AKIRA’S POV
"Akira, gising na. Tanghali na.”
Naramdaman ko ang pagtapik ni Inaki sa balikat ko kaya kahit ang bigat bigat ng mga mata ko ay pinilit kong magmulat. Parang nagulat naman siya sa itsura ko kaya nagtalukbong agad ako ng kumot.
"Anong nangyari sa ‘yo? Ang haggard mo. Teka bumangon ka na dyan, male-late ka nyan,” seryosong sabi pa niya.
"Pwede bang h’wag munang pumasok?" tamad na tamad na tanong ko naman.
Antok na antok pa kasi ako dahil alas kwatro na nang madaling araw ata ako nakatulog. At isa lang ang dahilan kung bakit puyat ako. Mas lalo kasi akong hindi dinalaw ng antok dahil sa paghalik ni Shin sa noo ko. Ang daming pumapasok sa isipan ko at para na akong mababaliw. Nako-konsensya ako dahil pakiramdam ko ay pinagtataksilan ko si Miro ngunit kalakip noon ay ang hindi maipaliwanag na pakiramdam ko. Kung tutuusin ay dapat nagagalit na ako kay Shin ngunit mas nangingibabaw sa akin ang hiya, hiya na humarap sa kaniya at makipag-usap bilang trainor ko.
"Ano ka ba Akira, second day mo ngayon sa academy tapos a-absent ka na agad?" masungit na tanong pa sa akin ni Inaki.
Tinangggal ni Inaki ang kumot na tumatalukbong sa akin, then binuksan niya ang bintana ng kwarto namin kaya pumasok sa loob ang sikat ng araw. Kaya wala na akong nagawa kundi ang bumangon pero nakapikit pa rin.
"Halatang puyat na puyat ka, anong nangyari sa ‘yo? Sabay lang tayo natulog kagabi, hindi ba?" nagtatakang sabi pa niya.
"Kasalanan itong lahat ni Shin, naku humanda talaga siya sa akin kapag nakita ko siya,” naiinis kong sabi habang nakapikit pa rin. Nahihirapan kasi akong imulat ang mga mata ko dahil nasisilaw ako sa liwanag na nanggagaling sa bintana. At dahil nga sa antok na antok pa ako, pakiramdam ko ay sasakit ang ulo ko kapag iminulat ko ang mga mata ko.
"Good morning!"
Hihiga na sana ako kaso biglang may nagsalita at hindi ‘yon boses ni Inaki. Dahan dahan kong iminulat ang mga mata ko. At parang nawala lahat ng antok ko at nagising ng buong buo ang diwa ko.
"A-anong ginagawa mo dito?" gulat kong tanong.
"Sa tingin ko ay ako dapat ang nagtatanong nyan sa ‘yo, my Princess,” nakangiting sagot naman niya sa akin.
Inilibot ko ang paningin ko sa kwarto at hindi nga ito ang kwarto namin ni Inaki, ibig sabihin nandito ako sa kwarto niya? At paano na naman ako napunta sa kaniya?
Ngumisi sa akin si Shin habang ako ay napalunok na lang. Ano na naman ba Akira ang ginawa mo? Huwag mong sabihin na nag-teleport ka na naman? Sh*t! Nakakahiya na talaga.
Tumungo ako at itinago ang mukha ko dahil ramdam kong para na itong kamatis sa sobrang pula. Walang pagsasalitang bumaba ako sa kama niya at akmang lalabas na ng kwarto niya kaso hinawakan niya agad ang kamay ko.
"Saan ka pupunta?" nagtatakang tanong naman niya.
"Sa dorm ko, b-baka ma-late na ako sa k-klase ko. P-pasensya na sa abala,” nagkakandautal na sagot ko naman.
Pilit kong hinihigit ang kamay ko pero mas lalo namang humigpit ang hawak niya sa akin. Narinig ko pa siyang bumuntong hininga kaya agad akong napatingin sa kaniya.
“Nasa kwarto kita Akira. Ako ang trainor mo at isa akong myembro ng Faculty ng academy, habang ikaw ay bagong estudyante dito. Kapag nakita ka ng ibang myembro ng Faculty na lumabas ng kwarto ko, anong sa tingin mo ang iisipin nila?” seryosong sabi naman niya sa akin.
Natigilan ako sa sinabi niyang iyon. Oo nga pala, hindi lang siya basta kung sino sa mundong ito. Minsan talaga ay hindi ko na magawang makapag-isip pa ng tama dahil sa pagkataranta ko. Inilabas naman niya ang siyam niyang buntot and with just a blink of my eyes, nandito na ulit ako sa kwarto namin ni Inaki. Nakita ko naman si Inaki na nakangiti nang makita niya kaming dalawa ni Shin.
