THIRD POV
Muling sumibol ang bilog na buwan pagsapit ng alas dose ng gabi. Agad na nagising si Akira at nakaramdam siya na gustong lumabas ng kaniyang siyam na buntot. Bumangon siya at sumilip kay Inaki na mahimbing ang pagkakatulog.
Napabuntong hininga na lamang siya at saka ipinikit ang mga mata. Sa muling pagmulat ng kaniyang mata ay nasa harap na siya ng falls. Agad niyang inilabas ang kaniyang siyam na buntot na ngayon ay kulay puti na lahat. Ngunit nakukulangan pa siya. Hindi niya maintindihan ang kaniyang nadarama.
“Prinsesa Akira.”
Agad siyang napalingon kay Manara. “Anong nangyayari sa akin, Manara?” kunot noong tanong niya.
“Kada pagbilog ng buwan, kinakailangan ng ginto mong buntot na ilabas ang kaniyang tunay na anyo. At magagawa niya lang ito kapag nag-anyo kang isang fox,” sagot naman sa kaniya ni Manara.
“Ibig sabihin ay hindi talaga kulay puti ang isa kong buntot?”
“Oo Prinsesa Akira. Ginawa ko lang itong kulay puti upang walang maging sagabal sa pagsasanay mo sa academy. Kaya sa ngayon, kailangan mong mag-anyong fox kada pagbilog ng buwan,” nakangiting sabi naman sa kaniya ni Manara.
Napatango naman si Akira. Walang pagdadalawang isip na nag-anyong fox siya. Nilingon niya ang kaniyang siyam na buntot at ang isa nito ay kulay ginto. Nagsimula na siyang tumakbo paikot sa academy at unti-unti niyang nararamdaman ang kaginhawaan sa kaniyang buong katawan.
Buong akala ni Akira ay tulog na ang lahat ng estudyante at mga myembro ng Faculty sapagkat hatinggabi na. Ngunit lingid sa kaalaman niya ay may isang Nine Tailed Fox ang nakamasid sa kaniya. Nakakaramdam ng takot ang Nine Tailed Fox na ito sapagkat kakaiba ang kulay ng isang buntot ng fox na nakikita niyang tumatakbo sa palibot ng academy.
Gustuhin man ng Nine Tailed Fox na ito na lapitan ang fox na nakikita niya, hindi niya magawa sapagkat natatakot siya dahil sa isa nitong buntot. Sa takot niya ay mabilis siyang umakyat sa kaniyang kwarto upang magtago.
AKIRA’S POV
Kahit madaling araw na akong nakabalik sa kwarto ay hindi ako nakakaramdam ng pagod o antok. Gumising ako na maganda ang pakiramdam ko at punong puno ng energy ang katawan ko. Mas nauna pa nga akong matapos magbihis kay Inaki na busy pa sa pag-aayos ng kaniyang buhok.
“Okay. I’m done,” narinig kong sabi ni Inaki kaya tumayo na ako at kinuha ang bag ko.
Humarap ako kay Inaki at halos mabitawan niya ang bag na hawak niya habang hindi makapaniwalang nakatingin sa akin.
“O my Akira!” wala sa sariling sambit niya.
Kumunot naman ang noo ko dahil sa weird na reaksyon niya. “M-may problema ba?”
“Yes. Bakit ang ganda-ganda mo ngayon? Wala ka na ngang make-up pero ang ganda mo pa rin,” seryosong sabi naman niya.
“Ano?” hindi makapaniwalang tanong ko.
Hinigit ako ni Inaki palapit sa salamin. “Tingnan mo, ang ganda ganda mo ngayon,” sabi pa niya.
Marahan akong umiling at saka humarap sa kaniya. “Alam mo Inaki, kung may pabor ka na hihingin sa akin, hindi mo na kailangan pang bolahin ako. Tara na nga dahil baka ma-late pa tayo.”
Hindi ko na hinayaan pang makapagsalita si Inaki at hinigit ko na siya palabas ng kwarto namin. At simula sa may dorm hanggang sa may hallway na papunta sa classroom namin ay pinagtitinginan kami ng mga ibang estudyante. Nagtataka man ay hindi ko na lang sila pinansin at nagpatuloy na lang sa paglalakad.
“Girl, nakukuha mo ang atensyon ng lahat,” bulong pa sa akin ni Inaki.
“Baka naman ikaw Inaki,” sabi ko naman.
Natigil kami sa paglalakad nang biglang tumigil sa harapan namin si Shin. Seryoso ang mukha niya at deretsong nakatingin kay Inaki. “Pinapapunta ang lahat ng estudyante sa gymnasium.”
“Bakit daw?” tanong naman ni Inaki.
