaniyang labi. "May nakakalimutan po yata kayo Ginoong Duran. How about the new student? Ms. Aki Mendez?"
Halata kay Ginoong Duran ang pagkagulat dahil sa sinabi ni Gomez. Maski si Kanji ay napatayo at nag-aalalang tumingin kay Akira. Ngunit hindi man lang nagpakita ng kahit na anong emosyon si Akira. Hindi niya inaasahan na mapapansin pa rin siya ni Gomez ngunit hindi siya nababahala. Pinaghandaan na niya ang araw na ito.
Hindi na hinayaan pa ni Akira na magsalita si Ginoong Duran. Tumayo siya na ikinagulat ni Inaki. Sinubukan pa siyang pigilan ng kaibigan ngunit hindi na lamang niya ito pinansin.
Habang bumababa sa bleachers ay nasa kaniya ang atensyon ng lahat. Isang nakakabinging katahimikan din ang namamayani sa buong lugar. Hanggang sa makaakyat siya ng stage at agad naman siyang nilapitan ni Kanji.
"You don't need to do this, Akira. Malulusutan na ito ng mga magulang mo," bulong pa ni Kanji kay Akira.
Isang ngiti lamang ang isinagot ni Akira kay Kanji. Naglakad siya palapit kay Ginoong Duran na alam niyang hindi na alam kung anong gagawin ng ginoo.
"I'm ready, Ginoong Duran," nakangiting sabi pa niya at saka siya pumasok sa tube.
Wala nang nagawa pa si Ginoong Duran kundi ang isara ang pinto ng tube. Huminga naman ng malalim si Akira at tiningnan niya ang lahat ng estudyanteng naghihintay sa kaniyang gagawin.
Ipinikit ni Akira ang kaniyang mga mata at huminga ng malalim. Pinakiramdaman niya ang kaniyang siyam na buntot at nang maramdaman niya ito ay nagmulat siya ng mga mata. Nagulat sina Kanji, Ginoong Duran at Inaki nang makita ang siyam na buntot ni Akira. Lingid sa kaalaman nila na lumabas na pala ang siyam na buntot ng prinsesa.
Samantala, napatango naman si Gomez dahil mali ang akala niya. Ang hinala niya ay ang bagong estudyante na si Aki ang nakita niya ng gabing iyon. Ngunit ang nakikita niya ngayon ay puti ang lahat ng buntot ng dalaga.
"Malinaw na siguro ang lahat Mr. Gomez?" tanong naman ni Ginoong Duran.
"Mukhang namalikmata nga lang po ako. Ipagpaumanhin niyo po ang abalang nagawa ko," seryosong sabi naman ni Gomez.
"It's okay. But don't worry, hindi pa rin namin iaalis na maaaring may Nine Tailed Fox nga ang may isang gintong buntot. Sa ngayon ay mag-focus na ulit kayo sa pag-aaral at kami na ang bahala sa usaping ito. You may go back to your respective classrooms."
Nagsitayuan na ang mga estudyante at isa-isa nang lumabas ng gym. Napabuntong hininga naman si Akira at mabilis na lumapit kay Inaki na malawak ang ngiti sa kaniya.
"Grabe ka Inaki, ginulat mo kami," bungad ni Inaki sa kaniya.
Ngumiti na lamang siya at hindi na nagsalita pa. Alam niyang maraming tanong ngayon si Inaki lalo na si Kanji ngunit hindi na muna niya iisipin ito. Sa ngayon ay kailangan niyang isipin kung paano siya makakapag-anyong fox tuwing kabilugan ng buwan. Natatakot siyang baka may makakita ulit sa kaniya at ayaw na niyang mangyari ang ganitong senaryo.