AKIRA'S POV
Buhay na buhay ang syudad ngayon dahil araw ng Sabado. Ang daming mga magulang ang ipinapasyal ang kanilang mga anak at mahahalata sa mga ngiti ng mga bata ang labis na sayang nadarama nila.
Mayroon ding mga magkasintahan ang masayang namamasyal sa syudad. Napakaraming Nine Tailed Fox ngayon at nakakatuwa silang pagmasdan dahil para silang mga normal na tao na ine-enjoy ang normal na araw.
"So saan tayo magsisimula?" nakangiting tanong sa akin ni Inaki.
Inilibot ko ang paningin ko sa paligid at napangiti ako nang mapansin ko ang isang restaurant. Sinundan naman ni Inaki ng tingin ang tingin ko.
"Sabi ko nga, kailangan muna nating mag-almusal. Let's go."
Marahan akong hinila ni Inaki palapit sa restaurant. Agad kaming pumila sa may counter at habang naghihintay ay pumili na kami ng o-order-in. Nasa taas naman kasi ang menu kaya kita pa rin namin kahit medyo malayo pa kami sa counter.
Mabilis naman ang service sa restaurant na ito kaya mabilis kaming nakabili ng pagkain. Kasalukuyan kaming naghahanap ng bakanteng table habang hawak namin ang mga pagkain.
"Ayun, doon tayo kay Kanji," tuwang tuwa na sabi ni Inaki.
Tiningnan ko ang itinuro ni Inaki at nakita ko nga si Shin na nakaupo malapit sa may bintana ng restaurant. Ngunit hindi siya nag-iisa. May kasama siyang isang babae at hindi ko naiwasan na pagmasdan ito. Maganda ang babae, maikli ang kaniyang buhok at bagay na bagay sa kaniya ang kulay pulang dress.
"Mukhang nagde-date sila. Sa iba na lang tayo," alanganin kong sabi kay Inaki.
Bukod kasi sa bigla akong nanliit sa itsura ko dahil sa babaeng kasama ni Shin, nakakahiya rin kung makikiupo kami sa kanila. Baka maging abala pa kami sa date ni Shin.
"Ano ka ba? Wala ngang bakanteng table 'no. At saka mabait 'yang si Celine. Tara na," pamimilit pa sa akin ni Inaki.
"Kilala mo ang kasama ni Shin?" hindi ko napigilang itanong sa kaniya.
"Oo naman. Trust me. Mabait siya."
Wala na akong nagawa kundi ang pumayag sa gusto ni Inaki. Nauna na siyang maglakad palapit kina Shin habang ako ay tahimik na nakasunod lang. Kahit gusto ko pang magtanong tungkol sa Celine na iyon ay mas pinili ko na lang manahimik.
"Hi guys!" masayang bati ni Inaki sa dalawa.
"Hi Inaki! Long time no see. Kumusta ka?" nakangiting sabi naman no'ng Celine. At aaminin kong nakakatulala ang ganda niya lalo na kapag nakangiti siya.
"I'm good. Actually, pwede bang makiupo sa inyo? Wala na kasi kaming maupuan ni Aki e," sabi naman ni Inaki.
"Of course. Maupo na kayo."
Agad na naupo si Inaki sa tabi ni Celine kaya wala na akong nagawa kundi ang umupo sa tabi ni Shin. Para na tuloy isang tambol itong puso ko at halos mabingi na ako sa lakas ng t***k.
"So ipakilala mo naman ako sa magandang dalaga na kasama mo," sabi pa ni Celine kaya agad akong napaayos ng upo.
"Well, siya si Aki Mendez. And Aki, siya naman si Celine Montero," pagpapakilala naman ni Inaki.
Agad na inilahad ni Celine ang kamay sa akin at nakangiting tumingin sa mga mata ko. " Hi Aki! I'm Celine."
Nahihiyang tinanggap ko naman ang kamay niya. "Nice meeting you Celine," nakangiting sabi ko sa kaniya.
Isang ngiti pa ang ibinigay niya sa akin bago niya ilipat ang tingin kay Shin.
"So Kanji, siya pala ang trainee mo sa academy?" tanong pa ni Celine kay Shin.
Tumikhim naman si Shin at saglit na sumulyap sa akin. "Yes, siya nga."
"Aki, kumusta naman itong lalaking ito bilang trainor mo? Binibigyan ka ba niya ng sakit ng ulo?" tanong pa sa akin ni Celine.
"Celine," pagsaway naman ni Shin.
Bahagya naman akong napangiti. "Well, I think ako ang maraming binibigay na sakit ng ulo sa kaniya," makahulugan kong sabi.