Hindi sumagot si Shin, bagkus ay tumingin siya sa akin. Bahagya siyang natigilan habang nakatingin lang sa akin habang ako naman ay biglang kinabahan.
“Mr. Kanji,” pagtawag naman ni Inaki.
Parang bigla namang natauhan si Shin at namumula siyang tumingin kay Inaki. “Hindi ko alam. Pumunta na lamang kayo doon.”
Muling sumulyap sa akin si Shin bago siya umalis sa harapan namin. Kumunot naman ang noo ko. May problema ba sa akin si Shin? Ni hindi man lang niya ako pinansin o kinausap.
“Tara na, Akira.”
Napatango na lamang ako kay Inaki at sabay na kaming naglakad papunta sa gym. Halos lahat ng estudyante ay nandoon na. Napupuno ng bulungan ang buong gym habang ako ay mas lalong kinakabahan. Hindi ko alam kung bakit ngunit nakakaramdam ako ng bahagyang takot.
“Ano kayang meron? Bibihira sila magpatawag ng meeting sa mga estudyante lalo na kapag ganitong panahon,” sabi sa akin ni Inaki nang makaupo kami sa may bleachers.
“Pero base na rin sa reaksyon ni Shin kanina, mukhang seryoso ang sasabihin nila,” sabi ko naman.
“Good morning students!”
Naputol ang pag-uusap namin ni Inaki nang magsalita si Ginoong Duran. Nasa stage ang lahat ng member ng Faculty at kasama na doon si Shin. Hindi ko alam kung sa akin ba siya nakatingin ngunit sa direksyon namin ni Inaki siya nakalingon.
“I’m sure, gandang ganda rin sa ‘yo si Kanji,” bulong pa sa akin ni Inaki.
Hindi ko na lang pinansin si Inaki. Kanina pa kasi niya ako sinasabihan na ang ganda ko raw ngayon. Hindi ko alam kung pinagti-trip-an lang ba niya ako o may pabor siyang hihingin sa akin mamaya.
“Ipagpaumanhin niyo ang biglaang pagtawag namin sa inyo. Nais ko lang pakinggan ang isa sa inyo at nais kong marinig niyo rin ang sasabihin niya. Mr. Gomez, you can now speak.”
Isang estudyante ang tumayo mula sa bleachers at naglakad paakyat sa stage. Nang makaakyat siya ay iniabot sa kaniya ni Ginoong Duran ang mikropono. Halata namang natatakot ang estudyanteng ito dahil namumutla pa siya at nanginginig ang mga kamay.
“G-good morning po. G-gusto ko lang sanang ipaalam sa inyo ang nakita ko kagabi,” nauutal na panimula ng estudyante.
“Anong nakita mo Mr. Gomez?” tanong pa ni Ginoong Duran sa kaniya.
“Isang Nine Tailed na naka-anyong fox. Ngunit kakaiba ang nakita ko sapagkat ang isang buntot ng fox na ito ay kulay ginto.”
Halos manigas ako sa kinauupuan ko nang dahil sa narinig ko. May isang estudyante ang nakakita sa akin at hindi ko man lang iyon naramdaman kagabi. Anong gagawin ko ngayon?
“Sigurado ka ba sa nakita mo?” paninigurado pa ni Ginoong Duran.
“Sigurado po ako sapagkat nakatatlong ikot pa siya sa buong academy. Mas lalong kumikinang pa ang gintong buntot niya kapag natatamaan ng sinag ng bilog na buwan kagabi,” sagot naman ng estudyante.
Nanunuyo na ang lalamunan ko at namumuo na rin ang pawis sa noo ko. Sobrang bilis ng t***k ng puso ko at kung ano ano na ang pumasok sa isipan ko. Natatakot akong malaman ng lahat na ako ang fox na tinutukoy ng estudyanteng iyon.
Tumayo ang mga myembro ng Faculty at mga ilang Celestial Fox. Nakahilera sila sa may stage habang ang estudyante ay bumalik na sa kaniyang pwesto kanina.
“A-anong nangyayari?” hindi ko napigilang itanong kay Inaki.
“Since sila lang ang may kakayahang mag-anyong fox, ipapakita nila ang anyo nila sa lahat upang malaman kung sinong fox ang nakita ni Gomez kagabi,” seryosong sagot naman sa akin ni Inaki.
Katulad ng sinabi ni Inaki, isa-isang nag-anyong fox ang lahat ng nasa stage, at kasama na doon si Shin. Hindi ko mapigilang humanga na makitang naka-anyong fox ang mga malalakas na Nine Tailed dito sa academy. At lahat sila ay puro puti ang mga buntot.