"Mas mabuti munang h’wag kang mag-isip ng kung ano ano. Hindi mo pa ma-kontrol ang pagte-teleport mo at delikado iyon para sa ‘yo. Pasalamat ka na lang na ako ang laging nasa isip mo kaya hindi na ako magugulat kung susulpot ka na lang sa harap ko,” seryosong sabi pa sa akin ni Shin.
Pakiramdam ko ay lahat ng dugo sa katawan ko ay umakyat sa mukha ko. At gustong gusto ko nang lamunin ako ng kama ko ngayon. Ngayon ko napapagtanto ang mga nangyayari. Kung nagkataon pala na naliligo si Shin at doon ako nakapag-teleport, oh no! Ayoko nang isipin pa ang mga maaaring mangyari o makita ko.
"Hep, awat na. Mamaya niyo na ituloy ang usapan niyong ‘yan dahil papasok pa kami ni Akira sa academy. Umuwi ka na Kanji, at salamat sa paghahatid sa kaniya,” sabi ni Inaki habang inilalayo sa akin si Shin. Tumingin naman ako sa kaniya, yung thank-you-so-much look. Nginitian naman niya ako habang si Shin ay ngumisi sa akin.
"Sige Inaki, bantayan mo ‘yan ha. Baka mamaya nasa office ko na siya, or worst, sa klase ko mamaya. And Princess, h’wag mo akong masyadong isipin ha."
Kumindat pa sa akin si Shin then bigla na lang siyang naglaho sa paningin namin. Napaupo na lang ako sa kama ko dahil nanlalambot ang tuhod ko. Tinakpan ko pa ng mga kamay ko ang mukha ko habang nakatungo.
"Nakakahiya,” halos paiyak kong sabi.
Narinig ko ang mahihinang tawa ni Inaki kaya napatingin ako sa kaniya. Hawak na niya ang towel ko at iniabot sa akin.
"Mamaya mo na isipin ‘yan dahil baka makapag-teleport ka na naman papunta sa kaniya. Maligo ka na dahil male-late na talaga tayo kapag hindi ka pa kumilos,” seryosong sabi naman ni Inaki.
Walang gana akong tumayo at pumasok sa banyo. Binilisan ko na lang ang pagligo at pagbibihis ko upang hindi kami ma-late ni Inaki. Wala pang bente minutos ay naglalakad na kami palabas ng dorm.
“Inaki, nagtataka lang ako. Hindi ba’t hindi natin basta-basta nagagamit ang mga kakayahan natin, so bakit ako nakakapag-teleport ng hindi ko alam?” hindi ko napigilang itanong kay Inaki.
Ngumiti naman sa akin si Inaki. “Dahil walang nakakaramdam ng lakas at kakayahan mo, hindi namin alam kung paano mo naitatago iyon sa lahat kahit nagagamit mo ang kakayahan mo,” sagot naman niya sa akin.
“Hindi ko maintindihan,” nalilito kong sabi.
“Ang barrier ng academy ang naglilimita sa paggamit ng kakayahan nating mga estudyante. Kapag naramdaman ng barrier ang lakas mo, saka ito kikilos at ili-limit niya ito. Since hindi niya nararamdaman ang lakas mo, hindi niya ito ili-limit,” paliwanag naman niya sa akin.
“So bakit hindi niya nararamdaman ang lakas ko?” tanong ko pa.
“Iyon ang hindi namin alam Akira. Kung hindi pa nga namin nakita ang pakikipaglaban mo sa mga Black Nine Tailed Fox noon, hindi pa namin malalaman na kalahi ka namin,” sagot naman niya.
Biglang sumagi sa isipan ko ang sinabi sa akin ng babae na nagpakita sa akin noong birthday ko kaya napahawak ako sa kwintas na suot ko. Malaki nga siguro ang posibilidad na ang kwintas na ito ang pumoprotekta sa akin upang hindi ako maramdaman ng mga kalahi ko. Hindi nila mararamdaman kung gaano ako kalakas kahit na hindi ko inilalabas ang siyam kong buntot.
“Ang inaalala ko lang ay baka malaman ng ibang estudyante na nagagamit ko kahit na anong oras ang kakayahan ko,” ang tanging sinabi ko na lang.
“Don’t worry. Kaya si Shin ang itinapat sa ‘yo dahil tuturuan ka niyang kontrolin ang mga kakayahan mo. Sabihin mo na lang sa kaniya na unahin ang pagte-teleport para naman hindi ka laging napupunta sa kaniya,” sabi naman niya.
Hindi na ako nagsalita pa. Maski si Inaki ay alam na laging si Shin ang nasa isip ko. Pahamak kasi itong pagte-teleport ko nang hindi ko namamalayan. At isama pa itong mga kakaibang ikinikilos ni Shin na siyang nagpapagulo sa isip ko. Nakakainis.