Bahagya namang natigilan si Celine at hindi siya agad nakapagsalita. Actually, isang katahimikan ang namayani sa table na animo'y may dumaang anghel sa gilid namin.
"Ahm Celine, huwag mo na munang tanungin itong si Aki. I mean, it's Saturday. It should be stress-free day," pagbasag ni Inaki sa katahimikan.
"O yes, my bad. I'm sorry Aki," sabi naman ni Celine.
Napatango na lang ako dahil hindi ko na alam kung ano pang sasabihin. Sinimulan ko na lang kumain habang sina Inaki at Celine ay masayang nagkukwentuhan. Si Shin ay tahimik lang din at sa palagay ko ay hindi na maganda ang mood niya. Marahil ay naiinis siya sa amin ni Inaki dahil naging malaking abala kami sa araw nila ni Celine.
Hindi ko rin naman akalain na sobrang close pala nitong si Inaki kay Celine. Daig pa nila ang magkapatid na matagal na hindi nagkita. Hindi sila maubusan ng mga kwento at panay din ang tawanan nila. Para ngang biglang nakalimutan ni Inaki na ako ang kasama niya, at hindi itong si Celine.
"So saan ang punta niyo niyan?" narinig kong tanong pa ni Celine kay Inaki.
Tapos na kaming kumain at nagpapahinga na lang habang masayang nag-uusap pa rin sina Inaki at Celine.
"Maggagala lang kami ni Aki, kayo ba? Saan ang punta niyo ni Kanji?" balik tanong naman ni Inaki.
"May pupuntahan kami. Nag-almusal lang muna kami kasi kagabi pa ako hindi kumakain," nakangiting sabi naman ni Celine.
"Mauna na kami sa inyo. Celine, let's go," seryosong sabi naman ni Shin.
"Magkita na lang ulit tayo Inaki ha. Bye Aki," sabi ni Celine.
"Mag-iingat kayo," sabi naman ni Inaki.
Umalis na sina Shin at Celine. Habang naglalakad sila ay nakasunod lang ang tingin ko sa kanila. Nakita ko pang ginulo ni Celine ang buhok ni Shin. Napaiwas na lang ako ng tingin lalo na nang makitang nakangiti na si Shin. Buong oras kasi na kumakain kami, ni hindi man lang ako kinausap ni Shin. Ni hindi rin siya ngumiti. Para lang akong isang hangin sa kaniya, hindi niya nakikita
"Pasensya ka na Akira ha. Ang tagal kasi naming hindi nagkita ni Celine," biglang sabi sa akin ni Inaki nang lumabas na rin kami sa restaurant.
"Matagal mo nang kilala si Celine?" curious na tanong ko pa.
"Oo, kababata ko rin siya katulad ni Kanji," nakangiting sagot naman sa akin ni Inaki.
Ibig sabihin ay magkakababata pala silang apat. Medyo napaisip naman ako doon. Lahat ba ng kababata nitong si Shin ay jojowain niya? Napailing na lang ako. Ano bang pakialam ko sa lovelife ng lalaking iyon? Ni hindi nga niya ako itinuturing na kaibigan.
"So saan na tayo? Teka, magtingin tayo ng mga damit. Tara na," excited na sabi sa akin ni Inaki.
Hinila niya ako sa isang department store. Masayang nagtingin tingin ng mga damit si Inaki habang ako naman ay nakasunod lang sa kaniya. Hindi kasi ako sanay sa mga ganito kaya pinapanood ko na lamang itong si Inaki.
"Eto, bagay sa 'yo ito Akira," tuwang tuwang sabi ni Inaki habang itinatapat sa katawan ko ang hawak niya.
"Seryoso ka Inaki? Two-piece?" hindi makapaniwalang tanong ko sa kaniya.
"Yes, why not? Bukas na bukas ay pupunta tayo sa beach kaya kailangan mo ito," sagot naman niya sa akin.
"Beach? Meron ba no'n dito?" tanong ko naman.
"Oo naman 'no. Bilhin na natin ito."
Hindi na ako hinayaang magsalita pa ni Inaki dahil mabilis siyang lumapit sa cashier para bayaran ang mga pinamili niya. Wala na akong nagawa kundi ang mapailing na lang.
Habang nagbabayad si Inaki ay biglang naging alerto ang pandinig ko.
"Naniniwala pa rin ako sa nakita ko at kailangan nating makita ang fox na may gintong buntot."
Si Gomez? Bigla akong kinabahan dahil sa narinig. Wala sa sariling sinundan ko ang boses ni Gomez. Marami siyang kausap at ipinagpipilitan niyang totoo ang nakita niya.