“Minsan talaga, nakakainggit si Kanji dahil nakakapag-anyong fox siya,” wala sa sariling sabi ni Inaki.
Tumingin naman ako sa anyong fox ni Shin at hindi ko alam kung sa amin ba siya nakatingin. Napalunok ako nang mapatitig sa mga mata niya.
“At alam kong magagawa mo rin ‘yan Akira, kailangan mo lang mapalabas ang siyam mong buntot,” dugtong na sabi pa ni Inaki.
Isa-isa na muling bumalik sa dating anyo ang mga malalakas na Nine Tailed Fox. Nagsibalikan na rin sila sa mga pwesto nila habang si Ginoong Duran ay naiwang nakatayo sa gitna ng stage.
“As you can see Mr. Gomez, wala sa amin ang sinasabi mong fox. Kaya uulitin ko, sigurado ka ba sa nakita mo kagabi?”
Muling tumayo si Mr. Gomez. “Hindi po ako pwedeng magkamali sa nakita ko Ginoong Duran,” matigas na sabi pa niya.
Naikuyom ko ang mga kamao ko. Sa sobrang pagka-kampante ko kagabi ay hindi ko na inisip na maaaring may makakita pa rin sa akin kagabi. Dapat ay mas dobleng pag-iingat pa ang ginawa ko.
“Mayroon ba sa lugar na ito ang may kulay gintong buntot? Kung mayroon man, binibigyan kita ng oras upang ilantad mo ang sarili mo,” seryosong sabi ni Ginoong Duran sa aming lahat.
Isang malaking katahimikan ang bumalot sa buong gym. Lahat ay nakikiramdam kung may tatayo at aamin na siya ang fox na nakita ni Gomez kagabi. Ngunit lumipas ang ilang minuto na tahimik lamang ang lahat ng estudyante.
“Upang sa ikapapanatag ng lahat, magkakaroon muli ng meeting bukas ng umaga. At ipapakita ng bawat estudyante ang kanilang nine tails sa stage na ito. Be ready students. You can now go back to your respective rooms,” seryosong sabi ni Ginoong Duran.
Ito na ba ang sinasabi ni Manara na kakailanganin kong ipakita sa lahat ang siyam kong buntot? Kaya ba itinago niya pansamantala ang gintong buntot ko dahil alam niyang mangyayari ito?
“Akira, anong gagawin natin?” kinakabahang tanong sa akin ni Inaki.
“Hindi ko rin alam,” sagot ko naman.
Hindi muna kami tumayo ni Inaki at pinauna muna naming makalabas ang lahat. Nang kakaunti na ang estudyante sa loob ng gym ay nakita kong palapit sa amin si Shin na may seryosong mukha.
“Kanji, alam ni Ginoong Duran na hindi pa nailalabas ni Akira ang siyam niyang buntot,” puno ng pag-aalalang sabi ni Inaki nang makalapit sa amin si Shin.
Bigla akong nakaramdam ng konsensya. Nag-aalala sila para sa akin at hindi nila alam na nailalabas ko na ang siyam kong buntot, at ako ang fox na nakita ni Gomez kagabi.
“Iyon din ang concern ko pero sinabi sa akin ni Ginoong Duran na kailangan nang lumabas ng siyam na buntot ni Ms. Akira. Dahil kasama siya sa magpapakita ng nine tails bukas,” seryosong sabi naman ni Shin.
“Paano?” problemadong tanong naman ni Inaki.
Tumingin sa akin si Shin. “Maghanda ka Akira sapagkat kailangan nating mapalabas ang siyam mong buntot mamaya sa training,” seryosong sabi niya sa akin.
Hindi ako makapagsalita dahil ayoko nang dagdagan pa ang kasingungalingan ko sa kanila. Tumango na lamang ako bilang pagsang-ayon sa sinabi ni Shin. Tumango rin sa akin si Shin at saka siya umalis sa harapan namin. Agad naman akong hinila ni Inaki palabas sa gym.
“Akira, alam kong nakaka-pressure ito pero kailangan mo na talagang mapalabas ang siyam mong buntot dahil kung hindi, dudumugin ka nila ng tanong bukas,” seryosong sabi sa akin ni Inaki habang naglalakad kami papunta sa room namin.
“Hindi ko alam Inaki. Naguguluhan ako,” ang tanging nasabi ko na lamang.
“Don’t worry Akira. Basta tandaan mo na isa kang prinsesa kaya makakaya mo ‘yan. Mapapalabas mo mamaya ang nine tails mo,” pag-eencourage naman sa akin ni Inaki.
Napabuntong hininga na lamang ako. I’m sorry Inaki. I’m sorry kung nagsisinungaling ako.