THIRD POV
Maganda ang naging gising ni Kanji sapagkat alam niyang siya ang nasa isip ni Akira dahil sa aksidenteng pagte-teleport nito. Mas gugustuhin na niya iyon kaysa sa kung saan saan makakarating si Akira. Kailangan na niyang turuan ang prinsesa na kontrolin ang pagte-teleport
"Good morning!" masayang bungad ni Kanji pagpasok niya sa academy. Bawat estudyanteng nakakasalubong niya ay binabati niya ng good morning. Ganoon kaganda ang epekto sa kaniya ni Akira. Isang araw pa lang silang magkasama ay nagagalak na siyang masyado.
"Nag-good morning si Mr. Shin!"
"Ngumiti siya sa akin!"
"Kailangan ko ng oxygen!!"
Ilan lang ‘yan sa mga naririnig ni Kanji sa bawat estudyanteng babae na nakakasalubong niya. Napapatawa na nga lang siya at hindi na iniinda ang mga ito.
"Good mood ka ata Mr. Shin,” nakangiting sabi sa kaniya ni Ginoong Duran ng makasalubong niya ito sa may hallway.
"Magandang umaga po,” nakangiti naman niyang bati dito. Lumapit sa kaniya si Ginoong Duran at bahagya siyang tinapik sa balikat nito.
"Kamusta ang training niyo kahapon?" seryosong tanong sa kaniya ni Ginoong Duran.
"Kung maaari po ay sa opisina ko na tayo mag-usap,” seryosong sabi naman niya.
Tumango naman sa kaniya ang ginoo kaya naglakad na sila papunta sa opisina ni Kanji. Pagkapasok nila ay agad na isinara ni Kanji ang pintuan upang walang makarinig sa pag-uusapan nila.
"Nakausap na po niya kahapon ang fox spirit niya."
"Mabuti kung ganun. Kailangan na niyang matutunan lahat lahat. Kailangan na niyang mapalabas ang kaniyang siyam na buntot sa lalong madaling panahon. At malaki ang tiwala sa ‘yo ng Konseho na maihahanda mo ang prinsesa sa pagiging Nine Tailed Fox Princess niya,” seryosong sabi sa kaniya ni Ginoong Duran.
Malaking responsibilidad ang iniatang nila kay Kanji. Kailangan niyang sanayin si Akira at mahirap para sa kaniya yun lalo na at may nararamdaman siya para dito. Ngunit kailangan niyang tuparin ang misyon niya para na rin sa ikagagaan ng buhay ng prinsesa. Ang hindi niya lang napapag-isipan pa ay kung paano lalabas ang nine tails ng prinsesa. Sa tingin niya ay iyon ang pinakamahirap na kailangan niyang magawa.
"Gagawin ko po ang lahat ng makakaya ko."
"Naniniwala kami sa ‘yo,” nakangiting sabi naman ni Ginoong Duran.
Lumabas na si Ginoong Duran at saktong nahagip ng paningin ni Kanji si Miro. Wala siyang pagdadalawang isip na nilapitan ang binata.
“Miro, pwede ka bang makausap?” seryosong tanong niya dito.
“Kung tungkol ito kay Akira--”
“Miro,” pagputol niya sa sasabihin ng binata. “Alam mong bago lang sa kaniya ang lahat ng ito. At alam mo kung gaano kalaking responsibilidad ang naghihintay sa kaniya. Huwag mo na sanang dagdagan ang mga problema o iniisip niya.”
“Kaya nga dinidistansya ko ang sarili ko sa kaniya,”mahinang sabi naman sa kaniya ni Miro.
“Pero sana kinausap mo man lang siya para hindi siya mag-isip ng kung ano-ano, hindi iyong basta mo na lang siya iiwasan. Wala akong balak na mangialam sa inyong dalawa pero kung patuloy mo siyang sasaktan, huwag kang magugulat kung bigla ko na lang siyang bawiin sa ‘yo.”
Tumalikod si Kanji at humakbang palayo kay Miro ngunit napatigil siya ng magsalita ito.
“Wala kang babawiin dahil hindi naman siya naging sa ‘yo,” maangas na sabi nito sa kaniya.
Bahagyang napangisi si Kanji. Humarap siya kay Miro at inilagay sa magkabilang bulsa ng pantalon ang mga kamay niya. “Sa tingin mo ba, kung hindi nawala ang alaala niya, ikaw pa rin ang mahal niya? At sa tingin mo ba, mahal ka talaga niya?”
Pagkasabi niya noon ay muli siyang humakbang palayo. Ayaw niyang sabihin ang mga salitang iyon kay Miro ngunit naiinis siya sa binata sapagkat sinaktan nito ang babaeng pinakamamahal niya. Nagparaya siya ngunit ito lamang ang nangyari. Kaya kung magkakaroon man siya ng isa pang pagkakataon, ipaglalaban na niya si Akira.