Hanggang sa dinala ako ng mga paa ko sa likod ng department store. Wala nang mga Nine Tailed Fox dito sapagkat pinakalikod na ito ng syudad. Nakita ko ang apat na lalaki at isang babae. Nakaluhod ang babae habang pinapalibutan siya ng apat na lalaki.
"Maniwala ka Gomez, hindi ako ang nakita mong iyon. Hindi ba't ipinakita ko rin ang siyam kong buntot sa lahat?" umiiyak na sabi ng babae.
"Ako ang magde-decide niyan," seryosong sabi naman ni Gomez habang may hawak siyang isang kahoy na may apoy sa dulo nito. Ilalapit na sana niya ang hawak niya sa babae.
"Huwag!" malakas kong sigaw.
Agad na natigilan si Gomez at napatingin sa akin pati na rin ang mga kasama niya. Napangisi pa siya ng makilala kung sino ako.
"Ms. Aki Mendez, ang bagong estudyante ng academy."
Humakbang palapit sa akin ang apat na lalaki. Sinamantala ko na ang pagkakataon na iyon upang kausapin ang babae sa isipan ko.
"Umalis ka na. Ako na ang bahala dito."
Halatang nagulat naman ang babae at napatingin sa akin. Marahan akong tumango sa kaniya kaya mabilis siyang tumango at tumakbo paalis. Marunong na rin kasi akong kumausap gamit ang isipan ko dahil tinuruan na rin ako ni Manara.
"Hindi ko akalain na may igaganda ka pala Ms. Aki," sabi pa sa akin ni Gomez kaya napatingin ulit ako sa kaniya.
Napatingin ako sa kahoy na hawak niya. Pinapaikot ikot niya ito sa ere at hindi ko maiwasan ang kabahan. Nasabi na sa akin ni Manara na bukod sa ulan, isa rin sa kahinaan namin ang apoy. Ang sugat daw kasi na natatamo namin galing sa apoy ay matagal gumaling.
Pinalibutan nina Gomez kasama ang tatlong lalaki na kasama niya. Hindi naman ako natatakot sa kanila dahil kayang kaya ko silang apat ngunit kapag nilabanan ko sila, maaagaw ko ang atensyon ng lahat. Magtataka sila na malakas na ako kahit bago pa lang ako sa academy.
Naputol ang pag-iisip ko nang bigla akong hawakan ng dalawang lalaking kasama niya. Mahigpit ang pagkakahawak nila sa magkabilang braso ko at ginagamitan din nila ako ng lakas ng isang Nine Tailed Fox.
"Ano bang gusto mo? Bakit pinupuntirya mo ang mga babae?" hindi ko napigilang itanong kay Gomez.
"Simple lang. Dahil alam kong babae ang nakita kong fox," nakangiting sagot niya sa akin.
Pagak akong napatawa. "At naniniwala ka talaga sa nakita mo? Napatunayan na ng Faculty na walang fox ang may gintong buntot," matapang kong sabi.
Nag-iba ang ekspresyon ni Gomez, mula sa pagiging mapang-asar nito ay napalitan ng inis. Mahigpit niyang hinawakan ang panga ko.
"Katulad ng sinabi ko kanina, ako ang magdedesisyon kung totoo ang nakita ko. At mas maganda nga siguro kung sa 'yo ako magsisimula, hindi ba? Lalo na at halatang pinoprotektahan ka ng Faculty," nakangising sabi naman niya.
Pagkasabi niya no'n ay mabilis niyang idinikit ang apoy sa kanang braso ko. Napahiyaw ako sa sakit na naramdaman ko lalo na ng diinan pa niya ito. Hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag ang sakit na nararamdaman ko ngayon. Gustong gusto ko nang kumawala sa kanila ngunit hindi ko magamit ang lakas ko.
"Anong espesyal sa 'yo Ms. Aki Mendez? Bakit nakapabor sa 'yo ang academy?" narinig ko pang tanong ni Gomez bago ilapit ulit sa akin ang apoy, but this time ay sa kaliwang braso ko naman.
Muli akong napahiyaw sa sakit. Hindi ko alam kung may nakakarinig ba sa akin ngayon sapagkat puno ng ingay ang buong syudad. Hindi ko rin alam kung napansin na ba ni Inaki na nakalayo na ako sa kaniya.
Inilayo na ulit ni Gomez ang apoy ngunit ramdam ko ang panghahapdi ng magkabilang braso ko. Binitawan ako ng dalawang lalaki kaya dere-deretso akong napaluhod sa lupa. Mariin akong napapikit kasabay ng pagtulo ng mga luha ko.
Ako ang pinakamalakas sa lahat ngunit hindi ko naman pwedeng basta ipakita sa lahat ito. At kinakailangan ko pang humingin ng tulong upang makaalis sa gulong pinasok ko.
"Inaki, Shin, please help me."